Tuesday, October 03, 2006

UNDERSTANDING FILIPINO KOMIKS (Part 5)

RESULTA NA NAGING EBIDENSYA

Noong una ay hindi pa ako kumbinsido na words-dominated ang komiks natin. Ang una kasing pupuna dito ay ang mga illustrators.

Pero isang pangyayari sa komiks industry ang nagpatunay na tama nga ang teorya ko.

Noong 80’s, ito na ang kasagsagan ng trabaho sa GASI at Atlas. Ang dami-dami nang titles na inilalabas linggu-linggo. Hindi na magkandaugaga ang mga artist kaya karamihan sa kanila ay kumuha na ng mga assistants para lang hindi sumablay sa weekly deadline.

Noong nag-aaral pa ako kay Hal Santiago, nakita ko kung paano siya gumawa ng komiks. Nakakatapos siya ng 15 pages sa isang araw. Pero hindi lang siya mag-isa ang gumagawa nito, kabilang sa mga assistants niya sina Larry Santiago at Ohrlee ‘Vee’ Villanueva, gumagawa ng backgrounds, kasama pa ang mga kapatid ni Larry na naglalagay ng blackings at nagbubura ng lapis.

Nalaman ko rin na mas marami pa palang assistant si Mar Santana. Hindi ko aktuwal na nakita pero sa kuwento ng mga tao sa publication, sa dami ng trabaho ni Mang Mar, ang ginagawa lang niya ay ang layout, tapos lalagyan lang niya ng ink ang ulo ng mga major characters. And then, the rest ay ipapasa na niya sa mga assistants.

Normal ang ganitong mga eksena sa mga superstars ng komiks noon sa dami ng trabaho. ‘Yung mga artists na hindi na naghanap pa ng mga assistants ay isa lang ang solusyon para mapabilis ang trabaho. Dinaya na nila ang drawing. Ibig sabihin, kung ano ‘yung guide na inilagay ng writer, kadalasan ay hindi na nila sinusunod.
Gaya nga ng nabanggit ko sa mga nakaraang articles, nagkaroon ng tinatawag sa mga illustrators na ‘ulo-ulo’. Ito ‘yung mga eksenang wala kang makikita kundi ulo ng mga karakters na nagsasalita, o kaya ay makikita lang ang facial expressions.


Walang magawa dito ang mga editors, lalo na ang mga writers, alam naman kasi nila na talagang sa dami ng trabaho ng artist, kailangan niyang gawin ito. Sa katunayan, dahil sa ganitong pangyayari sa komiks noon, karamihan na rin ng mga batikang writers ay hindi na rin naglalagay ng guides sa kanilang mga script. Ang script na binibigay noon ni Jim Fernandez kay Hal Santiago ay nasa ½ na bond paper. Nakita ko na ang script ni Mang Jim, nakasulat kamay lang ito. Naglalagay lang siya ng mga panels sa bawat page, pinupuwesto na niya ang mga captions at dialogues. Bihira siyang maglagay ng illustrator’s guide dahil alam naman niya na madaling maiintindihan ni Sir Hal ang daloy ng kuwento.

Paglipas pa ng ilang taon, mas nadaig pa ang mga pandarayang ‘ulo-ulo’. Mas lumala pang lalo. Nauso na ang mga eksenang ang makikita mo lang ay close-up ng mata, o kaya ng kamay. Minsan pa nga ang hinihingi sa script ay loob ng salas ng bahay na may nag-uusap na mag-anak, ang dinu-drawing na lang ng artist ay exterior ng bahay, mas malala pa, minsan bubong na lang na may antenna.

Pero ito ang pinakamalalang ‘pandaraya’ na nakita ko mga drawings sa komiks. Ang eksena ay full shot ng mga kapitbahay na nagtsitsismisan sa kanto, ang dinrowing ng artist ay planet Earth na nilagyan lang ng mapa ng Pilipinas. Tapos nakaturo lang ‘yung dialogues ng mga nag-uusap du’n sa mapa ng Pilipinas.

Noong 80’s, resulta ito dahil sa dami ng trabaho. Pero noong 90’s, resulta ito dahil nagsisimula nang magrebelde ang mga illustrators dahil sa page rate na kanilang natatanggap. Pagagandahin mo pa ba ang drawing mo kung ang bayad sa ‘yo bawat page ay P75? Natural, para makarami ka, kailangan mong maging mabilis. Parang pabrika, dapat may quota ka sa sarili mo.

Pero sa lahat ng pangyayaring ito sa komiks industry, isa lang ang malinaw na lumabas na ebidensya kung ano talaga ang komiks ng Filipino. Nakapa-importante sa atin ng mga ‘salita’ kesa sa drawing.

Kasi, kahit puro ‘ulo-ulo’ o ‘mata-mata’ na ang drawings ng mga artist ay naiintindihan pa rin ang kuwento. May mga readers na nagrereklamo na ‘ang pangit naman ng pagkaka-drawing dito’, pero after niyang mabasa, naintindihan rin naman niya ang kuwento.

Ibig sabihin, isali-saliwa mo man ang drawing ng artist, kahit para itong kinahig ng manok, ang nagdadala pa rin ay ang writer.

Ito ang malaking dahilan kung bakit hindi talaga na-develop sa atin ang ‘visual storytelling’ ng ‘mainstream American comicbooks’.

Una, gigibain mo ang matagal nang institusyon ng mga writers sa kanilang mga trabaho nilang ‘word-oriented narratives’ at papalitan mo ng ‘visual narratives’.

Sa aking nakikita, hindi ito kasalanan ng writers o artists. Walang may kasalanan dito. Dahil ito talaga ang form ng komiks natin. Ito ang kaluluwa ng komiks ng Filipino. Kaya ba nating sabihan ng ‘visuals’ visuals’ ‘visuals’ sina Pablo Gomez, Elena Patron, Lualhati Bautista, Carlo Caparas, Clodualdo del Mundo, at marami pang manunulat na Pilipino?

Sa susunod: Paglalatag ng mga halimbawa sa pagkakaiba natin sa ibang form ng komiks.

2 Comments:

At Tuesday, October 03, 2006 7:17:00 PM, Blogger Reno said...

Oo. Naalala ko nga ang mga script ni jim fernandez para kay mang hal. nakasulat lamang ito ng bolpen sa newsprint, at wala kahit man lang stick figures na guide.

Noon kasi, kahit sa caption ay sinasabi na kung anong nangyayari sa loob ng frame o panel. Parang drama sa radyo. naka-describe lahat.

 
At Tuesday, October 03, 2006 8:47:00 PM, Blogger Randy P. Valiente said...

Korek. Nagtataka nga ako sa mga radio stations nung araw, dapat di na sila mghanap ng scriptwriter, basahin na lang nila yung mga komiks pwede na yun.

 

Post a Comment

<< Home