DIOSA HUBADERA 1
Nagwala ako sa komiks na ito. Bastos at radikal ang tunay na esensya ng kuwento nito, ngunit iginuhit sa drawing-pambata.
Nag-propose ako ng nobela sa Atlas noon, kasama ang isang mahusay na illustrator. Matapos basahin ng editor ang synopsis na dala ko ay agad siyang napangiti. "Okey ‘to. Kaso wala akong mapagsingitan sa komiks ko nito e. Puno na ako ng nobela. Kung gusto mo, iwan mo na muna sa akin. Pag may nabakanteng space sa komiks ko, saka natin ilabas."
Napag-isip-isip ko, kelan naman kaya matatapos ang mga nobela sa komiks na hawak niya? Ang sistema kasi sa komiks natin, kapag baguhan ka at wala ka pang ‘name’, mahihirapan kang makagawa kaagad ng nobela. Kahit napakaganda at bago ang plot mo. Uunahin siyempre ang mga kilala na at batikan dahil may followers na ang mga ito. Kaya ang mga huling nobelista ng komiks na sumikat ay hindi na umabot sa batch namin. Naputol na ito noong panahon nina Mike Tan, Almel de Guzman, KC Cordero at Armand Campos. Sa mga naging ka-batch kong manunulat, wala akong natatandaan na nakagawa ng nobela na sumikat dahil dumating sa puntong puro short stories na rin ang inilalabas ng mga publication dahil pagod na raw ang mga readers sa kasusubaybay ng pagkahaba-habang nobela sa komiks.
Inabot talaga ako ng malas (pati na ang mga kasabayan ko) dahil ang pasok namin sa komiks ay kung kailan unti-unti na itong humihina. Madali ka kasing sumikat sa komiks noon kapag halos lahat ng komiks linggu-linggo ay may labas ka. Kahit gaano ka kagaling, kung sa isang taon e dalawang kuwento lang ang napa-publish sa ‘yo, good luck kung sumikat ka! Padami ng padami ang writers at artists, pakonti-ng pakonti ang komiks.
Hindi na natuloy ang proposal ko. Hanggang sa nabaon na ito sa limot. Nang mabasa ko ang graphic novel na Persepolis ni Marjane Satriapi, tinablan ako ng kuwento. Ewan ko kung bakit isang araw na lang ay bigla kong hinalungkat ang mga luma kong synopsis. Idinrowing ko lang ito. Hindi ko alam kung sino ang magbabasa at kung sino ang magpa-publish. Basta trip ko lang siyang gawin. Naisip ko nu’n na ipa-xerox at ibenta ulit sa underground scene (sa Tandem, Recto) kahit sampung piso lang ay okey na. Kaso hindi rin natuloy, dahil kalagitnaan e bigla ulit akong tinamad. Ang haba kasi. 120 pages. Kinakain ang oras ko. Kesa i-drawing ko pa ito e gumawa na lang ako ng raket na pagkakaperahan.
Nang madiskober ko itong blog ay hindi pumasok sa isip ko na maglagay dito ng online komiks. 2 weeks ago ko lang ito naisip. Tutal e may halos 40 pages na rin naman akong nagawa, puwede ko na itong i-upload dito. Iisa-isahin ko na lang tapusin para di maputol ang susubaybay (kung may magbabasa man!).
Actually, ang layo na nito sa kuwentong ipinasa ko noon sa Atlas. Mabuti na lang at hindi marunong mag-blog ‘yung artist na ka-team ko noon, baka matawa lang siya pag nakita ito ngayon.
Lalabas ang DIOSA HUBADERA tuwing Miyerkules at Linggo sa blog na ito.
Sabi nga ni Brad Pit, "Basa!"
0 Comments:
Post a Comment
<< Home