I LOVE FILIPINO KOMIKS INDUSTRY
Bakit? Dahil komiks creator ako. At wala nang ibang magmamahal dito kundi ako at ibang pang involved sa paggawa nito.
Maraming sablay, problema at kahayupan ang industry. Pero mahal ko pa rin ito. Bakit? Dahil for over 17 years na pagtrabaho ko dito, na-realize ko sa sarili ko na wala nang iba pang trabaho na sasaya ako kundi ang paggawa nito. Ginutom ako nito noong early years ko sa publication, pero pinagtiyagaan ko ito hanggang sa binuhay ako nito at maging financially stable dito. I gained respect (kahit paano), and of course, bank account.
Totoo ang mga sinabi ng writer sa article na I Hate The Local Comics Industry. In fact, kulang pa nga ‘yang mga nakikita niyang mali sa industry. Maraming-marami pang kabulastugan ang industry na matutuklasan natin kapag tumagal na tayo dito.
Noong early years ko sa GASI, lahat ng baguhan, maliit ang tsansang makapasok tsansang makapasok. 80% ng komiks noon, puro nobela. Lalapit ka pa lang sa editor, hindi pa nakikita ang gawa mo, iiling na kaagad. Kapag naman may tumingin ng drawing mo at sinabing ‘hindi ko gusto ang style na ‘yan!’, ibig sabihin nu’n, manggaya ka sa mga sikat na artists, kung ayaw mo, wag ka nang bumalik.
Magiging tanga ka rin du’n sa waiting area ng mga artists habang inaabangan mo kung magri-release ba ang editor. O kung kasama ka sa mabibigyan ng script. Kung hindi, uuwi kang lulugu-lugo.
Nag-shift ako sa writing dahil ginutom ako (literally) ng pagdu-drawing sa komiks. Pero nang magsulat ako, ang hirap din palang makapasok ng script sa editor. Ang hirap mag-propose ng nobela. Kailangan nakapag-produce ka na ng nobela para matanggap ka. E paano ka ngang makakapag-produce ng nobela kung ayaw ka naman nilang bigyan ng break?
Sa short story naman, ang daming kakumpitensya. Pati editor nagsusulat na rin sa sarili niyang komiks para siya ang kumita (pen name syempre para hindi mahalata sa accounting department).
Pag nagkabayaran na, post dated pa ang tseke mo. Buti sana kung libu-libo ang sisingilin mo. Naranasan kong makatanggap ng tseke sa halagang P300, post dated ng isang buwan. Pero kung gusto mong magkapera kaagad, merong palitan ng tseke sa loob at labas ng publication (sideline ito empleyado ng publication), tumatanggap ng post dated check, pero babawasan ng 20-30% percent. Pera mo na, hindi mo pa makuha ng buo!
Nang mapasok akong empleyado sa publication, nakita ko kung paano bumagsak ang P.O.(purchased order) ng bawat komiks. Paliit ng paliit. Walang choice ang publication kundi itigil ang maraming titles. Mayroong mga nag-reprint ng lumang materials. Nalaman ko na masakit man sa mga empleyado na hindi tanggapin ang ibang contributors, pero wala silang magagawa, hindi nilang kayang pagbigyan ang lahat, dahil sumasadsad na mismo ang komiks. Kailangan nilang magbawas at magtanggal ng mga tao.
Nang magtrabaho ako sa tabloid, nagpapa-imprenta lang kami sa isa ring tabloid at sila rin ang distributor. Ilang linggo na ang nakararaan, nagtataka kami, bakit hindi nabebenta ang produkto namin. Nalaman na lang ng aming spy na nakatambak lang pala sa bodega ang mga dyaryo namin. Nagbabayad lang kami sa printing, pero hindi naman naidi-distribute ng maayos ang dyaryo namin.
Kung gusto mong kumausap ng direkta sa mga distributors, tumambay ka ng madaling araw sa port area. Bola-bolahin mo sila, regaluhan mo, para I-distribute ng maayos ang product mo. Pero kailangan malaki ang puhunan mo, dahil sasabihan ka nila, ‘kailangang mabigyan mo muna ako ng apat na issues bago mo masingil itong una mong ibinigay sa akin’.
Magpu-propose ka ng komiks sa malalaking publication (na nagpa-publish ng showbiz magasin, sex-oriented prints, songhits, pocketbooks, at iba pang malalakas sa market)? Itatanong kaagad sa iyo, ‘kikita ba ‘yan?’ Siyempre gagawa ka ng report para makumbinsi sila na kikita nga ang komiks mo. Gagandahan mo ang paliwanag mo, 'Oo, uso kasi ang manga at anime ngayon. Kita mo nga ang Culture Crash, sikat na sikat.’ Nakumbinsi naman ang big publisher, nakalimutan niyang I-research, ‘Teka, kala ko ba sikat na sika ang Culture Crash, bakit nag-crash?’ Pero dahil nakumbinsi mo, pinagbigyan kang I-publish ang komiks mo. Ang problema, talagang ayaw pumalo sa market. Anong magagawa mo, ang mga kabataang mahihilig sa manga at anime ay wala namang pambili ng komiks mo? Nakalimutan mong I-tap ang market ng mga taong may trabaho—na karamihan ay wala namang hilig sa manga at anime.
Ilan lamang ito sa mga kuwento sa publication business sa bansa. So ano ang point ko dito? Wala lang. Gusto ko lang sabihin na bulok ang sistema. Hindi lang sa publication business kundi sa iba pa.
Magkano ang suweldo ng senador? 30 thousand pesos? E bakit gumagastos sila ng milyun-milyon sa pangangampanya?
May dahilan ang lahat ng ito. Kailangan nating tingnan ang other side of the coin. Hindi natin gusto minsan ang mga dahilan. Minsan nga kabobohan lang ang dahilan. Minsan katakawan lang sa pera. Pero may dahilan pa rin.
At ‘yun ang masarap labanan. ‘Yung dahilan.
Para ma-revive ang industry, kailangan nating magsama-sama? Magsasama saan? E ito nga lang words na ‘love’ at ‘hate’, hindi na tayo magkasundo.
So ano ang magandang gawin sa ganitong maselang sitwasyon ng industry? Maging rational. Mag-isip ng ibang paraan para hindi natin ma-encounter ang mga sistemang bulok. O kung walang choice na hindi ito ma-encounter, play with them, then attack them pag naka-off guard. Sun Tzu, The Art of War (mag-philosphize ba?).
Noong bata-bata pa ako, mahilig ako sa mga (sorry for the word) ‘pak yu pak yu!’ na yan. Sa sobrang radikal ko e halos lahat na yata dito sa mundo e ‘pak yu pakyu!’ sa akin. Pero nagkaroon ako ng realization na hindi ko sila matatalo sa ‘kapapakyu-pakyu’ ko. Kailangan kong gumawa ng strategy. Ng vision at ng action.
Kaya bago ko tapusin ito, hihiramin ko ang huling pharagraph sa article:
‘I don't know what exactly needs to be done in order to revive the Filipino comics industry. But if you do care about the Filipino comics industry, then every one of us need to do something about it. Because doing something about it is better than only discussing how to revive the comics industry. That is the only way to fully revive the local comics industry.’
*******
Kontrobersyal na naman daw ang sinabi kong ito:
‘Revival? Religious thing 'yan para sa akin. Bakit natin kailangan i-revive ang industry? Ang kailangan ay i-uplift ang medium at hindi ang kita. Bigyan natin ng substance ang content at form ng komiks, saka natin pag-usapan kung kikita nga ito.’
Sa susunod ko na ito pahahabain.
2 Comments:
hello po. Paalam ko lang po na nilink ko yung blog niyo sa journal ko.
http://lagunapavon.deviantart.com/journal/
thanks teddy :)
Post a Comment
<< Home