MONOPOLY! MONOPOLY! MONOPOLY! PURO KAYO MONOPOLY!
Mahirap tanggapin ang katotohanan na monopolyo ang pumatay sa komiks sa Pilipinas. Lalo na sa mga komiks creators na nagkaroon ng malaking pakinabang sa mga publications na hawak ng Roces family.
Kaya para mas maging mabait ang sagot kung paano namatay ang komiks, ay simple lang ang sagot. Dahil sa pagdami ng kalaban sa entertainment—tv, computers, sinehan, etc.
Hindi ito aplikable sa Japanese comics. Sa Japan, sangkatutak ang source of entertainment, in fact, wala pa tayo sa kalahati ng technology nila. Pero namatay ba ang komiks nila?
Ang isa pa sa ‘safe’ na sagot na naririnig ko ay ang isyu ng ekonomiya. Bumagsak ang ating ekonomiya kaya bumagsak din ang komiks.
Ang nakapagtataka, kahit bumagsak ang ating ekonomiya, lalong lumakas ang romance pocketbooks sa bansa. Ngayon nga, ang mga horror stories naman ang makikita mong nakakalat sa mga bookstores at bangketa.
Paano ba natin matatanggap na monopolyo nga ang malaking dahilan kung bakit bumagsak ang komiks dito sa atin?
Simple ang sagot.
Bago natin pag-aralan kung ano ang dahilan ng pagbagsak ng industriya, pag-aralan muna natin kung ano ang mismong industriya. O mas maganda tanong ay ‘sino’?
May iba bang industriya ng komiks dito sa atin na tumapat sa mga publication ng Roces? May mga sumulpot na maliit, gaya ng CRAF nina Redondo at Alcala, iyong kay Pablo Gomez, iyung sa Rex Publication, at ilan pang maliliit na hindi rin naman nagtagal dahil kinain ng higanteng Roces.
Sa madaling salita, ang komiks ay Roces, ang Roces ay komiks.
Kaya nga nang umatake na ang ang mga ‘safe’ na sagot tulad ng pagsulpot ng iba’t ibang entertainment, at paghina ng ekonomiya, naapektuhan ang Roces. Nang bumagsak ang Roces, bumagsak din ang komiks. Bumagsak ang nag-iisang industriya.
May sumalo ba sa Roces komiks? Wala. Wala kasing kalaban.
Ang nagpapatuloy para paangatin ulit ito sa kasalukuyan ay ang mga independent publishers na ngayon lang nakakabuwelo dahil wala nang Roces na babangga sa kanila.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home