UNDERSTANDING FILIPINO KOMIKS (Part 3)
Transisyon ng Sandali
Maituturing ito tulad ng animation. Kung saan ‘smooth’ ang galaw ng isang tinututukan sa eksena. Bihirang-bihira itong gamitin. Una, dahil babagal ang daloy ng kuwento kapag naka-focus lang sa transisyon na ito ang mga eksena. Ikalawa, kapag ito ang ginamit na uri ng paglalahad ng kuwento, baka ang isang short story ay abutin na ng pagkarami-raming pages.
Sa katunayan, hindi ito ginagamit sa komiks ng Pilipino. Ginamit lang ito nang magsulputan na ang mga independent publishers noong early 90s na pawang naimpluwensyahan ng malaki ng mga Western superhero comicbooks at Japanese manga.
Transisyon ng Aksyon
Hindi rin masyadong gamitin sa komiks natin ang transisyong ito. Isa rin ito sa nakapagpapabagal ng kuwento. Narito ang mga dahilan:
- ang komiks natin ay mayroong iba’t ibang kuwento sa loob ng isang isyu. Bawat istoryang ito ay mayroon lamang 3-6 pages. Pero ang standard sa lahat ng komiks natin ay 4 pages. Ginagamit ito mapa-short story o nobela man.
-ang dibuhistang Pilipino ay hindi gumagawa ng mga eksenang inuulit (Xerox) sa kasunod na panel. Likas sa mga script ang ganitong guide: Same scene, change angle.
Madalas itong makita sa mga mga comic strips, pero hindi sa mismong komiks natin.
Transisyon ng Tema
Isa ito sa pinakagamiting transisyon ng kahit anumang form ng komiks sa buong mundo. Dito, ang eksena ay hindi mabagal at hindi rin mabilis. Akma ito sa komiks ng Pilipino dahil sa ikli ng pahinang ginagamit natin sa bawat kuwento.
Ang daloy sa mga eksenang ito ay ‘linear’. Ibig sabihin, kung magsisimula ka sa 1, tiyak na makakarating ka sa 10 kapag dinaanan mo ang 2 hanggang 9.
Transisyon ng Eksena
Isa rin ito sa pinakagamiting daloy ng paglalahad ng mga eksena. Katulad ng ‘transisyon ng tema’, ito rin ay kasama sa ‘linear path of storytelling’.
Sa komiks, nagiging fast-paced ang kuwento kapag ginagamit ito. Hindi na masyado pang dinidetalye ang mga eksenang ‘palamuti’ o ‘pampahaba’ lang ng kuwento.
Transisyon ng Aspeto
Isa rin ito sa madalas gamitin sa komiks natin. Sa ganitong transisyon, nilalampasan nito ang mga eksena o pangyayari na hindi na kailangan pang isa-isahin. Sa mga short stories, tulad ng komiks natin na mayroon lamang 4 pages, nagiging malaking tulong ang daloy na ito biolang shortcut ngunit direct-to-the-point na mga eksena.
Non-Sequitor
Sa una ay mapapansin natin na hindi ito ginagamit sa komiks ng Pilipino kung titingnan natin ang pagkakasunod-sunod ng mga transisyong ito. Tama si McCloud, wala itong lohikal na relasyon sa isa’t isa. Ngunit sa maniwala kayo at sa hindi, ginagamit ito ng mga gumagawa ng komiks noon nang hindi namamalayan.
QUESTIONING McCLOUD’s ANALYSIS
Nang mag-analyze si McCloud sa mga transisyong ito, walang duda na ang form na ginamit niya ay ang ‘visual storytelling’. Ibig sabihin, nakatutok siya sa visual aspect ng komiks. Ang point-of-view na ito ay nakuha niya kay Will Eisner.
Ano ang papel ni Will Eisner sa analysis ni McCloud?
Si Eisner ang isa sa pinakamahusay na visual storyteller sa mundo ng komiks. Sa katunayan, napakalaki ng impluwensya ng kanyang aklat na ‘Comics and Sequential Art’ sa halos lahat ng American comicbooks. Naging pundasyon na ng mga sumunod na henerasyon ng comocbook creators sa Amerika ang katuruan ni Eisner tungkol sa visual storytelling.
Maraming kaibahan ang komiks ng Pilipino sa comics ng Amerika. Isa na ditto ang ‘storytelling’. Ang komiks natin, sa simula’t simula pa, ay ‘word-oriented’. Ibig sabihin, nakasentro ang komiks natin sa paggamit ng mga ‘salita’ at hindi sa ‘drawing’.
Huwag ninyong mamaliin ang sinabi kong ito. Gusto ko lang tumbukin na ang ‘daloy ng kuwento’ ay nasa responsibilidad ng writer at hindi ng artist.
Habang abala si Mars Ravelo kung paano mapapaganda ang takbo ng kanyang mga kuwento, si Nestor Redondo ay abala naman kung paano pagagandahin ang renderings, shades and shadows, perspective, at paggawa ng magagandang pigura.
Ang visual storytelling sa atin ay hindi tulad ng lesson ni Eisner. Ang storytelling ay nasa writer. Craftsmanship naman ang nasa dibuhista. Craftsmanship dahil halos lahat ng dibuhistang Pilipino ay mahusay gumawa ng pigura at gumamit ng sopistikadong shades and shadows. Pero nang mapunta sila sa Amerika, visual storytelling kaagad ang pinuna sa kanila.
Ano ang mga dahilan bakit ‘word-oriented’ ang komiks natin? Una, ang mga nagsimulang batch ng komiks writers natin ay galing sa pagsusulat ng prosa. Kaya nga ang komiks noong araw ay punum-puno ng dialogues at captions bawat eksena. Ikalawa, ang mga early comics ng West ang nakaimpluwensya ng direkta sa ating komiks, tulad ng Prince Valiant at Flash Gordon.
Sa halimbawang ito ng Prince Valiant, subukan nating alisin ang mga captions at tiyak na maliligaw tayo kung ano ang nangyayari.
Nakasentro sa visual storytelling ang analysis ni McCloud. Nakalimutan niya na ang komiks ay binubuo ng ‘words’ at ‘visuals’. Mag-asawa ito at hindi puwedeng paghiwalayin. Ito ang tunay na esensya ng komiks. Tanggalin mo ang words, magiging simpleng storyboard lang ito. Tanggalin mo ang drawings, magiging isang script lang ito.
Sa paglalarawan ng kuwento sa komiks, mayroong ding transisyon ang mga salita:
Transisyon ng Sandali
‘Inihakbang niya ang kanang paa, kasunod ay kaliwa…’
Transisyon ng Aksyon
‘Nalaglag ang baso. Basag ito!’
Transisyon ng Tema
‘Mahuhulog ako…!’
BLAG!
Transisyon ng Eksena
‘Hanggang sa muli, mahal ko.’
Pagkalipas ng ilang taon, muli silang nagkita.
Transisyon ng Aspeto
‘Madilim ang kalangitan, nagbabadya ito ng isang malakas na ulan.’
Sigurado ka bang ngayon darating ang hinihintay natin?
Non-Sequitor
‘Ano nga ulit ang pangalan mo?’
Tatlo ang naging anak ng aso namin.
Ang analysis ni McCloud ay maituturing kong ‘visual transitions’. Hindi nito sakop ang mga salita.
Very powerful ang ‘words’ sa komiks ng Pilipino. Sa katunayan, sa oryentasyong ito ng komiks na aking kinalakhan, kaya kong makabuo ng isang kuwento na ‘moment-to-moment’ ang wordings samantalang ‘non-sequitor’ naman ang visuals.
Gayon din naman, kaya kong gumawa ng ‘aspect-to-aspect’ word transition sa isang ‘moment-to-moment’ visuals.
Kaya ko ring patakbuhin ang isang kuwento kahit pagsama-samahin pa ang magkakaibang panels nina Nestor Redondo, Jack Kirby, Moebius, Jim Davis at Jackson Pollock.
Ang kaalamang ito ay utang ko dahil sa pagkakahubog ko bilang isang ‘word-oriented komiks creator’.
Sa ganitong uri ng presentasyon, ang komiks na gawa ng mga Pilipino ay hindi matatawag na ‘visual storytelling medium’. Mas angkop na tawagin itong…VISUAL LITERATURE.
Sa susunod: Ano ang visual literacy? Ano ang papel nito sa mga manunulat at dibuhistang Pilipino? At paano ito nauunawaan ng mambabasang Pilipino?
0 Comments:
Post a Comment
<< Home