Saturday, May 05, 2007

INTERVIEW WITH FLORY DERY

Napakarami nating mahuhusay na artists noong araw na hindi na kilala ng mga bagong dibuhista ngayon ng komiks, lalo pa’t impluwensya sila ng mga foreign artists. Sa mundo ng international comics, animation at advertising, maraming nakakalat na mahuhusay na Pilipino. Isa na rito ang batikang dibuhista sa komiks noong araw na si Floro Dery.

Para sa kaalaman ng marami, isa si Floro Dery sa maituturing kong isa sa pioneers ng modern style sa komiks illustrations ng Pilipinas noong 1960s hanggang 1970s.

Nag-aral siya ng isang taon sa fine arts ngunit hindi niya tinapos dahil kumuha siya ng mga kursong mas challenging para sa kanya—Physics, Philosophy at Religion. Sa katunayan, mayroon siyang 4 degrees sa Mathematics kasama na dito ang PhD. Propesor siya ng Math at nakapagsulat na ng dalawang aklat tungkol sa Vector Analysis at Differential Calculus para sa mga estudyante ng engineering.

Sa mga achievements na ito sa academic studies, mahal din niya ang pagdu-drawing. Fulltime siya ngayon na artist sa iba’t ibang animations shows sa US. Ang ilan sa kanyang mga hinawakan ay The Pirates of Dark Water, Wildfire, The Transformers: The Movie (animation), The King and I, The Little Mermaid, The Swan Princess, Spider Man (naging artist din siya nito sa komiks noong araw), at iba pa.

Isang malaking karangalan na makapanayam ko siya. Ito ang aming naging usapan:


Kailan po kayo nagsimulang mag-drawing sa komiks (local at international)?

Nagsimula ako mag-drawing sa local komiks nuong bata pa si Isabel, nuong 1962. Sa international naman ay nuong 1982, dalaga na si Isabel ng panahon iyon.


Sino ang mga influences ninyo noong nagsisimula pa lang kayong mag-drawing sa komiks?

Sa totoo, walang particular na mga super kapre na mga artists na malaki ang influensiya sa akin, maaari kaunti lang. Kung nahawig man ang style ko sa ibang mga artists ay dahil sa brush, pen, o brush saka pen na ginamit ko. Halimbawa, pag gumamit ang baguhan artist nuon ng brush ay sasabihin na kahawig ang style niya sa sikat na artist na ito, pag gumamit naman siya ng pen ay sasabihin na kahawig ang style niya sa sikat na artist na iyon, etc. Kaya payo ko sa mga baguhan mga artists para siguradong original at ibang-iba ang style ng gawa nila ay gamitin ang kanilang mga paa sa pagdo-drawing, hehehehe ….


Anong kaibahan ng pagdu-drawing ninyo dito sa Pilipinas kumpara sa Amerika? Masasabi ba ninyo na mas nadalian kayo sa trabahong pinagagawa ng mga Amerkano dahil marami na rin kayong experiences dito?

Sa isang parte, ugali ko na bigyan pansin ang iba’t-ibang mga gawa ng mga artists, sikat man o hindi, matanda man o bata ang mga ito. Dumadampot ako sa bawa’t isa sa kanila ng kaunti dito at kaunti duon. Kaya masasabing halo-halo na ang style ko na tinawag ko na “pinakbet style.” Ito ang dapat gawin ng mga kabataan artists ngayon para hindi sila mapag-iwanan ng panahon at hindi maging kagaya ng mga matatandang artists natin na ayaw ng mangupya sa iba’t-ibang artists lalo na sa mga bata.

Walang kaibahan, pareho lang. Sa simula ang gawa ko ay “hanap-patay,” mabutingting at mabagal ang style na ginamit ko. Sa huli ay “hanap-buhay” na pabilisan ang ginawa ko. Para mas lalong “super speed” pa ay sharpie pen na ang ginamit ko. Pero sa US ang experiences ko sa Pilipinas ay nakatulong naman lalo na sa pabilisan.



Ano ang hindi ninyo malilimutang projects na ginawa? Ano ang inyong pinakagusto at iyong ayaw na ninyong gawin ulit?

Ang “Wildfire” ang hindi makalimutan na ginawa ko dahil very creative ito, ako ang design supervisor at production designer ng characters at background layouts nito.

Ang pinakagusto ko naman project ay ang “The Pirates of Dark Waters’ dahil mas creative ito kaysa Wildfire. Ako rin ang design supervisor at production designer ng characters at background layouts ng four parts pilot episode nito, pati storyboards nito ay gumawa ako.

Ang ayaw ko ng gawin kahit na ipagsalaksakan sa akin ay ang Transformers, maliban na lang siguro kung umulan ang langit ng mga kapre, hihihihi ….


Mataas ang inyong background sa academics, bihira sa mga artists ang may titulong Doctor of Mathematics and Philosophy gaya ninyo. Kayo ang malinaw na example ng right and left brain combination, paano ninyong napagsama ang art at mathematics sa inyong buhay?

Genetic yata ito na namana ko sa nanay ko na parehong kaliwa-kanan ang ginagamit na sabay. Kaya iyon, sabay rin na nagkarambola ang kaliwa at kanan ng utak ko, hanggang ngayon ay sabay pa rin bumabalandra ang dalawa na walang tigil. Pero minsan magpahinga ang kaliwang utak ko ay itatanong ko sa kanan kung paano sila nagsasama at nagsasabayan, hahahaha ….


Ano ang inyong naging inspiration bakit nagawa ninyo ang Harmageddon? At ano po ba ang ibig sabihin ng Harmageddon?

Medyo may alam ako ng kaunti sa Bibliya, mga mahigit na 25 taon na akong nag-aral nito, hanggan ngayon ay pinag-aaralan ko pa rin ito. Kung kabisado ng sinuman ang tamang turo sa Bibliya ay maiintindihan niya at maiikuwento ang prophecy tungkol sa
“Har-Magedon.” Pero ang inspiration ko sa “Har-Magedon” ay dahil malapit ng mangyari ito.

Ang “Har-Magedon” pala ay salitang Hebrew ng English na “Armageddon.”



Bihira sa mga beterano na habang tumatagal ay lalo pang gumaganda ang drawing. Sa inyong kaso, nakikita ko na lalo pang tumataas ang lebel ng inyong art, kaya ninyong makipagsabayan sa digital world na ito ng mga artists, ano po ang sekreto at ano ang dapat na maging attitude ng isang artist para hindi mapag-iwanan ng panahon?


Wala naman malaking sekreto dito, kailangan lang manabako palagi na kagaya ng kapre gabi-gabi, hahahaha …. Ang ibig kung sabihin ay pag-aralan palagi ang mga styles ng mga matatandang sikat na artists at lalo na ang mga makabagong styles ng mga bagong artists, huwag titigil na pagsikapan pagandahin palagi ang gawa, at kung kailangan magbago ay pagsikapan rin na gawin ito.


Sa isang parte, kung gusto naman ng isang artist na maging kulelat at maiwanan ng panahon ay maging kuntento na lang siya sa style niya at paulit-ulit na lang gawin niya ito, at kung sabayan pa niya palagi ito ng laklak araw-at gabi ay siguradong laos ang labas niya at tigbak pa.


Ano ang experiences ninyo habang ginagawa ninyo ang design para sa Transformers The Movie?

Sa totoo, dahil sa mga inggit ng iba, karamihan ng mga experiences ko habang ginagawa ko ang designs dito ay masama. Gumawa sila ng katarantaduhan sa akin para
patalsikin ako. Pinagtrabaho na lang ako ng studio sa bahay para maiwasan ang gulo. At ng akala ng studio na hindi na ako kailangan ay sinipa ako, mabuti kamo hindi sipang kapre ang inabot ko, hehehehe ….

May posibilidad ba na makapag-drawing ulit kayo sa komiks?

Meron sigurong posibilidad na mag-drawing uli ako sa komiks sa darating na mga araw. Problema lang kasi nasa stage na ako ngayon na pinag-aaralan ko kung paano waratin ang drawing at ang maiiwan na lang ay ang “essence” nito …. Ang tawag ko sa speed ng “warat style” na ito ay “lightning speed kuno.” Puwera biro, ginagawa ko ito ngayon sa bago kung storya na “The Legend of the Flaming Blade,” rough line drawing ito na kinulayan ko ng digital. At sa biglang tingin sa gawa kung ito ay talagang masasabing gawang “paspasan” na parang mga kahig ng lasing na
manok.


Payo ninyo sa mga batang artists na ngayon ay nagbabalak na pumasok sa komiks, animation, concept arts, at iba pa?

Sa papasok sa komiks, practice araw at gabi. Pagsikapan na pag-aralan ang pag-drawing ng lahat ng mga bagay tungkol sa babae dahil karamihan sa mga artists ngayon pag nag-drawing ng babae ay parang mga bakla kung tingnan. Pag-aralan palagi ang estilo ng mga matatandang sikat na artists at ang mga estilo rin ng mga batang artists. Pag-aralan rin ang komiks acting at dynamic tension saka exaggeration ng action. At iwasan na maging “clone” ng ibang artist dahil ang labas niya ay segundamanong artist.

Iyong papasok naman sa animation, pag-aralan ang concept & development designs, 3D animation, digital coloring, 2D & 3D character designs, 2D & 3D background layout designs, digital storyboarding at saka directing. Sa storyboarding ay pag-aralan ang cinematography. Kung isa lang ang alam ng artist dito sa animation ay mawawalan kaagad siya ng trabaho.

Iyong artist na papasok naman sa concept & development designs ay dapat “very creative” siya. Kung hindi niya kaya ito ay magtinda na lang siya ng taho. Kailangan
talaga ang creativity ng artist dito para mayanig ang sinuman na makakita sa kanyang designs at sabay makabulalas ng … ng …… ang pangiiiiit!!!!!!!

At iyon naman artist na gustong pumasok sa isang pasukan na alam niya na hindi siya nararapat pumasok duon dahil wala pa siyang karanasan pumasok sa ganitong klaseng pinapasukan ay mag ipis-ipis muna siya. Pero kung magpumilit siyang pumasok sa pasukan ito ay malalaman niya na sa loob pala nito ay mas marami pang mga mapapasukan. Sa taranta ay papasukin niya ang lahat ng mga pasukan ito. At malalaman na lang niya sa huling kanyang papasukan na ito pala ay labasan, hihihihi …, nakakaluko, ano?


Para sa karagdagang impormasyon tungkol kay Floro Dery, maari ninyo siyang bisitahin sa website na ito: The Art Of Flory Dery.




******

Sa mga bago pa lang nakabisita sa blog na ito, ilang artists na rin ang na-interview ko dito tulad nina Dell Barras at Norman Isaac, at susundan pa ito ng marami pa hindi lang sa mga artists kundi mga writers din ng komiks.

2 Comments:

At Tuesday, June 19, 2007 2:22:00 PM, Blogger Azrael Coladilla said...

yo randy,
may interview din ako

http://transformersph.blogspot.com/2007/06/interview-with-floro-dery.html


hehheehe link u up din sa site

 
At Wednesday, June 20, 2007 12:45:00 PM, Blogger Randy P. Valiente said...

Thanks, Az.

 

Post a Comment

<< Home