Tuesday, March 13, 2007

INTERVIEW WITH NORMAN ISAAC

Binisita ako ni Norman Isaac nitong nakaraang araw ng linggo. Si Mang Norman ay isa sa top cartoonist sa bansa at kasama ni Roni Santiago sa paggawa ng editorial cartoons sa Manila Bulletin. Mababasa din sa nasabing newspaper ang kanyang comsctrip na ‘Norman’s Island’.

Mula noong magkita kami sa Read or Die! Convention ay lagi na kaming nagkakakontakan. Isa sa itinanong ko sa kanya ay kung bakit sa tinagal-tagal na niya na pagiging cartoonist, wala man lang siyang nailabas na libro o kahit man lang compilation ng kanyang mga strips. Naunahan pa siya ng mga batang cartoonists ngayon na makapaglabas ng kanilang sarili trabaho in book form.

Ang totoo niyan ay hindi niya nga rin alam ang sagot. Bakit nga wala pa? Walang nag-aasikaso, sabi niya. Saka kulang daw siya sa tulak. So nagpresinta na ako na tutulong sa compilation ng kanyang libro.

Sinamantala ko na rin ang pagkakataon na ma-interview siya tungkol sa kanyang karanasan sa cartooning industry.

Ito ang mga pinag-usapan namin:

Kailan kayo nagsimulang maging cartoonist?

Ang una kong published work ay noong late 70’s. Di ko na maalala kung 1978 o 1979. nagpa-contest kasi noon ang isang newspaper ng editorial cartoons. Ako ang nanalo. Tungkol ito sa Shah of Iran.

(Nagpresinta pa si Mang Norman na I-drawing ang winning entry niya sa aking notebook)



Ano ang trabaho niyo noong panahon na iyon?

Staff artist ako ng isang company—Richardson-Merrel. Gumagawa ako ng kung anu-anong artworks para sa newsletter nila. Nagli-layout. Minsan ako na rin ang nag-I-edit.

Pagkatapos ninyong manalo sa contest, naging cartoonist ba agad kayo?

Hindi pa. Napunta pa ako sa isang clothing company—sa Jag. Naging visual merchandising manager ako. Hindi ko nga alam kung bakit naging manager ako.

Kailan kayo naging fulltime cartoonist?

Noong mag-apply ako sa People’s Journal, early 80s na ‘yun. Ginawa nila akong regular cartoonist nila sa sports section. Lumalabas ang cartoons ko noon katabi ng Jai Alai features nila. Kaya kapag titingin ka ng itataya sa Jai Alai, mapapansin mo rin kaagad ang cartoons ko.

Bakit pala pinili ninyong maging cartoonist?

Painting major talaga ang kurso ko sa PWU (Phil. Womens University). Naging cartoonist ako siguro dahil sinuwerte na ako dito. Lagi akong nananalo sa mga cartoons competitions.

Nalaman ko na mas marami pa pala kayong nakuhang awards kesa kay Larry Alcala? Ano po ba ang mga kuwento ninyo dito?

Oo nga e. Hindi ko rin akalain na mas marami pa nga akong natanggap na awards kesa kay Larry. Siguro dahil mahilig akong magsasali sa mga competitions dito at sa ibang bansa. Ang first trip ko sa abroad ay dahil sa pagkakapanalo ko sa editorial cartooning. Ipinadala ako sa Bulgaria noong 1981. Meron silang tinatawag na House of Humor, cartoon festival ito, at ako ang kauna-unahang Pilipino cartoonist na nakarating dito.

After ng cartoon festival, hindi agad ako umuwi dito sa atin. Nagtuloy ako sa Belgium, meron naman silang tinatawag doon na Knokki-Heist, cartoons festival din ito. Pumunta din ako doon. Kahit konti lang ang pocket money ko, tumuloy pa rin ako. Ang ginawa ko, hindi ako nag-rent ng hotel, bumiyahe ako ng gabi, sa train ako natulog. Pagdating ko doon, marami akong naging kaibigan.

Ang lakas pala ng loob ninyo maka-attend lang kayo ng festival?

Sayang kasi ang chance. Tutal nasa labas na ako ng bansa. Sinamantala ko na.

Iyung sa ibang contest naman?

Nanalo rin ako sa poster contest, ang premyo naman ay trip to Paris, France. Ako rin ang nanalo. Then nanalo na rin ako sa isa pang cartooning contest sa US. Nadala ko pa ang buong pamilya ko doon dahil lang sa pagkakapanalo ko.

Wow! Nakapag-tour kayo nang walang gastos. Dahil sa mga awards niyo, naging established cartoonist na kayo?

Hindi ko pa masabi. Kasi contributor lang ako noon sa Manila Bulletin. Ang bayad sa akin noon P40 per drawing. Tapos nagtuturo din ako sa Fine Arts sa Holy Spirit about cartooning.

Malaki na ba ang rate na P30 nang time na ‘yun?

Maliit ‘yun kung tutuusin. Ang totoo niyan, kaya ako napasok as regular cartoonist ng Bulletin ay dahil diyan sa rate ko. Nanghihingi ako noon ng increase, may mga anak na kasi akong pinag-aaral. Sabi sa akin ni Pat Gonzalez—siya ang editor noon—kung gusto ko daw maging empleyado nila. Hindi naman ako tumanggi.

Ilang taon na kayo ngayon sa Manila Bulletin?

25 years na mahigit. Speaking of tour nga pala, nanalo din ako noong 1997, pinadala naman ako sa Tanzania, Africa. Enjoy ako sa pagiging cartoonist, halos malibot ko ang mundo dahil lang sa mga cartoons ko.

Ano sa tingin ninyo ang sekreto ng pagiging editorial cartoonist?

Dapat updated ka sa nangyayari. Alam mo kung ano ang nagaganap sa bansa natin, sa ibang bansa, sa pulitika, basta sa lahat. Dapat knowledgeable ka sa mga bagay-bagay.

Ano ang tingin niyo ang pinaka-importante sa editorial cartooning?

Para sa akin symbolic art ito. 75% ang content, 25% lang ang drawing. Hindi kailangan sobrang detalye ang mga figures mo, ang importante ay ang message.

Speaking of message, sino ang inyong personal choice pagdating sa cartooning-of course in terms of content?

Para sa akin, si Ismeraldo Izon ng Phil. Free Press, yumao na siya ngayon. Magaling siyang tumalakay sa mga issues sa pamamagitan ng kanyang cartoons.

How about sa art side, ‘yung nagagandahan kayo ang cartoons, figures, renderings?

Gusto ko si Corky Trinidad. Nasa Honolulu Star Bulletin siya ngayon. Gusto ko siya mag-drawing ng cartoons.

Sino naman sa mga humorists ang gusto ninyo?

Ang mga paborito ko—si Larry Alcala, Nonoy Marcelo at Roni Santiago. Gusto ko rin si Pol Medina, magaling siya.

Ano sa tingin ninyo ang pagkakaiba ng Manila Bulletin sa Phil. Daily Inquirer, Phil. Star at iba pa pagdating sa editorial cartooning?

Siguro mas ‘light’ ‘yung sa amin. Hindi ko alam kung puwedeng sabihing conservative. Pero hindi kami gaya ng iba na kapag gumawa ng cartoons sa mga issues ay talagang matapang.

Mas matapang ang Inquirer?

Well, mas may ‘say’ sa issues ang mga editorial cartoons nila.

Nakausap ko si Karl Comendador tungkol sa SPIC (Society of Philippine Illustrators and Cartoonists, siya ang naging second-to-the-last na naging presidente ng organisasyon, naging officer din kayo ng SPIC. Ano ang SPIC noong panahon ninyo?

Masigla ang organization namin noon. Marami kaming activities. Contests, workshops. Malalaki ang sponsors namin including San Miguel Corporations. Saka malaki ang grupo noon, magkakasama kaming lahat na komiks artists at mga taga-dyaryo.

Ang SPIC nga ang kauna-unahang illustrators and cartoonists group sa bansa. Sayang nga lang at hindi ito umabot sa panahong ito.

Oo nga. Hindi ko na rin alam kung ano ang nangyari. Bigla na lang nawala ang organisasyon.

May mga issues kung bakit kumalas ang mga cartoonists at nagtayo sila ng bago—ang SKP (Samahang Kartunista ng Pilipinas), anong masasabi ninyo tungkol dito?

Itinayo ito ni Larry Alcala. Siguro dahil nga masyadong malawak ang sakop ng SPIC realistic at cartoony ay pinagsama.

Maganda rin ang nangyari dahil napagtuunan talaga ng pansin ng SKP ang mga cartoonists. Kaya hanggang ngayon ay buhay ang grupo. Sa tingin ninyo, kung may bubuhay ulit sa SPIC sa panahong ngayon, at kukunin kayong lahat na maging advisers, susuporta kayo?

Oo naman. Marami pa namang officers ng SPIC ang nandito pa ngayon. Puwede pang lapitan si Pol Galvez, naging presidente siya ng SPIC. Andiyan pa sina Karl, sina Rico Rival, mga officers ‘yan dati.

Last question. Halimbawa pong naisipan kong I-revive ang SPIC, susuportahan ba ninyo ako? Hindi kaya ako pagtaasan ng kilay ng mga beterano? (sabay tawa)

Why not? Tingin ko nga, maraming matutuwa, magiging reunion ito ng mga illustrators at cartoonists. Ipapakita ko pa sa iyo ang mga records ng SPIC, pati ang mga pictures namin noon.

Last na last na question. Sino ang gusto ninyong gumawa ng foreword sa book ninyo?

Gusto ko si John Lent. Nag-meet na kami ng personal, meron pa akong contact sa kanya.


3 Comments:

At Tuesday, March 13, 2007 9:52:00 PM, Blogger Bluepen said...

Wow! ang galing! Randy Boy sa tingin ko magandang simula itong ginagawa mo, inspirational ito sa mga nde nakaka alam sa buhay ng isang pinoy artist. Ngayon ko lang narinig at kakaiba sya. Ayos ang pagkaka interview mo. Sana sundan mo pa ang mga ganitong interview. More power Randy! Magtatagumpay ka sa ginagawa mo.

 
At Thursday, March 15, 2007 8:52:00 PM, Blogger Randy P. Valiente said...

Thanks.

 
At Saturday, June 30, 2007 6:07:00 PM, Anonymous Anonymous said...

Sir Randz okey ang ginawa mong interview, Norman Isaac is one of the descent cartoonist I've known. Before ako sumabak sa animation Dati nag ca-caricatures na ako.

 

Post a Comment

<< Home