MARKETING
Weird itong librong ‘Komiks sa Paningin ng mga Tagakomiks’. Saan ka naman nakakita ng libro na halos wala pang isang linggo ay meron kaagad second printing. Kunsabagay, kaunting copies lang naman ang pinagawa ko, pero hindi ko akalaing sa ganoon kaikling panahon ay halos ubos na ang kopya ko. Ang hawak ko na lang ngayon ay mga natirang complimentary copies at ilang kopya na pinareserba ng mga kaibigan para bilhin.
Nitong mga nakaraang araw ay wala akong ginawa kundi kumonekta sa mga marketing people. Malamang na sa mga susunod na linggo ay makita niyo na rin sa ibang establishments ang libro, hindi lang sa Central Books.
Hindi puwedeng patulugin ko lang ang libro sa isang lugar at maghihintay lang ako ng grasya. Kailangang kumilos. Sabi nga ni…nakalimutan ko na kung sino ang nagsabi: “It’s not the best man who normally made it but the man who desire it most.”
Ako ang klase ng taong kayang magmartsa ng maghapon sa ROTC kesa paupuin sa harap ng Math subject. Biruin mong dalawang beses kong kinuha ang Algebra noong college ako hehehe. Ganyan ako kabobo sa Math. Kung hindi ko pa nabasa ang life story ni Albert Einstein ay allergic talaga ako sa numbers.
Nalaman ko na hindi naman pala ako bopol sa Math, talagang tamad lang akong pag-aralan. Kaya kahit asar ako sa subject na ito, kailangan kong gawin dahil sa ayaw ko man at sa gusto, ang mundong ito ay punung-puno ng Math.
Hindi ko alam kung bakit isang gabi ay bigla na lang akong sumama sa isang kaibigan na nakalinya sa marketing. Dinala ako sa kung saan-saan. Nakipag-usap sa kung sinu-sino, nagkuwentahan ng mga tseke at mga cash sa harap ko. Ng mga tubo at mga kulang. Ng mga kita at mga lugi. Isang araw na napuno ang utak na puro kabibilang ng pera, petsa, accounting, networking at kung anu-ano pang teknikal na isyu na sila lang ang nakaka-relate.
Pero tuwang-tuwa pa rin ako kahit inabot kami ng madaling araw. Hindi lang kasi Math ang pinag-aralan ko, pati na ang characters nila hehehe. Malas lang nila, may kasama sila na ultimo pag-inom nila ng tubig ay pinag-aaralan ko. Sa dami ng taong kinausap namin, nalaman ko kaagad kung sino ang mayaman, ang mahirap, ang gold digger, ang trying hard, ang may breeding, ang balasubas, ang hayok sa pera, at ang walang pakialam sa kikitain dahil may ibang agenda—sa mga magagandang tsiks na kasama namin na may business rin.
Merong manager ng isang car company na puro kalibugan ang pinagsasabi, may isang kapatid ng sikat na singer na walang ginawa kundi ipagmalaki na siya ang presidente ng isang malaking organisasyon, may nag-aalok ng insurance na nang makakita ng fried chicken sa mesa ay hindi na kami kinausap kundi kumain na lang, may isa ring bading na medyo pormal pa nu’ng una, pero nang may dumating na gwaping e biglang naglandi.
Totally alien ako sa grupong ito. Pero nakakatuwa. Punung-puno ng iba’t ibang karakter ang mundo. Masarap din ang ganito paminsan-minsan. At least hindi lang sa blog, sa komiks, sa artwork umiikot ang buhay ko.
Kinabukasan, biglang may tumawag sa telepono. Yung nag-aalok ng insurance, niri-recruit kaagad ako. Hindi ko alam kung ano ang alibi na gagawin ko. Hindi ako interesado. Maya-maya may tumawag ulit, sinasali ako sa networking. Mas lalong hindi ako interesado. Bigla akong nag-isip, ano ba itong napasukan ko? Sumpa yata ito? Bigla e inalok ako ng kung anu-anong appointments. May nagtitinda ng vitamins, ng sabon, ng second hand na kotse, kulang na lang e alukin ako ng pamparegla.
Pero sa kabuuan ng experience ko sa kanila, ang dami kong natutunan. Iba ang mundong ginagalawan ng mga marketing people. Hindi ko mundo ang mundo nila. Pero naisip ko, kung papasukin ko man ang mundo ng negosyo, dalawa lang ang puwede kong gawin, ang pag-aralan ang mundo nila, o mag-hire ako ng tao na nasa mundo na nila.
Nang sumunod na araw, bumili ako ng oil paint. Inisip kong magpinta para may hobby ako (hehehe weird ‘no? Drawing na nga ang trabaho ko, painting naman ang hobby). Mas gusto ko pa rin ang mundo na tahimik. Yung sarili ko lang. My own universe of art and ideas. Pero I’m sure, pagkatapos kung makagawa ng mga paintings, babalik na naman ako sa mundo nila.
Sa uri ng trabaho natin, kung gusto nating magtagumpay, kailangan nating I-market ang ating sarili. Hindi puwedeng marunong lang tayong magsulat at mag-drawing. Kailangan nating makahalubilo, lumubog, at maranasan ang ino-offer ng capitalist society (ahaha, lalim ‘no!)
Sige hanggang dito lang muna. Mawawala ako ng ilang araw o linggo, hindi ko pa alam.
Gusto ko na ring buksan ang submission para sa ikalawang aklat ng ‘Komiks sa Paninging ng mga Tagakomiks’. Kung sinuman ang mga interesado ay maari kayong mag-email sa tagakomiks(at)yahoo(dot)com
2 Comments:
Alukin mo na lang ng fried tsiken yung nagbebbenta ng insurance para di ka na guluhin.
O nga no ahaha. Pero talagang ingat na ako magsasagot ng phone. Kaya iniiba ko boses ko hahaha.
Post a Comment
<< Home