Wednesday, May 21, 2008

MASAYA DITO

Opisina ng Comelec.

Ako: “Sir, ipa-follow up ko lang ho sana ‘yung voter’s ID ko.”

Empleyado: “Kailan ka nag-apply?”

Ako: (sarkastiko) “Naku, tagal na ho, August 2006 pa. 2008 na ho ngayon!”

Empleyado: “Ay, wala pa ho ‘yan! 2003 pa lang ang nagagawa namin.”

Naulol ako! Limang taon pala ang hihintayin mo bago ka makakuha ng voter’s ID.

**

Minsan, may mga pangyayari na hindi tayo nagri-react kahit ilang beses na natin itong napapanood sa TV at nababasa sa dyaryo. Maiintindihan lang natin kapag nararanasan na natin ng aktuwal.

Last month, ito ang bill ko sa kuryente:




Dumating ang bago kong bill, nagulat ako. Biglang dumoble! Wala namang nagbago sa activities ko ng paggamit ng kuryente!




**

Maraming eksena dito sa bansa natin na mapapailing ka na lang. Sasarilinin mo na lang ang inis. Minsan nga matatawa ka na lang pero ang totoo ay napipikon ka na sa galit.

Pero kung napanood ninyo ang pelikulang ‘The Kite Runner’, mas masarap pa rin pala ang mabuhay dito sa Pilipinas. At least hindi pa nangyayari dito na nagpapatayan na tayo pare-pareho dahil sa hirap ng buhay—gaya din ng nangyayari ngayon sa ilang bansa sa Aprika.



Minsan naisip ko, proud din pala ako bilang Pilipino. Nakikilala tayo sa buong mundo sa iba’t ibang larangan tulad ng pagkanta, boxing, billiards, maging sa komiks. Ang husay natin sa taglay nating talento. Gusto natin ay nag-I-excel tayo dito. Kita mo, kinatatakutan ang gangs ng mga Pinoy sa ibang bansa. At tingnan mo din, naging number 1 pa tayo sa pinaka-corrupt na bansa sa Asya. O di ba, ang gagaling natin?

Monday, May 19, 2008

The Art of Hannibal Ibarra




Mahirap makakita ng 'pure' fantasy artist sa Pilipinas. Pure dahil wala siyang ibang hilig gawin kundi fantasy. Ganito si Hannibal Ibarra, nasa fantasy artworks ang kanyang passion. Nagsimula siya sa komiks hanggang sa mapunta sa animation.

Ilan sa nagbigay ng malaking impluwensya sa kanya ay sina Alex Niño, Brian Froud, Alan Lee Frank Frazetta at Zdzislaw Beksinski.

Isa sa concept artist ng Dayo animation. At follower ni J. Krishnamurti.

Sunday, May 18, 2008

JAPANESE SPIRIT

May napanood akong documentary film noong high school ako, hindi ko na matandaan ang title, tungkol ito sa World War 2. May isang Japanese General doon ang nagsalita na parang ganito:

“Puwede niyo kaming talunin sa gerang ito (World War 2), pero kailanman ay hindi niyo kami matatalo sa ‘spirit’.”

Mukhang tama nga siya. Pagkatapos tapunan ng Atomic Bomb ang Japan ay nagdanas ito ng katakut-takot na hirap. Isa sa pinakamadramang anime na napanood ko ay ang ‘Tombstone for Fireflies’ tungkol sa kaganapang ito.

Pagkalipas ng maraming taon, narito na ang Japan, isa sa pinakamaunlad na bansa sa buong mundo. Hindi lang technology ang ipinagmamalaki nila ngayon sa mundo, maging ang kanilang kultura ay kinakain na ang halos karamihan ng kultura ng ibang bansa maging sa West.

Ang pop culture ng Japan ay kalat na sa buong mundo. Lalo pa itong lumalakas at parang mahirap na yata itong pigilan. Nagkalat na ang cosplay, fashion, anime, manga, j-pop/rock.

Dito lang sa Pilipinas, wala kang mapupuntahang event dito ng teenagers na walang halong Japanese culture—cosplay at anime. May mga separate events din para lang dito, gaya nitong Mangaholix at ang kauna-unahang comics convention na ginawa ng Culture Crash. Maging ang Philippine Comics convention natin, mas marami pang makikitang Japanese-inspired culture kesa sa local, karamihan ng indie comics ay manga/anime-inspired ang drawing pati ang kuwento.

Patunay lang ito na nagtagumpay ang Japan sa ‘spirit’ na tinatawag nila.

Isang meeting na lang at tapos na ang workshop ko sa Asia Pacific College. Sa 8 sessions namin ay nakabisado ko na ang mga estudyante pagdating sa drawing. Ano pa nga ba kundi anime at manga ang kanilang hilig. Kahapon (Sabado) habang binibigyan ko sila ng exercise tungkol sa character design, nag-uusap ang dalawa kong estudyante. Pinakikinggan ko lang sila. Alam niyo ang topic, anime!

Sa pag-uusap nila, para bang alam na alam nila ang bawat characters at palabas na kanilang pinapanood, magkapareho sila ng wavelength, samantalang doon lang naman sila sa workshop nagkakilala.

Last week naman, nagdala ako ng iba’t ibang komiks, alam niyo ba kung ano ang unang dinampot? Dolis ni Maki Kusumuto. Binuklat-buklat lang nila ang compilation ng mga trabaho ni Nestor Redondo, nagtatawanan pa nga habang binabasa ang pagkalalim-lalim na dialogues ng lumang komiks natin.

Kahapon, habang nagbubuklat ako ng mga libro sa isang bookstore ay nakita ko itong ‘One Thousand Years of Manga’, tiningnan ko ang mga pages at mga drawings. May mga nabasa ako ditong tiyak na manggagalaiti ang mga Western comics historians dahil may mga ebidensya ang Japan na sila ang kauna-unahang naglabas ng komiks na ginawa sa papel.

Naisip ko, ang ganitong mga eksena ay hindi lang basta problema ng drawing o writing, ito na ang reyalidad ng tinatawag na ‘cultural invasion’. Masyado nang malalim ang involvement natin sa Japanese culture. Paano natin ito masusolusyunan samantalang maging ang mga first-world countries sa West ay ganito rin ang nangyayari?

Nakakatawa nga minsan ang nangyayari sa mundo, tayong mga Asians ay nagpapaka-Western samantalang ang Western ay nagpapaka-Asian. Cultural chaos. May purong culture pa ba ngayon sa buong mundo? Maging ang mga tribal people natin tulad ng Tasaday at Mangyan ay gumagamit na rin ng cellphone at internet at nakikpag-chat na sa mga Amerkano para magkaroon ng asawang foreigner. Maging si Joma Sison na radikal sa pagsusulong ng Filipino culture ay mayroon nang Friendster account.

Noong college ako, may nakita akong isang poster na may nakasulat na ganito: END 2000 YEARS OF CULTURE! React to death dito ang mga aktibista, paano kasi e napaka-anarkista ng pananaw na ito. Pero parang naiintindihan ko na kung sinuman ang nagsulat nito. Kultura nga kaya ang dahilan kung bakit magulo ang mundo?

So, para sa akin, may gagawin ba akong aksyon tungkol dito? Wala. Let’s enjoy the show na lang kung ano ang nangyayari sa mundo. Isa lang naman ang puwede mong gawin para mag-survive ka. Pag-aralan mo lang si Charles Darwin, mag-evolved at mag-adopt ka.

May krisis sa bigas ang Pilipinas? Kaya mo bang ten years from now ay tinapay na lang ang kinakain mo? Hindi ko alam kung kaya ko ito. Pero ngayon ko lang napapansin, nakakaya ko na palang hindi kumain ng kanin sa loob ng dalawang araw, burger lang o kaya ay pasta ay nabubusog na rin ako.

Thursday, May 15, 2008

SAVED ORIGINALS

Nakakalat lang sa hallway ng Kislap Publication ang mga original pages ng komiks. Dinadaan-daanan at naaapak-apakan ng mga tao. Walang pumapansin dito. Naghihintay na lang na damputin para maitapon na at sunugin.

Wala pa sa isip ko noon na mahalaga ang mga original pages sa pag-aaral ng local komiks industry, ang sa akin lang ay magkaroon ako ng kopya ng mga drawings na ito. Kumuha ako ng maraming drawings para lang magkaroon ng remembrance. Laking pasalamat ko sa sarili dahil mahalaga talaga sa akin bawat butil ng komiks--mula sa sketches at published works--kaya nakapagtabi ako.

Narito ang ilan sa mga naisalba ko buhat sa pagkakatapon at pagkasunog:

Mar Santana
Jun Borillo

Rudy Villanueva

Lan Medina

Elmo Bondoc


Lui Antonio
Rommel Fabian

Noah Salonga

...kasama na diyan ang isa sa pinakalumang cover na nagawa ko sa Space Horror Komiks. Nanlilimahid na ito sa kalumaan.

Kasama na rin diyan ang ilang painted covers ng pocketbook na gawa nina:

Romy Don

Ner Jedeliz

Ilan lamang ito dahil marami pa akong naitagong gawa ng mga artists na hindi na masyadong kilala ngayon.

Na-realize ko na mahalaga pala sa akin ang industriyang ito dahil sa kahirapan ng sitwasyon namin noon sa publication ay nakuha ko pang dumampot ng mga original drawings na ito. Ngayon hawak ko na ang mga ito ay hindi ko na siguro ito pakakawalan hanggang sa tumanda na ako.

Sa mga susunod na henerasyon ay maikukuwento ko sa mga komiks creators na hindi ko nakuha ang mga ito sa Ebay o ipinagbili sa akin. Isinalba ko ito galing sa basurahan.

Wednesday, May 14, 2008

SOLONG TRABAHO

Kislap Publishing. 2003.

Biglang nagpatawag ng meeting si Mrs. Guerrero. “Kaya bumabagsak itong publication natin ay dahil malalayo kayo sa Diyos, hindi kayo nagpi-pray at hindi kayo nagbabasa ng Bible!”

Nawindang kaming lahat sa mensahe ng aming amo.

Mula nang araw na iyon, tuwing alas otso ng umaga, ay nagtitipun-tipon kami sa opisina ni Mrs. Guerrero para mag-Bible study. Lahat ng editorial people—mula editor, assistant, art director, layout artist, encoder, etc. Kung hindi na ninyo itatanong, Born-Again Christians sina Mr. Alfredo Guerrero at ang buo niyang pamilya. Kaya kahit anuman ang pananampalataya naming lahat, dahil sila ang nagpapasuweldo sa amin, kailangan ay magbasa kami ng Bibliya at mag-sharing ng talata tuwing umaga.

Noong una ay medyo may kantiyawan pa kami pagkatapos. Lalo na doon sa mga malokong editors na hindi sanay sa ganitong mga eksena. Nang tumagal, marami nang nagpapa-late sa pagpasok sa opisina para lang makaiwas sa Bible study. Kaya madalas din ang sermon ni Mrs. Guerrero sa mga umiiwas.

Lahat na yata ng ‘powers’ ay ginamit na para mag-survive ang Kislap Publications—mula material, universal hanggang spiritual power—pero talaga hindi na pumapalo sa market ang kumpanya.

Biglang isang araw na lang, halos sabay-sabay na nag-resign ang mga tao. Wala nang nag-handle sa komiks, songhits at puzzle books. Ang naiwan na lang na hindi nag-resign ay ang mga tao ng showbiz magazine.

Nagbalik ako sa pagiging freelance writer kahit gutom. Kailangan maka-survive pa rin. Isang araw ay bigla na lang akong tinawagan ako ni Andy Desuyo, editor ng showbiz mag. Ipinapatawag daw ako ni Mrs. Guerrero.

“Bakit daw?” medyo kabado pa ako. Baka may nagawa akong mali dati, o kung may naiwan akong obligasyon.

“Gustong ibigay sa ‘yo ang tatlong songhits. Ikaw daw ang mag-handle.”

Nagulat ako. “Tatlong songhits?”

Nang sumunod na araw ay nasa opisina na ulit ako ni Mrs. Guerrero. Nalaman ko na talagang halos wala nang tao sa Kislap Publications. Naiwang nakatengga ang mga materyales. Kaya bilang solusyon, naghanap sila ng mga freelancers na may experience na para mapabilis ang trabaho. At siguro, naisip nila na makakatipid sila sa akin. Dahil kaya ko nang mag-edit, magsulat ng balita at artikulo ay kaya ko pang I-layout ang buong songhits mula cover hanggang back cover.

Napakaliit ng alok na bayad sa akin para sa isang issue (tingnan niyo na lang ang kontrata namin kung magkano). Pero tinanggap ko pa rin. Una, minamani ko na lang ang paggawa ng songhits dahil ang dami naming materyales sa opisina, isa pa, hindi mahirap maghanap ng mga kanta dahil isang klik lang ito sa internet. Ikalawa, hindi mahirap I-layout ang songhits dahil may template na, irarambol-rambol ko lang ang mga kanta at sa isang iglap ay mayroon na akong bagong isyu. Sa isang bagong songhits ay mga 2 o 3 kanta lang naman ang idinagdag ko, minsan nga ay wala pa. At ikatlo, kahit paano ay may pera sa music industry, showbiz e, pag mga launching o presscon, o kaya nagpatawagng interview ang isang musikero, lusob ako dahil may ‘payola’.

Ang tatlong songhits na ito ay tinatapos ko sa loob ng dalawang araw. Guinnes World Record ito.

Maganda ang opisina ng Kislap, bawat cubicle ay may nakaharang na salamin na nagsisilbing kuwarto. Dahil kaunti na lang ang tao sa loob, lahat ng galaw sa Kislap ay napag-aaralan ko na.

Dito ko nasaksihan kung paano itapon sa basurahan ang lahat ng original illustrations sa komiks. Dito ko rin nakita kung paano itambak na lang sa bodega ang libu-libong compilations ng mga komiks mula noong 40s hanggang 90s at halos amagin na lang ito. Kung maibabalik ko lang ang panahon, sana ay hiniling ko na lang kay Mrs. Guerrero na huwag na akong bayaran ng pera. Bawat isyu na lang sana ng songhits na magawa ko ay kapalit ng isang compilation ng komiks.

Nakakapanghinayang dahil nang magsawa na rin ako sa kagagawa ng songhits ay nakikita ko pa rin ang mga bulto-bultong compilations na ito, ang ilan pa nga dito ay binabasa ko kapag nagpapahinga ako. Hindi ko alam kung ano na ang nagyari sa mga kopya ng komiks, nang isara na kasi ang opisina ng Kislap sa Roces Ave., nabalitaan ko na lang na karamihan ng mga nakatambak sa bodega ay sinunog kundi man ay itinapon.

Monday, May 12, 2008

NOON AT NGAYON

NOON

Bidang Lalake: At sana...ang pagmamahal na iyon ay malangkapan ng pag-ibig! Kung magkakagayon, ako na ang pinakamapalad na lalaki sa ibabaw ng lupa.

NGAYON

Bidang Lalake: Ganado ako talaga pag kaharap kita. Kasi nakaka-L (libog) ka...um!

Sunday, May 11, 2008

WEBHOST DILEMMA

Sino ba naman ang hindi mag-iinit ang ulo kung bigla ka na lang sisingilin ng webhost tapos wala namang serbisyong ibinibigay?

Ganyan ang nangyari sa official website ko sa www.randyvaliente.com , na wala ka nang makikita ngayon kundi patalastas. Nangyari ito noon pang November last year, siningil ako ng webhost dahil kailangan ko na daw magbayad. Binigyan niya pa ako ng deadline na isang linggo para makapagbayad. So, hindi ko naman na pinatagal, kinabukasan ay nag-deposit na agad ako sa bank account niya. Akala ko ay okay na, after a week, bigla na lang nag-down ang server. Ilang beses kong tinanong, sabi ay may inaayos lang.

Ilang linggo ko ring tinanong ang webhost kung bakit hindi na nagbalik ang website ko samantalang kababayad ko lang, hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam ang sagot. Hanggang sa hindi na talaga siya nagparamdam sa akin. Ang masakit pa, iyong host kong www.filwebhosting.com ay bigla na lang ding naglaho. Ang saklap ng nangyari sa akin dahil kababayad ko lang ng para sa 2 years service nila.

Ang hindi ko pa maintindihan ngayon, hindi ko mabawi ang www.randyvaliente.com at may babayaran na naman ako. Kaya malamang, para hindi na ako masiraan ng bait sa mga mandurugas na ito ay baka .net o .org o .ph na lang ang gamitin ko.

Kaya pansamantala, ang website ko (na luma na din ang laman) ay pansamantala ko munang inilagay sa libreng site, makikita ito ngayon sa www.rvaliente.co.cc