INTRODUKSYON
Nakatakda ko nang iwan ang pagku-komiks. Napag-isip-isip ko na kailangan ko nang harapin ang bagong hamon ng kasalukuyang panahon. Sa tanggapin man natin at sa hindi, pumapasok na tayo sa isang daigdig na kung saan ang computer ay magpapaikot na ng ating buhay. Kailangan nating sumabay sa panahon.
Sa loob ng ilang buwan na araw-araw akong nakatutok sa harap ng computer, pakikipag-usap at pakikipag-chat sa mga kliyente at kaibigan sa ibang bansa, nalaman ko na malaking bahagi na ng buhay ng tao ang modernong kaalamang ito. Sa pakiramdam ko nga, samantalang pinagtatalunan pa natin dito ang computer kung masama o mabuti ang epekto sa atin, sa kabilang panig ng daigdig—lalo na ang mga first world countries—ito na ang maituturing na isa sa pinakamakapangyarihan kokontrol sa tao. Kaya nagpapakadalubhasa sila dito. Sa kanila, ang kasabihang ‘kapag hindi ka sumabay sa pagbabagong ito ay tiyak na maiiwanan ka sa kangkungan—magugutom ka, mapipigil ang iyong kaalaman, at mamamatay ka na lang na nagtataka sa maraming bagay na hatid ng bagong sibilisasyon’.
Wala akong background sa computer. Natuto lang akong gumamit ng Adobe Photoshop at Pagemaker nang lakas-loob akong mag-apply noon sa Kislap Publication bilang layout artist ng songhits at kolorista ng ilang cover ng komiks. Isang araw kong pinag-aralan ang dalawang softwares na ito. Umabot ako ng dalawang taon na ang tanging alam ko lang kalikutin ay ang mga basics nito.
Natutunan ko rin ang pag-iinternet nang magtayo ng computer shop ang isa kong kaklase sa college. Pakikipag-chat ang una kong nalaman. Huli ko nang natutunan ang pagsu-surf ng mga websites.
Tatlong taon pa bago ko nakuha ang unang kong trabaho sa internet bilang isang comicbook artist sa isang independent publisher sa US. Hindi ako nagpabayad noon. Sinabi ko lang na gusto kong mapablisan sa ibang bansa at magkaroon ng complimentary copies. Mabait ang Kanong unang naging kliyente ko. Pinadalhan niya ako ng compli, 250 piraso, samantalang 10 piraso lang ang hinihingi ko.
Pagkatapos nu’n, nagkainteres pa ako sa ilang posibleng magawa ng computer sa aking buhay. Lalo na ang internet. Sumali ako sa kung anu-anong ‘groups’, nanggulo sa mga ‘forums’, nag-download ng kung anu-anong impormasyon sa mga topic na interesting para sa akin. Halos libutin ko ang lahat ng website ng mga independent comicbook publishers sa iba’t ibang bansa. May naging kliyente akong British, Indian, Cuban at Argentinian. Lumakas ang loob kong iwan na ang paggawa ng komiks dito sa Pilipinas. Iniwan ko na rin ang pagsusulat sa mga dyaryo, songhits, magasin, pocketbooks at iba pa. Mas financially rewarding ang maging freelancer sa internet.
Nag-email sa akin ang isang Pilipino minsan. Inalok niya ako kung gusto kong gumawa ng komiks na ilalagay sa introduction ng isang computer game. Hindi ako masyadong interesado dahil mas gusto kong makipag-deal sa mga foreigners, although interesting ang offer niya sa akin. Pero laking tuwa ko nang mabasa ko ang kontrata at kung magkano ang puwede niyang ibayad sa akin. Halos kapantay ng kinikita ko sa pagku-komiks sa abroad. Pinuntahan ko ang kanyang opisina sa Stock Exchange Building sa Makati. Nagbago siya ng plano, hindi na niya itutuloy ang paglalagay ng komiks sa intro ng laro, pero kukunin niya ako bilang character at environment designer. Tinanggap ko rin ang alok dahil mas madali kesa sa pagku-komiks. Iisip lang ako ng bagong konsepto, idu-drawing ko lang ng lapis.
Makaraan ang ilang linggo, inalok niya akong maging fulltime. Nagdadalawang-isip pa ako. Sinabi niya na tuturuan ako ng mga 3d softwares at digital arts ng libre kasabay ng pagsuweldo at pagpasok ko sa kanya. Hindi ko tinanggihan. Ang nasa isip ko noon ay ito na siguro ang unang hagdan ko para makapasok sa Pixar o kaya ay sa Dreamworks.
Habang tumatagal, nagiging interesting ang ginagawa ko. Hindi lang ako natali sa pagiging 3d artist, tinuruan din ako ng AI (artificial intelligence). Sa madaling salita, all-around ang naging labas ko. Hindi lang ako naging direktor sa pelikula, naging parang editor pa ako sa komiks. Nalaman ko na ang papasibol na industriya ng computer games ay magkakaroon ng malaking potensyal na talunin, kundi man tapatan, ang malaking mundo ng Hollywood films. Masyado nang uhaw ang mga tao ngayon sa reality shows. Naghahanap na ang karamihan ng interactions sa kung anu-ano. At isa ang computer game sa magbibigay nu’n. Napanood ko kahapon sa TV, naglabas na ng computer game ang Japan kung saan hindi ka na gagamit ng joystick at keyboard, lahat ng control ay ikakabit na sa iba’t ibang parte ng katawan mo. Kung gusto mong makipagsuntukan sa Boss Alien na nasa computer game, hindi ka na gagamit ng joystick, susuntok ka na mismo sa hangin. Para kang boxer na nagsa-shadow boxing.
Nabasa ko rin sa isang forum na nag-aalok ng trabaho sa mga game developer ang isang malaking computer game company dahil magbubukas sila ng studio sa China. Sagot nila ang lahat—malaki ang sweldo, libre ang titirhan, sagot nila ang visa, libre ang pamasahe sa eroplano. Ngunit hindi pa man tapos ang kasalukuyan kong project na War of the Worlds:The New York Invasion, naka-line up na agad sa kontrata ko ang dalawang pang games na ito (Battle for the Pacific at Fleet Strike Force).
At sa hindi ko pa inaasahang pagkakataon, inalok pa ako ng isang Pilipino at kanyang kasosyong Vietnamese na maging part-time character designer sa isang MMORPG game tulad ng Ragnarok. Hindi pa ako nakakapag-desisyon dahil ayaw kong maapektuhan ang performance ko sa kasalukuyan kong ginagawa. Although alam naman nila na hawak ako ng isang kumpanya. Hanggang ngayon ay pinag-iisipan ko pa rin ang sagot dahil darating sila dito sa Pilipinas kalagitnaan ng September.
Sa nakikita ko, lima hanggang walong taon, wala akong ibang gagawin kundi gumawa ng computer game.
Nakatakda ko na talagang iwan ang komiks. Pero kapag nababasa ko ang mga posts sa www.komikero.com at www.pinoykomixbiz.blogspot.com , hindi ko maiwasang magkainteres ulit sa medium na ito. Naisip ko, bakit ko ba iiwan ang komiks? Ilang taon din akong binuhay nito, binigyan ng pag-asa, at naging susi ko para maabot ang mga pinaggagawa ko ngayong trabaho sa computer. Kung hindi ko natutunan ang pagku-komiks, baka nasa Romblon lang ako at nagtatanim ng kamote sa bakuran namin.
Noong una ko pa lang matutunan ang pagba-blog ay nag-iisip na ako kung ano ang puwede kong ilagay sa aking on-line diary. Ayoko kasing maging masyadong personal dahil baka maging emotional at madrama. Ayoko rin naman na mag-post lang ng mga artworks at published works dahil baka maging ego tripping ko lang. Kaya gumawa ako ng blog (Angas ng Ungas: mga salitang walang sinasabi) na hindi ko alam kung ano talaga ang konsepto. Gusto ko lang magsulat ng mga nakakaulol na bagay para lang maulol ang mga babasa.
Ngunit dalawang linggo ko nang iniisip, bakit ba hindi ko naman i-share lahat ng natutunan ko sa komiks? Kung hindi man ako gumawa na ulit ng komiks, at least man lang, magkuwento ako ng mga karanasan, pananaw at pilosopiya ko sa medium na ito para doon sa mga interesado sa ganitong topic.
Saka ko ulit naalala ang sinabi sa akin noon ng aking teacher na si Hal Santiago, "Randy, tinuruan ka namin (kasama ang anak na si Joseph Christian) ng libre, sana ituro mo rin ito sa iba nang hindi mo muna iniisip ang bayad." Totoo, nang buksan ng mag-ama ang Art Nouveau Komiks School noon sa Pasay, ako lang ang kaisa-isang nag-enroll na hindi nagbayad ng tuition. Nagmakaawa pa ang nanay ko kay Christian na turuan ako pero wala kaming pambayad, gawin na lang akong utusan o kaya ay ‘boy’ para sulit man lang sila sa pagtuturo sa akin.
Kinuha ako noon ni Christian bilang tagabura ng dumi ng mga artworks niya. Kapalit nu’n ay pinatira niya ako ng ilang buwan sa kanilang bahay, binibilhan niya ako ng bagong damit at isinasama ng madalas sa GASI tuwing contributors day. Napakabata ko pa noon. Halos katatapos ko lang ng first year high school.
Binawi ko na sa publisher ang dalawa kong libro na naka-line up na sana sa printing (for three years na paghihintay)—ang Pambalot ng Tinapa at Malikhaing Komiks. Una, hindi na ako interesadong makita ang mga libro ko na mai-print. Kung gugustuhin ko lang ngayon, kaya ko nang gastusan ng sarili ang printing ng dalawa kong libro. Pero hindi ko lang maasikaso ang matrabahong pasikut-sikot ng distribution at marketing nito. Ngayon pang tambak na rin ako ng ginagawa.
Kaya sa aking madugong pakikipagsapalaran ngayon sa tinatawag na digital era, hayaan niyong pag-aralan natin ang lahat ng naging karanasan at pagtingin ko sa komiks ng Pilipino. Karamihan dito ay hindi pa naisusulat sa alinmang libro at artikulo na lumabas. Hinihikayat ko kayong lahat na magbigay ng comments at suggestions para sa lalong pag-aaral pa ng malalim sa babasahing ito na tinatawag na ‘pambalot ng tinapa’.
7 Comments:
suportahan kita sa bago mong tema ng blog mo...cool
naalala ko nung magkasama tyo sa pup,madalas nkikita kitang mgdrawing,ng mga karakter sa komiks,halos lahat ng gawa mo nun related sa komiks,at hindi ko malimutan yung gawa mo sa visual tech. ntin yung exterior perspective sa swiming pool hindi pa tyo masyadong magkakilala nun.sabi ko ok yung gawa nun,medyo nkakatawa pero andun yung galaw at mensahe,magdrawin b nman ng karakter na lahat nakahubad sa background ng swiming pool ayun tuloy kinausap ng teacher,he he he..tapos nagkasama rin tyo sa lekci,madalas naghahanap ng kaispar,at hinahanap yung tunay na master..ayaw mo pa nga magpataas ng rank db,anyway back sa mga gawa mo,naalala ko rin nun cnama mo ko sa training mo kay hal santiago,grabe masyado kang diciplinado dun,parang hindi ko maimagine na ganun ka,nwala yung kakulitan mo pag nandun ka,habang nagsketch ka na panay komento nman ni hal at pagtapos nun gawa mo na ok na, palakpak nman ang tenga mo,dun nagsimula yun pagiging manlilikha mo sa komiks,pati nga sa publication ng mga karakter sa school gumagawa krin,mhaba nrin ang pinagsamahan ntin pero alam kong yung dedication mo sa paglikha at pagdrawing nandyan parin hindi na mawawala yun,anyway khit maging web designer ka o ano man related sa net,pag nag concept ka palagay ko maglalaro prin yung isip mo sa pgsketch at yung ang advantage mo sa lahat sa knila,hindi mo na kailangan ng artist kya mo n ksing i detail hangang sa kaliitliitan ng galaw ng bawat karakter....at nagpapasalamat ako dahil sa tulong mo sa gustong matuto,makinig,magaral ng libre sa paglikha ng malalim na kahulugan ng K O M I K S....
nagtataka nga ako nu'ng dumating ang time na ang daming pumupuna sa komiks. samantalang sa totoo lang, ang daming nagsasabi na marami ang natutong magbasa dahil dito.
martial law baby ako, at marami ang sasang-ayon na karamihan ng mga martial law baby ay natutong magbasa dahil sa komiks
Pareho pala tayo halos, pero ako si Whilce Portacio ang kumupkop sa akin. Minsan, talagang kailangan muna magsimulang pagapang sa lupa bago mo maabot ang iyong pangarap. Tinuring nila akong kapamilya.
Malaki ang utang na loob ko sa taong ito.
Pumunta rin ako kila Mang Hal noon, pero wala kaming pera kaya di na ako nakabalik doon.
Martial Law baby ka rin?
Okay ang blog mo, pagpatuloy mo lang.
hello Randy, kasama kita noon sa batch ni Hal Santiago...1988 yata yun. I'm glad dahil naipagpatuloy mo ang pangarap mong makagawa sa komiks samantalang ako at ilan siguro nating kasama dun sa batch na yun ay napunta sa iba't ibang larangan...keep it up!
baliktanaw: salamat nga pala kay Mang Hal dahil marami kong natutunan sa kanya during that time...at lahat sa pamilya nya very supportive sa mga estudyante noon. kumusta na rin kay Christian, Chattie, Parcanet, Tristram, Katwin at kay Mrs. Santiago (sori nakalimutan ko name). almost 20 years na pala kong di napupunta dun sa bahay nila sa Pasay. That time nandoon pa ang Santiago brothers na sina Larry at Freddie, mga batikang assistants ni Mang Hal. Last time nakita ko si Mang Hal ay doon sa program ni Jessica Soho. Sa pagkakaalam ko ay 64 na si Mang Hal dahil pinanganak sya ng August of 1941...sige pakimusta na lang sa kanila. salamat.
Gilbert-
Tama nga siguro na bago natin mapaunlad ang komiks, tayo na mismo ang unang magtulungan. Nakakatuwa dahil kahit paano ay nakakapag-share ako ng kaunting kaalaman ko.
Elmer-
Wow, actually sa sobrang bata ko pa noong nag-aaral tayo kay Sir Hal, halos wala akong natandaan na isang classmate ko. Mabuti naman at natandaan mo pa ako.
Post a Comment
<< Home