Saturday, September 03, 2005

MAY ESTILO NGA BA ANG MGA PILIPINO? (Part 3)

MGA NAUNANG IMPLUWENSYA

Hindi galing sa atin ang ideya ng pagsisimula ng pagpapalimbag ng komiks. Sabi ko nga, ang mga comics noon sa mga peryodiko o ‘Sunday funnies’ kung tawagin nang mga panahong iyon, ay naging malaking inspirasyon para pasukin din ang umuusbong na medium na ito o ipinagpapalagay ng iba na isa ring uri ng entertainment.

Magagaling ang trabaho nina Hal Foster at Alex Raymond. Ngunit sa napakaikling panahon ng pagtunghay dito ng ating mga unang dibuhista ay nakatakda na tayong sumabay sa craftsmanship na ito ng dalawang Amerikanong manlilikha. Dahil bago pa man tayo nakakita ng comics na gawa ng Amerika ay mayroon na tayong skills at galing sa pagdu-drawing na natutunan natin sa ating mga early artists.

Kaya nga hindi dapat mapalampas ang galing noon ni Francisco Reyes nang gawin niya ang ‘Kulafu’ (na nagging inspirasyon at isa sa tinitingala ni Coching nang panahong iyon).

Saan natin nakuha ang galing na ito at madali tayong naka-adopt sa ipinapakilalang komiks ng Amerika?

Halos baguhin ng paniniwalang Kastila ang buong kultura ng Pilipino. Sa katunayan, ang mga kulturang hindi naalis sa ating mga ninuno ay matatagpuan na lang ngayon sa malalayong bundok. Ang mga katutubong ito na lang marahil ang nagtataglay sinaunang gawi ng mga Pilipino. Ngunit ang masakit sa kasalukuyang kalagayan, lumalabas ang diskrimanisyon sa ating pag-iisip na ang mga taong ito na tinatawag nating mga ‘katutubo’ ay ang mga ‘uncivilized’ nating ninuno. Ang ‘modernisasyong’ ito na takbo ng ating utak ay dikta ang matagal na pananakop sa atin ng mga banyaga.



Ang isa sa pinakasikat na painting na gawa ng Kastila ay ang The Surrender of Breda ni Diego de Silva y Velázquez ay ipinapalagay na isa sa most outstanding sa kasaysayan ng Spanish art. Ginawa ito noong 1634. Mapapansin sa larawan ang husay ng komposisyon at paggawa ng pigura ng artist.



At dahil nga matagal tayong nasa ilalim ng Espanya, binago rin nito ang pagtingin natin sa sining. Kung tutuusin, dapat ay katulad ng Malay-Indones ang kalidad ng ating sining dahil hindi naman mapapasubalian na sila ang ating mga tunay na ninuno (lumalabas pa rin ang mga uring sining na ito sa ilang tribu—Manobo, Igorot, etc., tinatawag natin itong ‘ethnic art’). At dahil nahulma ng mga Kastila ang appreciation natin sa mga bagay na nakikita ng ating mga mata, ipinasok sa ating utak ang tinatawag nila noong ‘high art’.

Ayon sa pag-aaral ni John A. Lent ng mga comicbooks na gawa ng iba’t ibang lahi, may pagkakahawig tayo sa obra ng mga Mexikano. Paano hindi magkakagayon ay pareho tayo ng pinag-ugatan—mula sa pananakop ng Espanya. Parehong nasaksak sa ating utak ang pagtingin nila sa sining. Although ang pinakatumbok talaga ng pagpapakilala ng sining na ito ay paniniwalang Roman Catholic, lumabas na, ayon sa pagsusuri ni Lent, ay mas konserbatibo daw ang paggawa natin ng komiks kumpara sa gawa ng mga Mexicano at Spanish. May ‘kimi’ at ‘pino’ at paggamit natin hindi lang sa mga characters kundi sa mismong pormula ng ating paggawa ng sining.

May palagay ako na kahit naimpluwensyahan tayo ng sibilisasyong Kanluran ay lalabas at lalabas pa rin ang ating ugat bilang Asyano. Nasa atin pa rin ang ‘konserabtismo’ at ‘kabanalan’ sa lahat ng ating mga kilos sa buhay.

Ang ‘high art’ na ipinakilala noon ng Espanya ay ang mismong art appreciation nila. Kung saan maingat sila sa pagdi-detalye ng mga bagay na nakikita ng mata at kailangan ay mai-translate ito ng tumpak at maayos kung sakaling gagawing sining. Halimbawa, kapag nag-drawing ka ng kabayo noong araw, kailangan ay mukha itong kabayo at hindi mukhang aso. Kapag gumawa ka ng pigura ng lalake, kailangan ito ay matikas at proportion ang katawan. Sa Kanluran napag-aralan ng husto ang tinatawag na ‘still life’ artworks, sila ang nagpalalim sa mga basic studies ng art tulad ng ‘composition’, ‘shades and shadows’, ‘color schemes’, at iba pa.

Kung uugatin pa ng mas malalim ang ganitong pagkilala sa sining, babagsak ito sa panahon pa ng Greek. Kung saan ang isang masterpiece ay pagsasalarawan ng kagandahan at katumpakan ng isang bagay.

Ang nasa larawan ay iskultura na gawa ni Praxiteles. Ito ay ginawa noong 340 bc na tinatawag na Late Classical period, kung saan ang mga artist noon ay gumagawa ng mga masterpieces ayon sa natural na nakikita ng mata. Ang ganito kaperpektong pagsasalarawan ang pinipilit na marating ng kahit sinumang artist ng panahong iyon.


Nang lumakas ang imperyong Rome, ang katangiang ito ng mga Greek ang isa sa nakuha nila pagdating sa sining. Sa mata ng mga Romano, ang ganitong uri ng pagtanaw sa sining ay ang pinakamataas na antas ng bagong sibilisasyon.

Ang estatwang ito ng Emperador na si Marcus Antoninus na ginawa noong ad215 ay malinaw na impluwensya ng Greek art.

Napakamakapangyarihan ng Roma na halos karamihan ng bansa ay napailalim dito. Lalo pa nang maging ganap itong Kristiyano. Isa ang bansang Espanya sa naimpluwensyahan ng Roma hindi lang sa pananampalataya kundi sa maraming bagay, gaya ng sining.

Ang carving na ito na likha ng Spanish artist na si Berruguete ay maituturing na ‘high art’. Ang husay nito sa paggawa ng pigura ay hindi mapapasubaliang impluwensya ng Greek art.


Mahalagang balikan natin ang ilang mahahalagang pangyayari sa daigdig ng sining dahil dito nahubog ang modernong kaalaman natin sa sining.


HIGH RENNAISANCE

Isa sa nagpabago ng pagtingin sa sining ay ang panahon ng mga Renaissance artists. PartIkular na noong 15 Century sa Italya at Ueropa kung saan ilang mahahalagang artworks ang nagdulot ng malaking pagbabago sa ‘ art appreciation’.

Ang movement na ito na tinatawag na ‘High Rennaisance’ ay kinabibilangan nina Paulo Uccello, Fra Filippo Lippi, Leonardo da Vinci, Michaelangelo, at iba pa. Sa panahong ito binigyan ng pagkilala ang drawing bilang isang uri ng sining na kailangan na ring kilalanin. Sa panahon kasi bago iyon, ang drawing ay itinuturing lamang na sketches o pagsisimula ng painting kaya hindi gaanong pinapansin. Kapag hindi ito tinapos na may kulay ay hindi na pinahahalagahan. Si Giorgio Vasari, isa ring artist at biographer ng panahong iyon ay nangongolekta ng mga ‘sketches’ na ito, alam niyang balang araw ay kikilalanin ito bilang isang uri na rin ng ‘high art’.

Pinasimulan ni Paulo Uccello ang kakaibang pagtingin sa ‘perspective’. Binigyan niya ng buhay ang two-dimensional na pagsasalarawan patungo sa mas ‘bilog’ at pagpapakita ng anggulo ng mga pigura. Natutunan niya ito sa isa ring mahusay na painter na si Masaccio naglalagay ng perspective sa mga obra. Hindi pa gaanong pinahahalagahan ng mga artist noon ang paggami ng perspective sa drawing (pinasimulan lang ito ng bilang siyensya ng architect na si Brunelleschi). Makikita sa mga obra ni Uccelo ang mga foreshortening na kakaiba nang panahong iyon.

Nilalagyan ni Fra Filippo Lippi ng ‘sense of atmosphere’ ang kanyang mga tauhan upang ito ay maging ‘bilog’ at makadagdag sa ‘sense of realism’. Ang ganitong uri ng pananaw sa pagdu-drawing at painting siyang nagpahiwalay nito sa mga medieval arts kung saan karamihan sa mga ito ay ‘flat’.


Ipinakilala ng husto ni Antonio Pollaiuolo ang paggamit ng hatching technique hindi lang sa pagdu-drawing kundi pati sa kanyang mga engraved artworks. Siya rin ang unang nagpahalaga sa ‘thin and thick lines’ na nagpapaganda sa drawing.


Si Leonardo da Vinci na mas kinilala bilang isang henyo hindi lamang sa sining kundi pati sa agham. Mas napalaon pa niyang lalo ang paggamit ng ‘shades and shadows’. Sa husay ni da Vinci, isa siya sa pinakatanyag nang panahong iyon at madalas na ikomisyon ng mga Hari, Papa at malalaking tao sa lipunan.


Isa rin sa kinilalang pinakamahusay ng panahong iyon ay si Michaelangelo Bounarrotti. Ginawa niyang mas maging ‘well-defined’ ang bawat kasu-kasuan ng kanyang mga pigura. Katulad ng kakontempuraryong si da Vinci, pinahahalagahan nila ang komposisyon at lambot ng paggawa ng pigura.





Ang movement na ito ng High Rennaisance ay nagdulot ng malaki sa kaalaman ng mga sumunod pang henerasyon ng mga artist. Nahubog ng husto ang paggawa ng pigura ng tao ng mga panahong ito.

At dahil naging aware dito ang mga Spanish artist at ilang Kanluraning dayuhan na napadpad sa Pilipinas, nailipat nila sa ilang Pilipino (lalo na sa mga nakaaangat sa lipunan) ang ganitong uri ng ‘art appreciation’.



MGA PINTOR NA PILIPINO

Ang mga ‘kilusang’ ito sa sining ang nagpaunlad pang lalo sa mga sumunod na henerasyon ng mga artist. Ang impluwensya ng mga ito ay malawak ang narrating. Lalo pa sa mga bansang may direktang kaugnayan sa kasaysayan ng mga bansa sa Kanluran. Kabilang ang Espanya, at siyempre, ang Pilipinas.

At dahil nahubog ang ating mga ninuno dito ay naging natural sa atin ang ganitong appreciation hanggang anihin nang mga sumunod na henerasyon ng mga artistang Pilipino.




Ilan lamang sina Juan Luna at Felix Resureccion Hidalgo ang nagpakita ng ganitong galing. Makikita sa kanilang mga obra ang malinaw na impluwensya ng Romantic at Impressionist style ng Kanluran.

Sa katotohanan, Western ang oryentasyon ng sining ng Pilipino. Kaya hindi nakapagtatakang kahit hindi pa tayo nakakakita ng comics na gawa ng mga Amerkano, lalabas at lalabas pa rin ang impluwensya ng Kanluran sa ating mga likhang sining.

Ngunit sabi ko nga, ang mga likhang katutubo gawa ng mga Igorot, Ibanag, Moro, Mangyan, ay ibang usapin pa at maituturing na ‘minority’ na lang sa lumaking pagkilala ng kabuuang Pilipino sa sining.



Ang likhang ito ng Japanese artist na si Tokhusai Sharaku ay ginawa noong 1794. Kung atin papansining mabuti, dahil ganito ang tradisyunal na likhang sining ng mga Hapon, hindi nakapagtatakang ang kanilang ‘manga’ o Japanese comics ay impluwensya rin ng ganitong uri ng sining.

Kaya nga madali nating makikilala ang ‘outcome’ ng isang likhang sining base sa kanyang pinanggalingan.

Isa pang halimbawa ng Japanese art na gawa ni Kitagawa Utamaro noong 1790, na kakikitaan ng pagsasalarawan ng pigurang eksklusibo lang sa Asyano, partikular na sa sining ng Hapon.

2 Comments:

At Monday, September 05, 2005 5:02:00 PM, Blogger Unknown said...

ayos to ran, maimpluwensyang mga tao noon at kaya pang dalin ang istilong ginamit nila hangang ngayon...pagdating sa mga painter tulad nila Da Vinci, michAngelo, rembrandt, vincent van goh, picasso at ang mga malikhaing konsepto ni salvador dali ... sila ang mga hinangaan ko noon bata pko sa komiks naman sila roni santiago, louie celerio at ronie escariaga tama ba mga spelling nila ...nakikilala mo ba sila ran?

 
At Monday, September 05, 2005 6:06:00 PM, Blogger Randy P. Valiente said...

nabasa ko na iimbitahan ng mga organizers si roni santiago sa darating na komiks convention sa october...
www.komikon.blogspot.com

si louie celerio nasa animation pa rin hanggang ngayon.

si escariaga isa rin sa idol ko. sya ang gumawa ng superdog sa funny komiks nu'ng araw.

 

Post a Comment

<< Home