KOMIKS BILANG INSTRUMENTONG PULITIKAL
Dito sa Pilipinas, nagiging pulitikal lang ang komiks tuwing darating ang eleksyon.
Nagagamit ito ng mga pulitikong kumakandidato para sa posisyong tinatakbuhan. Masa pangunahing ang oryentasyon ng komiks. At ang isa sa ‘pinakamagaan’ na reading material na pag-aaksayahan ng panahon na basahin ng masa ay ang komiks. Dahil biswal ito, mas madaling ipaunawa sa isang karaniwang Pilipino ang buhay ng isang pultiko kesa hainan siya ng isang makapal na libro o kaya ay mga polyetos na nakasulat ang kung anu-anong achievements, awards at plataporma. Sa porma ng komiks, nandoon na lahat ng dapat ipahayag ng isang pulitiko.
Ngunit kung pakasusuriing mabuti, ang ganitong mga materyales ng komiks tuwing panahon ng eleksyon ay nagiging ‘propaganda’ lamang. Kung minsan nga ay makakabasa ka ng napakaraming eksakerasyon para lang makumbinsi ang babasa na ang pulitikong ito ay siyang karapat-dapat na mamuno. At kung minsan pa ulit, ni wala kang mababasang plataporma o plano para man lang sa bayang nasasakupan. Mas naka-emphasize pa ang pakikipagbarilan niya (kuno) sa mga drug pushers at carnappers kesa maglatag ng solusyon sa totoong problema, tulad ng kahirapan at edukasyon.
Sa kabaligtaran, mayroon ding mga komiks na inilalabas para naman sa kalabang pulitiko. Ang laman naman nito ay kasiraan ng kabilang kampo. ‘Black propaganda’ naman ito. Strategy ito ng mga pulitiko kung alam nilang medyo malakas-lakas ang kalaban. Nagiging instrumento ang komiks para siraan ang kabila.
Sa panahon ng eleksyon, ang komiks ay hindi isang likhang sining, hindi rin ito panitikan, at lalong hindi ito negosyo (sa publisher/campaign manager siguro, pero hindi sa buong industriya). Ang komiks ay isa lamang kasangkapan na ipinamumudmod (parang de-latang sardinas) para kunin ang simpatya ng botante.
Ngunit kahit walang eleksyon, mayroong mga komiks na inilalabas (kalimitan ay sa ‘underground’) na ang pangunahing ipinapakita ay ‘political ideology’. Ilang halimbawa ang ‘BREAKTIME’ na inilabas LEAD (Labor Education and Assistance for Development, Inc.) at ‘MITSA’ na inilabas naman ng BUGKOS (Pambansang Sentro sa Sining at Panitikang Bayan) at BAYAN (Bagong Alyansang Makabayan).
Sa kuwentong ‘Mga Bakas ng Pagsasamantala at Pakikibaka’, ipinakita ng manunulat na si Nerissa Reyes ang kasaysayan ng Pilipinas sa ilalim ng mga Amerkano. Nakapaloob dito ang mga factual na pangyayari tulad ng ‘Military Bases Agreement’, ang ‘Bohlen-Serrano Agreeement’, ang Anti-Bases Coalition ni Sen. Jose Diokno, at iba pa.
Isa ring kuwento na may ganitong paksa ay ang ‘Kung Wala na ang mga Base…” kung saan inilarawan naman ang teknikal na aspeto kung bakit kailangan mawala ang US bases sa Pilipinas.
Sa kuwentong ‘Lupa’ ni Skye, ipinapakita ang isang gobernador na mayroong private army na gumigipit sa mga magsasakang kanyang nasasakupan. Isyu dito ang patayan at kidnapping ng karaniwang mamamayan.Maging ako man, noong taong 2000, ay kinomisyon ng Amnesty International, Pilipinas at UATC (United Against torture Coalition), upang gumawa ng komiks tungkol sa isyu ng torture dito sa bansa. Ipinanood sa akin ang isang video ng mga tortured victims, interviews, at mga dokumento, at mula doon ay ginawa ko ang kuwento.
Sa ‘underground scene’, naglipana ang mga komiks na may isyung pulitikal. Makakabasa ka ng mga ideologies ng kung anu-ano—Marxirst, Maoist, Anarchist, Nazism, etc. Mayroong ‘politically-correct’ at ‘politically-incorrect’. Lahat ng ito ay nakapaloob sa ‘political komiks’.
Dito sa atin, mahihirapan sa ‘mainstream’ ang ganitong uri ng komiks. Unang-una, maselan ang mga paksa, lalo pa’t mainit ngayon ang isyu tungkol sa ‘terorismo’. Ikalawa, sino lang ba ang market ng ganitong komiks? Sino lang ba ang makaka-relate sa iyo kung ang isyung tinatalakay mo ay imperyalismo, burukrata kapitalismo at pyudalismo?
Sa ibang bansa, maraming mga ‘political comics’ ang lumalabas sa mainstream. Hindi dahil sa ‘matataas ang lebel ng pang-unawa’ ng mga nasa ibang bansa kundi dahil iba ang approach nila sa pagsasalarawan ng mga isyung pulitikal. Hindi propaganda, kundi normal na aklat na nagsasalaysay ng kalagayan ng lipunan.
Sa graphic novel ni Will Eisner na pinamagatang ‘The Plot’, ikinuwento niya ang lihim ng ‘The Protocols of the Elders of Zion’. Ayon sa mga pag-aaral, ang ‘Protocols’ ang naging dahilan kung bakit marami ang galit sa Hudyo, isa na rito si Hitler. Ito rin ang hinihinalang nagpaalab sa damdamin ng mga ‘racist’ kung kaya nabuo ang Nazi, Ku Klux Klan, at iba pa.
Sa ‘Persepolis’ ni Marjane Satrapi, ikinuwento niya ang kalagayan ng Iran at kung bakit ipinadala siya ng mga magulang sa France upang doon na manirahan.
Sa ‘In The Shadow of No Towers’ ni Art Speigelman, isinalaysay niya ang pagsabog ng Twin Towers noong September 11, 2001. mababasa dito ang mga isyu ng terorismo.
Sa ‘The Fixer’ ni Jo Sacco, nagbigay siya ng komentaryo sa pagkakaroon ng digmaan sa Serbia.
Sa ‘The Death of Thomas Scott’ ni Chester Brown, ipinakita niya ang political resistance laban sa pamamahala ni Louis Riel.Sa ‘Deogratias’ ni Stassen, ipinakita niya ang kalagayan ng Rwanda sa pamamahala ng mga French armies.
Ang mga ‘political komiks’ na aking nabanggit ay isang tulay kung bakit ang midyum ng komiks ay hindi lang nabibilang sa sinasabing ‘entertainment’. Ito ay magiging mitsa rin ng paniniwala, pilosopiya at ideolohiya. Mapapaalab nito ang damdamin, matututo tayong magsuri sa ating paligid at makikita natin ang lipunan na hindi nakikita ng iba.
Naniniwala ako sa kasabihang: ‘Art is truth without violence’. Katulad ng prosa, pelikula, at painting, ang komiks ay magiging isang matibay na istrumentong pulitikal sa malapit na hinaharap.
Sa susunod: KOMIKS BILANG TAGAPAGHATID NG PAG-ASA.
2 Comments:
ang galing talagang nagresearch ka kuya ha!
Nakakainspired at nakakapanabik ang mga blog mo! Unti unti nabubuhay dugo ko sa komiks. sana makalabas ako para magkita kita tayong mga taga komiks na matagal na ring natutulog. Kung baga sa pagkain, bigla akong nakainom ng pampaalis ng toxin sa katawan para dumaloy uli ang dugo ko.KEEP IT UP! Kasama mo ako sa minimithi mo! Sana add mo rin ako sa blog mo...hopefully..marami akong experience at maibibigay na dagdag inspirasyon sa mga kabataan na inspiring na maging mga illustrator.
Post a Comment
<< Home