MAY ESTILO NGA BA ANG MGA PILIPINO? (Part 9)
KONKLUSYON
Ang buong artikulong ‘May Estilo Nga Ba Ang Mga Pilipino?’ ay isinulat ko mahigit apat na taon na ang nakaraan at kasama sa aklat na ‘Pambalot ng Tinapa: Isang Pagtanaw sa Komiks ng Pilipino’.
Ito ay naging malaking hamon sa akin noon dahil wala na akong magagawa kundi sundan na lang ang pagbagsak ng local komiks. Mas tinatangkilik na ng marami ang Manga ng Japan at mas marami nang bumibilib sa mga artists ng American comicbooks. Sumulpot ang Culture Crash, nagsigayahan na rin ang ilang maliliit na grupo. Lahat ng posters about comicbooks na makita ko noon, wala akong makita na impluwensya ng gawang Pilipino. Hindi ko naman sila masisi, nandoon ang malaking market.
Nagsulat ako ng article tungkol sa komiks natin at ipinasa ko sa Dyaryo Agila, inaprubahan naman. Ang problema, sino lang ba ang nagbabasa ng Dyaryo Agila? Nagpasa rin ako ng artikulo sa Liwayway, hindi ko alam kung nabasa ito ng section editor, ni hindi ko nga alam kung lumabas. Hanggang sa nalaman ko na lang, iba na ang editorial people ng Liwayway. Pagpunta ko sa cashier, ang nasingil ko lang ay iyong artikulo tungkol sa ‘Musika na Nakagagamot ng Karamdaman’. Mas interesting yata iyon kaya naaprubahan agad.
Kamukat-mukat ko, pagkalipas ng isang taon, biglang may lumabas na artikulo sa Liwayway tungkol sa komiks. Hindi naman sa nanlalait ako, pero talaga namang walang kalaman-laman ang pinagsasabi nu’ng gumawa. Na kaya daw humina na ang komiks ay dahil meron nang internet, may VCD, marami nang sinehan (totoo rin naman sa kabilang banda), pero iyong sabihin ng author sa huli na ang komiks ay ‘isa na lang magandang alaala sa atin at hindi na muling magbabalik’, doon ako napaangat ang kilay. Ang buong artikulo ay puro sentimyento at kulang sa pag-aanalisa. Hindi ko rin naman ulit masisisi, ang mismong writer ay magaling na ‘fiction’ writer at hindi talaga komentarista.
Naisipan ko noon na magpa-workshop tungkol sa komiks. Nagpa-ads ako sa mga tabloids at radio stations. Ngunit nang sumapit ang registration period ng mga estudyante, karamihan ay bata (meron pa ngang 4 years old). Ang lahat ay nag-i-expect na ituturo ko kung paano gumawa ng komiks. Ayoko silang biguin kaya itinuro ko kung ano ang existing sa market—ano pa, kundi Manga at American comicbooks. Gusto ko sanang isentro ang pagtuturo sa traditional na lessons ng mga Filipino illustrators—na naipon ko noon galing sa estilo ng pagtuturo ni Hal Santiago, series of books na ginawa ni Nestor Malgapo, at mga maiikli ngunit malaman na payo nina Virgilio Redondo, Rudy Florese, Joseph Christian Santiago, Larry Santiago, Art Columna, at Tony Tenorio. Ngunit sa isip ng mga workshoppers, sino ang mga taong ito? At isa pa sa pumigil sa akin ay ang ikli ng panahon ng workshop. 20 oras lang ang nakalaan sa akin sa inupahan kong puwesto. Pinagkasya ko sa apat na magkakasunod na Linggo. Sa ‘human figure’ pa lang at ‘shades & shadows’, baka maubos na lahat.
Nakilala ko si Lawrence Mijares sa isa sa mga workshop ko. Pagkalipas ng ilang taon, sa kanya lang ulit ako nakabasa ng malaman-laman na artikulo tungkol sa ‘pagbagsak ng komiks ng Pilipino’. Totoo lahat ang kanyang sinabi. Monopolyo ang pumatay sa komiks natin. Ang sinehan, VCD, internet, videogames, mga alalay lang iyan. Ang mismong ‘big boss’ ay iyong monopolyo ng iisang publisher ng komiks. Alam ko dahil halos lahat ng publication ng mga Roces ay nalibot ko—GASI, Atlas, Sonic Triangle, Counterpoint, Infinity, West. At naging in-house artist mismo ako ni Doña Elena (anak ni Don Ramon Roces) nang magtayo siya ng ibang kumpanya na malayong-malayo sa pagpa-publish ng mga babasahin (alam niyo kung ano, pagdi-design ng mga ‘kabaong’ at ‘urn’—nakakatawa dahil ang mismong kasama ko pa dito ay mga taga-komiks din, ang writer na si Jun Malonzo, at ang illustrator na si Joe Hilario at Rudy Mendez, hindi ko malaman kay Doña Elena kung bakit kami kinuha, at lalong hindi ko rin malaman kung bakit ko tinanggap—malaki kasi ang suweldo).
Kamukat-mukat ko, habang unti-unti ko nang kinakalimutan na maituro sa mga younger generations ang estilo ng pagdidibuho ng Pilipino dahil wala naman akong venue, may nag-i-exist na pala na community sa internet ng mga dibuhistang Pilipino. At ang malaking bilang ng community na ito ay hindi direktang nagmula sa local komiks ngunit habang tumatagal ay nakikita ko na lumalaki ang pagpaparangal at pagpupugay ng mga ito sa mga ‘masters’ ng komiks.
Kay Gerry Alanguilan ko nakita ang pagpupursige na maipakalat ulit ang impormasyon tungkol sa mga ‘old masters of Filipino komiks’. Sa paglakad ng mga araw ay alam kong nagbubunga, dahil marami ang visitors ng kanyang website (www.komikero.com) at dumadami ang namumulat sa kagandahan at kagalingan ng mga ilustrasyong Pilipino. Samantalang karamihan sa mga ito ay dating followers ng Manga at American comicbooks. Sa simpleng pagpo-post ng ilang pahina ng komiks hanggang sa paglalagay ng gallery at paglalahad ng maikling deskripsyon tungkol sa artist ay isang napakalaking bagay na. Ang impormasyon ang isang mahalagang susi kung nais nating mapaunlad ulit ang isang industriya. Impormasyon ‘tungkol sa gumawa’, at impormasyon na ‘may produktong lumalabas at may ginagawa’.
Sa panahong ito ng komersyalisasyon, totoong mahirap isabay ang prinsipyo at pilosopiya kung ang nakapaligid sa iyo ay isang ‘big world of marketing’. Natatandaan ko noon nang mabalitaan ko na magkakaroon ng 1st Comics and Anime Convention na pinangunahan ng Culture Crash, lakas-loob akong tumawag kay Mr. James Palabay (publisher ng naturang komiks). Nagpakilala ako na galing ako sa traditional komiks at nais ko sanang makibahagi sa naturang event ngunit wala akong pambayad ng booth, gusto ko lang mag-share ng gawa ng ilang matatandang dibuhista. Hindi niya ako binigo, binigyan niya ako ng libreng booth para mag-displey ng ilang artworks. Kinontak ko sina Mang Ernie Patricio at Mang Perry Cruz, na noon ay tumututok na sa pagpi-painting, para pahiramin ako ng ilang artworks. Ipinakontak din sa akin ni Lawrence Mijares ang ilan pang matatandang illustrator tulad ni Yong Montaño upang magsagawa ng on-the-spot drawings para naman may ideya ang bagong henerasyon kung paano magtrabaho ang ating matatandang dibuhista.
Ngunit ang idea kong ito ay kinain lang lahat ng komersyalismo. Paano ako sasabay sa isang event na iisa lang akong ‘bearer ng traditional komiks’ samantalang ang nakapaligid sa akin ay halos tatlumpong booth ng mga Manga at American comicbooks? Na sinabayan pa ng maghapong ‘cosplay’, ‘band concert’ at anime character contest? At muli, hindi ko rin naman sila masisisi dahil sampay-bakod lang naman ako at ang event na iyon ay hindi naman talaga nakasentro sa komiks ng Pilipino. Kung hindi ko pa kinapalan ang mukha ko sa harap ng mga panelist na nasa stage nang magkaroon ng open forum kinahapunan tungkol sa komiks, at magsalita ako tungkol kay Tony Velasquez ( na alam kong marami sa mga nandoon ang hindi nakakaalam na siya ang ‘ama ng komiks ng Pilipino’), ay hindi mapapansin ang booth namin. Medyo tumaba pa ang puso ko nang magkaroon ng presentation sa isang maliit na room kung saan ipinakita ang gawa nina Coching, Redondo at Alcala. At masuwerteng pagkatapos kong magsalita sa mikropono ay inimbitahan ako sa maliit na room, ngunit sa totoo lang ay wala naman akong sinabi, kundi paunlakan ang mga nandoon na dumalaw naman sa booth namin para makita ang gawa ng mga traditional Pilipino artists.
Nang mabalitaan ko rin na nagkakaroon ng tagpuan tuwing Sabado ng hapon ang mga taga-komiks sa SM Megamall, sinubukan kong pumunta upang makihalubilo sa mga tagaroon. Si Rol Enriquez at si Ate Mayette (asawa ni Lan Medina), ang madalas kong nakikita. Karamihan ay hindi ko na kilala. Doon ko lang nalaman na karamaihan pala ng nagpupunta doon ay galing sa workshop ni Whilce Portacio at David Campiti ng Glasshouse Graphics. Sa pagnanais kong mapasok ang grupong naroon, nagpaka-inosente ako sa harap ng mga nakausap ko.
Isa ang natutunan ko. Karamihan ng mga artist ngayon ay nakasentro sa ‘standard’ ng Manga at Western style. Kokontra ka ba sa isang tulad ni David Campiti na kapag sinabing ‘This is wrong! You should do this!’ samantalang direkta niyang nakakausap ang mga editors ng Marvel at DC. Palalampasin mo na lang ang isang pagkakataon nang minsang makita ko na dinala ni Mang Jun Lofamia ang kanyang mga magagandang obra sa pen & ink at painting at sabihan lang na ‘Hindi na ho ‘yan tinatanggap sa Amerika!" At sabihin kay Mang Vic Catan na "Masyadong madilim ang drawing mo!"
Dahil sa mga batayang ito, nagkaroon ng paglayo ang mga bagong henerasyon ng gustong maging dibuhista sa tradisyunal na paggawa natin ng komiks. Napalitan ito ng ‘ego’ at ‘rockstar attitude’ na dahil "Isa na akong batang Glasshouse! At lahat ay humahanga na sa akin!" Kakainin ng mga salitang ‘fame and famous’ ang isang industriyang halos ilang panahon na lang ay isandaan taon nang umaliw sa mambabasang Pilipino.
Ang komiks ay hindi lugar ng mga ‘actors and actresses’ at ng mga ‘stage mothers’. Lalong hindi ito lugar ng mga pulitiko. Ang komiks ay industriya ng sining at komunikasyon.
Totoong sa kasalukuyan ay hindi ko kayang humarap ng direkta sa mga editors ng Marvel at DC (ngunit sinong makapagsasabi, baka maisipan kong dumalo ng San Diego Comics Convention sa susunod na taon), ngunit hindi ito hadlang upang makagawa ako ng komiks sa ibang bansa. Wala akong agent. Wala akong backer. Ang puhunan ko ay ang malinaw na komunikasyon sa mga independent publishers na naroon. Nagagawa ko ang ‘dibuhong Pilipino’ sa ibang lupa at kultura. At ipinagmamalaki ko na nakagawa ako ng mahigit sampung titulo sa Amerika sa ilalim ng anino ng mga katuruan ng ating mga ‘great masters’.
Sa katanungang, may estilo nga ba ang mga Pilipino? Mayroon. Imposibleng wala. Mula sa figure drawing, paneling, rendering, shades & shadows, layouting, storytelling, at mismong pakikipag-communicate ng sarili nating komiks sa mambabasa, ay eksklusibo lamang sa atin. Paano natin malalaman? Babalik tayo sa kasaysayan. Titingin at babasa tayo ng maraming komiks ng Pilipino.
Hindi ba ninyo napapansin, napaka-flexible ng dibuhong Pilipino. Kaya nating sumabay kahit ano pa ang lumabas—manga, Western, dark, cartoony, moody, symbolic, etc. Kaya nating mag-adopt sa anumang kultura, panahon at uri ng mambabasa. Iyan ang wala sa iba. Ang dibuhong Pilipino ay hindi isang uri ng ‘fad’ o panandaliang anyo lamang, ito ay pumapasok sa ‘evolution of all things’.
Tatapusin ko ang artikulong ito sa isang simpleng pilosopiya ng artist: "Learning to draw is learning to see."
2 Comments:
magandang piyesa ito, randy, dalang-dala ako, laking local 70's at 80's komiks ako, hindi naman hardcore, si (mang) vic catan ang diyos ko sa komiks magpakailanman, ginusto ko ding maging dibuhista pero chronic sa akin 'yung kawalan ng focus, sana'y magkaroon ng bagong umaga ang tradisyunal na pinoy komiks, mabuhay ka randy
nakakalungkot isipin na ang nagiging standards nating mga pinoy ay yuong gawa pa ng mga banyaga...napapatagalog tuloy ako sa nabasa ko :) . iNaamin kong recently lng ako namulat sa mga totoong pinoy na mga obra a comics. Laking Marvel at DC din ako, pero ngyun ko lng nakikita na hindi tayo huli sa pag debuho. Kung ikukumpara ko nung time dati eh mas magagaling pa ang mga artist natin kesa sa mga illiustrators ng kano. Koment ko lng sana galingan pa natin, sa ngyun kakaunti lng ang nakikita kong mga komiks na talagang maganda ang pagkakagawa at pagkakadrawing. karamihan ng nakikita ko puro Mangga style, which is magkakapareho pa ng istilo, at hindi natin sariling style. Hindi ako against sa Mangga pero sana amn lng me fusion...ewan ko hindi ako eksperto. Sana maibalik ang dating sigla ng Komiks.
Post a Comment
<< Home