Tuesday, December 06, 2005

DALAW

Pinilit kong iwan muna ang trabaho nang mabalitaan kong nasa ospital ang aking bestfriend na si Marlon Villegas. Ang pagdalaw sa isang dating kasama ay mas mahalaga kesa sa mga deadlines na nasa harap ko ngayon.

Nakilala ko si Marlon noong college days. Naging kaklase ko sa ROTC at kinalaunan ay naging kasama ko sa organisasyon ng mga pintor sa eskuwelahan—ang Pinsel ni Juan. Pareho kami ng hilig ni Marlon—music, films, stageplays, literature—kaya madali kaming nagkagaangan ng loob. Sa isang parte lang kami nagkaiba pagdating sa sining, samantalang siya ay naghahakot ng maraming awards sa literature (ilang beses na rin siyang nanalo sa mga patimpalak ng short stories at poetry) sa pamamagitan ng malalalim niyang paglikha, ako naman ay kumikita ng datung sa malalabnaw at pinagkaperahang fictions sa komiks at pocketbooks.

Kumalas kami sa dating organisasyon at nagtayo ng sarili—ang Guhit Sudlungan—na ngayon ay nakasentro lang mismo sa sining at walang bahid ng pulitika. Nang maging stable na ang grupo ay sabay na rin kaming umalis sa eskuwelahan at nagkaroon na ng kani-kaniyang pinaggagawa sa buhay.

Si Marlon ay nagpatuloy sa pagpapakadalubhasa sa literatura. Nalaman ko na lang na nakapagtrabaho siya sa environmental newspaper ni Howie Severino. Pagkatapos ay nalaman ko rin na naging scholar siya ng filmmaking sa CCP. Iyon na ang mga huling balita ko sa kanya.
Bigla na lang siyang nawala. Walang kontak maging sa mga kakilala at kaibigan. Hindi namin alam ang tunay na nangyari. Nasiraan daw ng ulo. Napasok sa Mental. Ayaw nang humarap sa kung sinu-sinong tao.

Kaya nang malaman ko kagabi na nasa ospital si Marlon, hindi ako nagdalawang-isip na hindi sumama. Naging reunion na rin ito ng dating mga kasama sa Pinsel ni Juan.

Sa ospital, nagkita-kita ulit kami. Nakahiga si Marlon. Halos buto’t balat na lang. Hirap kumilos at magsalita. Awing-awa ako sa kalagayan niya. Ang dating kasa-kasama ko sa lahat ng lakaran at rali, nandito ngayon sa isang masikip na kama. Ang tanging libangan lang niya ay magbasa ng dyaryo araw-araw. Ni hirap siyang makahawak ng ballpen.

Tiningnan ko ang kanyang record na nasa paanan ng kama. Nalaman ko ang tunay na dahilan ng sakit ni Marlon. 2003, bigla na lang namanhid ang buo niyang katawan. Hindi siya makapagsalita, hindi makagalaw. Total numbness. Nagkaroon ng diperensya ang kanyang mga nerves. Tatlong araw bago niya naidilat ang mga mata. Isang biglang atake na kahit siya ay hindi agad nakapaghanda. Mula noon, hindi na siya nakalabas ng bahay.

Kinurot ang puso ko nang sabihin ni Mike, "Pagaling ka, ‘tol, magsusulat pa tayo sa Channel 2." Si Mike ngayon ay production designer sa Dos.

Isang oras lang kaming pinayagang dumalaw sa ospital. Ngunit nagkasundo na ang grupo na gagawa kami ng aksyon at tulong pampinansyal na makakagaan sa gastusin ng kaniyang pamilya. Malungkot ako nang umuwi.

Kinabukasan ay ipinadala sa akin ng mga kaibigain ang link sa internet ng posibleng naging sakit ni Marlon. Itinugma ko ang mga sintomas na nabasa ko sa record ng ospital. At nalaman ko na napakaseryosong sakit ang dumapo sa kanya—ngunit umaasa ako na sana ay mali nga ako. Sana ay makapiling pa namin si Marlon sa mga susunod na taon. Hindi ko alam kung bakit masyado akong nagiging sentimental nitong mga nakaraang panahon. Iniyakan ko rin si Marlon—kung malalaman lang niya ito, alam ko kung ano sasabihin niya sa akin, "Putang ina! Ang korni mo!"

Ang buhay ay hindi gaya ng komiks at pocketbook na ginagawa ko na kaya kong kontrolin ang lahat ng tao. Kapag nagkasakit, kaya ko itong gamutin sa bandang huli. Sa tunay na buhay, hindi mo alam kung ano ang ending mo. Maaring suwertehin ka, maaring malasin.

Naghalungkat ako sa mga lumang gamit. Hinanap ko ang minsang naging collaboration namin noon ni Marlon na ipapasa sana namin sa Philippine Daily Inquirer. Pinagbigyan niya ako sa hilig kong paggawa ng komiks.

Ang comicstrip na ito ay hindi nai-publish at nasa akin ang mga materyales. Si Marlon ang nagsulat at gumawa ng konsepto, ako ang nag-drawing. Isang comicstrip na pinamagatan niyang ‘FAMILY PICTURE’. Kuwento ng tatlong pamilya na bumubuo ng lipunan Pilipino—Gotangco Family bilang upper class family, Gutierrez Family bilang middle class, at Galatucan Family sa below poverty line. Isa ito sa pinaka-orihinal at makatotohanang comicstrip na nakita ko. Wala ni anumang dialogues at captions ang strip, puro larawan lang. Ngunit makikita ang twist sa huli na tiyak matatawa ka, ngunit bigla mo ring mari-realize, "Oo nga, ganito ang pamilya sa lipunang Pilipino."

Umaasa ako na muling makakabangon si Marlon at itutuloy namin ang comicstrip na ito. Hindi ko alam kung hanggang kelan siya aabutin sa kanyang kalagayan, basta itutuloy namin ito.








8 Comments:

At Tuesday, December 06, 2005 1:26:00 PM, Blogger derrick macutay said...

Ganyan talaga buhay tol,parang jip. ikaw ang nagmamaneho....d lahat ng byahe e smooth sailing. madalas p nga mas marami ang lubak kaysa patag na kalsada. cyempre paano mo malalaman kun matibay nga ang sasakyan mo kun di mo rin cya idadaan sa lubak,duon mo mapapatunayan na matibay nga ang jip mo. tsaka sooner or later ang mga pasahero mo d namn lahat parating sumasakay,cyempre may bumababa din...at may mga bagong sumasakay kasama mo sa byahe mo..tol,sabit lang ako pero kasama mo ako sa jip mo,inom tayo

 
At Wednesday, December 07, 2005 12:03:00 PM, Blogger Unknown said...

Randy, kakaiyak naman ng entry mo...kapag napadalaw ka ulit kay FY (Marlon) pakisabi nalang salamat sa lahat...sa mga impluwensya,inspirasyon at aral na natutunan ko sa kanya... naming lahat pala. Naging malaking bahagi rin siya ng buhay luneta at pagtuklas ko... kapag may chance bibisitahin ko siya...nasa malayong lupain pa ako ng samar at leyte sa ngayon

 
At Saturday, December 10, 2005 8:22:00 PM, Anonymous Anonymous said...

mga buwakanang ina nyo buhay pa ba si FY?nagtext c JP kanina naistroke daw?!tangna kontakin nyo nga ako eto c.p ko 09163695442.
napanaginipan ko si FY kanina,napaiyak ako paggising ko.bumalik lahat ng mga alaala niya tangna talaga.magpakamatay na kasi tayong lahat!

 
At Sunday, December 11, 2005 3:13:00 PM, Blogger Randy P. Valiente said...

langya ka fritz! di ka naman galit nyan? sabi sa yo magbalik-loob na tayo. iniisa-isa na tayo ni lord. si arthur, na-stroke na, si aleksi, nakakalbo na. ako lumalaki na ang tyan. ikaw? balita ko gahibla na lang at malapit ka nang mabuang? musta ang buhay dyan sa davao? txt kita.

 
At Sunday, December 11, 2005 7:20:00 PM, Anonymous Anonymous said...

Gutierrez Family! Oo nga no, middle class family nga kami...Ang mga Gotangco mga intsik kasi na nagsikap...Gutierrez talaga kasi kamuka nya ung dadi ko..Hehehe! Para talagang kami...Sana gumaling cya...Ipagdasal natin!

 
At Monday, December 12, 2005 9:32:00 AM, Anonymous Anonymous said...

Nakalulungkot na balita, pero ipagdasal natin na gumaling diya.

Yaman din lamang at naisaad mo na hindi pa nailalathala itong gawa ninyo ng kaibigan mong si Marlon, marahil ay nais mong ilathala ito sa Tabloid Komiks, para na rin makita ng nakararami ang inyong likha.

E-mail mo ako kung okey lang.

 
At Monday, December 12, 2005 12:44:00 PM, Blogger Randy P. Valiente said...

Hey Reno,
Thanks, sige ipadala ko sa yo ang hi res ng mga images na nasa itaas sa email mo.

 
At Saturday, August 22, 2009 9:28:00 PM, Anonymous Mharla said...

San ba sya pwede dalawin or ma-contact kaya? This is his ex.

 

Post a Comment

<< Home