MAY ESTILO NGA BA ANG MGA PILIPINO? (Part 5)
KUWENTONG KOMIKS
Ang totoo ay hindi ako naging tagasubaybay ng comics ng Amerika at ibang bansa. Kung hindi pa nga ako nagkaroon ng trabaho sa ilang publications sa US, hindi ko matututunang bumili sa mga comics shop gaya ng Filbars, Comic Quest at iba pa. Pero mayroon akong halos isang cabinet ng mga comics na gawa galing sa iba’t ibang bansa. Sinimulan ko ito ipunin bata pa lang ako, nabili ko sa mga book sales, garage sales, lalo na sa gilid-gilid na bangketa sa Recto at Avenida. Kaya karamihan ng mga comicbook kong foreign ay manilaw-nilaw na sa kalumaan, nagugulat na nga lang ako pag nakakatanggap ako ng information na malaki na pala ang value ng isa kong particular na comics.
Hindi rin naman ako kolektor ng mga Pilipino komiks. Kailan ko lang din nalaman na may mga tao na rin palang nagsisimulang mangolekta ng komiks na gawa dito sa Pilipinas—gaya nina Dennis Villegas, Gerry Alanguilan, at iba pa. Ang kagandahan lang sa akin, ang dami kong naitabing komiks ng Pilipino, hindi kasi ako marunong magtapon ng mga lumang gamit, lalo na print materials. Saka ko lang na-realize, kung may halaga na ngayon ang mga lumang komiks natin, bakit hindi ko pahalagahan itong mga naitabi ko. Kung susumahin, mayroon akong daan-daang kopya ng mga komiks ng Pilipino. Sa ngayon ay iniingatan ko na ito at wala na akong balak ipagbili.
Ang punto ko lang dito ay talagang halos hindi pa nga ako nag-aaral sa eskuwelhan noon ay tagasubaybay na ako ng komiks. Hindi pa man ako marunong magbasa ay natutuwa na ako sa drawings ng mga tauhan na naroon.
Hindi naman sa pagbubuhat ng sariling bangko, kung sakali mang may trivia contest dito tungkol sa komiks ng Pilipino, tiyak na lalaban ako. Mas kabisado ko ang laman ng komiks mula late ‘70s hanggang mid ‘90s dahil ito ang panahon ng kasibulan ko. Tanungin mo ako ng title ng isang nobela, sasabihin ko ang writer at illustrator. Nang makapagtrabaho na ako sa GASI, saka ko binalikan ang history ng komiks sa tulong na rin ng mga reperensyang nasa library ni Hal Santiago. Dahil doon ay nagkainteres na akong makipag-usap sa mga matatandang illustrators at writers.
Tumanda na ako sa pagbabasa ng komiks ng Pilipino.
Kinasanayan ko nang magbasa ng kuwento na gawa ng ating mga manunulat sa komiks. Hindi ko kailanman pinangarap na maging writer. Ang gusto ko lang noon ay maging illustrator. Kaya ang mga unang taon ko noon sa GASI, wala akong ginawa noon kundi i-drawing ang script ng iba’t ibang writer. Ngunit hindi ako aware na may talent pala ako sa paggawa ng script. Wala pa akong pormal na edukasyon sa pagsusulat pero mayroon na akong idea kung epektibo ang isang script na ibinigay sa akin. Madalas ay nakakakita ako ng loopholes, at mas madalas siyempre, ang illogical na trato sa istorya.
Kusang lumabas ang talent ko sa scriptwriting nang sabihan ako ng isang editor sa West Publication, si Liza Tan, “Randy, mas gusto ko na magsulat ka na lang ng kuwento. Wag ka nang mag-drawing. Ang pangit ng drawing mo e!” Dahil doon ay binigyan niya ako ng break na regular na makapagpasa ng script sa mga komiks na kanyang hinahawakan (ang asawa ni Liza Tan ay ang isa ring tanyag na manunulat at editor na si Mike Tan. Si Mike ang kauna-unahang editor sa GASI noon na nag-reject ng drawing ko. Nakakatawa lang dahil pagkalipas ng ilang taon ay hinimok din ako ni Mike na nagsulat ng script sa pelikula dahil naging financially rewarding ito sa kanya at unti-unti nang bumabagsak ang komiks).
Bago pa man ako nakagawa ng mga indie comics sa US ay nakakita na ako ng script na gawa ng mga Amerkano. Minsan ay ilang sample scripts sa likod ng ilang US publications. Pero ang nakikita ko lang kaibahan noon ay ang technicalities sa pagsusulat ng script nila kumpara sa atin. Halimbawa, ang tawag nila sa box ng eksena ay ‘panel’, pero ang tawag dito sa atin ay ‘frame’. Karaniwan na dito sa atin, ang I.G. o ‘illustration guide, ay nilalagay sa hulihan ng isang frame:
Frame 1
Adan : Eba, kinain mo na agad ‘yang mansanas, hindi mo pa nga hinuhugasan.
Eba : Okey lang ‘yun, hindi pa rin naman ako nagtu-toothbrush e.
I.G. Ipakita sina Adan ay Eba na nasa gitna ng hardin ng Eden, may hawak na mansanas si Eba habang nakatingin dito si Adan.
Samantalang sa script ng Amerika, karaniwan na itong nakikita sa unahan bago pa ang caption at dialogues:
Page 1 – Splash Page
An FDNY fireman stands outside of Angel’s father’s diner holding a slowly streaming fire hose. The diner is now a smoldering ruin, and the fireman is just trying to put out the last of the smoldering embers. Behind him two inner city kids (Gary and Tony) have just run up to ask what’s going on. We can see a large hook-and-ladder fire truck in the background.
Narration: Just like that we lost everything. I don’t know if the man was right when he said that War is Hell, but the Professor sure knew what he was talking about.
Gary: Damn man! This place got trashed, yo…
Tony: Yeah man… Check it out.
Narration: War is economics… at least for its victims.
At sa loob na rin ng ilang taon kong paggawa ng comics abroad at pagbasa ng iba’t ibang gawa ng scriptwriter na Amerkano, ay nagkaroon ako ng pagkakataon na pag-aralan ng maingat ang pagkakaiba ng paggawa natin ng script kumpara sa kanila. Iba ang ‘way of thought’ ng scriptwriter ng Amerika kumpara dito. Ito ay sa usapin ng ‘technicalities’ at hindi ng idea (of course, ang konspeto at idea ay universal, maari itong isipin kahit ano pa ang lahi mo).
Nagkaroon ako ng konklusyon na kung sakaling isasabak ng comics scriptwriting si Mars Ravelo sa Amerika ay hindi siya magiging epektibo. Gaya rin, pag isinabak mo dito sa atin si Neil Gaiman ay hindi rin siya uubra. Uulitin ko ulit, hindi ito sa usapin ng konsepto ng kuwento kundi sa technicalities ng scriptwriting.
Narito ang klasipikasyon ng pagkakaiba ng dalawa:
Una, pareho silang nagtuturing na ang komiks ay ‘visual narrative’. Na epektibo ang isang kuwento kung sasamahan ng ‘visual aids’—gaya rin ng mga children’s book. Ang pagkakaiba ay ang mismong presentasyon. Sa ‘way of thought’ ng Pilipino, mas nangingibabaw ang gawa ng writer, taga-execute lang ang illustrator. Ang ‘visual aid’ na nasa isip ng writer ay talagang sa ‘aid’(pantulong) lang natatapos. Samantalang sa ‘way of thought’ ang Amerkano, ang ‘visual aid’ ay hindi lamang ‘aid’ kundi isang mekanismo para mas maunawaan pa mismo ang sinasabing ‘storytelling’.
Inuulit ko, ang pamantayang ito ay mauugat sa impluwensyang ibinigay noon ni Will Eisner.
Ikalawa, dahil nga may kani-kaniyang ‘way of thinking’ ang dalawang writer, magkaiba rin ang kinalabasan ng presentasyon.
Sa halimbawang ito ng isang pahina na gawa ni Mars Ravelo sa unang isyu ng ‘Darna’, makikita na natin na nangingibabaw ang manunulat sa paglalahad ng kuwento.
Alisin man natin ang drawing ni Nestor Redondo ay tiyak na mauunawaan natin ang takbo ng mga eksena. Ang mismong buod ng mga pangyayari na ibig ipahiwatig ni Ravelo ay epektibo niyang naiparating sa kanyang mga ‘titik’.
Samantalang sa isang pahina na ito ng ‘The Building’ ni Will Eisner, makikita kaagad ang mekanismo ng effective visual storytelling na nagpatakbo sa mismong ibig ipahiwatig ng manunulat.
Kaya nga kapag inalis mo ang mismong drawing ni Eisner ay tiyak na hindi mo mauunawaan ang nangyayari. Makakaligtaan mo ang mismong ‘diwa’ ng kuwento.
Maari ninyong masabi, kaya siguro ganito ay dahil writer/artist si Will Eisner samantalang writer lang si Mars Ravelo (although dati siyang nagdu-drawing).
Ngunit hindi ito ang aktuwal na dahilan. Napakaraming writer na Amerkano na hindi nagdu-drawing ngunit ang ‘way of thinking’ ay kinabibilangan ng ‘storytelling’ para sa artist. Samantalang napakarami rin namang writer/illustrator na Pilipino na ang halimbawang pahina ni Mars Ravelo ang kinatularan—Alfredo Alcala, Jim Fernandez, Hal Santiago, Mar Santana, Vic Catan Jr., Rod Santiago, Karl Comendador, at iba pa. Sa katunayan, maging si Francisco Coching na isa ring writer/illustrator ay ‘dinala’ rin ang ganitong sistema ng paggawa ng komiks.
Bagama’t ipinapakilala na ng husto ang ‘visual storytelling’ sa Amerika matagal nang panahon, ay hindi pa rin ito naa-absorb ng mga Pilipino. Umabot ng napakatagal na panahon na ganito ang paggawa natin ng komiks.
Maihahalintulad ko na may pagkakahawig ang pagsusulat natin ng komiks script sa script ng radio drama. Subukan ninyong magbigkas ng may malakas na boses ang isang short story natin sa komiks, tiyak na mauunawaan ang istorya ng makakarinig.
Papalaunin pa natin ito sa susunod...
3 Comments:
Baligtarin mo naman ang process. Tanggalan mo ang mga salita ng pages. Sabi ng iba, kapag kaya mong gumawa ng story telling without the words, iyon ang patunay na isa kang magaling sa comics artist. Dahil hindi ka umaas sa mga salita at higit mong naipapakita ang emotion at ang puso ng istorya sa bawat pahina. Sequencial art kasi ang tawag dito.
Kapag umasa ka sa mga salita, Parang mas effective ito sa Novel books na walang pictures.
Opinion lang naman :)
That's true. Pero ang totoo talaga ay hindi 'storytelling' oriented (sa point-of-view ng mga illustrator) ang paggawa ng komiks ng mga Pilipino.
Maraming dahilan kung bakit hindi natin nasusunod ang sinasabi mo na kapag tinanggal natin ang mga 'words' ay mauunawaan natin ang takbo ng kuwento sa pamamagitang drawing.
Iyan pa ang ibibigay ko sa susunod.
Nakatuwaan ko lang i-search ang name ko at nagulat ako nang makita ko ito dito. Wala lang natutuwa ako sa status mo ngayon at sa dedication na meron ka sa komiks. Miss ko na rin ang mga taga- komiks, ang buhay natin noon. Alam mo ba yung work ko as editor sa West ang isa sa pinakamasayang experience ko sa trabaho? Nakakalungkot lang dahil mukhang matatagalan pa bago mabalik ang interes ng mga tao sa komiks pero as long as meron pa rin mga katulad ninyo na hanggang ngayon ay nagmamahal pa rin sa industriyang ito alam ko, hindi ito tuluyang mamamatay.
-Liza Tan
Post a Comment
<< Home