MAY ESTILO NGA BA ANG MGA PILIPINO? (Part 6)
PARA KANINO ANG ‘STORYTELLING’?
Tandaan natin ang kauna-unahang komiks na Kenkoy ay inilabas sa magasing Liwayway. At tanging si Tony Velasquez lamang ang matatawag natin noon na ‘nag-iisang gumagawa ng komiks’ (bagaman nakasama niya si Romualdo Ramos sa maikling panahon). Sa tagumpay na inani ng Kenkoy, nagkasunod-sunod na ang ilang titulo ng komiks. At siyempre, ang mga ito ay nasa tema rin ng ‘katatawanan’ at komedyang pagsasalarawan ng buhay-Pilipino.
Nang pumasok ang mga komiks na may temang adventure, drama, historical, horror, at iba pa, karamihan ng mga manunulat na sumubok gumawa ng script ng komiks ay mula sa pagsusulat ng mga nobela, maikling kuwento, tula, at iba pang anyo ng literaryong pagsulat.
At dahil ang oryentasyon ng mga manunulat na ito ay nakasentro sa paglikha nila ng mga diyalogo, captions at narrations, ay nagamit lang nila ang deskripsyon para sa mga dibuhista bilang sangkap sa mga kuwentong direktang galing mismo sa kanilang utak. Sa point of view ng writer ng ganitong panahon: Ako ang puno ng kuwentong komiks, at hindi tatakbo ang kuwentong ito kung wala ako.
At dahil malinaw ang mga salitang ginamit sa presentasyon ng kuwentong ibinigay ng manunulat sa dibuhista, ang nasa isip ng huli ay hindi ang pakialaman ang ‘inner camera’ ng manunulat. Ang atensyon ng dibuhista ay hindi ‘pagalawin’ ang larawan kundi pagandahin ang ‘craft’ na kanyang taglay—iyon ay walang iba kundi i-translate ng maayos at maganda ang ‘inner camera’ ng writer. Ang ‘kagandahang’ ito na sinasabi ng dibuhista ay ang paggawa ng magandang mukha ng tauhan, matikas ng tayo ng lalake, feminine na kilos ng babae, makatotohanang paggamit ng liwanag at dilim, realistikong background, at malinis na hagod ng brush.
Kaya nga hindi nakapagtatakang sa oryentasyong ito ng ating mga dibuhista, bihasa tayo sa paglalapis, sa pagtitinta, sa paggawa ng background, at sa rendering. Na kadalasan ay hindi ‘nakakaya’ ng ilang dibuhista ng ibang bansa (hindi uso sa atin ang penciller at inker gaya ng sa Amerika at Europa, at iba ang tagagawa ng background gaya ng sa Japan—dito sa atin, nilalagare ng dibuhista ang lahat—lapis, tinta, ultimo lettering at kulay—nang mauso ang teknikolor sa komiks natin).
Isa pa ring dahilan ay dahil nga appealing sa atin ng mga lumang trabaho ng mga early comicbooks na nakaimpluwensya sa atin. Ang mga halimbawa ng mga unang komiks na ito ang naging batayan natin sa ating komiks.
Makikita sa gawang ito ni Hal Foster sa Prince Valiant na mas malaki ang papel ng ‘written words’ kesa sa biswal. Although talaga namang kamangha-mangha ang gamit ni Foster ng larawan sa kanyang komiks.
At dahil malaki ang ginagampanan ng manunulat para maunawaan ng mambabasa ang komiks, hindi alintana ng dibuhista kung kaya ba niyang magpatakbo ng kuwento sa pamamagitan ng kanyang drawing. Inuulit ko ulit, dahil nakatuon ang pansin niya sa craft bilang illustrator at hindi ‘storyteller’.
Nang dumagsa na parang kabute ang ating komiks noong late 70’s hanggang 80’s (na sa loob ng isang linggo ay daan-daan ang komiks na nakikita natin sa bangketa at mga arkilahan, naghanap ng paraan ang mga illustrator natin na mapabilis ang kanilang trabaho dahil santambak at sandamukal ang idu-drawing na script ang nag-aabang sa kanila. Doon nauso ang tinatawag sa publication na ‘ulo-ulo’. Ibig sabihin, karaniwan nang ginagawa ng nagmamadaling dibuhista noon ay ‘puro ulo na lang ang dinu-drawing sa bawat frame’. Halos wala nang nagdu-drawing ng background, lalo na ng full shot. Isa nga sa naging karanasan ko, ang inilagay kong illustration guide sa isa kong script na ginawa ay ipakita ang karakter na babae at lalake na papasok sa pintuan ng motel habang magkaakbay. Ang ginawa ng illustrator, shinort cut ang eksena, ang ipinakita na lang ay close up ng kamay ng lalake na nakahawak sa doorknob.
Isa si Joey Celerio sa magaling na dibuhista noong 80s ngunit dahil sa dami ng trabaho ay kailangan niyang makaisip ng paraan para mapabilis ang trabaho kung ayaw niyang sumablay sa linggo-linggong deadline.
Sa madaling salita, nagkaroon ng ‘dayaan’ sa presentasyon ng komiks ng mga panahong iyon. Hindi naman nababahala ang manunulat, lalo na ang mismong dibuhista, dahil kung susumahin sa kabuuan, mauunawaan pa rin naman ng mambabasa ang kuwento. Kahit pa puro ulo ang makikita mo sa buong pahina (kahit pa nga sa buong istorya), malalaman mo pa rin ang takbo ng kuwento dahil sa mga dialogues at captions na ginamit ng manunulat. Uulitin ko na naman, dahil nga ‘words-oriented ang komiks natin.
At totoo rin na nagpababa sa kalidad ng komiks ng panahong iyon ang ginawa ng mga dibuhista natin (kaya nga kung pag-aaralan natin ang sinabi ni Francisco Coching sa inilagay ko sa Quotation 1 na nasa ibaba, makikita natin na alam niya ang nangyayari sa komiks ng panahong iyon—at mayroon siyang mga pinatatamaan dito). Ngunit ano nga ba ang magagawa ng mga writers at illustrators na ito? Ang dami-daming komiks, kailangan nilang tumapos ng deadline. Tandaan pa natin na ang weekly (minsan pa at dalawang beses sa isang linggo ang labas ng komiks natin). Si Hal Santiago noon ay tumatapos ng 15 pages ng drawing—na fully inked—sa loob ng isang araw. Ngunit alam kong may mas mabilis pa, dahil natatandaan ko noon nang minsan pag-drawingin niya ako ng mukha ng tao, natapos ko kaagad ng limang minuto, ang biro niya sa akin ay, “Para kang si Rico Rival, malingat ka lang e tapos na ang isang page.”
Totoo din naman, dahil nang makarating din si Alfredo Alcala sa Amerika at makita ng mga Amerkano kung paano siya magtrabaho, hindi rin makapaniwala ang mga ito, kayang tumapos ni Alcala ng isang buong comicbook—fully inked—sa loob ng isang linggo. At kung titingnan pa natin ang estilo ni Alcala, punung-puno ng render at hatching ang bawat pahina, kaya halos hindi mo ma-imagine kung gaano kabilis ang taong ito. Ang kainaman pa ay hindi nawawala ang kalidad sa kanyang trabaho.
Ang aking konklusyon, ang ‘storytelling’ na sinasabi ng Western comicbook ay hindi isang absolutong katotohanan na dapat pairalin sa tuwing gagawa tayo ng komiks. Totoong mas nabibigyan ng buhay ang ‘medium ng komiks’ sa sinasabing ‘storytelling’, ngunit hindi ibig sabihin na kapag hindi ka gumamit nito ay hindi na epektibo ang isang komiks.
Ano ang naging batayan ng ‘Western comicbook movement’ at sinabi nilang mahina sa storytelling ang mga dibuhista Pilipino? Dahil ba mayroon silang sariling pagkaunawa dito? Mayroon silang standard na sinusunod? Paano natin sasabihin na hindi epektibo ang komiks ng Pilipino gayong napakaraming dekada na itong tinatangkilik ng ating mga kababayan? Nagkamatayan na ang mga matatandang creators ng komiks at mga mambabasa nito ngunit wala ni isa mang nagreklamo na mahina ang storytelling ng isang dibuhista.
Hindi totoong mahina ang ‘storytelling’ ng mga Pilipino. Nagkataon lang talaga na ‘magkaiba’ ang komiks natin kumpara sa ibang bansa. At ang ‘rules’ na sinasabi ng mga taga-ibang kultura ay hindi aplikable sa komiks na ginagawa ng mga Pilipino. Siguro ay ‘minalas’ lang tayo sa punang ito dahil karamihan ng ating mga dibuhista ay nakapag-drawing sa Amerika at kailangan nilang tanggapin ang sinasabi ng ‘comicbook movement’ na naroon.
Kung bibigyan natin ng malalim na batayan ang depinisyon ng komiks, o kung sakali mang ipapa-define natin ang tunay na anyo nito, saan nga ba nakakiling ang komiks? Sa mga salitang nakasulat dito o sa mga drawing? Pantay ba ang gamit ng words at visual? O mas lamang ang salita kesa sa biswal, o pabaligtad? Ano man ang kalabasan nito, ang absoluto ay nasa mismong gumagawa ng ‘kanyang’ komiks.
Kung absoluto ang pagtuturo ng Western comicbook movement sa ‘storytelling’ (lalo na ang mga malalaking publication tulad ng Marvel, DC, at iba), saan natin ihahanay ang ilang mga comicbook creators na may sarili nilang paraan ng presentasyon at paggamit ng biswal bilang palaman sa mga kuwentong kanilang ginagawa?
Magiging excuse ba sina Dave McKean, David Mack, Chris Ware, at sangkatutak pang hindi sumusunod sa mainstream comicbooks dahil stylized ang kanilang estilo?
Vier Mauern
Nina Neil Gaiman at Dave McKean
Kabuki
Ni David Mack
Jimmy Corrigan: The Smartest Kid on Earth
Ni Chris Ware
Para sa akin, abstrakto ang ‘storytelling’sa tunay nitong esensya. Katulad ito ng literatura na mayroong lebel ng pagiging direkta at pagiging metaporika. Maari itong maging singlinaw ng ‘storyboarding’, madaling unawain gaya ng ‘mainstream American comicbooks’ (hinahaluan ng epektibong layouting ang kanilang storytelling kaya magaan sa mata), eksaheradong naratibo gaya ng komiks ng Japan, ang ‘pictorial-like-scene’ na ginagawa ng mga Pilipino, at ang walang katapusang pagtutuklas ng bagong presentasyon ng ‘comics-as-art movement’.
Untitled
Ni Richard McGuire
3 Comments:
Randy,
Binabati kita sa paglalagay ng ganitong blog. Sa totoo lang ay ikaw lang ang nagbigay ng ganito kalalim na analysis sa komiks ng Filipino. Sana ay ipagpatuloy mo itong nasimulan mo at tiyak na marami ang makikinabang.
LS
Salamat LS, Dalaw ka dito ng madalas. Di ka man lang nag-iwan ng full name mo. ikaw ba si Luke Skywalker?
maituturing palang isang malawak ang paglikha nito,nuon pag tapos kong umarkela sa tindahan ng komiks at nabasa ko na tapos na!pero ngayon madalas nkatuon nko sa detalye ng gumawa at nagsulat....
Post a Comment
<< Home