DAGDAGAN ANG SARILI
Totoong ang medium ng komiks ay isang uri ng komunikasyon at pakikipagtalastasan sa mambabasa. Ngunit dapat nating tandaan na ang writer at illustrator ay kapwa alagad ng sining—anumang lebel ang pagiging artist nila, basta alagad pa rin sila nito. Maaring may editor, publisher, at reader na hindi artist, ngunit hindi dapat pagdudahan ang dalawang nabanggit ko.
Ang paggawa ng komiks ay question of quality and creativity. Magandang malaman natin na dapat ay maraming pintong bukas para sa pagpapalawak ng medium na ito. Isa sa katotohanan kung bakit sa paglipas ng maraming panahon ay nawala ang kalidad ng komiks ay dahil kapos na ito sa mga ‘bagong bagay’. Tinalikuran na ng mga manlilikha ang ‘creative side’ at hinarap na lang ito bilang ‘pangkaraniwang’ na uri ng hanapbuhay.
Sa publication, base sa aking karanasan, walang naging brainstorming sa pagitan ng mga artist, writer, editor at publisher. Ni walang ‘bonding’ kaya walang ‘harmony’ ang finished product ng komiks at walang bagong konsepto na lumalabas. Noong buhay pa ang Counterpoint Publishing ay tinipon kami ni Joelad Santos (editor-in-chief) sa isang open forum kung paano ulit mapapalakas ang komiks. Hindi nagtagumpay ang meeting, halos sampu lang kaming dumalo.
Para sa akin, relatibo ang salitang ‘Paano ulit mapapasigla ang komiks?’ May mga pangyayari na ang tagumpay ng isang produkto ay dumarating sa hindi inaasahang pagkakataon. Mayroong mga survey at pag-aaral sa ‘target market’, ngunit kabiguan lang din ang kinalalabasan. Mayroon namang ‘suntok lang sa buwan’ ngunit bigla naman palang sisikat. Ang hirap habulin ng pag-iisip ng tao—lalo na ng mambabasa. Hindi sa nagiging pessimistic ako ngunit naniniwala ako na kaya nating anihin ang tagumpay hindi sa isang iglap kundi sa pagtitiyaga.
Kapapalabas lang noon ng pelikulang ‘Titanic’, pumatok sa manonood. Nag-suggest si Karl Comendador na gumawa ng mga nobela na katulad ng ‘timespan’ ng Titanic. Ibig sabihin, direct-to-the-point ang kuwento. Hindi na iyong magsisimula pa sa pagkabata ng character hanggang sa magbinata, mag-asawa, magkaapo, at mamatay. Isang plot lang na tapos kaagad sa loob ng napakaikling panahon tulad nga ng pelikulang nabanggit ko. Sumang-ayon naman si Joelad. Kaya naglabas sila noon ng komiks na kung saan mayroon lang isang tapos na kuwento (tulad ng komiks ng Amerika). Ngunit hindi rin nasunod ang ‘timespan’ na sinasabi ni Karl. Writer pa rin ang nasunod kung anong klaseng kuwento ang gusto nilang isulat.
Ayokong maging hipokrito, ngunit talaga namang wala kang mapapalang bago nang panahong iyon. Ang mga drawing ay minadali, ang mga kuwento ay paulit-ulit na ginamit. Ang mga artist na nagbi-break away sa ganitong estilo ay lumipat na lang sa paggawa ng iba (halimbawa ay sa komiks sa abroad at animation studios). Ang mga bagong plot na hindi kayang sakyan ng mga ‘makalumang editors’ ay hinayaan na lang na amagin sa kanyang tambakan ng mga nakapilang script at synopsis. Mas pinagtutuunan ng pansin noon, lalo na ng mga editor at publisher, ang mangalap ng impormasyon kung anong klaseng komiks ang mabenta na kailangan nilang gayahin. Kaya magsasawa ka noon. Pumatok ang ST (Seksing Tapusan) ng GASI, naglabas pa sila ng L Na L, pati ang Komedi Komiks ay ginawa na nilang ‘nakakatawang kabastusan’. Ang Happy Komiks naman ng Atlas ay ganitong tema rin ang ginawa. Ang West ay naglabas ng Seksi. Nang mauso naman ang horror stories, naglabasan ang mga komiks na Nightmare, Kilabot, Space Horror, Holiday, Dugo, Salamin ng Lagim, Daigdig ng Lagim, Dilim, at napakarami pa.
Hanggang nitong mga bagong panahon, ganoon pa rin ang sistema dito sa atin. Nang mag-klik sa market ang Culture Crash ay kung sinu-sino na rin ang naglabasan na may ganito ring tema. Nang mauso din ang romance pocketbooks ay naglabasan na rin ang iba’t ibang publisher nito. Pati ang pocketbooks ngayon na inilalabas ng PsiCom ay ginaya na rin ng kung anu-anong publication. Ultimo Anvil Publishing ay nanggaya. Wala namang masama sa ganito, kung tutuusin ay ‘safe’ pa nga sa market. Ang problema, nabu-burn out ang readers. May nagsasawa kaya bigla na lang umaalis. Kaya hindi ka magtataka kung bakit hindi naging mahaba ang buhay ng mga produktong iisa ang laman. Ang masakit pa ditto, pati iyong original ay naaapektuhan.
Ang problemang ito ay mauugat sa individual creativity. Kung ikaw ay manlilikha o editor ng komiks, at wala kang ginagawa araw-araw kundi tingnan ang komiks na iyong nai-produce, wala ka ring mapupulot na bago. Nagkukulong ka sa sarili mong kahon. pag-uwi mo sa bahay, manonood ka ng TV, o kaya ay makikinig ng radio, o kaya ay magbabasa ng tabloid. Pagkatapos, haharap ka na naman sa sariling produkto na paulit-ulit-ulit mong tinitingnan.
Ang buhay ay isang creative work. Hindi ito kuwestyon kung may ‘contentment’ ka o wala. Ang mahalaga ay may ‘satisfaction’ kang nararamdaman kapag nakakatuklas ka ng bago at alam mong mapapakinabangan ng marami.
Madalas akong makarinig ng ganito: "Komiks lang ‘yan, wag mo nang pag-aksayahan pa ng panahon na pagandahin pa ang trabaho!" Ang masakit ay galing pa mismo ito sa mga tao sa publication. Ang hindi nila alam ay sila rin ang apektado.
Ayokong magdikta ngunit isa ito sa nakikita kong maayos na paraan para mapasigla ulit ang komiks ng Pilipino. Creativity. Maging kritiko kahit isang saglit. Manood ng sine, stageplay, concert, debate—at i-criticize ang mga ito. Magbasa ng poetry, makinig ng music mag-isa, tingnan ang cover ng lahat ng naka-display na libro sa bookstore mula sa puzzle, childrens book, magazine, fictions, references, mangalkal ng mga lumang gamit sa garage sales, manood ng VCD ng mga pelikulang kahit sa panaginip ay ayaw mong panoorin, mamasyal mag-isa, makahalubilo sa mga kakilala—sosyal, estudyante, propesyunal, manggagawa, pulubi at lumpen.
May dalawang exercise akong natutunan buhat sa karanasan ni Julie Cameron, ang author ng aklat na ‘The Artists Way’, upang madagdagan an gating creativity. Ang una, tinatawag niyang ‘artist date. Kung saan mag-set ka ng isang araw sa isang linggo na makipag-date sa sarili mo, o sa artist na nasa loob mo. Wala ka dapat kasama. Gawin mo ang gusto mo—mamangka, kumuha ng pictures, maglakad kahit saan ka makarating, kumain ng pagkain na hindi mo kinakain. Ang mahalaga, damhin mo ang kalayaan at hinahayaan mong pumasok sa iyong utak ang karanasan na hindi mo lagging ginagawa sa buhay.
Ang ikalawa, tinatawag niyang ‘morning pages’, kung saan nagsusulat ka o nagdu-drawing pagkatapos mong gumising sa umaga. Mas maganda kung hindi ka pag naghihilamos o nag-aalmusal. Isulat mo ang unang pumasok sa isip mo. Puwedeng ang panaginip ng nakaraang gabi, ang kagat ng lamok, ang mabahong laway sa unan. Puwede kang mag-drawing ng kahit ano, mag-lettering, puwedeng nilalaro mo lang ang lapis mo hanggang makabuo ka ng pigura. Sa ‘morning pages’ ay walang batas. Lahat ay tama at walang mali.
Ang komiks ay hindi lang para sa ating sarili. Ipinakikita at ipinababasa natin ito sa ibang tao. Kaya kailangan ay ‘open’ tayo sa lahat. Itabi muna natin ang ‘technicalities’ ng paggawa nito. Sabi nga ni Albert Einstein, ‘Imagination is more important than knowledge."
Kung matututunan nating tingnan ang ibang anyo ng creative works, kahit hindi nakarelasyon sa komiks, ay madadagdagan nito ang ating sarili hindi lang sa pagiging artist kundi sa pang-araw-araw na pagharap natin sa buhay.
Ang komiks ay isa lamang kapiranggot na bahagi n gating buhay na nangangailangan ng creativity. Kapag ang buhay ay puno ng ideya, napakamalikhain, walang puwang para mawalan tayo ng pag-asa. At ang mga bagay, malaki man o maliit, ay kaya nating pasunurin kahit ano ang ating naisin.
Ang creativity ay nagdudulot ng evolution at transformation. Sa daigdig ng sining, ang mga pagbabagong ito ay hindi nangangahulugan ng pag-ayaw sa isa at pagtanggap sa ikalawa. Ang pagbabagong ito ay ang pag-angat natin mula sa unang antas patungo sa ikalawa, ikatlo, ikaapat, hanggang sa kung saan ito abutin.
Kahapon ay sila, tayo ngayon, bukas ay iba naman. Ganyan lang naman ang ebolusyon ng mga pangyayari. Ang mahalagay ay may maiwan tayo ngayon, upang ang mga susunod sa atin ay may maipasa rin sa iba.
2 Comments:
WOW.
Tinamaan ako ng mga sinulat mo ngayong nov. 9. Hindi ako nagkamali na marami nga talaga akong matututunan sa blog mo tungkol sa pagiging artist - at ngayon ay ang ilang paraan para maging mas creative ang isang tao.
Gusto ko yung 'morning pages' na tinatawag mo. 'Yun nga lang, hindi ako mahilig gumising ng maaga. Sa totoo lang, mas mahilig akong magpuyat - madalas, sa kaiisip at kado-drowing ng kung anu-ano. Pero susubukan kong gawin yan. Mukha kasing masaya.
At salamat nga pala sa tag mo sa dyornal ko. Nakakatawa, binasa ng isang Randy Valiente ang mga bagay na naroon - mukhang nasa 'state of shock' pa nga ako ngayon.
Nawa'y patuloy ka pang magsulat ng mga bagay na sinusulat mo. Dahil palagi pa rin akong bibisita dito. ^^
Ganda ng mga articles mo..dami ko natutunan. Sa tutuo lang, ang dapat magmalasakit sa komiks ay ang mga mismong gumagawa nito.
Naisip ko. Isa kaya iyon sa pagbagsak ng komiks, dahil walang nagmalasakit sa mga gumagawa nito o ang publication na ang tanging nais ay ang kumita. (Hoping, hindi naman ganoon ang pananaw ng isang publication company.)
Sabi nga, darating ang araw, mabubuhay ang komiks. Kailangang ipamana sa kabataan, maging bahagi sila nito. Magkaroon sila ng interes upang lumawak ang pananaw nila tungkol sa komiks.
Again, salamat sa magagandang artikulo.
Post a Comment
<< Home