MAY ESTILO NGA BA ANG MGA PILIPINO? (Part 2)
PAGBABALIK SA NAKARAAN
Ilang matatandang illustrator ang nakausap ko noon sa GASI at Counterpoint dahil sa tingin ko ay sa kanila ko lang malalaman ang kasagutan. “May style ho ba talaga tayong mga Pilipino sa pagdu-drawing ng komiks?” Nalaman ko lang ang malalim na kasagutan pagkalipas ng sampung taon nang muli kong dalawin si Hal Santiago sa kanyang bahay sa Pasay.
“Kung gusto mo talagang malaman ang kasagutan, balikan mo ‘yung kasaysayan ng komiks natin,” aniya. “Noong bago pa mag-World War.”
Nang umalis tayo sa pagkakaalipin ng mga Kastila, ipinasok kaagad ng mga Amerkano ang kanilang kultura sa atin. Chopseuy ang kultura ng Pilipino nang pakawalan tayo matapos ang ilan daang taon sa ilalim ng Espanya. Sa panahong ito ng paghahanap natin ng ‘identity’, pinunan ng Amerika ang sa tingin nila ay kakulangan sa atin. Kasabay ng pagbabago ng ating pananamit at lengguwahe, pinakialam nila ang ating kultura, kaugalian, at paniniwala.
Nagkalat noon ang mga produktong Amerkano. Mabibili kahit saan ang mga peryodiko at babasahin na kung hindi man galing sa kanila, ay malaki ang kanilang naging impluwensya. Sa dinami-dami noon ng mga Western strips sa mga peryodiko (wala pa noong comics na may sariling titulo, lahat ng comics ay palaman lang sa mga dyaryo), ilan sa mga comic strips na ito ang nagkaroon ng malaking impact sa mga Pilipinong nagnanais gumawa rin ng komiks.
Ang Bayeux Tapestry, na isang embroidery, ay sinasabing kahawig ng komiks sa pagsasalarawan ng pangyayari sa Norman conquest. Ginawa ito noong 1073-1083.
Ang mga larawang ito ay matatagpuan sa loob ng Ajanta Caves sa India. Tinatayang ginawa noon pang 200 BC at 650AD. Ang mga ito ay nagsasalarawan ng mga kuwento ni Gautama Buddha.
(Kung inyong mapapansin, ang mismong salitang ‘komiks’ ay direktang kinuha sa ‘comics’. Ibig sabihin, nakaugat talaga ito sa impluwensyang Amerkano. Hindi kagaya ng Manga ng Japan at Manhwa ng Korea na nakaugat sa mismong lengguwahe nila. May suspetsa pa ako na naging bias ang sumulat ng mga history books tungkol sa komiks dahil karamihan ng sinasabing nagpasimula nito ay galing sa Western knowledge (Francis Barlow (French), William Hogarth (English), James Gillray (English), Richard Felton Outcault (American), at iba pa. Although nang lumabas ang librong ‘Understanding Comics’ ng comicbook educator na si Scott McCloud, nagsimula pa ito sa mga sinaunang tao na nakatira sa kuweba—ngunit ibang usapin na ang mga ito. May palagay pa ako na dahil walang nagsagawa ng malalim na pag-aaral tungkol sa kasaysayan nito sa Asya, kaya nalipat ang kredito sa West. Hindi naman mapapasubalian na ang kultura ng China at India—na mga sinaunang sibilisasyon—na mayaman din ang naiambag sa aspeto ng sining, lalo pa’t mga Tsino ang unang nakaimbento ng papel.)
Ang tinatayang pinakaunang printed book ay gawa ng mga Tsino noong AD 868 na may pamagat na ‘Diamond Sutra’ (saling Ingles).
Sa patuloy na pagtangkilik ng mga Pilipino sa mga peryodikong Amerkano, nakatawag ng pansin ang mga strips na Prince Valiant ni Hal Foster at Flash Gordon ni Alex Raymond. Napakalaki ng impluwensya ng dalawang ito sa mga umusbong na manlilikha ng komiks ng Pilipino pagdating sa ‘illustration-side’.
Sa ‘writing-side’, nakaimpluwensya rin ng malaki ang mga action-adventures novels ng mga batikang nobelista sa libro. Isa rito ay ang ‘Tarzan’ ni Edgar Rice Borrough na naging inspirasyon ni Francisco Reyes sa kanyang komiks na ‘Kulafu’, at ‘Hagibis’ ni Francisco Coching.
Pagdating sa drawing, bakit nga kaya naging malakas na impluwensya sa mga sinaunang dibuhista ang mga gawa nina Hal Foster, Alex Raymond, at Lou Fine? Bakit kahit nang maging tanyag ang estilo ni Jack Kirby na kumbinasyon ng realistic at cartoony ay hindi pa rin tayo umaalis sa Foster-Raymond era? Malalaman sa susunod.
2 Comments:
This comment has been removed by a blog administrator.
Yes of course, i too, have nothing against the inter-cultural mixture in art. In fact, i will tackle about this later on this article.
Post a Comment
<< Home