MAY ESTILO NGA BA ANG MGA PILIPINO? (Part 8)
BAGONG DUGO
Pagpasok ng 90s, nagsisimula nang lumakas ang pagpasok ng Japanese animation. Bagaman 70s pa lang ay mayroon nang counter culture at samahan ng mahihilig sa sining ng mga Hapon. Sunod-sunod na ang paglabas ng mga programang ito sa telebisyon. Nagsisimula na ring mag-circulate ang ilang Japanese manga sa bansa na direktang galing mismo sa Japan, mabibili na sa mga bookstores ang ilang titulo nito.
Sa daigdig ng komiks, biglaan din ang pagsulpot ng bagong publikasyon na Image na itinayo ng limang batang superstars ng American comicbooks—Lee, McFarlane, Portacio, etc. Ang Image ang nagbigay ng malaking ‘twist’ hindi lang sa komiks ng Amerika kundi sa buong mundo. Bagong estilo ng drawing, bagong approach sa mga istorya, bagong presentasyon, computer coloring, at modernong printing.
Karamihan ng kolektor ng American comicbooks ay nakisabay sa pagbabagong ito. Santambak noon ang mga Jim Lee clones na nagbalak makapasok sa comics.
Sa Pilipino komiks, nagkaroon ng maliit na kilusan ng ‘Image babies’. Agad silang tinanggap ng publikasyon (partikular na ang GASI—ngunit nahirapan silang ma-penetrate ang Atlas sa una) dahil hindi kayang itanggi ang tagumpay na inabot ng Image pagdating sa laki ng kita. Nagkaroon ng miting sa publikasyon, na kung sakaling papapasukin ang ganitong trabaho at estilo sa drawing ng Image, baka sakaling mapaunlad ang komiks ng Pilipino (na noon ay kasalukuyan nang nararamdaman ang pagbaba ng bentahan). Kasabay pa ng paglipat ng mga magagaling na artists sa animation at ibang field pagkatapos ng malawakang welga noon sa GASI.
Ito na rin ang panahon na biglang nagkaroon ng ‘anak’ ang GASI. Itinayo ang mga publikasyong tulad ng Infinity, Sonic Triangle at West Publication—na pinaghati-hatiang pamunuan ng mga younger generations ng Roces family.
Itinatag ang komiks na ‘Kick Fighter’ (na masasabing direktang kinuha sa computer game na ‘Street Fighter’ pati mismong ang mga karakter na mababasa sa loob ng komiks), kung saan nagpamalas ng makabagong estilo ang mga tulad nina Gilbert Monsanto, Jimenez Brothers, Lui Antonio, Roy Allan Martinez, at iba pa. Sa unang labas pa lang, madaling makikilala ang impluwensya ng Image. Ngunit sa mga mambabasang hindi naman aware sa kung ano ang nangyayari sa ibang panig ng daigdig—lalo na ang mga nasa probinsya—ang ganitong estilo ay bago sa paningin.
Nagtagumpay ang kilusang ito. Sa madaling salita, kahit paano ay nakapag-paangat ng sales ang pagbabagong pormang ito ng komiks. Kaya isinilang na rin ang ilang komiks na kahit horror, komedi, at drama, ay pilit na hinahaluan ng Image style sa drawing. Naging palasak ang gamit ng estilong ito.
Hanggang sa ang mismong pagkaunawa sa salitang ‘manga’ ay hindi gaanong na-absorb ng ilang artist lalo na ng mga editors sa publication. Nagkaroon ng mga usapan, dahil papalakas na ang impluwensya ng Japanese comics, kailangan nang sumabay sa pagbabago. Hindi ito exaggerated kundi talagang may ilang mga traditional illustrators na pilit pinagawa ng ‘manga’ style kahit hindi akma sa kanilang estilo. At ang distinguishing line lang na ginamit ditto ay ‘kailangan malaki ang mata ng mga characters’. Doon lang natatapos ang pagkaunawa sa manga ng Hapon. Kaya naman awkward tingnan na biglaan mong makikita na si Louie Celerio ay biglang nagdrawing ng mga characters na malalaki ang mata. Sina Baggie Florencio, Perry Cruz, at ilang matatandang artist ay ginawa rin ito. Tanggihan man nila, hindi maaari. Utos ito ng publication.
Iba ang target audience ng mga ‘Image babies’ dito sa Pilipinas. At iba rin ang paniniwalang kanilang itinataguyod. Kaya nang magpunta si Whilce Portacio dito sa Pilipinas ay sila kaagad ang naka-posisyon. Bagaman may ilang matatandang traditional artist na nagpunta kay Portacio, hindi nila nakayanan ang hinihingi ng American comics. Kaya no choice sila kundi bumalik na lang ulit sa Atlas at GASI.
Sa kabilang banda, ang mga ‘bagong kilusan’ ang naging representative ng Filipino art na ipinakilala ni Portacio sa mga editors sa Amerika. Kasabay ng ilan ding maliliit na grupo na dili iba’t collectors at supporters din ng American comicbooks.
Tanging si Lan Medina lang ang mula sa traditional komiks ang pumosisyon nang mga panahong iyon. Ang ibang mga sumubok, na hindi kayang tanggapin ang puna galing sa dayuhan, nagsibalik na lang sa local publication. At karamihan ay nagtakbuhan na lang sa mga animation studios.
Unti-unti nang namamatay ang komiks. Pabawas na ng pabawas bawat linggo ang inilalabas na komiks. Nagbawas na rin ng mga editors. Kaya karamihan ng mga mahuhusay ay nagsipag-alisan na. Ang mga matatanda naman ay nagsipag-retiro na.
Dumating sa puntong kinapos na ng tao ang publikasyon. Ginawan na ng paraan ng ilang editors, nag-reprint ng ilang materyales. At dahil kapos pa rin sa artist, tinanggap na ang mga nag-aapply na bago kahit hindi pasado sa standard.
Windang na ang mga publications ng mga panahong ito. Kung kani-kanino na sinisi ang pagbagsak ng komiks—sa istorya, sa drawing, sa pagdami ng sinehan, sa VCD, sa ekonomiya. Walang malinaw na pag-uusap na nangyari sa pagitan ng mga publishers, editors, at contributors. Wala ring survey na isinagawa kung bakit humina na talaga ang komiks. Sa madaling salita, walang pag-aaral na isinagawa dito.
Hanggang sa tuluyan na lang itong mawala. Isinara na ang GASI. Nabenta ang Atlas—patuloy pa rin na naglabas ng komiks ngunit hindi na mapigil ang paghina. Kung anu-ano nang gimik ang ginamit, hindi pa rin umubra.
Samantala, unti-unting nag-i-evolve ang paningin ng ilang nagkakainteres sa komiks. Ang bagong henerasyon ay hindi na nakatuon sa traditional Filipino komiks, kundi kung ano na ang bagong inilalabas ng Amerika at Japan.
Sa maniwala kayo at sa hindi, dumating sa puntong nagkaroon ng diskriminasyon laban sa mga tradionalist. Ang mga gumagawa noon sa GASI at Atlas ay pinaratangang ‘laos na’, ‘luma na’, ‘naiwan na sa kangkungan’.
Sinusugan pa ito nang magsulputan ang mga maliit na independent publishers at mga manga enthusiasts na handang maglabas ng kanilang pera sa printing para lang mailabas ang kani-kanilang komiks.
Ang masakit na nangyari, nasarhan ang ilang mahahalagang impormasyon patungkol sa komiks ng Pilipino at pinagmulan nito. Wala nang nakaalala kay Francisco Coching, Nestor Redondo, Alfredo Alcala, Alex Niño, at maging sa ama ng komiks na si Antonio Velasquez.
“Many of the genre’s pioneers died lonely and forgotten. Tony Velasquez, creator of Kenkoy, whom may consider the father of Filipino comics, committed suicide after being evicted from his home, bitter and penniless.”
Eric Caruncho
Sunday Inquirer
10 Comments:
This comment has been removed by a blog administrator.
Unofrtunately, Mr. Eric Caruncho is wrong when he said that Tony Velasquez "committed suicide after being evicted from his home, bitter and penniless".
Nothing could be further from the truth. Mr. Velasquez may have been embittered why he committed suicide but it was not his "eviction" from his house in GASI which triggered it.
In fact, it was in this house where he committed suicide, and where his funeral was held.
He also did not die penniless. Mr. Velasquez and his wife Pilar had enough savings to last them all the remaining years of their lives. Throughout his entire career, he had accumulated several priceless paintings of Amorsolo, Manansala, Tabuena,etc. which he could have sold if he had indeed become peniless.
Dennis
Hi Dennis,
Visitor ka pala rin pala dito.
I actually took this sentence from Caruncho's article about Coching, i know it's a bit exaggerated because when i saw Aling Pilar on the last Toycon, sabi ko, 'ito ba ang naghirap?' nakita ko ang fulfillment sa mukha ni Aling Pilar lalo na when she accepted the award for her husband. And i also saw the painting collections of Velasques nang dumalaw kami noon sa bahay nya sa tabi ng GASI.
But in fairness to Caruncho's report, hindi ko alam kung saan nya nakuha ang information, i know may nakausap din siya na taga-komiks, siguro ang purpose niya is the readers to have an idea na kinalimutan na ng Pilipino ang komiks lalo na ang mga gumawa nito. Sinulat nya kasi ang article na ito many many years ago pa nang talagang nakadapa na ang komiks.
Ako rin, honestly, hindi ko masyadong kabisado ang insendenteng ito, wala kasi akong mapagtanungan noon,baka kasi sabihin ng mga tao, tsismoso ako. Saka naisip ko, parang sensitive ang case na ito. Kaya yung mga narinig ko e galing sa ilang matatandang contributors sa GASI and the articles na lumabas sa mga newspapers noon about Velasquez's death.
Hinahangaan ko ang blog mo Randy.Matalino, tapat, at mahusay ang pagkakasulat. napakarami mong nalalaman tungkol sa kasaysayan ng Pilipino Komiks at ako ay nagmamalaki na kaibigan kita. Sana'y ipagpatuloy mo ito at kaming lahat na tagahanga mo ay susubaybay sa iyong tagumpay.
Galing ng article. Pa-claro naman ng mga points, okey lang? :)
Ano ba ang ginagawa ng mga "Image babies" bago tuluyang pumasok ang impluwensya ng manga? Tuluyan ba nilang iniwan ang Pinoy komiks para makapagtrabaho ng tuluyan sa comics industry ng America? Sa papaanong paraan ba na-infiltrate ng manga ang editorial policy ng Pinoy komiks noon?
Salamat.
Actually, bigla na lang sumulpot ang mga 'Image babies' noon sa GASI nang bigla nga sumikat ang Image komiks sa States (sa GASI lang sila nakapasok dahil conservative ang Atlas at ayaw magpapasok ng bagong estilo). Nagkaroon ng opportunity ang mga ito na makapagtrabaho sa ibang bansa (dahil kay Whilce Portacio at lumalakas na ang 'manga' at madali silang naka-adopt). Dumating din kasi sa point na humina na rin ang komiks na ginagawa nila (gaya ng Kick Fighter, at hindi rin sila mabigyan ng maraming trabaho sa iba pang komiks) kaya nawala na rin sila sa local publication. Although sumulpot ulit sila sa iba nang independent publishers. Napunta ang ilan sa Alamat, sina Gilbert ay naglabas din ng sarili nilang komiks at kinuha pa nila si Mike Tan as a writer.Tungkol sa manga policy sa editorial, nabahala kasi ang editorial na humihina na nga ang komiks ng Pilipino at lumalakas na ang manga (lalo na ang daming palabas na anime sa tv), kaya napilitan na rin silang sumabay.
Wow. Great articles. Nahimasmasan din ako kahit paano. Ngayon nalaman ko na ang ilang reason kung bakit nawala ang komiks industry sa pinas, i mean nawala na ang GASI.
Tama ka din sa punto na nagbabago ang panahon. Kailangang sumabay sa uso. Just like sa manga...patok na patok ang japanese animation and manga comics..so far, nag try din doon ang mga writer and illustrator. Kahit pati kuwento ay naging parang kuwentong hinugot sa anime.
Natatandaan ko pa ang Funny Komiks. (Nagsara na din yata ngayon dahil noong mga kalagitnaang taon 2005 ay nawala ito. Nakisabay din ang Funny Komiks sa visual story telling nito na hinubog mula sa magagaling na writer illustrator ng Hapon, may nag-ala CLAMP style ng drawings. Nawala na iyong drawing style ng Planet of the Eyps, Pik Pak Bung, Mahimud Ali, Darmo Adarna, Super Dog and Super Kat.
Sa tingin ko din, isa pang nagpalaho sa komiks ay ang TAGALOG POCKETBOOKS. Sa isang tagalog pocketbook, ang isang nobelang prosa ay wakasan. So hindi mo na siya susubaybayan. Unlike nga naman sa komiks na dugtungan. Kailangan mo pang bumili ulit ng komiks para masubaybayan mo ang nobelang sinusulat ng paborito mong manunulat at illustrator.
Isa pa sa napansin ko noon bago mawala ang komiks ay ang illustration noon. Hindi na siya naging pulido unlike noong kasagsagan niya noon.Dati dati detalyade niyang naipapakita ang drawing sa isang frame. Nang lumaon, Ang isang magaling na illustrator, ang makikita mo na lang sa frame ay parang deformed characters na. I guess isa din iyon kung bakit nawala ang komiks. Sino nga naman ang gaganahang magbasa ng komiks kung ang nakikita niyang illustration ay hindi mo na maintindihan.
Naaalala ko din ang pagre-reprint ng PINOY KOMIKS, kung saan inilabas nila iyong isyu ni Tiny Tony at Darna at ang Planet Man ni Mars Ravelo. Umabot lamang yata iyon ng ilang volume, 3 yata. Hanggang sa mawala na.
Sinubukan din ng GASI na maglabas ng isang komiks na wakasan. I mean, isang kuwentong nobelang tapusan na may illustration. (Pantapat yata sa tagalog pocketbook.)
Naalala ko pa nga na nag venture din ang GASI at Atlas sa istilong mini-tagalog pocketbook. Na dati ay nabibili sa halagang 7 pesos.
Para bang ang mga nagbabasa ng komiks ay lumipat sa ibang altenatibong mababasa ng mga nobela. Kasi iba-iba din ang format ng mga mini-pocketbook na inilabas nila, bukod sa romance, merong horror, suspense, detective story.
Sana, merong mga filipino na handa pa ring buhayin ang komiks industry.Na maging masigla ulit. Na maraming komiks na mababasa, na nabibili sa mga komik stand na kasama ng mga newspaper. Na mi miss ko na ang ganitong istilo ng komiks. Nami-miss ko na ang mga sinulat ng mga novelist at illustrator ng 1980's at 1990's.
well, isa sa nagpabagsak sa komiks ay ang mga tusong mambabasa rin. Naalala niyo pa ba na 25 centimo ay pwede ka na magarkila ng komiks? imbes na bumili, kuntento na sila sa second hand magazines.
Kami ba ang tinutukoy mong image babies? hehe. Well, gumawa kami ng Exodus dahil iniisip namin na simulan ang isang komiks na hindi kapos sa budget na sinasabing pang balot lang ng tinapa. Uhaw kasi kami sa Quality. Kaya kahit na naubos ang aming mga ipon para ma print lang iyon ay ayos lang.
Nung nagtetrain ako kay whilce noon, tinutuloy pa rin namin ang kick fighter kahit nga gumagawa na si Roy Allan Martinez sa wildstorm eh patuloy pa rin niya sinisingit ang local. Pero manahon na iyon ng pagbagsak ng sales ng komiks.
Bakit pangit na ang mga gawa ng dibuhista noon? Ganito iyan. Sa panahong ito eh bumababa na ang halaga ng peso. Nagsimula ako diyan sa GASI ay second year high school ako, 65 pesos per page. Nung bumalik ako 1990, 75 pesos na per page after 6 years ay ganun pa rin. So wala ka nang mabibili sa ganung kaliit na kita. Pahirapan ang pagkuha ng script noon. Kung di ka malakas sa editors gutom ka. Ngayon, para makakain ka ng husto, kailangan mo ngayon gumawa ng maraming pages a week, ang iba ay namatay na nga dahil kulang sa tulog. Ako nga ay merong 10 titles na ginagawa sa loob ng isang linggo wala pa ang mga trouble shoot. so mga 40 pages a week ang tinatapos kong pages kasama na ang inks dun at ang iba ako ang nagsusulat para sulit.
Nakapatay din sa industriya ay sobrang dami na titles na nilalabas. 80 titles yata noon ang GASI at sa Atlas halos tapatan sila. Sa dami ng pagpipilian, nabusog na ang mambabasa, nagsawa na yata. At nagkaroon ng agawan ng audience. May rumor pa na ang GASI at Atlas daw ay nangiipit ng copies ng iang maliit na publications. Sasabihan daw sila na ilagay sa ilalim ang kalaban.
Pero sa tingin ko, kulang lang ng pagmamahal kaya umalis ang mga artists nila. Kung ako nga na mahala na mahal ko ang industriya kahit na di malaki ang sahod eh natabangan eh.
Sana nga ay tuldukan na ng komiks na nakilala natin noon. iproklama na patay na talaga. Para naman makapagsimula muli ito mula sa abo. Fresh start ika nga.
Hi Gilbert-
Don't be offended dun sa paggamit ko ng 'image babies' ha :). actually ginamit ko lang ang term na iyon dahil angat na angat ang grupo nyo nang time na yun, talagang litaw kesa sa mga traditional. Saka yun din ang time na talagang ang lakas ng Image, actually ang dami ko ngang binili noon, trip ko syang bilhin dahil talagang maganda ang quality--art, printing, colors, etc.
Tama din ang sabi nyo sa mga dahilan ng pagbagsak ng komiks. Actually ang ganyang maliliit na bagay ay lumaki hanggang sa hindi na makontrol lalo pa bumabagsak ang ekonomiya ng Pinas. Pero sa aking palagay, ang teorya na ang main na dahilan talaga ng pagbagsak ng komiks ay ang monopoly ng mga Roces. Kung babalikan natin ang kasaysayan, wala ni isa mang kumalaban na tumagal sa mga komiks ng Roces. Walang bagong ideas--in terms of printing, styles, format, marketing--lahat hindi na-try kaya nauwi talaga ito sa pagbagsak. Kung noon pa sana ay naasikaso ito at naging masigla ang tunggalian ng komiks, pagandahan talaga ng quality, hindi mangyayari ito. Kaso nga, Roces lang ang gumagawa ng komiks, wala silang kalaban, so hindi nila kailangang mag-alala kahit panget pa ang ilabas nila--wala silang kalaban e.
Masama talaga ang monopoly eh. Saka ewan ko ba, talagang wala silang balak noon mag improve eh. Basta kumikita sila. Yun ang importante noon.
Post a Comment
<< Home