MAY ESTILO NGA BA ANG MGA PILIPINO? (Part 1)
SA PANINGIN NG IBANG LAHI
Nang magsimula ang ‘Filipino Invasion’ sa American comicbooks noong mga unang taon ng 1970s, maraming pinataob na batikang Amerkano ang ating mga kababayang dibuhista. Sa katunayan, ang pagdagsa ng ating mga batikang artist ng komiks (de Zuñiga, Redondo, Alcala, Niño, etc.) ay nagdulot ng malaking pagbabago sa anyo ng kanilang comicbooks.
Ang mga comicbook educator tulad ni John A. Lent ay nagsabi na ang mga ‘bagong batch’ na ito ng mga dibuhistang Pilipino ay ‘master’ ng pigura, hagod ng brush, at composition ng eksena. Hindi maikakaila ng ilang batikang artist, tulad ni Berni Wrightson, na hindi kinabahan ang mga publishers noon (DC at iba pa) nang magtangka silang umalis sa trabaho dahil hindi napagbigyan ang paghingi ng pagtataas ng sweldo. May mga Pilipinong papalit, mas mura ang bayad, mas mabilis magtrabaho, at magagaling. Nakaimpluwensya rin ang ating mga kababayan sa mga sikat na artist tulad ni Neal Adams nang aminin niya na malaki ang paghanga niya kay Nestor Redondo kaya nabuo ang istilong tinatawag niyang ‘Dynamic Realism’. Ang mga trabaho noon ni Al Williamson ay makikita ang direktang pagkopya sa ilang eksena ng mga komiks ni Francisco Coching.
Nayanig ng husto ang Western comicbooks sa pagpasok na ito ng ating mga kababayan. Kung tutuusin, kapag pinag-usapan kung anong mga lahi ng comicbook artist ang pinakamagagaling sa mundo, tiyak na hindi mawawala ang mga Pilipino sa top 5.
Ngunit hindi naiwasang lumutang ang mga kritiko. Totoong magagaling tayo sa paggawa ng pigura, sa hagod at pitik ng kamay, sa estilo, sa paggamit ng ‘shades and shadows’ at sa paghawak ng brush. Isa ang puna sa atin, mahina tayo sa ‘storytelling’. Na siyang pinakamahalagang sangkap ng komiks sa Amerika—naging malaking batayan ito nang ilabas ni Will Eisner ang kanyang unang aklat na may pamagat na Comics and Sequential Art. May mga lumutang pang puna na hindi dynamic ang paggamit natin ng layouting sa eksena –na siya namang naging batayan ng mga tumitingala sa estilo ni Jack Kirby. Flat daw ang paggamit natin ng anggulo, tipong nagpapa-picture ang mga tauhan sa isang box o panel. Kapag gumawa tayo ng side view, talagang side view. Kapag front view, talagang front view.
Hindi nakapagbigay ng malaking impact sa mga dibuhista noon ang dalawang aklat kahit pa nga aware sila sa mga American illustrators noon dahil sa ilang kadahilanan. Hindi naging accessible sa mga dibuhista noon ang dalawang libro na nakaimpluwensya ng malaki sa American comicbooks. Una, piling-piling bookstores lang ang mayroong kopya nito. Ikalawa, kakaunting dibuhista lang ang nag-iipon ng mga reperensya, partikular na sa development ng comics--mas gugustuhin pa nila na mag-ipon ng actual na drawing pieces kesa sa mga educational books tulad ng mga ito. Kaya nga ilan lang sa matatandang illustrators ang mayroon talagang koleksyon ng iba't ibang aklat tungkol sa medium ng komiks. Ikatlo, sa tanggapin man natin at sa hindi, karamihan talaga ng mga Pilipino ay hindi mahilig magbasa ng mahahabang aklat, at hindi nakaligtas dito ang ating mga dibuhista. At ang panghuli, tanggapin man ito o hindi ng mga bagong creators ngayon, hindi naging appealing sa mga matatandang illustrators natin ang estilo nina Will Eisner at Jack Kirby.
Ang mga punang ito ay bago sa atin. Sa sarili nating komiks, ang ganitong mga dibuho ang hinahangaan. Aware din naman ang ating mga dibuhista sa sinasabing ‘storytelling’ ngunit hindi ito ang kinasanayang pag-aralan ng mga gustong sumabak sa komiks nang mga panahong iyon. Susubukan ko itong sagutin sa paglaon ng artikulong ito. Dahil malalim ang ugat nito, hindi lang ito simpleng pagtingin natin sa sining kundi uugatin nito ang mismong kultura at paniniwala natin bilang Pilipino.
4 Comments:
Ang komiks ay para sa lahat, wala itong pinipiling edad o kung ano man. Ang mahalaga sa isang komiks ay ito ay nakakalibang at may aral na kung saan may natututunan ang mga mambabasa!!!
Ang komiks ay para sa lahat, wala itong pinipiling edad o kung ano man. Ang mahalaga sa isang komiks ay ito ay nakakalibang at may aral na kung saan may natututunan ang mga mambabasa!!!
Ang komiks ay para sa lahat, wala itong pinipiling edad o kung ano man. Ang mahalaga sa isang komiks ay ito ay nakakalibang at may aral na kung saan may natututunan ang mga mambabasa!!!
Hi Joe,
Tama, ang komiks ay para sa lahat. Ngunit iba't ibang tao ang gumagawa ng komiks, at iba't ibang tao rin ang nagbabasa nito. Ibig sabihin, relatibo ito. Maaring ang gusto mo ay hindi gusto ng kaibigan mo. Kaya nagkakaroon ng iba-ibang tema ang komiks. Sa Japan, may tema tungkol sa bata, at meron din sa matanda. Parang pelikula, meron For General Patronage, may R-18, may Rated PG, at For Adults Only. Totoo ang komiks ay para sa lahat, ngunit kumporme pa rin ito sa isang tao na naghahanap nito.
Post a Comment
<< Home