Sunday, September 25, 2005

MAY ESTILO NGA BA ANG MGA PILIPINO? (Part 7)

ANG MGA LUMIHIS

Malupit ang naging patakaran sa mga publication sa dibuhong Pilipino. Isa sa nakaranas ng kalupitang ito ay si Alex Niño. Sa kanyang mga karanasan, lumalabas na mahirap sa isang dibuhista ang mag-experiment ng uring biswal na bago sa panlasa ng mambabasang Pilipino. Kaya sa ayaw man niya at sa gusto, kailangan niyang sundin ang ‘pattern’ ng pagdidibuho ng mga naunang dibuhista.

Ang ‘pattern’ na ito ay pinanghawakan ng kahit sinumang publisher at editor na may hawak na komiks. Nang mga panahong iyon, kapag ang naiisip mo ay hindi angkop sa sinasabing ‘pangkaraniwang mambabasa’, hindi ka mabibigyan ng trabaho.

Kaya kung gusto mong ipagpatuloy ang sarili mong ‘movement’ ng art, hindi ka puwedeng mag-komiks. Mag-shift ka na lang sa painting. Ang komiks ay hindi puwedeng pag-ekperimentuhan ng mga art movements (gaya ng impressionism, cubism, abstraction, futurism, etc.). Itatali ka nito sa tumpak na paggawa ng pigura ng tao at realisitikong paggamit ng mga eksena.

Sabi nga, si Alex Niño ay ibang breed ng dibuhistang Pilipino. At dahil nga narito siya sa Pilipinas, kailangan niyang sundin ang pamantayan. Katakut-takot ang puna sa kanyang drawing noon na sa Amerika at Europa lang daw nababagay.

Ngunit dumating ang pinakamatinding ‘twist’ sa dibuhong Pilipino. Nang mapunta sa Amerika ang batch nina de Zuñiga, Redondo, Alcala, isa si Niño sa pinapurihan ng mga dayuhan. Madaling napansin ang estilo ni Niño sa mga batch na ito ng mga dibuhistang Pilipino dahil may ‘kakaiba’ sa kanyang gawa kumpara kina Redondo at Alcala. May lumabas din na pagpapasya na ‘very Asian’ daw ang estilo ni Niño, taliwas sa sinasabi ng mga editor na Pilipino na ‘very American’ daw ang kanyang trabaho.



Nagwala ng husto si Alex Niño nang makapagtrabaho sa ibang bansa. Inilabas niya ang estilong alam niyang siya lang ang makagagawa.

Sa tagumpay na ito na inabot ni Niño sa ibang bansa, nakapag-desisyon ang mga sumunod na batch ng editors sa Pilipinas na hindi pala sa lahat ng pagkakataon ay dapat sundin ang ‘pattern’ ng pagdidibuho sa komiks. Kaya nang muling magbalik si Niño sa pagdu-drawing sa komiks ng Pilipino, wala na doon ang mga dating puna ng publishers at editors. Tinanggap ang estilo niya ng paggawa ng komiks dahil hindi kayang tawaran ang tagumpay at papuri na inabot niya sa ibang bansa.



Kung ating babalikan ang kasaysayan, sa mga taong 60s at 70s nagsilabasan ang iba’t ibang idealismo sa pinakaradikal na maiisip ng tao. ‘Culture gone wild!’ sabi nga ng mga moralista nang panahong iyon. Umusbong ang mga kilusang may taglay na bagong pilosopiya--‘hippie’, flower power, sex, drugs & rock n roll, psychedelic. Ang kilusang ito ang humulma sa lipunan nang mga sumunod na henerasyon.

Sa kilusang ito na halos na-absorb ng paniniwala ng buong mundo, naapektuhan din ang pangkabuuang pagtingin sa art. Lumabas ang mga likhang sining patungkol sa ‘Vietnam War’, peace, marijuana, utopia, new age religion. Sinong makakaiwas sa ganitong pagbabago ng kultura? Karamihan ng mga nasa media at kilalang tao ay gumagawa nito—Beatles, Peter, Paul & Mary, Jimi Hendrix, at iba pa. Mga kilusang pinaigting pa lalo ng ‘hippie at rock music’.

Maging ang mundo ng komiks at ginulantang ng kilusang ito. Nagsulputan sa mga Western comicbooks ang mga underground comics—nariyan sina Robert Crumb, S. Clay Wilson, Victor Moscoso, Rick Griffin, at iba pa.

Samantalang nagkakaroon na ng ‘underground movement’ ang comicbook sa ibang bansa, dito sa Pilipinas ay hindi ito naganap (sa tunay nitong ‘sense’, ang underground komiks na lumabas dito sa atin ay pornographic materials—Tiktik, Uhaw, Sabik, etc.—na malayo ang tema sa mga likha ng mga underground comicbook creators ng Kanluran). Kaya walang ‘venue for experimentation’ ang mga nagbabalak mag-iba ng anyo ng komiks natin. Hindi rin kayang suportahan ng isang underground creator ang printing dito sa atin dahil sa kamahalan ng halaga. Magsasayang lang siya ng pera dahil tiyak na hindi maidi-distribute ng maayos ang kanyang komiks dahil ang buong sirkulasyon ng komiks ay dadaan sa mga Roces (ang may-ari ng halos lahat ng komiks publication sa bansa).

Kaya walang choice ang mga manlilikha ng komiks kundi tumakbo sa mga pangunahing publikasyon (gaya ng GASI at Atlas). At sa ayaw man nila at sa gusto, susunod sila sa ‘pattern’ ng mga ito. Ang ‘modern radical art’ ay hindi tanggap sa komiks ng Pilipino. Kung gusto mong mag-inject ng bagong estilo sa iyong gawa, uunti-untiin mo ito. Hindi mo puwedeng isagad. Walang tatanggap sa iyo.

Kaya nga masasabi natin na 100% na lumabas ang tunay na talento ni Alex Niño nang makawala na siya sa komiks ng Pilipino.

Nagkaroon ng kaunting pagbukas ang pintuan ng komiks dahil sa ginawang ito ni Niño, may ilang mga Filipino creators na gumawa na rin ng sarili nilang pananaw sa kanilang sining. Gumawa ng sarili nilang approach at tinanggap naman ito ng mambabasang Pilipino, dahil sa ayaw man natin sa gusto, pati ang mga mambabasang Pilipino ay nag-i-evolve na rin dahil nagsisimula nang dumami ang mga sinehan, programa sa telebisyon at mga printed materials na galing sa ibang bansa.

Sa mga bagong manlilikha pagkatapos ni Niño, lumutang ang pangalang Vincent Kua Jr. Klasiko ang gamit ng mga tauhan sa drawing ni Kua, aminado siya na malaking impluwensya sa kanya ang mga trabaho ni Stan Drake. Makikita sa kanyang mga likha ang kakaibang paggamit ng panels o frames na hindi ginagamit sa mga ‘classic komiks’ natin. At ang lalo pang nagpaigting sa estilong ito ni Kua ay ang delivery niya ng kanyang mga kuwento. Maihahalintulad ko ang kanyang mga trabaho sa mga pelikula ni Alfred Hitchcock. Luma ito kung tutuusin, ngunit sa approach ng Pilipino komiks, bago ito.



Itinayo niya ang VK Komiks Plus noong 80s—na siyang pangunahing kalaban ng Art Nouveau Comics Workshop ni Joseph Christian Santiago nang panahong iyon. Nakapag-produce si Kua ng mga bagong talent sa komiks na hinangaan din nang mga sumunod na taon.

Isa pa sa bumulabog ng husto sa dibuhong Pilipino ay ang pagsulpot si Toti Cerda. Na kung tutuusin, kapag follower ka ng ‘Europian art’, ay wala namang kakaiba sa kanya, dahil sa katotohanan, si Cerda ay naging ‘clone’ ng kilalang illustrator na si Mobeus. Ngunit dahil nga bago sa panlasang Pilipino, inakala ng marami na orihinal si Cerda sa ganitong sining. Ganoon pa man, nagulantang pa rin ang industriya sa ipinakita niyang ito.

Katulad ni Mobeus, hindi sumunod si Cerda sa rendering ng traditional Filipino illustration. 80% ang gamit niya ng pen at 20% lamang ang brush—ginagamit pa niya ito sa mga malalaking ‘blackings’ ng drawing. Kung titingnan kasi natin ang mga naunang dibuhista, karamihan ng mga ito ay 100% hanggang 50% ang gamit ng brush strokes. Samakatuwid, walang dibuhista noon na hindi gumagamit ng brush.

Dahil nga ‘stylized’ ang paggawa ng komiks ni Cerda, inakala ng mga traditional illustrators na hindi talaga ito marunong gumawa ng realistic drawing. Nagkamali sila. Dahil nang bumagsak ang GASI at nang mag-shift si Cerda sa painting, lumabas ang tunay niyang galing sa paggamit ng watercolor. Sa katunayan, isa siya ngayon sa top ten watercolorist ng Pilipinas at inaasahang hindi malayo na magiging kalinya niya ang mga pintor tulad nina Malang, Ang Kiokuk, at iba pa, pagdating ng araw.

May mangilan-ngilan pang mga dibuhista na nagtaguyod ng modernong dibuho sa komiks natin—Ed Albano, Ricky Espineda, at karamihan ng mga dibuhista na hinawakan noon ng editor na si Cely Barria—ngunit hindi naging maimpluwensya ito kumpara sa gawa nina Kua at Cerda na ipinagaya pa ng ilang editors sa mga baguhang dibuhista. Kung titingnan nga natin ang progreso na ilang dibuhista, makikita natin sa mga unang gawa ni Elmo Bondoc ay naging ‘clone’ siya ni Kua. Ang mga sumunod naman kay Cerda ay sina Lucas Jimenes (estudyante ito ni Kua sa VK Komiks Plus), Nestor Tantiado (ngunit aminado naman siya na ipinagaya lang ng editor ang estilo ni Cerda dahil iyon ang patok nang panahong iyon, nang makausap ko nga si Nestor, sinabi niya na si Redondo pa rin ang pangunahin niyang impluwesnya).

0 Comments:

Post a Comment

<< Home