TIPS NG PAGSUSULAT MULA KAY ELENA PATRON
Pansamantala muna nating putulin ang paksang ‘May Estilo nga ba ang mga Pilipino?” Hayaan niyo munang i-share ko sa inyo ang ilang tips galing sa isang matagumpay na manunulat ng komiks na si Elena Patron. Ito ay kanyang ibinigay sa isa sa pinakahuling komiks scriptwriting workshop na isinagawa sa Atlas Publication noong April 1997.
Nagulat ako nang isama ako ni Tita Elena sa isang silid sa kanyang bahay sa Las Piñas kung saan makikita doon ang lahat ng awards at papuri na nakuha niya sa tagal na pagiging manunulat sa komiks. Punum-puno ng plake, certificate, trophy at posters ng mga nobela niyang naisapelikula ang buong kuwarto. Hindi matatawaran na isa siya sa mga babaeng manunulat na naging matagumpay at malayo ang narating sa mundo ng pagsusulat. Sa kasalukuyan, siya ay nagsusulat pa rin sa Liwayway magasin at ilang romance pocketbooks.
ANO ANG LIHIM KUNG BAKIT MAYROONG NAGIGING TAGUMPAY NA MANUNULAT? MAY SIKRETO BA PARA SA TAGUMPAY O TALAGANG SUWERTE-SUWERTE LANG?
Iakma ninyo ang inyong style o paraan ng pagsulat sa tinatawag nating ‘market’ na siyang pagbebentahan ng inyong susulatin o sinusulat. Humigit-kumulang, alam ninyo kung sinu-sino ang mga suki nating mambabasa sa komiks. Humigit-kumulang, alam na ninyo kung anong klaseng kuwento ang kanilang kinalulugdang basahin.
Maging pamilyar sa gusto at inaayawan ng ating mga editors ng komiks na pagbibigyan ng ating sinusulat. Ang mga editors o patnugot ang nakakaalam kung ano ang dapat ilaman sa hawak nilang komiks. Naging praktis na sa ating publikasyon na sa bawat komiks ay iba-ibang uring istorya ang ilathala. May komiks para sa love story, drama, horror, kababalaghan, aksyo, etc.
Maging una kayo sa panlasa ng ating mambabasa. Huwag iyong uulitin o iri-rewrite lang ninyo ang mga lumang istorya o ideya. Naging malaking leksyon sa akin ang nobela kong KAPATID KO ANG AKING INA. Naiiba ang paksa nito, bago sa panlasa ng mga mambabasa. Kaya nagging kontrobersyal. Ang inyong sinusulat ay siyang lilikha sa inyo bilang mahusay na manunulat o siyang wawasak sa inyong reputasyon.
Sikapin ninyong maging iba. Strive for novelty. Kahit luma na ang plot at paulit-ulit nang nagamit ay nagagawa ninyong interesting para sa mambabasa. Maibibigay kong halimbawa ang aking nobelang SLEEPING BEAUTY. Pangkaraniwan ang tema na tungkol sa isang seksing dalaga na isip-bata. Ngunit sa pagpapakita ng kanyang kainosentihan sa sex, pinalad na maging hit ang nobelang ito. Masasabi ko tuloy na hindi ako gumawa ng SLEEPING BEAUTY kundi ako ang ginawa nito.
Ang unang kuwadro o frame ay dapat magbigay ng todong interes sa nagbabasa. Iyon bang para silang binuntal. Isang pain inyon na magpapakagat sa mambabasa at magiging dahilan upang tapusin nila ang pagbabasa ng kuwento hanggang sa wakas,
Last but not the least…Magsulat kayo…magsulat nang magsulat. Huwag kayong panghihinaan ng loob kapag nakatanggap ng rejection slip. Maikukuwento ko tungkol ditto ang minsan nang napalathala—tungkol sa yumaong master storyteller na si Uncle Mars (Ravelo). Kinailangan pa (raw) niyang maghabol at mag-‘sales talk’ sa publisher bago tinanggap ang kanyang likhang RITA KASINGHOT. The rest is history. Alam nating lahat kung gaano katayog ang kinalagyan ni Mr. Ravelo bilang manunulat.
Habol na paalala, mabibihira na ngayon ang sinasabing INSPIRASYON, lalo na kung gagawin ninyong totohanang hanapbuhay ang pagsusulat. Magtakda kayo ng regular na oras para sa pagsusulat…magsulat nang magsulat kahit na hindi dumating ang sinasabing inspirasyon.
3 Comments:
hnd dapat nawawalan nang inspirasyon ang isang artist. kahit ano pa yan, kakaiba man s kanila wag matakot ilabas ang nararamdaman. dahil dun lumalabas ang tunay na kaluluwa nang isang sining.
PADAYON!
Wow. Elena Patron....nakakamiss na uling mabasa ang mga gawa niyang komiks. Gustong gusto ko iyong kanyang Blusang Itim na lumalabas sa Aliwan Komiks(Tama nga ba, na sa Aliwan Komiks lumabas?) Naalala ko na guhit iyon ni Joey Celerio. (Wait,tama nga ba na si Joey iyon o si Louie Celerio?)
Basta, miss ko na mga gawa ni Ma'am Elena.
I am glad that people still appreciate my mother's writing. Just a correction on the location of our residence. It is in Sucat, Pque city and not Las Pinas.
Post a Comment
<< Home