Sunday, January 22, 2006

REDONDO vs. NIÑO (Part 2)

DALAWANG URI NG LITERATURA

Noon pa mang unang panahon ay hinahanapan na ng kasagutan ang pagkakaiba ng dalawang sangay ng literatura—ang ‘prosa’ (prose) at ‘tula’ (poetry). Sa pagkakaroon ng malalim na pag-aaral sa dalawang nabanggit, napagkasundo ng mga mananaliksik ang malinaw na kaibahan ng mga ito. Hanggang sa magkaroon sila ng konklusyon na hindi lamang sa literatura nagkakaroon ng esensyal na pagkakaiba ang dalawa kundi maging sa lahat ng uri ng sining.

Ang prosa, sa tunay nitong esensya, ay isang paraan ng paglalahad na direkta ang paglalahad. Sa Inggles, maari nating tawaging ‘descriptive’ at ‘analytic’. Ang tula, sa gamit nito ng mga salita, ay hindi direktang ibinibigay ang ibig ipahiwatig sa nagbabasa. Ang prosaist (isang gumagawa ng prosa) ay gumagamit ng paglalahad mula sa labas. Samantalang ang poet (gumagawa ng tula), ay nagsisimula sa loob patungo sa labas. Ang prosa ay kailangang maglahad, kahit ang inilalahad nito ay hindi literal na katulad ng mundong ating ginagalawan, kailangan itong magsalaysay para sa ikauunawa ng lahat. Ang tula, sa tunay nitong kalikasan, ay hindi sakop ng mundong ating ginagalawan, independent, at may sariling ginagalawan, kahit ito pa ay nagpapahayag o nagsasabi ng totoong reyalidad, ang esensya nito ay ang pagkakaroon ng sariling daigdig.

Ang anyo ng prosa ay imitasyon ng ‘natural’ o ‘ordinaryo’ nating pagsasalita. Wala itong sukat (metrical structure). Ang tula ay gumagamit ng sukat, nagpapahayag ng mga salita at letrang hindi tumutukoy sa totoong ibig sabihin nito—sa madaling salita ay hindi natural itong ginagamit.
Ibibigay kong halimbawa ang deskripsyon ko sa isang dalaga:

Prosa:
Sinong hindi mabibighani sa dalagang mahinhin ang kilos, mapagmahal sa magulang, at mapagmahal sa lahat ng nilalang? Lalo kung siya ay nagtataglay ng katangian ng tunay na Pilipina, mahaba ang buhok, maayos ang pananamit, mayumi ang kilos…


Tula:
Sino itong binibining tila isang panaginip?
Isang tala sa gabi ng aking pananahimik
Na tumatanglaw sa madilim kong pag-iisip
O aking Sampagita, ikaw ay aking iniibig…


Ang pagkakaibang ito ay matatagpuan sa lahat ng uri ng sining—sculpture, painting, etc. dahil kaya nitong ipakahulugan ang mga anyo sa dapat nitong kalagyan.

At para sa mas malawak nitong pagkilala sa iba pang uri ng sining, mas mabuting tawagin natin ang mga ito bilang Prose Art at Poetic Art.

Sa pagkahumaling ng mga Greek sa reyalidad pagdating sa sining, maging ang mga sukat ng sculptures na kanilang ginagawa ay dapat na makatotohanan. Kapag normal na tao ang kanilang ginagawa, kasintaas lang ito ng totoo. At kapag kanilang diyos naman ang kanilang ginagawa, dapat ito ay malaki at mataas kesa sa sukat ng tao. ito ay nagpapakita ng mas mataas na kapangyarihan kumpara sa mga mortal.


Ang prose art ay direktang tumutukoy sa subject/s nito, payak at natural ang pagkakalahad at presentasyon. Maging ito man ay ‘pantasya’, ito pa rin ay nagpapakita ng mga pangyayari at kaganapan na sakop ng eksistidong panahon (time) at kalikasan (nature).







Ang dalawa sa tagapagtaguyod ng realism sa sining ay sina Da Vinci at Michaelangelo. Kapwa tinitingala ng mga artist na mahilig sa paggawa ng human figures.



Ang poetic art ay umaalis sa natural. Itinuturing nito ang sarili na mas mataas kesa sa panahon (time) at sa kalikasan (nature). Kung ito man ay gumagamit ng mga salita (katulad din ng prosa), hindi nito tinitingnan ang salita bilang isang instrumento, kundi, mas tinitingnan nito ang ‘form’ bilang representasyon.










Ang mga trabaho nina Salvador Dali, Pablo Picasso at Jacson Pollock ay umalis sa realistic artworks. Sa kanilang paniniwala, ang mga makatotohanang likhang sining ay para na lamang sa still pictures (litrato).

Ang ‘distinctions’ ng dalawang ito ang pinagmulan ng malalim pang pag-aaral ng mga art theorists sa buong kasaysayan ng daigdig. Noon ay hindi pa gaanong depenido ang mga basehang ito lalo pa’t may mga panahong hindi ito nagagamit ng maayos. May mga pagkakataon din na mahina ang basehan ng representasyon nito. Halimbawa, may mga pagkakataon na ang prose art ay ginagamit ng poetic artist, at ang poetic ay ginagamit ng prosaic artist, ngunit titingnan ng isang hindi alam ang depenisyon ng pagkakaiba ng dalawa.

At dahil ‘napakalawak’ at mahirap (minsan pa ay ‘confusing’) pumili ng isang indibidwal ng dapat niyang tumbukin, ang paggamit ng prose art at poetic ay itinuturing na lang (ng isang indibidwal), na representasyon ng sariling expression.

Si Immanuel Kant ang unang nagbigay ng malinaw na distinctions nang gamitin niya ang mga salitang ‘perceptual approach’ at ‘conceptual approach’ sa sining. Naging malinaw na pagkilala na ang perceptual approach ang siyang ginagamit ng prose artist. Samantalang ang conceptual approach naman ang ginagamit ng poetic artist.

Isa pang malinaw na pagkilala, ang art prose ay gumagamit ng ‘narration’. At ang poetic art ay ‘decoration’.

Sa patuloy na pag-aaral ng mga scholar sa ganitong subject, napagtibay pang lalo ni Herbet Read (modern art philosopher), na ang prose art ay isang ‘constructive expression’, at ang poetic art ay ‘creative expression’.

Narito ang ilang tala ng pagkakaiba ng dalawa:

Prose
Perceptual approach
Narration (illustration)
Constructive expression
Representative art
Symbolic use
Descriptive art
Analytic art

Poetry
Conceptual approach
Decoration
Creative expression
Formal art
Emotive art
Organic art
Concrete art

Sa ganitong mga depenisyon, hindi na maliligaw ang isang titingin kung ano ang dapat na maging basehan sa isang partikular na likhang sining. Maari na nating matukoy ang daan na tinatahak ng isang artist.

Sa ganitong mga basehan, may kakaibang kasaysayan ang komiks pagdating dito. Bata pa ang komiks para masabi natin na ito ay ‘high art’. Ito ay isinilang lamang ng 20th century (huwag na nating isama ang mga ‘cave arts’ at ‘Norman (comic-type) arts’ na sinasabi ng mga comics historians). Ang unang ‘function’ ng komiks ay upang magbigay ng aliw sa mambabasa, maari ring sabihin na upang makipag-communicate. Ang una nitong anyo, sa katotohanan, ay nakapaloob sa prose art. Kailangan nitong magbigay ng malinaw na ibig sabihin sa mambabasa upang ganap na maunawaan.

Sa kabuuan, ang komiks ay pinaghaharian ng ‘prose art movement’ simula’t simula pa.

Sa susunod: Ang tunay na labanang Redondo at Niño sa komiks ng Pilipino. At ano ang anyo at itinataguyod ng mga komiks artists sa kasalukuyang panahon.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home