VINCENT KUA JR.
Nagulat ako sa natanggap kong text kagabi galing mismo sa cellphone niya: Vincent Kua passed away 2am today. His body lies at Biñan Funeral Chapel, 332 San Vicente, Biñan, Laguna..
Dagli akong sumagot: Is this a joke? Patay ka na e bakit magti-txt ka pa?
Sumagot ulit: Dis is Raffy Kua, Vince’s nephew…
Bigla akong nalungkot, totoo nga.
1988. Dalawang rehistradong eskuwelahan ng komiks ang naglalaban noon—ang Art Nouveau Comics School ni Joseph Christian Santiago at VK Komix Plus ni Vincent Kua Jr. Sa totoo lang, mas gusto kong pasukin noon ang VK dahil mas idol ko si Vincent kesa kay Christian. Nagkataon lang na mas una kong nakita ang advertisement noon ng Art Nouveau na karugtong ang pangalan ni Hal Santiago. At saka hindi naman ako dapat pumili dahil wala naman akong pambayad ng tuition.
Saka ko lang nalaman na si Vincent ay galing din pala mismo kay Hal Santiago. Ngunit paglipas ng ilang mga buwan—lalo pa at tumira rin ako sa bahay nina Christian sa Pasay—saka ko lang nasagap ang ilang mga tsismis. Hindi ko naman masyadong pinapansin noon dahil bata pa ako at hindi naman iyon ang pinagtutuunan ko ng pansin. Nalaman ko na may malaking tampuhan pala sina Sir Hal at Vincent. Kung anong dahilan ay hindi ko alam hanggang sa ngayon.
Madalas ngang sabihin noon ni Christian, "Yang si Vincent, dito rin ‘yan natutulog at kumakain noon gaya mo. Masipag sa pag-aaral at nakikinig kay Papa (Hal Santiago). Kaya ang daling natuto ng human figure."
Paglipas ng ilang buwan pa, sinabi ulit ni Christian, "Nagkita sa Christmas Party sina Papa at Vincent, nagkausap na rin sila. Ewan ko kung talagang nagbati na, pero tingin ko ay okey na sila."
Nang maging tuloy-tuloy na ang trabaho ko sa GASI noon ay madalas kong makita si Vincent ngunit kailanman ay hindi ko siya nakakausap. Isa siya sa superstar noon sa komiks. Parang ang hirap lapitan. Dadating lang ‘yan sa publication, diretso na kaagad sa mga editor, pagkatapos ay sa cashier, tapos ay uuwi na. Hindi ‘yan tumatambay sa artist’s room gaya nina Jomarie Mongcal, Ding Abubot, Vir Redondo, at iba pang matatanda.
Three years ago ko lang naging ka-close si Vincent dahil madalas ko siyang makitang nagdu-drawing mag-isa sa Atlas. Nasa isip ko, patay na ang komiks, hindi na uso ngayon ang superstar, madali na siyang lapitan ngayon. Hanggang ngayon ay ‘sir’ pa rin ang tawag ko sa kanya dahil sa respeto sa VK at pagiging senior sa komiks. Naiilang nga siya dahil ako na lang yata ang tumatawag ng ‘sir’ sa kanya. Pati iyong mga estudyante niya ngayon ay ‘kuya’ na lang o kaya ay simpleng ‘Vincent’ na lang.
Nang una ko siyang lapitan noon ay ito kaagad ang bungad ko, "Sir, nasa TV na kayo, di ba? Bakit bumalik pa kayo sa komiks e nagsasara na lahat?"
"Totoo na mas maraming pera sa showbiz," sabi niya. "Pero hindi ko ipagpapalit ang pagta-trabaho sa komiks. Ang mga tao dito ay totoo, madaling makapag-ipon ng kaibigan dito. Hindi ko gusto ang sistema ng showbiz, magulo, nagsisiraan, hindi mo alam kung sino ang talagang kakampi mo. Dito sa komiks ay nakakapag-usap tayo ng normal, puso sa puso. Mangsu-showbiz ka pa ba dito e wala na tayong singil pare-pareho," sabay pa kaming nagkatawanan.
Marahan magsalita si Vincent. Sa napansin ko nga, bihira siyang magsalita, ngunit malaman. Hindi ka niya pagyayabangan ng mga awards sa Palanca at komiks, kukuwentuhan ka niya ng mga tunay na karanasan niya sa trabaho. Nang malaman niya na galing din ako kay Hal Santiago, ito ang tanong niya na hinding-hindi ko talaga makalimutan: "Randy, marunong ka bang magpatawad? Kahit pa ilang years na kayong hindi nagkasundo, matatanggap mo pa rin ba siya?"
Medyo natawa pa nga ako, pang-komiks kasi talaga ‘yung tanong. Sabi ko, "Oo naman. Bakit, sir?"
Ngumiti lang siya. Ngunit sa kadulu-duluhan ng pag-iisip ko, alam ko kung ano ang ibig niyang ipahiwatig. Iyon ay ang away nila ni Hal Santiago. Hindi na ako nagtanong pa kung ano nga ang nangyari. Basta ang masasabi ko lang, hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam kung ano nga ‘yun.
Magmula noon ay madalas na kaming mag-usap sa Atlas. Tuwing dadating ako du’n, tatabihan ko kaagad siya at panonoorin magtrabaho. Ibang klase mag-drawing si Vincent, kakaiba sa lahat ng artist na nakita ko. Magdu-drawing lang siya ng bilog, lalagyan ng palatandaan ng mata, ilong at bibig. Ang paggawa niya ng katawan ay stick lang. Stick figure lang mag-drawing sa komiks sa Vincent, ni hindi nga siya naglalagay ng background. Dini-detalye lang niya pag lalagyan na ng ink.
"Bakit kahit kelan, sir, hindi kayo nag-drawing ng ibang writer? Lahat ng gawa niyo e sarili mismo ninyo, pati lettering?"
"Ang totoo ay hirap akong makasunod sa script na gawa ng iba. Hindi ko kasi ma-feel. Mas dama ko kung kuwento ko mismo ang idu-drawing ko."
"Bakit hindi kayo magturo ulit? Buhayin niyo ang VK."
"Iba na ang panahon ngayon. Gusto ko mang magturo, kaso mahihiya lang ako sa mga estudyante. Wala nang komiks. Saan ko sila dadalhin pagkatapos? Kung ako nga, nagti-tiyaga na lang dito sa Atlas kahit paisa-isa."
Naging open kami ni Vincent kung saan merong sideline. Inalok niya ako ng raket sa librong pambata, ipinakilala ko naman siya kay Lawrence Mijares kaya siya napunta sa Siklab.
Nagpa-criticize din ako kay Vincent nang makakuha ulit ako ng trabaho sa indie comics sa US. Valid ang mga puntos na ibinigay niya sa akin. Ngunit nagbiro din siya sa huli, "Pumupuna ako sa trabaho mo, baka ako e hindi makapasa diyan sa komiks ng Amerkano."
"Bakit hindi niyo subukan, sir? Sa tingin ko, puwede kayo sa mga mature stories, bagay ang style niyo sa Vertigo."
"Hindi ko alam, e. Hindi ko kasi kayang gumawa ng script ng iba."
Nag-alok akong gumawa ng website niya. "Kahit mga indie works lang, okey na. Hindi naman maselan ang mga ito kumpara sa mga mainstream publications."
Nagkainteres si Vincent. Mga ilang araw, nag-email siya sa akin ng ilang scanned artworks at biography niya. Sabi niya, "Huwag mo nang masyadong pagandahin ang website ko, kahit du’n lang sa mga libreng host, okey na sa ‘kin."
Ginawan ko siya ng sample website dito: www.freewebs.com/vincentkuajr
Sabi ko pa, "Hanapan ko kayo ng raket sa US, ako na lang ang papapel na agent ko. Tutal e may mga contact na rin akong indie publishers."
Mga ilang araw pa ay inimbitahan kaming dalawa ni Elvert Bañares sa College of Saint Benilde para maging judge at guest speaker sa mga estudyante ng Multimedia Arts na gumagawa ng interactive comics. Habang nagkakainan ay wala kaming pinagkuwentuhan ni Vincent kundi ang demanda niya sa komedyanteng si ‘Pokwang’ dahil may habol daw siya sa pangalang ginagamit nito (kung matatandaan ninyo ay sikat na sikat nu’ng araw ang cartoon strip niya na ‘Pokwang’ din ang title). Biniro ko pa nga siya, "Naghahabol pa ba kayo du’n, sir, e su-showbizin lang kayo nu’n. Di ba inis kayo sa showbiz?"
Pagkalipas ng ilang linggo, nag-email ulit siya sa akin. Ito ang laman ng kanyang sulat: Maraming-maraming salamat sa tulong mo, Randy. Isa kang tunay na kaibigan. Sana ay magtagumpay ka pang lalo sa career mo, at alam ko naman na mangyayari dahil nakita ko ang debosyon mo sa pagtatrabaho lalo na ang pagmamahal mo sa komiks. Huwag mo munang pagtuunan ng pansin ang website ko, hindi na muna ako magkukomiks sa ngayon. Kinuha ako ng channel 2 dahil maglalabas sila ng magazine, ako ang gagawin nilang in-house artist.
Pagkalipas nga ng ilang araw ay nakita ko sa mga magazine stand ang magasin na may titulong ‘NGIIINIG!’ Halos lahat ng drawing doon ay si Vincent ang gumawa. Natuwa ako kahit paano, alam kong hindi ganoon kalaki ang kita kumpara sa kinikita niya noon sa komiks. Ngunit walang dapat ipag-alala si Vincent. Naikuwento nga niya sa akin noon, "Minsan nalulungkot din ako dahil mag-isa lang ako sa buhay. Ewan ko ba kung bakit ganu’n ako? Ayoko ring mag-ampon. Basta gusto ko lang mapag-isa. Nu’ng isang araw nga e pinalayas ko ‘yung katulong ko, nagdadala kasi ng kung sinu-sino sa bahay, pati ‘yung mga anak niya, doon na pinapatira." Mag-isa sa buhay si Vincent, nakatira siya sa isang malaking bahay sa Pasig na naipundar niya sa pamamagitan ng komiks.
Nalaman ko sa isang kaibigan na nag-sample pala ng drawing si Vincent para sa US comics. Hindi daw nagustuhan ang kanyang trabaho. Nag-drawing daw siya ng pin-up ni Superman na pang GQ Magazine ang hitsura. Nalaman ko rin na nasaktan kahit paano sa punang ito si Vincent, mahigit 30 taon siya sa komiks ng Pilipino, hinahangaan at tinitingala.
Ngunit hindi ibig sabihin nito ay hindi siya mahusay. Libong beses ko nang sinabi sa mga kaibigan ko, magkaibang-magkaiba ang komiks ng Pilipino sa comics ng Amerika. ‘Character-oriented’ ang comics nila samantalang tayo ay ‘plot-oriented’. Hindi natin kayang paligayahin ang simpleng Pilipino sa kuwento ni Batman, o ni Wolverine, o ni Savage Dragon. Mas nararamdaman natin ang mga kuwentong tulad ng "Tatlong Taong Walang Diyos", "Bukas Luluhod ang mga Tala", "Pasan ko ang Daigdig", at "Roberta". Maging si Narda ng Darna ay salamin ng isang pangkaraniwang Pilipina, kimi, matiisin, mapagmahal sa pamilya at lipunan. Mas nakaka-relate tayo sa isang paksa na sumasalamin ng ating buhay bilang Pilipino. Anong silbi ng isang character na ang pangalan ay Superman na nakatira sa Planet Krypton na kayang lumipad papunta sa Pluto at kayang kumalaban kay Solar Man kung tayong mga Pilipino dito sa third world country ay nagkakaroon ng malaking krisis sa pulitika, ekonomiya at maging sa pag-uugali ng bawat isa?
Totoong financially rewarding ang makapag-komiks sa ibang bansa kumpara dito. Ngunit hindi lamang doon natatapos ang lahat ng ating mga pangarap. Para sa akin, masarap ang hangaan sa ibang bansa, masarap magbigay ng autograph sa mga fans, masarap kumita ng dollar, ngunit hindi nito kayang tapatan ang kaligayahan na makita mo na tayong lahat ay nagkakaroon ng maalwang buhay. Hindi lang ikaw, o siya, o ako. Ang mahalaga ay tayo.
Kumakain tayo para mabuhay. Hindi tayo nabubuhay para kumain.
Tinext ko si Vincent para samahan ako sa Komikon noong sabado. Ngunit hindi siya nagri-reply sa akin. Nang magkita nga kami doon ni Dennis Villegas, iyon kaagad ang bati niya sa akin, "Kumusta si Vincent? Pupunta ba siya dito?"
"Hindi sumasagot sa text ko, e," ‘yun lang ang sagot ko.
Na-stroke si Vincent.Hanggang ngayon ay hind ko pa rin alam kung ano ang nangyari. Hindi na natin siya makikita kahit kailan. Ang matitira na lang sa atin ay ang kanyang mga nobela at drawing.
Hindi ako naniniwala sa multo. Maging ang paniniwala kung may kaluluwa ba ang isang tao o wala ay malaking kuwestyon para sa akin. Ngunit sa isang gaya ni Vincent Kua Jr. na nahubog ang pagkatao sa ‘supernatural stories’ gaya ng inilalabas niya sa kanyang mga istorya, siya na lamang ang nakakaalam kung mababasa niya ito.
KASAMA KA NA SA KASAYASAYAN NG KOMIKS NG PILIPINO, SIR VINCENT.
Sa aking kalkulasyon, mayroon na tayong anim na henerasyon ng mga gumagawa ng komiks. Siya ang maituturing kong isa sa pinakamagaling na manlilikha sa ikaapat na henerasyon ng mga nagku-komiks dito sa atin.
Isa ito sa pinakagusto kong cover illustration na gawa ni Vincent. Makikita dito ang sarili niyang hagod sa paggamit ng brush.
29 Comments:
condolense sa pamilya ni vincent...kilala ko rin ang mga gawa nya ran idol ko rin yan sa paghagod ng brush....pero hnd ko n meet yan...kaibigan mo pla sya...:) nlagasan na naman ng isang magaling na artist ang ndustriya ng komiks...
grabe nga, hanggang ngayon shock pa rin ako.
Alam ko rin may mtampuhan noon sina Mang Hal at Mr. Vincent Kua, may nasabi pa noon si Mang Hal sa akin na di na raw kasi sumusunod si Vincent sa mga dapat gawin sa pagguguhit. Diretso daw tinta kaya minsan nagiging ditorted ang mga pigura.
Hindi ko rin alam ang pinag-ugatan nito, ngunit ka-text ko ngayong araw na ito si Mang Hal, at marahil ay pupunta daw siya sa burol bukas. Sana, kung anuman ang naging hidwaan nila noon ay naayos na nila noon pang bago pa pumanaw si Vincent Kua.
Condolence sa naiwang pamilya ni Mr. Kua. At maging sa iyo, Randy. Malungkot ang mawalan ng isang tunay na kaibigan.
Ang ganda ng nagawa mong official website, Randy. May information ka about sa creation nya na Pokwang? Gusto ko sana gumawa ng page sa Komikero about it. Karamihan kasi ng koleksyon ko ay mula 50's hanggang early 70's at bihira ang komiks ko from late 70's to 80's kung saan at kelan lumabas ang mga gawa ni Vincent.
Reno-
Actually, nakakahiya mang sabihin dito pero talagang napaiyak ako nang gabing malaman ko yun. Feeling ko kasi ang lungkot-lungkot ni Vincent nung mawala sya,parang ang dami pang kulang. Inisip ko na lang na nagawa na niya ang lahat para sa komiks, wala na syang dapat pang patunayan.
Ger-
I-scan ko ang karamihan ng gawa ni Vincent, i-send ko sa email mo. Gusto mo ba ng hi-res o low res lang?
ok lang na high res. Salamat! Paki send na lang dito para kayang kaya.... gerryalanguilan (at) gmail (dot) com
nakakalungkot talaga ang balitang ito. Ilang taon lang ba siya? Mamimiss natin siya at ang kanyang sining.
nkikiramay ako!!!alam kong wla ako sa industria sa paglikha ng komiks,pero isa ako sa mga nagbabasa at tumatangkilik nito!alam ko rin na ramdam ng bawat isa ang lungkot at tuwa ng pagkawala ni mr. Kua,lungkot,dahil sa mga naiwan niya at tuwa dahil sa mga likha nya n kailanman ay nging isang tatak at nging kontribusyon ng industriya...naalala ko nun mid 80's,laging brownout nun,salamat sa gawa nya kc laking bahagi nito pra sa akin pra makapaglibang at magbasa nlang ng komiks habang hinihintay ang pagbukas ng koryente,almost kalahating araw kc nun ang walang power araw araw..isa sa mga paborito ko ang aliw komiks na isa sa mga ginagawan ni mr. Kua..again! abot kamay ko ang pakikiray..salamat!!!
Condolence sa lahat ng naulila ni Sir Vincent. Idol ko 'yan, bahagi siya ng kabataan ko, ang mga obra niya. Isa siya sa malaking impluwensiya sa'kin kaya ko pinasok ang pagsusulat sa komiks. Naging teacher ko 'yan many years ago sa isang scriptwriting class na inorganize ni late Sir Giovanni Calvo. Nagsusulat na ako sa komiks nang time na 'yun kaya nagulat ako nang i-invite niya ako na i-assist siya sa pagle-lecture sa mga kaklase ko sa seminar/workshop na 'yun. They (Sir Vincent & Sir Giovanni) even invited me for a ride pero tumanggi ako kasi may lakad kami ng mga kakalase ko that time. Kung maibabalik lang ang ikot ng orasan... Anyway, isa ako sa labis na nalulungkot sa balitang ito. Mawawala sa mundong ito si Sir Vincent pero hindi ang alaala at mga kontribusyon niya sa daigdig ng komiks ng mga pinoy!
Nabawasan na naman ng magaling na artist ang pinas. Sayang nga lang at nasa kabilang lupalop ako. Malapit pa naman sa amin ang binan galing Calamba. Lubos akong nakikiramay sa pamilya ni Vincent.
-Bluepen
gilbert-
Di ko alam kung ilan ang edad ni Vincent, late 40s na siya tingin ko.
Sa tutuo lang naging fan ako ni Kuya Vincent Kua Jr. Naalala ko pa mga artworks niya sa GASI KOMIKS. Sa Pinoy Komiks, iyong character niya na sirena na mayroong napakagandang korona na me kaibigang maliit na isda na ang ulo ay ulo ng batang paslit. Isa pa ay iyong magkapatid na may pakpak ng anghel pero ubod ng sama...saka iyong may pakpak ng demonyo at sungay pero ubod ng bait. Love na love ko ang kuwentong iyon. Gusto ko ulit sana mabasa iyon.
Kaya lang, wala na mga koleksyon ko ng komiks ng GASI. Paborito ko ang mga komiks ng GASI.
At nakakapanghinayang na si Kuya Vincent ay nawala.
Kumusta na po pala sina Mr. Clem Rivera. Naalala ko pa, kaklase ko ang anak niyang lalaki noong 4th year high school (1994) ako. Magaling din siyang mag-drawing, Jerome Rivera ang name niya. Di ko lang alam kung katulad din siya ng ama niya ngayon na isang comic artist. :D
condolences sa pagkamatay ni sir vincent. happy rin ako kahit papano dahil nagkausap kami ng mahaba-haba nung history of filipino komiks seminar sa up.
sayang talaga...
hi witch-
yung sirena na karakter na tinutukoy mo ay yung RENASIERA at yung anghel at demonyo ay LUCIFER ARCANGHEL
wala na rin akong balita kay Clem Rivera, nasa animation pa rin yata
Ayun, Lucifer Arcanghel pala ang pamagat niyon. Gustong gusto ko kasi ang kuwentong iyon eh. Hoping, maging bahagi din ng mga TELESERYE sa Telebisyon ang mga nagawa ni Kuya Vincent Kua Jr.
Regarding sa character na RENASIERA...Cute kasi ng korona niya eh.:D
Nami-miss ko ang mga gawa ni Jim Fernandez, lalo na yung kanyang Zuma.
Sa mga illustrator naman, bilib ako kina Sonny Trinidad,(I guess siya yung nag-drawing ng Virga (Yung babaeng amazona) na lumabas yata sa Holiday Komiks.?
Si Ariel Padilla noong 1990s.
Si Lan Medina.
Sina Joey Celerio at Louie Celerio.
Si Gilbert Monsanto.
Si Hal Santiago.
Si Clem Rivera.
Abe Ocampo, (I like her drawing of Darna...naalala ko pa yung Darna Versus Dyangga niya sa Atlas.)
Si Mar. T. Santana.
Di ko na ma-recall kasi iyong iba.
I'm also an artist and i've known Vincent and Hal longer than you do. Pareho ko silang kaibigan at ikinalungkot ko ang pagkawala nang maaga ni Vincent. One word of advice: don't talk about things you have no full knowledge about. I remember seeing you as a young man, living and studying drawing with Hal, kapag nabisita ako doon. You should be giving credit where credit is due. Maaring hindi mo idol si Hal (tulad ng paghanga mo kay Vincent) at ang mga anak niya pero they welcomed you into their home. Yung sinasabi mong tampuhan nila ay matagal nang naayos iyon. Parang tampuhan lang iyon ang isang ama at isang anak. Kapamilya ang turing ni Hal kay Vincent at sa napakaraming apprentice na naturuan niya (kasama ka na doon). Sabi mo ay naging 'close' kayo ni Vincent. Bakit hindi niya nabanggit sa iyo ang tungkol sa pagkakaayos nila ni Hal? Sa edad mong iyan ay malayo na ang narating mo. Congratulations! Huwag mo lang kalimutang lingunin ang iyong pinanggalingan.
Ipinagpapaumanhin ko po kung may mga tinamaan ako sa artikulong ito. Sa abot ng aking nakakaya, hindi ko alam kung anong isyu ang lumabas. Makailang beses kong ni-review ang article na ito at wala akong makitang butas na nanira ako ng tao--kay Sir Hal man o kay Vincent. This article is a tribute to Vincent Kua, ngunit hindi ko puwedeng ialis na ang pagsisimula ng pagkakakilala namin ni Vincent ay nang banggitin ko na estudyante rin ako ni Hal Santiago, at bigla niyang sabihin na 'Randy, marunong ka bang magpatawad?' Personally, i don't know what that means. Kaya nga hindi ko nilagyan ng kulay. At hindi na ako nag-usisa kung ano yun. At alam ko rin na nagkaayos na sila matagal na, gaya nga ng nabanggit ko sa article. Alam kong masaya si Vincent, lalo na ako, pag nagkakasama kami dahil alam naming we came from one roof--Hal Santiago. At talagang hindi na ako nagtatanong kung anuman ang mga tampuhan nila dati. Dahil tapos na yun, at ang naikuwento ko lang sa article ay ang nakatutuwang pangyayari na galing ako sa Art Nouveau noon at ngayon ay ka-close ko na ang kakumpetensya na founder ng VK Komiks Plus. Hindi po ako nagtsi-tsismis, ito ang mga naging karanasan ko nang una kong makilala si Vincent.
At hindi po totoong mas idolo ko si Vincent kesa kay Sir Hal. Honestly, mas idolo ko si Sir Hal kesa kina Redondo at Coching--not as an artist but a teacher and a human being. Ang sinasabi ko lang, nung time na yun 1988, mas idol ko si Vincent kesa kay Christian, not Hal. Pero sa paglalagi ko noon sa bahay nila, nalaman ko na walang makapapalit kay Christian sa pagiging teacher ko. He is my mentor and my kuya. Saksi ako sa mga pangarap niya sa komiks, pati ang mga araw na pare-pareho kaming pinagsesermunan noon ni Sir Hal.
Ayoko pong palakihin ang gulong ito, dahil hindi naman ang away NOON nina Vincent at Hal ang point ng article ko. Isa lamang itong palabok ng aming (Vincent) unang pagkakakilala.
Marami pong salamat sa inyong pagsulat at pagpapaalala. Hinihingi ko din po ang inyong kapatawaran kung anuman ang mga nabitiwan kong salita sa artikulong ito.
HEEEEEELLLLLLLLOOOOOOOOO BLOGGERSSSSSS..
I would like to tell everyone I know about a new web site for web hosting review... If you are looking on ways to mkae money starting a business and need a site to host it on . Visit http://webhost-er.com/ Today
nasa pasig c vince nasa bacolod ako..pero natoto akong mag drawing...gnagaya ko ang mga drawing nya..ang comiks noon. ay salamin ng buhay ng pinoy, anung cnabe ng internet...lahat ay nag babasa...mayaman at mahirap..grabe ang komiks noon.nakakaadik..maraming klase..drama, horror, pambata,at naku may bomba pa...as in porno talaga..saludo po sa inyong lahat. ung mga illustrator..salamat kayo ay mga inspirasyon .clem,cal,ung illustrator po ng somewhere..nakalimutan ko pangalan nya.taga cainta sha.nag momodelo ako dati sa kanya..un pong illustrator ni lilac(limut ko na name)..si sonny trinidad..at marami pang iba.
may tampuhan ho kami ni kuya vince kasi dumating sa point na kinakalkal nya buhay ko.yun pala may balak na sha na gawin comiks yun..ha ha ha pero d kami nag away..naiinis lang ako.kasi pag nagkita kami tanong ng tanong...kuya vince salamat po uli.
First of all I would like to say thank you for all the fans of my Uncle Vincent and for all of you that shared your experiences with him.
It has been a 1 year and 27 days since my Uncle passed away but his presence around our family was never far we can still feel him around us watching and still trying to make a difference, My Uncle was one of a kind he took a big part of my childhood and also when I was growing up even though we are thousands of miles away he still stood by my side and share his stories and experiences on the phone or email so I wont make a lot of errors in life, to become a better man someday. Right now I must admit I miss him a lot his emails and his calls asking and telling me to stay away from trouble and to take care of myself and my family, Growing up without a Father was challenging for my Mother but my Mom got through with all those obstacles in life raising a little boy with the help of his Brother (my uncle Vincent) My uncle was like a father to me and he might be gone but his legends continues and lives forever in our hearts.
We love you Koya always have and always will... We Miss you!
Wag ka na mag alala sa akin nagpapakabait naman ako.
I didnt know Vincent Kua's dead until I posted another comment to a different blog & mentioned Vincent's my favourite. I searched his name just out of habit & saw this site.
It's a shock to my system for many reasons. I grew up in the slums, I grew up with komiks, I grew up seeing stores selling all sorts of magazines, newspaper & the komiks were presented in its own special section.
Di ko alam na patay na pala ang industry, it just never really occurred to me that part of my childhood has been dying for sometime now.
And now I learn that actually my admired comic hero is dead. I don't really know what to say to his fans or to any Pinoy. But I'm really sorry our country's lost a great man & a part of our culture.
The passing away of Vincent has left a void in my heart. Gusto ko pa naman sana siyang ma-meet ng personal dahil fan niya ako. His stories and illustrations have left lasting impressions in my life. 'Yung iba nakikita ko pa sa mga panaginip ko. Ganyan ako ka die hard sa kanya. I'm gonna miss him so much.
Rest in peace Vincent...
whoah... found this page through the komikero site.. i grew up reading comics.. and vincent kua's works were my favorite.. naexcite pa naman ako nung una nung makita ko ung website nya.. i thought i'd be able to send him a message or something.. pro un nga.. he's now in the big comicbook shop in the sky.. but he will forever live on.. he is immortalized by his works..
randy,
thanks for this blog...
just to let u know...vincent became my close friend along with other student from vk studio..shocking to know that he is not around...i will surely missed him...
juvy and family
it was really shocking knowing one of my idol and friend is no longer around...how could i not known? it was over 4 years since i had the chance to chat with him..he told me, padalhan ko daw siya ng GQ mags here from u.s. sabi ko naman," ok, i'll have it for you sa bakasyon ko with my family..."
i'm sorry...it was too late but then, u will always be a part of my younger years, my writing career and what i am right now...
i met some of vincent's family..vic, ate yolly, vj, his younger sis which i don't recall the name, but nevertheless, u all became an instrument why vincent became a beautiful human being...
our condolences to all the kua families...
juvy 2/20/09
My interest in Vincent Kua as an artist has been awakened today because of the news that Philippine comics will be bolstered again especially by the senate. And it is so sad to learn that my favorite comics illustrator is already gone. I wished to have at least met him once in my lifetime.
Vincent Kua had the finest craft in comics. Napakalinis at detailed ng trabaho nya. Nakakalungkot. There will never be an artist as good as he. I will always be his fan.
My interest in Vincent Kua as an artist has been awakened today because of the news that Philippine comics will be bolstered again especially by the senate. And it is so sad to learn that my favorite comics illustrator is already gone. I wished to have at least met him once in my lifetime.
Vincent Kua had the finest craft in comics. Napakalinis at detailed ng trabaho nya. Nakakalungkot. There will never be an artist as good as he. I will always be his fan.
Nag-search ako ng writer at illustrator of the Philippines, meron kasi ako hinahanap na illustrator ng komiks at very popular sa akin dahil nagkwento rin siya ng buhay lineman sa Meralco (kinontrata siya ng Meralco around 1995 something), at nakita ko ang Vincent Kua Jr., ang dahilan ay napagkwentuhan namin ng classmate ko noong high school (RHS sa Pasig)ang tungkol sa pagiging artist niya at hindi ko kasi natupad iyon. Naging Lineman ako ng Meralco at ngayon ay nasa Connecticut na ako as a Lineman din sa Connecticut Light & Power. Nabanggit ko sa classmate ko na meron ako nakasabay sa elevator noon sa Lopez bldg., Meralco at nakita ko dala niya na drawing at binati ko siya at siya pala si Vincent Kua na nababasa ko lang sa komiks. Duty ako that time at nag-offer sa kanya na ihatid sa bahay niya sa Pasig (malapit sa palengke) at nakita ko bahay niya at pinatuloy kaming dalawa ng kasama ko at tuwang-tuwa ako sa mga gawa niya at isa sa natatandaan ko ay ang maskara na molded na naka-display sa living room niya. Ipinagmalaki ko kasi siya sa clse friend ko na classmate ko noong 4th yr. na mayroong isang illustrator ng komiks na binigyan niya ako ng art sample niya na meron siyang authograph at hanggang ngayon ay dala ko dito sa U.S at nakatago sa envelope, hindi ko matandaan name niya kaya nag-research ako at bumungad sa akin ay yumao na pala siya. Nalungkot din ako pero ito ang buhay. Condolence po sa pamilya niya. Siya lang ang real na illustrator na na-meet ko at ikinalulugod. I'm very proud na nasa akin ang illustrate niya na may sign niya pero kukunin ko pa sa pagkakatago para alamin kung ano eksaktong date ito. Si Victorino Tablang po ito. I'm really sorry sa nangyari.
nalungkot ako,umiyak kasi di ko talaga alam na wala na pala si vincent.naging estudyante ako ni vincent sa VK.ang tawag nya sa akin cristy,nagkamali lang siguro sya ng dinig sa phone at di na nabago yun,talagang cristy na ako sa kanya.mabait si sir vincent.may mga picture kami ng mga estudyante nya sa wildlife,sa studio nya.minsan kumakain kami sa studio nya.si juvy castillo nun ang pinaka close nya sa lahat ng estudyante nya.sobrang bait talaga ni vincent.Minsan na rin akong nag trouble shooting kay vincent sa gasi.2001,umuwi kami dito sa davao.palagi ko syang ipinagmamalaki,sobrang proud ako talaga lalo nung nakita ko pangalan nya sa tv.Kagabi,gusto ko e facebook si jan morrow,el ortiz,nang di ko sila makita sa facebook sabi ko sa anak ko, si vincent na lang.pero, nagulat ako,nalungkot kasi di ko talaga akalain wala na sya.alam mo,everytime na magkasalubong kami nun sa gasi di ko mapigilan ang humanga kay vincent kasi,mabait na ay gwapo pa.nami miss ko talaga si vincent,sorry ngayon ko lang talaga nalaman.....
Post a Comment
<< Home