REDONDO VS. NIÑO
Sa mga madalas na bumisita sa blog na ito, pasensya na at hindi ko ito masyadong naa-update dahil hindi ko akalaing kahit natapos na ang Pasko at Bagong Taon ay tambak pa rin ang trabaho ko. Mabuti na lang at nagkaroon din ako ng pagkakataon na mapag-isip-isip ang ilang projects para sa komiks. Kabilang dito ang ilang research at analysis sa komiks. Nope, wala akong balak maglabas ng libro tungkol sa kasaysayan ng komiks, o biography tungkol sa ating mga creators, ipinauubaya ko na ito kina Orvy Jundis, Dennis Villegas at Gerry Alanguilan. Ngunit sinisimulan ko na ang aklat tungkol sa komiks, ngunit hindi nga ito gaya ng aking mga nabanggit. Nakatuon ang pag-aaral ko ngayon sa mga sulatin nina Will Eisner, Scott McCloud, at iba pang comics and media theorists.
Noong linggo ay dinalaw ko si Mang Orvy Jundis sa kanyang bahay sa Antipolo. Ipinakita niya sa amin ang lahat ng kanyang reperensya tungkol sa komiks. Sa maniwala kayo at sa hindi, puno ang isang buong bahay sa dami ng libro ni Mang Orvy.
(Mula sa kaliwa: Mario Macalindong (artist), Ravenson Biason (writer), Mr. Orvy Jundis, at Rene Cortes (animator/artist)--seated)
*****
REDONDO VS. NIÑO
Sa simula’t simula pa ng pagkakatayo ng komiks sa Pilipinas, alam na ng mga dibuhista sa industriya kung anong daan ng sining biswal ang tinatahak ng komiks. Ang paraan ng pagdidibuho ni Francisco Coching ang isa sa pinakamalaking nakaimpluwensya sa mga sumunod na dibuhista ng komiks pagkatapos niya—maging ng mga kasabayan niya.
Sina Nestor Redondo at Alex Niño, bagama’t malaki ang pagkakaiba sa estilo ng paghagod ng brush sa drawing board, ay aminadong naging malaking bahagi ng kanilang pag-unlad ang mga gawa ni Coching.
Sa mga dekada ng kainitan ni Redondo sa pagguhit sa komiks, maraming mas batang artist ang nahumaling ng husto sa kanyang estilo. Kabilang na dito ang kanyang mga tinuruan at mga hindi-direktang nahawakan ngunit nagkaroon ng impluwensya ng kanyang gawa—mula kina Mar Santana, Vic Catan Jr., Rudy Florese, Hal Santiago, Hermoso Pancho, Noly Zamora, Lan Medina, Nestor Tantiado, at marami pa. Sa kabilang banda, kung hindi pa napunta si Niño sa Amerika at hindi hangaan ng mga dayuhan ang kanyang gawa ay hindi siya gaanong papansinin ng mas mga nakababatang artists. Tinawid ni Niño ang kabilang bakod ng pagdidibuho ng komiks ng Pilipino na hindi pangkaraniwan noong kanyang kapanahunan.
Sa paglipas ng mga panahon, kung ano ang eksistidong estilo—lalo na kapag ito ang tinatanggap ng marami—isa lang ang pakahulugan dito ng mga kritiko. Ito ang paglalagay nila ng ‘boundary’ sa sinasabing ‘tradisyunal’ at ‘moderno’.
Sa madaling salita, ang oryentasyon ni Redondo ay tradisyunal. Samantalang ang kay Niño ay moderno.
Ngunit ang nakakatawa ay ang katotohanang, noong panahon nina Coching, ang tawag nila sa estilo ni Redondo ay ‘moderno’.
Naging pamantayan na lalo na sa kasalukuyang pagtingin sa komiks na hinahatulan kaagad ang pagkakaiba ng sining ng dalawa bilang 'tradisyunal' kay Redondo (unang larawan) at 'makabago' kay Niño.
Sa pag-aaral na ito, mayroon nga kayang tinatawag na tradisyunal at mayroon moderno? Saang panahon natin hahatiin ang makaluma sa makabago? Kailan namatay ang ‘dati’, at kailan naman nagsisimula ang ‘ngayon’? May posibilidad ba na mamatay ang ‘ngayon’?
Ang katanungang ‘mayroon nga bang ‘tradisyunal’ at ‘moderno’ sa dibuhong Pilipino?’, ay paulit-ulit kong hinahanapan ng sagot. Inakala kong masasagot ko ang tanong na ito sa dalawa sa pinakamagagaling na dibuhista ng komiks—iyan nga sina Redondo at Niño. Libong beses kong tinitingnan ang kanilang mga gawa, ang bawat hagod, ang pitik ng brush, ang pagkakasa ng eksena. Nagkaroon ako ng konklusyon na ang pagkakaiba nilang dalawa ay ang paraan ng kanilang ‘rendering’ o ‘hagod’. Bagama’t parehong ‘organic’ (tatalakayin ko ito sa mga susunod na artikulo) ang oryentasyon ng kanilang mga sining, makikita sa gawa ni Redondo ang disiplina at maingat na paggamit ng hagod. Samantalang si Niño ay ‘loose’ at parang presong pinakawalan sa kulungan ang bawat pitik ng pinsel.
Kabilang din sa nakita ko ay ang paraan ng kanilang ‘storytelling’. Si Redondo ay konserbatibo. Ang isang ‘frame’ o ‘panel’ ay maingat niyang isinasaalang-alang na para bang ito na ang eksistidong mundo ng partikular na eksena. Ibig sabihin, ito ay parang kamera sa pelikula na umiikot ang anggulo sa ‘espasyo’ (tatalakayin ko rin sa susunod ang tungkol sa ‘espasyo’) ng komiks panel. Si Niño ay hindi nagpapasakop sa ‘espasyong’ ito. Bagama’t may sukat ang bawat panel, ay hindi niya ito gaanong pinagtutuunan ng pansin. Mas nakatuon ang kanyang sistema ng ‘pagsukat’ sa diameter ng mismong papel na kanyang ginagamit.
Ngunit sa tinagal-tagal ay hindi ako masyadong kumbinsido sa mga kasagutang ito. Ang mga halimbawang nabanggit ko ay usapin lamang ng teknikalidad ng komiks. Kung hagod at storytelling lamang ang dahilan, at kung ang pagbabatayan ay ang ‘present standard’ ngayon na impluwensya ng American at Manga, sina Redondo at Niño ay pareho na ring ‘makaluma’.
Sa aking personal na opinyon, ang ‘makaluma’ at ‘makabagong’ estilo sa pagdu-drawing sa komiks ay hindi basehan kung anong panahon ka ipinanganak o tumanggap ng sining. Ang sinasabing ‘luma’ at ‘bago’ ay para sa hindi nakakaintindi ng sining sa tunay nitong esensya. Hindi namamatay o nalalaos ang estilo kailanman. Ang nawawala ay ang ‘pananabik’ natin sa estilo. Ang mata at utak natin ay patuloy na nagtatrabaho, naghahanap ito ng bagong titingnan. Kaya relatibo ang bawat isa pagdating sa sining.
Ngayon, balikan natin ang pagkakaiba ng trabaho nina Redondo at Niño. Mayroon nga bang pagkakaiba sa kanilang dalawa? Malinaw na sagot na mayroon.
At ito ay nahanapan ko ng kasagutan hindi sa ‘visual arts world’ kundi sa ‘literary world’. Ang literatura ang makakapag-interpret ng pagkakaiba ng estilo ng dalawa. Abangan niyo ito sa mga susunod na araw.
7 Comments:
Ang galing ng analysis mo, Randy. Sa totoo lang, kahit si Alex Nino para sa mga kabataan ngayon "old school" na ang tawag. Actually, kahit anong hindi manga ay "old school" para sa kanila.
Kakaibang artist talaga si Alex. Iba sya magisip kesa karamihan ng artist sa comics, hindi lang dito sa atin, pati na rin sa US. Kahit doon kakaiba rin ang turing sa kanya.
Si Redondo ay mas "classic" kasi ang pag guhit nya ay sang ayon sa classic na pamamaraan ng pagguhit sa tao. Tamang proportions, tamang perspective, mga gwapo ang lalaki, ang gaganda ng mga babae. Very romantic.
Si Alex naman more impressionistic and abstract. Minsan hindi mo agad maiintindihan ang ginawa nya. Pangit ang mga tao (pero maganda ang pagkaguhit ng kapangitan nila). Salisaliwa ang proportions. Umiikot ang mga perspective.
Sana nakadagdag ako kahit konti sa analysis mo. :)
Sang-ayon ako sa analysis ninyong dalawa.
Tulad ninyo, ako rin ay tagahanga ni Redondo at Nino. Sa totoo lang para sa akin ang gawa nila ay parehong pulido, walang sinayang na tinta, at wala ring sinayang na hagod. Kaya nga kung titingnan mo ang gawa nila ay para mo ng sinabi na "perpekto".
Tama si Gerry, si Redondo ay klasikal ang estilo. Maihahalintulad mo ang kanyang sining sa sining nina Michaelangelo at Da Vinci.
Pero si Nino...halos ang pinakamalapit na artistang maihahalintulad ko sa kanya ay si Dali. "Dream like", at "out of this world". Yan ay kung talagang bibigyan laya ni Nino ang kanyang sining, at di pinipigil ng isang komiks editor.
Kaya, sa huling analisis, talagang pareho silang may kanyang estilo, at pareho silang nagtagumpay sa pagpapahayag nito :)
More!!!
ger, dennis, tama ang mga sinabi nyo. nakuha nyo kaagad ang ilang artists na ibibigay ko sa susunod (michaelangelo, da vinci, dali). palalawakin ko pa ito sa susunod.
wyn-
salamat ulit sa bisita, nag-aalala kasi ako na dahil hindi regular ang pagpost ko dito ay baka mainip ang iba at hindi na bumalik
sa una mas tinitignan ko ang mga gwa ni redondo dahil pisikal ang apperance ng guhit nya direct ang gawa at detalyado,pero mas interesado ako sa gawa ni nino,dahil sa iaanalize mo ang bawat parte ng likha nya...
Yang image na yan ni Adam na painting ni Redondo galing sa "Official Site" nya diba? Nasubukan mo na magemail dun sa address na nakalink? Nagemail ako pero wala namang sumagot.
dibuho-
uy musta na? kelan tayo magkikita? nakaraan na ang pasko at bagong taon a.
ger-
hindi ko pa nasubukan. pero i-try ko nga ngayon. pag di sumagot baka wala na ngang nagpapatakbo.
Post a Comment
<< Home