UNDERSTANDING FILIPINO KOMIKS (Part 6)
Mayroon ako magkasunod na panels. Ang una ay isang batang babae na nasa likod ng puno. Ang ikalawa ay isang bumubulusok na bulalakaw (pansinin na ang camerang ginamit ay galing sa outer space at hindi sa mata ng bata na nasa likod ng puno).
Walang relasyon sa isa’t isa? Non-sequitor.
Tingnan natin ang caption na ginamit sa unang panel:
Isang gabi, ang dalawang batang pulubi, ay kasama ng mga kapuwa batang naglalaro ng taguan. Si Narda ay sa likod ng isang punongkahoy nagtatago…
Sa ikalawa:
Walang anu-ano, isang dambuhalang bulalakaw ang gumuhit sa kalangitan…
Isang linear na daloy ng mga salita sa non-sequitor na mga eksena.
Alisin natin ang dalawang drawings. Iwan natin ang mga captions. Dagdagan natin ng isa:
At nang malaunan ay tila si Narda ang tutunguhin. Napatili si Narda.
At isa pa:
Subalit nang malapit na ito sa kanya, ay biglang nawala ang ningning nito, at walang nalabi kundi isang batong maliit na sakdal puti!
Mapapansin ninyo na hindi na kailangan ng drawing sa ganitong klase ng paggamit ng mga captions.
Ito ng komiks ng Pilipino.
Ang mga eksenang nakita ninyo sa itaas ay galing sa unang isyu ng Darna. Sinulat ni Mars Ravelo, iginuhit ni Nestor Redondo.
Sa loob ng mga sumunod na taon, nagkaroon ng development ang komiks scriptwriting sa bansa. Bukod sa pag-aaral sa mga kuwentong kagigiliwan ng maraming mambabasang Pilipino, kailangan ding pag-aralan ang mga technicalities sa paggawa ng script sa komiks. Dahil ang komiks ay hindi naman prosa, at kalahati nito ay visuals, napag-alaman ng mga manunulat na mas epektibo ang paglalahad ng kuwento kung susundin ang mga pamantayang ito:
- Una, kapag ang eksena ay inilahad na sa caption, hindi na maganda pang ipakita ito sa drawing. Redundant.
- Ikalawa, hindi na rin epektibo kapag ang isang particular na aksyon ay sasamahan pa ng dialogue ng mismong karakter na nagsagawa nito.
Panel 1
Lalake: Susuntukin kita!!!
Illustration’s guide: Ipakitang sinusuntok ng lalake ang kaaway nito.
- Ikatlo, ang komiks ay isang ‘static visual medium’. Ibig sabihin, ang lahat ng eksena ay naka-freeze sa loob ng panel. Hindi ito animated na tumatakbo ang pangyayari sa isang screen.
Halimbawa: I-drawing sa isang panel si Arman, naglalakad siya sa gitna ng kalsada. Nang bigla siyang matigilan at mapalingon sa nakitang sunog. Dinukot niya sa bulsa ang cellphone at tumawag sa kinauukulan.
Ang script natin ay hindi tulad ng script ng Marvel Comics kung saan malayang magagawa ng dibuhista ang lahat ng nabanggit na pangyayari sa isang pahina.
Paanong pagkakasyahin ng dibuhista sa isang panel ang mga eksenang: ‘naglalakad sa gitna ng kalsada’, ‘napalingon sa sunog’, ‘dinukot ang cellphone sa bulsa’, at ‘tumawag’.
Script-dominated ang esensya ng komiks natin. Ang bawat isang panel o frame ay nasa ‘vision’ ng writer. Spoonfeeding. Ang ‘vision’ lang na naiaambag dibuhista ay kung paano I-execute ng maganda ang ‘vision’ ng writer.
Bigyan ko kayo ng isang halimbawa…
Narito ang isang script:
Panel 1: Ipakitang hawak ni Arman ang telepono.
Arman: Hello?
Panel 2: Arman: T-Totoo ba ang sinasabi mo?
Ito ang kinalabasan ng drawing
Gagamitin ko ang paraan ng Marvel Comics. Ito ang script:
Ipakitang hawak ni Arman ang telepono. Sinagot niya ang nasa kabilang linya, “Hello?”. Nagulat siya sa narinig, “T-Totoo ba ang sinasabi mo?”
Ito ang kinalabasan ng drawing ng‘visual storyteller artist’.
Nagdagdag ang artist ng isang panel sa gitna. Ang panel na ito ay tatawagin kong ‘realization stage’ ng panel 1 and 2. Ang panel na ito ay kakikitaan ng ‘stillness’. Walang dialogue ngunit mararamdaman mo ang emotion ng karakter, at ang tension ng kasalukuyang nangyayari. Makikita natin dito ang power ng iisang panel na isiningit sa gitna.
Sa isang epektibong script ng komiks ng Pilipino, ganito dadalhin ng writer ang mga pangyayari:
Panel 1
Caption: Malakas ang kabog sa dibdib ni Arman nang damputin ang telepono. Siguro’y napakarami niyang alalahanin nitong mga nakaraang linggo.
Arman: Hello?
Panel 2
Caption: Mga alalahaning alam niya na isang araw ay bigla na lang darating sa kanya. Parang patalim na tutusok sa kanyang puso.
Arman: T-Totoo ba ‘yang sinabi mo?
Ang tensyon at emosyon ng karakter ay nasa paggamit ng mga salita at hindi sa drawing. At dahil hindi ginagawa ng mga dibuhistang Pilipino ang ‘xerox’ ng naunang panel (pag-uulit ng panel na ang binago lang ay wordings, sa American at Japanese comics lang ito makikita), ang naitulong lang ng dibuhista ay I-close-up ang ang mukha ng karakter para madagdagan ang tension sa eksena.
- Ikaapat, ang tahasang paggamit ng mga flowery words na kinatatamarang basahin ng readers. ‘Madaldal’ ang komiks natin. Ito ang malaking kaibahan natin sa Manga ng Japan. Malaking bagay sa atin ang mga ‘salita’. Sa written words ng komiks, malaki ang posibilidad na mayroong tayong assurance. Sa visual imagery, subject ito for interpretation. Lalo pa kung ‘visually illiterate’ ang titingin sa komiks.
Sa mga words lang na mambabasa ng komiks o comics reader, malalaman natin na ang pinakaugat nito ay ang salitang ‘reader’. Ibig sabihin, binabasa ito. Hindi tinitingnan. Literal ito. Hindi ito puwedeng ikumpara sa ‘nagbabasa ang painting’ o ‘nagbabasa ng palad’ o ‘nagbabasa ng weather’.
Malaki ang nagawa ng modernisasyon sa paglalagay ng mga captions at dialogues ng writer. Tinanggal ng mga modernong manunulat ang napakaraming flowery words. Ginawa nilang mas natural, direkta, tagos sa puso. Ang ilan sa kinakitaan ko ng ganitong presentasyon ay sina Vic Poblete, Mike Tan at Almel de Guzman.
Ito ang kinalabasan:
Panel 1
Caption: “Tandaan mo ito, Arman. Isang araw, gugulatin na lang kita…”
Arman: Hello?
Panel 2
Caption: “Pagsisisihan mo kung bakit ako pa ang kinalaban mo…!”
Arman: T-Totoo ba ‘yang sinabi mo?
Maituturing ba natin na mali ang ganitong pundasyon ng ating komiks dahil ‘weak’ ang ating ‘visual storytelling’? Kailanman ay hindi. Ang komiks form ng Pilipino ay napakarami nang dekadang sinubaybayan ng mambabasang Pilipino.
Hindi komiks form ang pumatay ng komiks ng Pilipino. Usapin ito ng ekonomiya.
Iba ang sequential art, iba ang visual literature. Ang komiks ng Pilipino ay isang uri ng matagumpay na visual literature sa mata ng milyun-milyong Pilipino na nagbasa nito.
Sa kasalukuyang ebolusyon ng komiks natin, hindi lang drawing ang nawala, hindi lang ang uri ng kuwento. Ang tunay na nawala ay ang kaluluwa ng paggawa nito.
Walang dapat sisihin sa pangyayaring ito. Sabi nga, tayong lahat ay resulta ng ating panahon at mundong ating ginagalawan. Tayo sa panahon ngayon ay resulta ng salitang ‘pagbabago’.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home