SCRIPT MO, DRAWING MO
Tumigil ako sa pagdu-drawing ng komiks noong 1991. Nang bumalik ako ako ng 1995 sa publication, full-time writer na ako. Nagsusulat ng radio scripts at romance pocketbooks.
Tanong ng misis ni Hal Santiago nang minsang dalawin ko sila. “Paano ka natutong magsulat?”
Si Sir Hal na mismo ang sumagot. “Kapag marunong kang mag-drawing, matututunan mo ring magsulat. Ita-translate lang naman ng mga salita ang nakikita mo at nararamdaman.”
Naniniwala ako sa sinabi niyang ito. Isa lang naman ang basoc foundation ng writer at illustrator, ito ay ang ‘awareness’.
Kung ano ang nakikita ng artist sa kanyang paligid, ililipat lang niya ito sa pamamagitan ng papel at lapis. Ganoon din sa writer, ilalagay lamang niya sa makinilya o computer. Kung may galit na nararamdaman ang artist, magri-reflect ito sa kanyang drawing. Kung may galit din ang writer, mapapansin ito sa kanyang isinulat. Magkaiba ng paraan na ginamit, pero pareho lang ng proseso. From outside to inside to outside.
Sa komiks, ang ilan sa mga manlilikha ay parehong pinag-aaralan ang pagsusulat at pagdidibuho. At karamihan sa mga taong ito ay sumikat dahil mas napapaganda nila ng husto ang kanilang trabaho. Nariyan sina Francisco Coching, Nestor Redondo, Virgilio Redondo, Mars Ravelo, Alex Niño, Alfredo Alcala, Jim Fernandez, Hal Santiago, Mar Santana, Vic Catan Jr., Nestor Malgapo, Karl Comendador, Vincent Kua Jr, Rod Santiago, Gerry Alanguilan, Carlo Vergara, Arnold Arre, at napakarami pang iba.
Isang ‘bentahe’ kung parehong napag-aralan ng sabay ang dalawang talentong ito. Ngunit ‘ika nga, may mga tao na hindi kasinlakas ang pagnanais (gaya ng ibinigay kong mga halimbawa) na maabot ng sabay ang dalawang talento, kaya nagkakaroon na lang ng isang ‘specialization’. Nasa puntong kailangan nilang pumili sa pagiging writer o pagiging artist. Ngunit hindi dapat ipag-alala dahil karamihan din sa kanila ay nagtagumpay. Sa mga naging writer ‘lang’ ay nariyan sina Pablo Gomez, Tony Tenorio, Elena Patron, Gilda Olvidado, Nerissa Cabral, Helen Meriz. Sa mga artist naman, sina Nestor Infante, Clem Rivera, Lan Medina, Noly Zamora, Federico Javinal, at iba pa.
Kung titingnan, mas napili nga nila ang isang talento at nagtagumpay sila dito. Ngunit sa kaloob-looban ng kanilang pagkatao ay pareho na nilang ginagawa ang pagiging wrtier at artist. Halimbawa, ang writer na si Rosahlee Bautista, hindi siya nagdu-drawing sa komiks pero mahilig siyang kumopya sa drawing ng mga cartoon characters tulad ni Garfield at Popeye. Ang writer din na si Michael Sacay ay matalas ang ‘visualization’ sa mga drawing na ‘unproportion’ at kulang sa detalye. Pareho silang writer ‘lang’ pero pareho din silang aware kung ano ang nangyayari sa pagdu-drawing.
Ang illustrator na si Arman Mercado, kapag nakakabasa ng script na may ‘loophole’ (butas) ay agad niyang pinupuna. Kapag mali naman o kulang sa detalye ang dialogues at captions ay siya na mismo ang nagdadagdag, saka na lang niya sasabihin sa editor.
Sa madaling salita, sa komiks, nagkaroon ng boundary ang pagiging writer at illustrator. Ngunit sa kaloob-looban ng ating paggawa ng alinman dito, hindi lang natin napapansin, pareho na nating itong pinakikinabangan.
Sa pag-aaral ng science at psychology, nahahati ang ating utak sa dalawa function nito:
Kaliwa Kanan
Verbal -non-verbal
Syntactical -perceptual
Linear -global
Sequential -simultaneous
Analytical -synthetic
Logical -intuitive
Symbolic -concrete
Temporal -non-temporal
Digital -spatial
Bilang manlilikha ng komiks, artist man o writer, napatunayan na ng siyensya na mas nagagamit natin ang kanang bahagi ng ating utak, tanggap natin ito dahil dito umuusbong ang salitang ‘creativity’. At dahil nga ‘right-side of the brain’ ang ginagamit natin, walang dahilan para mapaghiwalay sa layunin ang writer at artist.
Mahalaga ang ‘awareness’ na ito para sa mga taga-komiks dahil magdudulot ito ng ‘harmony’ sa trabaho. Kung ikaw ay isang writer, dapat ay nabi-visualize mo na ang kalalabasan ng iyong kuwento kapag nai-drawing na ito. At dahil pumapasok na sa iyong utak ang visualization, maililipat mo ito ng maayos sa iyong ‘illustrations guide’ na ipagagawa sa artist. Tandaan na ang komiks ay isang ‘still image’ at hindi gumagalaw (gaya ng animation) kaya kailangan ay handa ang writer kung ano ang tamang eksena na ipapa-drawing sa artist.
May ilang mga experiences ako dito sa local komiks maging sa abroad kung saan hindi naging mabisa ang scriptwriter sa paglalahad ng guides para sa artist. Totoo na mahalaga ang pagkakaroon ng isang magandang kuwento, ngunit hindi lamang doon natatapos ang obligasyon ng isang manunulat. Dapat din niyang isaalang-alang ang trabaho ng magdu-drawing. Isa sa na-encounter ko sa local komiks ay ang guide na ganito…
‘…ipakita si Damian na napalingon sa likuran. Nang makita niya ang bag ay lumapit siya dito at sabay tumawa ng malakas…’
Paano ko ilalagay sa isang panel ang ganitong eksena? Hindi naman gumagalaw ang komiks? Ang solusyon, naisip kong magdagdag na lang ng isang panel. Sa unang panel, nakita ko siyang nagulat na napalingon. Ang ikalawa, ipinakita ko nang hawak niya ang bag habang tumatawa. Ngunit dahil sa katamaran kong magdagdag ng isa pang panel, hindi ko ginawa ang naisip kong ito. Sa halip, nag-drawing na lang ako ng lalakeng tumatawa habang hawak ang bag. At binawi ko na lang sa caption na: ‘Napalingon si Damian. Nang makita ang bag ay biglang…’ pinakialaman ko na ang script ng writer, bahala na ang editor na magpasya.
Ito pa ang isa kong na-encounter sa isa sa ginawa kong komiks sa US:
BEAH runs to the room's exit out to the hall, holding a lighting gun that she took out of one of SIDER #2's spare holsters and shooting at WREN but missing. She doesn't hit anyone but WREN and the other SIDER (let's call him SIDER #4) start to turn her way as the shot goes between them. WREN shoots at BEAH as she runs out, and she has to duck down low so that the shot goes over her head and is unable to return fire. But she's practically out in to the hallway already.
Hindi ko tuloy malaman kung ang purpose ng writer ay gumawa ng prosa o magsulat ng script ng komiks. Imposibleng mailagay ko ang ganitong eksena sa iisang panel. Kaya sa ayaw mo man at sa gusto, magdadagdag ka talaga ng supporting panels.
Sa illustrator naman, hindi lang dapat nakatali sa illustrations guide ang ‘visualization’. Huwag maging limitado sa dikta ng writer. Paminsan-minsan ay umakto kang writer kahit hindi ikaw ang nagsulat mismo ng istorya. Napapagaan ng ‘visual storytelling’ (although sa paniniwala ko na mayroon lang talagang obra na inaayunan ito) ang paglalahad ng kuwento, kaya magandang palalimin ang pag-aaral ukol dito. Napakaraming posibilidad sa execution dahil ang artist ang ‘final judge’ ng materyales, sa kanya ang huling hirit, ‘ika nga.
Isa sa sekreto sa estilo ng pagdidibuho ni Harold Foster ng Prince Valiant ay ang pagdadagdag niya ng ilang detalye sa event ng eksena. Mapapansin na ang kanyang mga tauhan ay inihahalintulad niya sa totoong buhay ang paggalaw. Minsan, makikita mo ang karakter na napapasuntok sa hangin kapag nagsasalita, nagkakamot ng ulo, at natututong ma-distract sa environment ng eksena kahit wala sa mismong kuwento.
Kung naipagkasundo na natin ang ating sarili sa pagiging writer at artist, papasok tayo ngayon sa isang pundasyon na ang komiks ay isang ‘visually-oriented medium’. Kahit pagsusulat lang ang alam mong gawin, kailangan mong malaman na ang komiks ay unang nakikita sa mata.
Ayon kay Betty Edwards, ang author ng aklat na ‘Drawing On The Right Side Of The Brain’ at ‘Drawing On The Artist Within’, ang pagdu-drawing ay bahagi na ng ating pang-araw-araw na pamumuhay, “Nearly everyday you do a drawing using line, one of the basic components of art: You ‘draw’ your name. Embedded in that ‘drawing’—in the line of your signature.”
4 Comments:
grabe sa komiks lesson! I'm sure maraming mga komiks artists ang makikinabang sa iyong blog. Keep it up!
Ang ganda ng entry na ito. :-) Galing mo, koyah!
Medyo matagal tagal na rin ako nawala sa komiks nang pumasok ako sa animation noong 1998. Ngayon parang nabubuhay na naman ang dugo ko pagkatapos kong mabasa blog mo...GRABE talaga nakaka arouse..hehehe
ako nung nasa pinas pa ako gumagawa ako ng mangga komics pero ang script nya ay french, ngayon nandito na ako sa Qatar, nahilig naman ako sa pag gawa ng mga tula, baka gusto mo namang gawan ng kakaibang larawan ang ibang tula ko
ito ang aking BLOG pindutin mo lang!
pwede mo rin akong sundan sa fesbuk dito!
sana maaliw ka :)
Post a Comment
<< Home