REDONDO VS. NIÑO (Part 3)
ANG KOMIKS NG PILIPINO AY DAIGDIG NI REDONDO
Wala akong malinaw na bilang na pagbabasehan kung sino ang mas maraming naimpluwensyahan—kay Francisco Coching ba o kay Nestor Redondo? Sa aking opinyon, ang dalawang ito ang pangunahing pinagkunan ng estilo, kaalaman at technique ng mga sumunod na henerasyon ng mga dibuhistang Pilipino. Ngunit kung ang pagbabatayan ay ang pangkalahatan, naniniwala ako na si Redondo ang mas maraming naimpluwensyahan kesa kay Coching dahil nakaabot ang kanyang mga trabaho sa ibang bansa. Sa katunayan, karamihan ng mahuhusay ngayon sa Amerika—tulad nina Neal Adams, Mark Schultz, Adam Hughes, Alex Ross, etc. ay aminadong nakatulong ng malaki sa kanila ang mga gawa ni Redondo.
Ang standard ng pagdidibuho noon ng komiks sa Pilipinas ay naka-pattern kay Redondo, at mauugat pa ito kay Coching. Lantaran na sa mga panahong ito, ang sentro ng kaalaman ng komiks ay nakalinya sa tinatawag nating ‘perceptual approach’. At mauugat pa nating lalo ito sa mga unang impluwensyang dayuhan tulad nina Harold Foster, Alex Raymond, at Burne Hogarth.
Ang ganitong uri ng presentasyon sa komiks ay madaling unawain ng mambabasa. Natural ang paggamit ng eksena, nakabatay ang mga karakter sa totoong buhay, ang mga panel o frames ay tulad ng telon sa pelikula o screen ng telebisyon na nagpapakita ng malinaw na eksena.
Sa ganitong uri ng presentasyon sa komiks, ang mga dibuhista ay nakatuon sa tamang paggawa ng tao (sukat, proportion), renderings, realistic settings, believable use of camera, at practical angles.
Kaya hindi nakapagtatakang humusay ng husto ang mga dibuhistang Pilipino sa pamantayang ito. Maging ang mga tao sa publikasyon—lalo na ang mga editor—na ang pagkakaintindi lang sa paggawa ng komiks ay tulad ng mga sinaunang dibuhista, ay ginawa nang batas para sa mga nagnanais makapag-drawing sa komiks ang ganitong standard. Kung ikaw ay isang simpleng mambabasa ng komiks noong panahon nina Redondo, hindi mo maa-appreciate ang gawa ng French at Japan dahil hindi ito ang batayan ng komiks ng Pilipino.
Kahit black and white lang ang medium na ginagamit sa komiks ay maari itong ipantapat sa isang painting. Ang black and white sa atin ay kumpleto—may ‘lalim’, ‘ika nga. Mahusay ang gamit ng Pilipino sa itim na tinta. Kaya nitong buhayin at maging realistiko ang isang subject. Kaya nitong maapektuhan ang emosyon ng titingin. Ang mga Pilipino ang isa sa pinakamahuhusay sa buong mundo sa paggamit ng pen & ink. Utang natin ang lahat ng ito sa ‘perceptual approach’. Kung ano ang nakikita natin sa labas ay siya nating ipinapasok sa ating loob. Kaya madaling matanggap ng marami dahil ‘very material’.
Nagtagumpay si Redondo sa linyang ito ng sining. Ayon sa kanyang mga sulatin, at sa kanyang mga naging estudyante, ang kalidad na kanyang taglay ay mapag-aaralan. Ang kailangan lamang ay masikap na pag-aaral. At higit sa lahat, ang dapat na taglayin ay ang mahusay na pagkakaroon ng ‘awareness’ kung paano nag-I-exist ang isang bagay.
Gaya ng aking nabanggit sa artikulong 'May Estilo Nga Ba Ang Mga Pilipino?", dalawa sa pangunahing pinagbatayan ng mga sinauna nating dibuhista ay ang mga trabaho nina Alex Raymond at Burne Hogarth. Nakaimpluwensya sila ng malaki sa anyo ng ating komiks.
ANG SARILING MUNDO NI NIÑO
Si Alex Niño, sa kanyang kapanahunan ng pagdidibuho sa Pilipinas, ay wala man lang kumikilala sa kahusayan (ilang personalidad lang ang nagbigay sa kanya ng malaking break, tulad ni Pablo Gomez, at ang publikasyong CRAF. Bukod doon, si Niño ay isang ‘struggling artist’ katulad ng marami).
Ang takbo ng utak ni Niño ay tulad ng isang ‘rebeldeng’ pintor. Nariyan ang basic na materyales sa paggawa ng artworks—papel, lapis, tinta, at mga reperensya. Ngunit hindi iyon ang pinakamahalaga sa kanya. Para kay Niño, ang sarili at orihinal na konsepto ng trabaho ang pinakamahalaga.
Mula sa layouting, rendering at storytelling ay nakalikha siya na matatawag na sariling kanya lamang. Kumporme sa script na kanyang hinahawakan, nag-iiba-iba rin ang ginagamit niyang estilo at presentasyon. Kapag seryoso ang kuwento, nagiging seryoso din ang kanyang drawing. Kapag comedy, nagiging nakakatawa din. Kapag pantasya, mas nakakalikha siya ng daigdig na hindi maiisip ng ibang tao. Kung napag-iiba-iba ni Niño ang paggamit ng ganitong mga uri ng presentasyon sa mga eksena, napagsasama-sama niya rin naman ang mga ito sa hindi natural na paraan. Halimbawa, seryoso ang eksena ngunit ginagawa niyang eksaherado ang drawing. O kaya naman, pantasya ang tema ng kuwento ngunit gagawin niyang comedy ang mga karakter.
Sa art technicalities naman, may mga script na minsan ay gusto niyang gumamit ng makakapal na linya, minsan naman ay pinung mga guhit, minsan ay sali-saliwa ang ang gamit niya ng shades and shadows. Minsan ay exaggerated ang mga anggulo at paggamit ng camera. Para kay Niño, hindi sa lahat ng sandali ay kailangang resonable ang mga bagay-bagay. Ang blangkong papel na nasa kanyang harapan ay isang daigdig na kaya niyang patakbuhin ano man ang kanyang naisin. Siya ang ‘diyos’ nito at hindi siya puwedeng pakialaman. ‘Art for arts sake’ ang ipinapakita niya sa kanyang mga trabaho. Tutal, ang paggawa ng komiks ay bunga lamang ng imahinasyon (ng writer at artist), maari ba itong bigyan ng batas kung ano ang dapat mong gawin? Nasa daigdig lang naman ito ng creativity ng mga creators, kaya marapat lamang na suklian ito ng matindi pang creativity.
Nagtagumpay din si Niño sa paggamit niya ng ‘conceptual approach’. Nailalabas niya kung ano ang nasa loob niya at naipapakita ito sa mata ng ibang tao. Ngunit ang katotohanan sa kanyang sining, hindi ito maituturo ng direkta sa mga estudyante. Totoong maraming nangopya sa kanyang estilo lalo pa nang kilalanin na ng husto sa Amerika ang kanyang mga trabaho. Ngunit ang mga estudyanteng ito ay hindi nakuha—at kailanman ay hindi maari—ang tunay na diwa ng kanyang sining. Ang makukuha lang nila kay Niño ay ang outer technique ng kanyang art style, iyon ay ang rendering, paggawa ng mukha ng karakter, shades and shadows. Ang kaalamang taglay niya ay bunga ng kanyang mga karanasan sa buhay at pagtingin sa sining.
Walang partikular na tinumbok si Niño kung sino sa mga foreign artists ang gusto niya ang trabaho. Madalas lang niyang sabihin na si Moebius (unang larawan) ang isa sa nagpapadagdag sa kanya ng mga ideya. Samantala, si Phillip Druellet na isa ring Pranses (ikalawang larawan), na kakontemporaryo ni Niño ay may pagkakahawig sa kanyang mga trabaho sa maraming bagay--gaya ng mga kakaibang disenyo at pantastikong layouting.
SINO ANG PANALO?
Masuwerte ang mga bagong gumagawa ng komiks sa panahon ngayon. Available na sa atin ang talino at husay ng ating mga matatandang dibuhista sa komiks—tulad nina Redondo at Niño. Ang gagawin na lang natin ay pag-aralan ito, I-apply sa panahon natin ngayon, at ibahagi sa iba. Sana ay sa pag-aaral na ito ng ating mga matatandang ‘masters’ ay maging malawak pa ang ating pananaw para sa dibuhong Pilipino. Hindi masamang gumaya sa gawa ng dayuhan (lalo na ngayon na malingat ka lang ay ‘manga’ at ‘anime’ na kaagad ang ipapakita sa iyo ng mga baguhang nagsisimula sa komiks), ngunit huwag ring kalilimutang kumuha ng pundasyon sa sarili nating mga dibuhista. Narito lang sila sa sarili nating mga bakuran. Hindi mo na kailangan pang mag-adjust sa estilo nila kahit nagsisimula ka pa lang, kusang lalabas iyan, dahil iisa lang tayo ng kulturang kinagisnan.
Sa labanang Redondo at Niño, sino ang panalo? Tayong mga nasa panahon ngayon na malayang tumitingin sa kanilang mga gawa.
11 Comments:
Salamat sa mga inpormasyong ito, Randy. Napaka-informative at tunay na tapat ang mga assessments mo. Sana ay biyayaan mo pa kami ng iyong mga kuwento na naglalarawan sa ating mga magagaling na dibuhista ng nakaraan. Napakalaki ng naitutulong ninyo ni Dennis at Gerry sa kabuuang kamulatan ng mga contemporaryong dibuhista sa malawak at magandang sining ng pinoy komiks.
Mabuhay ka.
maraming salamat din sa inyo na sumusubaybay sa blog na ito. actually, ang nabubuhay na komiks community ngayon ang nagbibigay sa kin ng inspiration para ituloy ko ang pagsusulat ng libro tungkol sa komiks.
Mahusay at matatalim ang mga analisis.
Gustung-gusto ko ang konklusyon mo sa kung sinong panalo sa Redondo Vs. Niño. Very well put.
salamat mga repapips! :)
Salamat sa info! Makakaasa ka na dito sa Bikol, may nagbabasa sayo, nakikinig...I will tell my friends about your blog...salamat!
This comment has been removed by a blog administrator.
Randy link kita sa blog ko para mas madali kong mabisita itong blog mo. :)
salamat rizaldy 'n rey! mabuhay kayo!
Napakahusay! Hindi natin talaga masisisi ngayon ang bagong henerasyon ng mga dibuhista na pilit na gumagaya sa estilo ng mga banyagang bansa at walang alam sa orihinal na estilo ng Komiks(Philippine Comics) sa atin. Maging ako nga kasi'y noong bata ay puro anime din ang pumukaw sa aking isipan para gumuhit. Subalit malaki rin naman talaga ang naitutulong ng mga bagong dibuhista ngayon sa komiks, diba?Nasa panahon kasi tayo kung saan ang Pilipinas ay pilit ng nagpapakabanyaga at hindi na marunong tumingin sa sariling kultura...Mabuti na lang at napag-iingatan pa ang mga ganitong yaman ng Sining Pilipino.
Vey nice post Mr. Randy,,, matagal ko din naging inspirasyon ang mga local comic arts nung aking kabataan. Di man ako familiar sa mga gawa ng mga Great Filipino Comic Artist na tinalakay mo pero kilala ko sila sa pangalan,,, they really create big ispiration to new generation artists...
Post a Comment
<< Home