Friday, September 15, 2006

PAGBABALIK-TANAW SA BUSINESS NG KOMIKS

Laman na ngayon ng ilang blogs at websites ang diskusyon tungkol sa pagpa-publish ng komiks sa kasalukuyan. Nagulat na lang ako na pati sa Deviant Art ay may mga discussions na rin tungkol dito. Siguro nga ay ganoon ka-importante ang topic na ito kaya pinagtatalunan ng marami.

Sa aking pagkakaalam, sa blog na ito nagsimula (tama ba ako?) ang mainit na diskusyon tungkol sa business na ito ng pagpa-publish ng komiks. Kaya mas mabuti na akona rin ang tumapos (sana). Kung inyong matatandaan, sa una pa lang ay sinabi ko nang hindi ako komportable sa isyung ito. At nabanggit ko rin na hindi ito pagdidikta kundi option lang para sa gustong maging publishers ngayon. Susubukan kong himayin ang bawat detalye.

Wala pa akong experience na maging self-publisher. Hindi ko pa ito kayang subukan ngayon dahil iba ang business strategy ng komiks na gusto kong gawin. Mas malawak ito kesa sa lumalabas ngayon sa market. Ang nalalaman ko lang tungkol sa bagay na ito ay ang mga experiences ko sa local publications at kung paano nila ginagawa ang marketing, hindi lang ng komiks kundi ilan pang babasahin (tulad ng pocketbooks, newspapers, songhits, magazines, etc.).

Kulang-kulang sampung taon din akong hindi nakapagsulat ng article sa local publications. Pero dahil sa isyung ito, nakapagsulat ako ng di-oras sa Liwayway Magasin. Yes! Pinamagatan ko ang paksang itong na ‘Ang Kalagayan ng Komiks sa Pilipinas’, lalabas ito sa isyu ng Liwayway sa mga susunod na linggo.

Narito ang ilang samples ng isinulat ko doon:

‘Ang pinakamurang komiks sa kasalukuyan ay ang Elmer ni Gerry Alanguilan. Mabibili ito sa halagang P50 at makikita sa ilang piling comicshops sa Pilipinas at maging sa ilang tindahan sa ibang bansa. Ang pinakamahal na komiks naman ay ang Siglo: Passion, nagkakahalaga ng P800. Hardbound ito at mabibili lamang sa mga bookstores at puwede ring orderin sa internet. Ang ilan pa ay nagkakahalaga ng P85 hanggang P120 pesos na mabibili lang din sa bookstores, ang mga ito ay gawa ng Psicom, Mango Comics, at Neo Comics.

Sa kabuuan nito, ang komiks sa kasalukuyang panahon ay hindi na maituturing na ‘murang libangan’. Makailang beses mong iisipin kung dapat ka bang bumili ng komiks o dapat ay bumili ka na lang ng pinagsamang ulam at bigas.

Mahal na ang presyo ngayon para aliwin ang sarili.’

Wala akong pinatatamaan sa artikulong ito. Inilalarawan ko lang ang reality ng komiks sa ngayon.

May mga punto kaming pinagkakasunduan ng isang nagpo-post dito (na gumagamit ng kung anu-anong alyas na alam kong ngayon ay marami na ang naghihinala kung sino siya). Ngunit marami rin kaming punto na hindi pinagkakasunduan. Isa rito ang ‘delivery ng business proposal’ para sa mga mambabasa ng blog ng ito. Ikalawa, ay ang pagtira sa mga kasalukuyang self-publisher gaya ni Gerry.

Sisimulan kong himayin ang sitwasyon sa mga bagong publishers ngayon:

Iba ang kalagayan ngayon ng mga self-publishers. Sila ang mga taong may maliit na puhunan, kaunting tao ang katulong para sa ‘business’ na tinatawag (kung minsan pa nga ay wala). Isang halimbawa ay siGerry Alanguilan. Siya ang nagsusulat, nagdu-drawing, nagleletra, naghahanap ng printer, at nagdi-distribute. Ginagawa niya ito ng mag-isa. Hindi natin puwedeng sisihin si Gerry kung ang business strategy niya ay ‘yung komportableng gawin lang ng isang tao.

Ginagawa niya ito sa pagmamahal sa komiks. Gusto niyang gumawa ng komiks na gusto niya, ipabasa sa mga taong magkakainteres sa komiks niya. Kung ano ang laman ng kanyang komiks, wala na tayong pakialam du’n. Hayaang readers na ang maghusga.

Sa kabilang banda, ang may mas malawaka na resources para sa publishing business na ito ay ang Mango Comics at ang Psicom. Kaya nilang maglabas ng bulto-bultong komiks kung tutuusin, at I-distribute ng malawak.

Ngunit gaano nga ba kalawak ang distribution ng komiks nila? Na-penetrate nila ang National Bookstore, ang Filbars, ang Booksale, at marami pang books and magazine shops sa bansa.

Pero ang tanong, may regular na komiks ba silang lumalabas? Sabihin na nating kasing-regular na bawat buwan ay tuloy-tuloy ang labas ng kahit isang titulo? Sa Psicom, ang pagkakaalam ko ay ang reprints ng mga DC comics, pero hindi naman ito maituturing na gawa ng Pilipino although alam ko na kumikita dito ang Psicom kahit pa maraming back issues ngayon ng mga komiks na ito na mabibili na ngayon 3 for P100.

Malaking isyu sa kasalukuyang panahon ang ‘awareness’. Bawat isang simpleng Pilipino na makausap ko, iisa ang tanong: ‘May lumalabas pa ba na komiks ngayon?’ Ibig sabihin, hindi talaga sila aware kung may lumalabas pa ngang komiks ngayon. Kaya nga nagtataka sila kung paano akong nagtatrabaho sa komiks kung wala namang komiks na lumalabas ngayon. Sagot ko na lang, hindi ako dito gumagawa, kundi sa ibang bansa. Yes, nasusustentuhan ako ng paggawa ko ng mga indies sa abroad. Kung mag-stick ba ako sa pagdu-drawing dito, halimbawa ay mag-apply ako sa Psicom, mabibigyan ba nila ako ng regular na sahod buwan-buwan na makakabayad ng apartment na inuupahan ko?

Gumagawa si Lan Medina sa Psicom dahil may mga libreng oras siya para gawin ito. Pero saan siya kumukuha ng ipanggagastos sa bahay? Natural, sa sweldo niya sa pagdu-drawing sa abroad.

Balik tayo sa marketing. Nag-evolved na ang marketing plan ng ilang publications ngayon sa bansa. Madami na ngayong bookstores, magazine shops, pati mga 24-hours stores, botica, ay may mga naka-display na rin na reading materials.

Isa sa successful sa ganitong klase ng distribution ay ang Summit Publishing. Kaya nga makikita natin sa mga tindahang ito ang Cosmopolitan, FHM, Woman’s Companion, Pulp, etc. Malakas ang mga magazines na ito. Bakit? Sa halagang P120, ang makukuha mo ay halos 100 pages ng glossy paper na maganda ang print quality, malaki ang sukat ng papel (at hindi pocket size gaya ng komiks ngayon). May mga interesting articles at magagandang pictures sa loob, may mga contests at give-aways para sa mga readers. Sulit sa halagang P120 di ba? Sa isang Pilipinong sumusuweldo ng above minimum sa isang buwan.

Ngunit sa maniwala kayo at sa hindi, hindi sa sales umaasa ang mga magazines na ito. E saan? Sa mga ads at sponsors na nasa loob ng magasin. Subukan niyong himayin ang mga pages ng mga magasin na nabanggit ko, tingin ko halos kalahati dito ay puro ads at sponsors, kalahati lang ang mismong content ng magazine.

Hindi makaka-survive ang mga magasin na ito kung sa sales lang sila aasa. Magsasara sila kapag ganito.

Nabasa ko ang journal ni Tagailog tungkol sa pagsasara ng Culture Crash. Sinabi niya na ang malaking dahilan dito ay ang kawalan ng sponsors sa kanilang komiks. At ang masaklap dito at pinaka-importante, ang matagal na remittance ng kanilang mga distributors. Wala silang pang-roll sa mga susunod na issues ng kanilang komiks.

Culture Crash, nagsara? Akala ko ba e ito ang number one na komiks ngayon?

You see? Ito ang reality ng ‘so-called’ bookshops distribution ngayon. Huwag kang mag-expect na makakapaglabas ka ng monthly comics mo kung aasa ka lang sa sales.

Bakit ang Psicom, naglalabas ng regular na komics buwan-buwan? Ang kagandahan sa Psicom, prolific ang management nila. Nagta-try sila ng iba’t ibang reading materials. Hindi sila umaasa sa komiks. Ang malakas sa kanila ay ang mga horror stories nila (Tama ba ako, Reg?) Ito ang regular na lumalabas sa kanila. Naitanong niyo na ba kung meron nang issue #2 ang Fantasya?

Isa pang lumulutang na issues ngayon ay: Dapat ay maging globally competitive tayo. We have to evolve para kakumpetensyahin ang buong mundo. Sino ang gumagawa nito ngayon? May publication ba ng komiks dito sa atin na malaki ang distribution sa ibang bansa? Wala. Totoo, kayang sumabay ng ating mga writers at artists sa ibang lahi. In terms of arts. Talent ang puhunan.

Pero ano ang reality? Laborer lang tayo ng mga malalaking publication sa ibang bansa tulad ng Marvel at DC.

Kinukuha nila tayo dahil capable tayo. Nagkakatulungan tayo sa isa’t isa. Nabibili ang komiks nila, at nasusuwelduhan tayo. Paano kung dumating ang panahon na ‘old-school’ na ang style natin sa pagdu-drawing (gaya ng una, ikalawa at ikatlong batch ng Filipino Invasion) at hindi na tayo I-hire ng Marvel at DC? Saan tayo pupulutin?

Ngayon, mag-rewind tayo sa history ng publishing business sa Pilipinas.

Nakasentro sa business si Don Ramon Roces, pinag-aralan niya ang distribution at kung paano ima-market ang kanyang komiks. Pangalawa na lang sa kanya ang kuwento at drawing. Aanhin niya ang ganda ng kuwento at drawing ni Coching kung hindi naman naidi-distribute sa buong Pilipinas ang komiks niya? Kailangan niyang magpalawak. Sisikat ba si Coching kung lima o dalawampung tao lang ang nagbabasa ng gawa niya? Natural hindi. Sumikat si Coching dahil milyun-milyung Pilipino ang nagbabasa ng gawa niya. The fact na hindi naman nai-interview sa TV o radyo si Coching noon, o kaya ay palabas tungkol sa kanyang buhay. Nakilala si Coching dahil sa kanyang trabaho at hindi sa publicity at write-ups.

Tingnan natin ang laman ng komiks noon. Puno ng kuwento. Meron siguro 1-2 pages lang ng ads at sponsors. Minsan pa nga wala. Paano nabubuhay ang komiks noon? Simple ang sagot. Sa sales.

Mura ang komiks noon. Kaya ng pangkaraniwang Pilipino-kahit ng magsasaka at mangingisda. Lumalabas ito linggu-linggo, minsan pa nga ay 2 times a week. Hindi sumasablay sa deadline. Kapag sinabi ni Don Ramon na kailangan tuwin Lunes ay lalabas ang Pilipino Komiks at tuwing Martes naman ang Darna Komiks, siguradong lalabas ito ng ganoong araw. Hindi papaltos.

Kaya ang daming writers at artists noon na nabibigyan ng trabaho, kailangang punan ang bawat pages ng komiks na kailangan lumabas bawat linggo. Malaki ang distribution, malaki ang kita, maraming trabaho. Hindi lang writers at atists ang kumikita. Pati ang mga kargador at pahinante ng trak at jeep na nagdi-deliver ng komiks. Pati ang maliliit na sari-sari stores na nagtitinda ng komiks sa kasuluk-sulukang dulo ng Pilipinas ay kumikita.

Ito ang industriya. Malaki, malawak, abot ang bawat Pilipino.

E ganu’n pala, bakit namatay ang komiks sa Pilipinas?

Ito ang mahalagang topic na gusto kong ilatag sa susunod na pagkakataon. Kailangan dito ng malaking space kaya hindi ko muna ito isasama ngayon. Pipilitin ko itong I-detalye sa abot ng aking makakaya.

Balik tayo sa marketing:

Ito pa ang isang lumulutang na isyu: Laos na ang marketing strategy ni Don Ramon. Hindi na ito uubra ngayon. Mas radikal na ang readers ngayon. Lalo lang nabababoy ang komiks kapag dinala ulit natin sa bangketa!

Dito ako hindi naniniwala. Ang bangketa ay isang marketing venue. Hindi ito lugar ng putahan. Sa bangketa, nabibigyan mo ng trabaho ang nagtitinda dito. At nadagdagan ang venue para makita ang komiks mo. Hindi ba masarap makita kung bawat kanto sa sulok ng Pilipinas ay naka-display ang komiks mo? Komiks by Randy Valiente. Pagdating mo sa Cebu o sa Davao, nakikita mo pa rin sa kung saan-saan, komiks by Randy Valiente. Pagsakay mo ng barko o bus, makikita mong naglalako yung mama, komiks by Randy Valiente. Tapos linggu-linggo ay may lalabas ulit na komiks ni Randy Valiente #2 at komiks ni Randy Valiente #3, at kung ilan pa. Sa loob lang ng isang taon, maniwala ka, marami nang magsusulputan na komiks ni Kulafo #356, komiks ni Kurimaw # 298, at kung sinu-sino pa.

Sa bangketa nagsimula ang Precious Hearts. Pinag-aralan ni Jun Matias ang market ng pocketbook, alam niyang malakas ito kaya kailangan niyang I-distribute ng malawak. Naglabas ng pocketbooks si Jun Matias hindi para magsulat siya sa sarili niya tapos ay ipabasa niya sa ibang tao. Naglabas siya ng pocketbook dahil business ang unang niyang puntirya.

At paano niya ito gagawin? Simple. Kailangan niyang mag-produce ng maraming titles ng pocketbooks at lumalabas ng regular. Hindi niya ito kakayanin kung mag-isa lang siyang magsusulat. Kaya kailangan niyang mag-hire ng mga writers.

Naghagilap siya ng puhunan, nangutang pa nga yata, para lang mag-roll ang pocketbook niya. Kailangang hindi siya sumablay sa pagbayad sa writers, at sa mga distributor. Kapag sinabi niya na kailangan sa susunod na buwan ay 6 titles ang ilabas natin, dapat panindigan natin. Kung hindi, baka maasar lang ang ahente.

And lastly, ito ang pinaka-pinaka-pinaka-matunog na diskusyon ngayon. Ang salitang…

MASA

Na kapag nabanggit ang salitang ito ay para nang nandidiri ang lahat. Para bang sakit na pinangingilagan.

Matanong ko nga kayo…hindi ba kayo kabilang sa masa? Hindi? E saan kayo kabilang?

Matagal nang question sa akin ito. Ano ang boundary o starting point para matawag kang masa o hindi? May sukatan ba para ma-distinguihed natin ito?

Sa tingin niyo, sino ang masa? Yung nanonood ng Eat Bulaga o yung nanonood ng Wowowee? Pareho silang masa? O sige, iba na lang. Sino ang hindi masa, yung nanonood ng Debate (sa channel 7) o yung nanonood ng Liwanagin Natin ni Ka Totoy Talastas (sa channel 23)? A pareho silang hindi masa?

O sige,iba na lang ulit. Sino ang masa, yung nanonood ng Lord of the Rings o yung nanonood ng Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros?

Alin ang masa, ‘yung nagtatrabaho sa call center na walong oras nagdadadakdak ng English at nagsusuot ng imported at mamahaling damit at pantalon, o yung gaya ko na isang manunulat na nakakuha na ng ilang awards sa literature pero nahihirapang magsalita ng English?

Nakakabaliw ang masa, hindi ba?

Kung ganu’n, paano natin ima-market ang komiks na masasakyan ng maraming Pilipino? Simple ang sagot. Tumingin tayo sa ibang media.

Nasa content ito, maniwala kayo. Nasa content.

Bakit mabili ang horror stories ng Psicom, ke Tagalog ito o English? Mahilig ba sa multo at kababalaghan ang masa? O ang mismong Pilipino per se? Bumenta ba ang Darna na inilabas ng Mango Comics? Masa ang karakter pero class A ang market? Conflict. Mas sumikat pa yung Darna ni Angel Locsin, pangit ang kuwento pero maraming nanonood (at maraming patalastas at sponsors). Bakit ba sumikat ang Da Vinci Code ni Dan Brown? Gusto ba natin na nag-iisip tungkol sa mysteries ng ating faith? O dahil nagsisimula nang mag-doubt ang tao tungkol sa existence ng God?

Sa TV ba, na nagsisimula ng alas kuwatro ng madaling araw hanggang ala-una ng madaling araw, ilan sa mga palabas na ito ang Tagalog at ang target ay ang nakararaming Pilipino? Ano bang mga channels ang naglalaban ngayon? 2 at 7? Anong mga palabas meron sila? Inis ba sa masa ang management ng channel 7 dahil meron siyang sariling helicopter at mansion?

Nasubukan niyo na bang mag-propose ng script sa pelikula tapos maririnig niyo sa producer na “Hindi kikita ang ganitong kuwento!”? Anong batayan niya para sabihing ‘Hindi kikita ang ganitong kuwento?’. Nagpi-playsafe ba siya dahil baka masayang lang ang kanyang puhunan? O talagang subok na niya ang market?

Naiisip ko kung bakit tinagalog ‘yung Sunday Box Office tuwing linggo sa channel 7? Inis na inis ako. Ang corny kasi. Pero bakit nila ginagawa? Hindi ba nila ako inaaliw? Masa naman ako a.

Siyanga pala, bakit kaya nag-reprint ng DC comics ang Psicom? 3 in 1, mababasa mo ang tatlong kuwento sa isang issue. Mura pa ang presyo. Ano ba ang target market nila dito, masa ba o ang class A market? Malaking points ba ang presyo para bumili tayo ng isang produkto?

Ito ang mga palaisipang dapat nating pagtutunan ng pansin ngayon kung desidido tayong maglabas ng komiks na kikita naman tayo ng malaki. I mean, malaki. Business thinking baga (sabi ng mga taga-Batangas). Isa ito sa option ng mga gustong sumubok sa mas malawak na market ng pagpa-publish sa Pilipinas. At hindi ako nagdidikta dito.

Pero siyempre, nasa purpose ito ng maglalabas ng pera kung anong komiks ang gusto niyang gawin. Kung Xerox lang ang kaya niyang gawin, bahala siya. Alam kong may satisfaction siyang nakukuha dito.

Yes. Ang bottomline nito ay ang salitang ‘satisfaction’. Maglabas ka ng komiks, business o self-expression man ang habol mo, walang pumipigil sa ‘yo (yung isa kasing nagpo-post dito, galit na galit.).

So, paano natin aaliwin ang mas nakararaming Pilipino na hind magsa-suffer ang kredibilidad natin bilang creator/writer/artist at hindi nakasangkalan ang kahihiyan ng ating pangalan? Mag-meet tayo sa gitna. Kung ano ang gusto mo na tiyak na tatangkilikin ng marami, iyon ang pinakamagandang ilabas. At iyon ang pinakamatinding palaisipan sa atin. Kaya kailangan din nating pag-aralan hindi lang ang craft natin bilang writers o artists, o ang mga technicalities ng paggawa ng komiks. Kailangan din natin tingnan ang audience na siyang maghuhusga kung dapat pa silang bumili sa susunod o hindi na.

Pero siyempre, may ibang mukha rin ang success. Kung ano ang pinaniniwalaan mo na tingin mo ay magtatagumpay, iyun ang panindigan mo.

16 Comments:

At Friday, September 15, 2006 2:43:00 PM, Blogger GT4 said...

Randy,
Kahit sandamukal ang trabaho ko eh pinagtyagaang kong basahin ang mensahe mo. Nakaka aliw kasi dahil marami kang punto na totoo namang nangyayari. Sa palagay ko eh marami ang maliliwanagan dito. Kung meron magdadagdag eh mas mainam dahil sabi mo nga masyadong mahaba so me part 2 ito. Di ba?
Sang ayon ako sa lahat, lalong lalo na yung part na 'Satisfaction' on the part of the writer/artist/publisher. Ako nga I wish to make comics for free kasi mga strips lang and online parang blog in comic style. I will be waiting for the part 2.

 
At Friday, September 15, 2006 3:16:00 PM, Blogger Reno said...

Maganda ang sinabi mo tungkol sa MASA. Ang masa ay lahat tayo, hindi ang class A, B, C, D, E, F, G, H, I.... at kung ano mang titik pa meron sa alphabet.

Isa iyan sa tingin kong ginawa ni Erap na nakasira pa lalo sa Pilipinas. Inilayo niya masyado ang mahihirap sa mayayaman. At ang middle class naiwang lumulutang-lutang sa gitna. Nagkawatak-watak tuloy lalo.

But I digress...

Tama rin na hindi natin alam kung ano ang papatok hangga't hindi sinusubukan gawin. Iba-iba rin ang panlasa ng tao. Kahit pareho kayong mayaman, puwedeng pagkaiba ang hilig niyo. Gayun din kung pareho kayong mahirap. Hindi ba't ika'y nainis nung tinagalog ang Sunday Box Office? Ako nung napanood ko ay medyo natuwa ako kasi naaliw akong marinig sa Tagalog ang mga sineng napanood ko noon sa Ingles. Magkapareho tayong middle-class, pero magkaiba ang naging reaksiyon natin.

Aabangan ko ang mga susunod na kabanata ng toic na ito. (Syet. nauubos ang oras ko sa pagbabasa nito! hehe)

 
At Friday, September 15, 2006 10:02:00 PM, Blogger Randy P. Valiente said...

gt4-
Hindi ko pa alam kung kelan ko ilalabas ang part 2 nito. Siningit ko lang kasi ito. Dapat sana ay ibabalik ko ulit ang topoc sa form ng komiks at hindi sa business.

reno-
Nasa position siguro ako ng isang businessman na kaya nagtayo ng business ay para umunlad. Wala naman sigurong businessman na gustong malugi.
Sa position na ito, madali nang mag-experiment kapag stable na ang company, lalo na pagdating sa financial matters.
Hindi ko kayang mag-experiment sa una na isusugal ko ang malaking pera na hindi ko alam kung sino ang bibili lalo pa ang nakataya e magutom ang pamilya ko. Ang gusto ko kasing mangyari, tututukan ko ang business na ito at iiwan ko ang lahat ng trabaho para lang harapin ito.
Puwede akong mag-experiment kung meron akong regular na trabaho tapos gagawin ko lang itong sideline, kung kumita e di ayos. Kung malugi naman, ok lang, may sweldo pa naman ako sa trabaho ko.
Sa lahat ng form ng entertainment, kahit sa advertising, dapat meron tayong market na gustong abutin. At kailangang masigurado natin na ang market na iyon ay malawak at malaki, kung hindi, magsasayang lang tayo ng pagod.
Pero pabor na pabor ako sa pag-i-experiment. Kumporme ito sa purpose ng gustong maglabas ng komiks.
Throughout history, lahat ng nag-i-experiment ay dumadaan sa trial and error stage bago makamtan ang success. Pero meron pa ring sinusuwerte sa una. Kaso bilang sa daliri.
At ang masakit, kapag sumemplang ako sa una, baka wala na ulit akong puhunan para makatayo ulit hahaha.

 
At Saturday, September 16, 2006 2:51:00 AM, Blogger Bluepen said...

Tama lahat ng sinabi mo Ka Randy. Lumalabas na parang takot ang iba na sumubok mag publish ng komiks dahil nga sa mga karanasang kanilang nababalitaan at nakikita sa mga nakalipas na henerasyon. Takot bang malugi. Though meron parin namang sumusubok mag publish ito yung mga konti lang ang budget o puhunan.

Hindi mo rin masasabi na kailangan malawakang distribution para kumita dahil maliit nga lang ang budget nila para mag produce ng maraming kopya. Kung baga marami na ang nag iingat ngayon sa pagka lugi, yun nga lang sa sobrang ingat nde na makapag publish sa takot na baka malugi at nag dadalawang isip na baka walang bumili sa komiks nila. Isa ito sa mga nakatanim sa isip ng karamihan.

Sa tingin ko, kulang lang ng encouragement sa mga gustong sumubok sa komiks dahil imbis positive ang makita nila tungkol sa komiks bagkus puros negative at kasiraan sa pinoy komiks ang nakikita nila tulad nalang sa mga nakalipas na buwan na puros debateng walang patutunguhan kundi away sa nakalipas at kasulukuyang panahon. So ang tendency, "wag na nga lang! katakot pala sa komiks natin, Ang gulo at baka malugi din ako."

lack of Courage ika nga ng iba. Dapat talaga tulong-tulong, suportahan ang kailangan at hindi madamot. Marami akong nakilalang artist na talagang mapapabilib ka sa suporta nila sa kapwa nila pinoy artist din. Hindi sa pera ang tulong na ginagawa nila kundi ang mahalagang impormasyon na kailangan ng isang nagsisimula pa lamang sa komiks. Isa sa pinoy artist na nakilala ko nung nagsisimula pa lamang ako sa komiks na talagang taos pusong tutulong sau ay si Jon Zamar. Kahit hindi pisikal pero sa pamamagitan ng internet ma ishare nya sau kung anong dapat mong gawin at ano ang kailangan mo sa pag gawa ng komiks hindi sya madamot na tao.

Actually isa si Jon Zamar sa dahilan kung bakit hindi ako susuko or nagpapadala sa mga negatibong salita na nababasa natin sa mga blogs.

Nagawa ni Jon Zamar at nang iba pang tulad nya na nag publish ng komiks nila sa maliit na puhunan na hindi nalulugi, Ito ay isa sa halimbawa na kung gusto mo talaga mag publish at walang takot sa mga nakapaligid sau, magagawa mo ito ng walang kahirap hirap sa tulong din ng mga taong nagmamalasakit sayo.

Wag mong isipin ang sasabihin nilang, hindi pinoy ang pagkakagawa mo dahil english or may pagka westernize or manga ang drawing mo. Ang mahalaga nakagawa ka ng gusto mo at hindi nila pwedeng sabihin na gawang amerikano or hapon ang komiks mo dahi ikaw ay dugong pilipino.

At tungkol naman sa malawakang distribution ng komiks mo, saka mo gawin ito kung patok na ang komiks mo sa lugar na sinimulan mo. Mahirap din kasi yung hindi ka pa successful or kilala ang komiks na ginawa mo sa lugar mo tapos punta ka agad sa ibang ibayo para ilako ito. Alamin mo muna kung gusto ng mga ka baryo mo ang taste ng komiks na ginawa mo. Kapag hindi nagustuhan at nde bumenta edi gawa ulit ng bagong putahe, kapag pumatok yun na yun.

Sakupin mo muna ang lugar mo saka ka manakop ng lugar ng iba.

tulad ng sabi mo "Kung ano ang pinaniniwalaan mo na tingin mo ay magtatagumpay, iyun ang panindigan mo." tama!

Dito masarap pumasok ng diskusyon yung mga mahilig kumontra para malaman natin kung anong sasabihin nila tungkol sa pagbabalik tanaw mo Randy at para makilala natin sya nang hindi tayo nanghuhula kung sinong nag comment nito at nun.

 
At Saturday, September 16, 2006 8:20:00 AM, Blogger Randy P. Valiente said...

bluepen-
napaisip ako dun sa una mong sinabi. parang sinabi mo na kulang sa kumpiyansa ang mga publishers ngayon na mag-publish dahil maliit lang ang kanilang ipinu-produce. Takot silang malugi, at malugi man ok lang dahil maliit naman ang kanilang pinu-produce.

Ok balikan natin ang pagiging 'conservative asshole businessman/publisher/producer' na takbo ng utak ko (heheeh). Sana maka-enlighten ito sa ating lahat. Bibigyan ko kayo ng isang malinaw na example.

Halimbawa ako ay isang agent na nakakausap ng direkta ang mga editors sa Marvel at DC, sabihin na nating ako si David Campiti. Naghahanap ang Marvel ng bagong artist para gumawa ng Spiderman. Ang gagawin ko ngayon, pupunta ako dito sa Pinas, dahil alam kong magagaling ang artists dito at hindi umaangal kahit maliit ang sweldo sa una. Magpapa-seminar ako, gagawa ng test para sa kanila. Then, pagkatapos nu'n iisa-isahin ko na ang mga artist kung sino ang capable sa trabaho. Natural, pipili ako dun ng tingin ko e hindi iri-reject ng editor na kumontak sa kin. Ayokong mapahiya, at ayoko ring humina ang sales ng Spiderman dahil sa artist na ni-represents ko. This is an example of right person + right positioning + right marketing = success.

Isa pang example. Publisher ako ng komiks, nagpa-miting ako. Nasa harap ko ang tatlong creators. Sabi ko sa kanila, "Use your freedom, experiment! Gawan nyo ako ng isang magandang komiks na tiyak na bibilhin ng maraming tao!" Then after a month, bumalik silang tatlo. Yung isa, ang dala ay komiks na may napakagandang kuwento pero napaka-weak ng drawing. Yung isa naman, ang ganda ng drawing, painted pa, pero walang kawenta-wenta ang kuwento. Yung isa naman, ang dala ay hindi kagandahang kuwento, cartoons ang drawing, pero ang title ay 'Pinoy Big Brother the comicbook, Funny Edition'.

Kung kayo ay isang businessman, sino ang tatanggapin niyo? Tatanggapin ko yung una at yung ikalawa, pero kakausapin ko muna yung dalawang creators. Aalamin ko kung sino ang target market nila. Iisipin ko din kung ilang copies ang gagawin ko, kung anong klaseng papel, at higit sa lahat, gagamit ako ng eksaktong pakulo para bumenta ang mga komiks na ito. Doon sa ikatlo, malaki ang possibilitiy na tanggapin ko siya. Bakit? Because ito yung bumebenta ngayon. Anu-ano ang mga pormula na ginamit niya kaya may kumpiyansa ako bilang publisher na bebenta ang gawa niya? Una, sikat ang Pinoy Big Brother na palabas sa tv, maraming followers. Kung may makikita silang komiks nito, malamang na makabuo ka ng interest. Ikalawa, funny stories. Timeless ang mga jokebooks, at strips, hanggang ngayon e bumebenta ito.

Then after mong makapag-decide kung ano ang gagawin mo sa tatlo, pupunta ka naman ngayon sa bookstore para i-propose ang products mo. Magugulat ka, ang tanong sa yo, parang yung tanong mo rin sa mga creators. Ano ba ang target market nito? Saag section ba natin ito puwedeng i-display? Ilang copies mayroon ka? Dahil kapag bumenta ito, at naghanap pa ang mga bumibili, dapat may follow-up ka na ibibigay sa amin. You see. Marami kang pagdadaanan na iisa ang tanong.

Natutunan ko ito sa ilang years ko bilang freelance writer/contributor sa kung saan-saang publications ang movie producers. Sasabihin sa akin ng producer o ng editor, magaling kang magsulat. Pero hind ito ang hinahanap namin. In short, reject ako.

Nasa mundo tayo ng entertainment. Kailangan nating ma-tap ang maraming audiences para maging successful tayo. At kailangan natin ng maraming studies para gawin ito. Experiment? Fine. give me a good komiks na kikita tayo pareho. Wala akong pakialam kung ano ang konsepto mo, BASTA KIKITA ITO AT MABABASA NG MARAMI.

Ito ang sad question ngayon: Anong komiks ngayon ang kumikita at nababasa ng marami?

Pugad Baboy na lang siguro ni Pol Medina. You see, ano ang sekreto ni Pol Medina? Manga ba siya? Glossy ba ang papel na kanyang ginamit? Or, noong una pa lang ay pinagdaanan na niya ang mga tanong galing sa editor noon ng Inquirer: Tungkol saan ba ang concept mo na ito bakit puro matataba ang character?

Kaya nga sabi ko, STUDY THE MARKET, STUDY YOUR ABILITY AND CAPABILITY. MAGMEET KAYO SA GITNA.

 
At Saturday, September 16, 2006 10:33:00 AM, Blogger TheCoolCanadian said...

The third proposal, which was the Pinoy Big Brother Komiks - is like what the komiks used to be: PRE-SOLD content. Noong ang komiks ay napakainit pa, ang mga film producers ay nagkakandarapa sa pagbili ng rights sa story dahil nga pre-sold na ang idea sa publiko. Ganito rin bumabagsak yung 3rd example na ibinigay mo.

In short, kung gagawa ka ng komiks (na ang main thrust is to make money), eh di doon na ako sa pre-sold idea na alam kong magiging curious ang public kung ano ang kalalabasan nito sa isang babasahin.

But, to be able to size up what the public might like, is quite tough. However, if you live in that country and you can see what's going on around you everyday, magkakaroon ka ng idea kahi't paano... kung alin ba ang magugustuhan ng tao. But you need some controversies. I'll give you an example: When BEDSPACERS was being filmed, (the late) GIOVANNI CALVO saw me at the set in Quiapo for the first time (two Spanish houses on Fraternal Street - which we used as the boarding house for boys and girls), and our first meeting was rather strained. Sabi kasi niya sa akin: "Ikaw pala ang sumulat nitong Bedspacer." Ang sagot ko naman: "Bedspacers. Plural ho. Dahil marami sila." "Mataray ka!" Bunghalit ng namayapa nang reporter na nandidilat ang mga mata. "Hindi naman ho. Itinuwid ko lang dahil gano'n naman talaga ang title, eh." "May kasupladuhan, ha?" "Hindi naman ho. Kaya lang, gusto kong accurate lang ang report ng isang reporter. Halimbawa, kung susulatin ninyo sa column ninyo ang publicity, kailangang isulat ninyo as BEDSPACERS with an S sa dulo." "Buti na lang, cute ka. Kung hindi..." Sabay irap at alis.

Kinabukasan, sa tabloid, sa column ni Giovanni, eto ang lumabas: "Set ng BEDSPACERS sa Quiapo, pinaulanan ng bato ng mga tao dahil sa galit nila sa supladong scriptwriter ng nasabing pelikula." Tatlong linggo ba namang NILAMPASO ako sa tabloid? Puro nagative.

Nang ipalabas sa mga sinehan (30 theaters simultaneously) halos magiba ang mga sinehan sa dami ng tao. First day, kumita ng 10 Milyon. That was 1980. Ang ten million noon ay malaking halaga.

Ito ang nagagawa ng publicity. Maski hindi yung artista mismo ang siraan mo, dadagsa ang tao. Dahil mula nang sulatin ni Giovanni sa tabloid, parami nang parami ang mga taong nanonood ng shooting.

It was a huge success. Walang katapusan ang party ni Mother Lily. Nanlulupaypay na ako sa ka-a-attend, pero wala kang magawa, kailangang pumunta ka.

Palagay ko, si DIOSA HUBADERA ay kailangang maisalin sa pelikula. At bago maging pelikula ito, kailangang mailimbag mo muna as komiks para maging pre-sold na sa audience. Ang maganda sa kanya ay dahil sa very sympathetic ang character na ito. Makamundo, but she possess a heart of gold. She is so endearing, I fell in-loved with the first few frames when I met her. Baka ito na ang isa sa mga vehicles mo para maging hectic uli ang career mo as a writer/illustrator.

I can imagine visually Hubadera as a frenchy-looking film. Lots of sex, Lots of nude bodies here and there, but a lot of life's phisolophies and nuancies are thrown in as well.

If I were you, I'll stop looking around what to publish. Diosa is already there. Para mag-appeal sa mas marami, gawin mo sigurong formal ang Illustrations and publish as a graphic novel.
As an audience, this is already pre-sold to me. I don't mind seeing her as a really voluptuous baryo lass with lots of earthly desires to share with men.

Tapos, sulatin mo na rin ang screenplay nito para ma-i-offer kay Buboy Tan. Tiyak ako, smash hit ito as tagalog movie but Frenchy look.

The only caveat emptor here is: don't hire MADAM AURING to play the lead role. Sayang ang material mo! :•D

 
At Saturday, September 16, 2006 10:53:00 AM, Blogger Randy P. Valiente said...

Thanks, Joem. Nang una kong inisip na gawin ang Diosa, hindi ko iniisip ang target market. Ang iniisip ko noon, gumawa ng isang komiks na 'bubugbugin' ako ng mga taga-komiks dahil hindi sila nakagawa ng ganito kabastos noon hahaha. Nah, kidding aside, ginawa ko ang Diosa dahil gusto kong i-revolutionize ang komiks ng Pinoy. Pero hindi ko ini-expect na may bibili nito. Para lang akong nag-trip. Sa totoo lang, dalawang tao lang ang nagbabanggit tungkol dito sa Diosa, ikaw at si KC Cordero hahaha. Bukod sa inyo, wala nang pakialam ang iba.
Iba ang talaga ang market ng mga Pilipino. Sa sampung libo, isa lang ang makikisimpatya sa yo. Minsan yung nag-iisang yun, nagdadalawang-isip pa.
Maganda ang ginagawa ni Gerry sa Elmer. Inilalabas niya ito ng Pilipinas. Malaki ang tiwala ko na papatok sa foreign audiences ang Elmer.

 
At Saturday, September 16, 2006 11:49:00 AM, Blogger TheCoolCanadian said...

Dahil siguro pareho kami ni KC mga HUBADERO! :•)

Medyo mas daring lang ako nang kaunti.
Hindi kasi kumakain iyan ng SIOPAW dahil sa nabalitaan niyang MIYAW-MIYAW raw ito. Milagro lang ang magaganap para mapakain mo ng siopaw si KC.

Sa totoo lang, pareho kasi naming nakita ang potential ni Diosa. Ang ganda pa ng pangalan dahil halos blasphemous nga, eh. Parang Dios na naghuhubad. Ganda siguro kung may eksena si Diosa na mag-bungee jumping in the nude. Loko, naging issue sa akin iyan ni TUNAY NA PINOY.

Kidding aside, malaki ang potential ni Hubadera sa Pinoy audience. Ba't di ka mag-open ng topic tungkol kay Diosa Hubadera, at nang ma-assess natin kung ilang komikeros ang magbibigay ng opinyon tungkol dito? Palagay ko, marami ang nati-titillate sa kanya, pero nananahimik lang.

Ba't nga ba hindi mo gawin ito? Let's hear it straight from the horses' mouth. We'll know soon enough if there are more JM and KCs out there rooting for Diosa!

C'mon, let's start the ball rolling!

Baka ito ang mag-convince sa iyo na ituloy na ang Diosa Hubadera para maging isang graphic novel. Tapos, ang colorist pa si Bluepen. Siguradong lulutang ito. Kita mo naman kung gaano ka-MASTERFUL ang coloring nitong si Bluepen. Nasa number 1 ito ng listahan ko sa pinakamagaling magkulay.

 
At Monday, September 18, 2006 10:34:00 AM, Blogger ARTLINK STUDIOS said...

Hello..

I just would like to chime in...

In order to attain success in our marketing, regardless of so many and diversified interest of the Filipino People, we must first trigger their interest by making Komiks a "demand in the Market" again . No matter what we
produce, if we maximize all the media and advertising tools in promoting Komiks, we will be able to gain a powerful awareness to the people.Let us conduct "campaign strategies" just like what the politicians always do.Simple Publicity as you said.

I guess the quality of our product is of course our primary
concern when we promote it to the target market.It is regardless of what will be the subject matter, but how we will be able to capture the interest of the target market.Is it really worth reading for them? If we are planning to target the big populace, then we should start campaigning first on a hard basis.If the people haven't heard of it, they will just simply ignore the product.

Another point of view, take a look on our local Music Industry.
A lot of bands such as Hale, Queshe, Rivermaya, Bamboo..etc..has once again ruled out and revive the local music scene.Its because they simply have a great passion on the quality of their compositions that can be globally competitive at the same time Filipinos can relate on it at the present time.If we will take a look on it, their marketing strategy are just plain simple---PASSION...that captured the hearts and interest of every Filipino.We can get a good example out from the lessons of our local music scene...check it out.

As for the case of Elmer of Gerry A., it's also simple--it is done by Passion and Perseverance.We must not surrender what ever the hindrances on our plan to reach the interest of the masses.Let us just show them what we can do and they will follow us if we lead them in a good direction.As long as we are telling, "this is the best that I can, its up to you to decide", then we will be able to at least not offend their intellectuality and might make them follow us.Who knows what we do today might make a good impact and revolutionaze the Industry? Let us just continue what we are into..and then see what will happen...^___^

 
At Monday, September 18, 2006 1:00:00 PM, Blogger Randy P. Valiente said...

artlink-
"Another point of view, take a look on our local Music Industry."

Exactly!

Ako cornyng-corny ako sa mga banda ngayon! Halos gusto ko nang iumpog sa pader ang ulo ko pag naririnig ko ang Hale at Cueshe..pero bakit ang lakas-lakas pa rin nila sa market? Producers decision yun. Kasi alam nila na kakagatin ng Pinoy market ang ganitong mga tugtog.
Narinig mo na ang bandang Drip (mabuti nga at nagka-album ito, dahil siguro sa maganda ang bokalistang babae)? Or
Rubber Ink? Hindi sila gaanong kinakagat ng majority ng music listeners, hindi kasi makaka-relate sa kanila ang mga ito.

 
At Monday, September 18, 2006 3:01:00 PM, Blogger ARTLINK STUDIOS said...

hehehe..Drip and Rubber Link are underground rin noon.Hindi Sila Pumatok dahil sa (opinion lang, I don't have the basis) siguro mahina ang PROMOTIONS nila at Marketing Strategy...o Baka nagkulang... katulad sa Nangyari sa KAMIKAZE, flop/ down rin ang una nilang album kasi hindi pa handang tanggapin ng publiko noon pero ngayon tanggap na tanggap sila dahil sa tinanggap nila na ang kaakibat ng pag me mainstream ay may kabaduyan. Naalala mo ang OTSO2 ni Lito Camo at kung ano ano pang Novelty Song? Pumatok rin di ba?Pero noong kalaunan pinalitan ng Aucustic, ngayon Alternative, RNB at kung ano pa.kung titingnan natin, umiikot ikot lang ang cycle ng Music.Music is an Art.Same as with Comics.Kung nairevive uli ang Local music natin, kaya rin ibalik ang Komiks Industry.Nasa pag mind set lang yan sa tao.Nasa Kampanya natin.Kung titingnan mo nga korni yong mga sounds nila, pero naging epektibo, at naging laganap uli! kung titingnan mo, nagsimula rin lahat sa underground...
Naniniwala ako na habang paparami ang gumagawa ng komiks, muling sisikat ito.
Muling mapapansin ng Publiko.Kaya hikayatin ang mga iba pang mahilig sa Komiks na Bumalik ng sa gayon ay magkaroon uli ng sigla ang Industriya ng Komiks.

 
At Monday, September 18, 2006 5:57:00 PM, Blogger Randy P. Valiente said...

Nope, hindi pumatok ang Rubber Inc (inc pala at hindi ink) dahil hindi pa sila masasakyan ng majority ng listerners ng mga Pinoy. Elektronika ang music nila, maraming experimenation sa sounds. Sa kaso naman ng Drip, nagkaroon sila ng album, nai-feature sa kung saan-saan (MTV, Myx, songhits, etc.) pero talagang iba ang market nila, kahit anong pilit ang gawin nilang promotion, iba ang panlas ng mga pinoy.
Si Mishka Adams, magaling din, mature musician, pero hindi siya kasinglakas ng Hale or Cueshe,samantalang ang ganda ni Mishka, kamukha ni Donita Rose.
May panlasa ang MAJORITY ng mga Pinoy. At ito ang dapat nating pinag-aaralan.
May mga instances na hindi madadala ng sangkatutak na promotions ang product mo lalo't hindi naman gaanong napapakinabangan o nasasakyan ng MAJORITY (ulit) ng mga Pinoy. Remember Darna ng Mango Comics? Sangkatutak ang promo, may mga launching pa sa mall, may stageplay pa. Ayokong mag-conclude kung na-meet nga ng Mango ang ini-expect nilang sales sa Darna, pero magtataka ka ngayon...yung lahat ng issues ng Darna, itinitinda ng 3-in-1 sa halagang P190. Parang yung mga komiks ng Crossgen, ginawang compilation, itininda ng P150 sa National. You see. May problema sa mismong product. Wala yan sa glossy na papel, o sa ganda ng kulay...nasa content pa rin...at SA MARKETING STRATEGY.
Alam mo kung paano iri-revive ang komiks?

ITIGIL NA NATIN ANG PAGGAWA NG KOMIKS! Bumalik na lang ulit tayo after 10 years, yun bang sabik na ang taong makakita ng ibang babasahin.
"Nanay anong tawag dyan?"
"Komiks ang tawag dyan, anak."
"Ay ibang klase, parang sine na nasa papel, bili nga tayo nyan."

Hahaha. Joke lang.

 
At Monday, September 18, 2006 6:03:00 PM, Blogger ARTLINK STUDIOS said...

:lol:hahahaha! hhmmmmmm..hunga no..?pero you still got the points man! pag aralan pa talaga nating mabuti kasi minsan phenomenal na rin pag naibalik pa natin ang interest ng tao sa comics...:)

 
At Tuesday, September 19, 2006 2:42:00 AM, Blogger Bluepen said...

Maganda rin yang Joke mo Randy, kasi ngayon ang karamihan sa readers lalo na ang kabataan ay nahihilig sa online games, foreign movies, at kung ano-ano pa basta tungkol sa new technology na lumalabas ngayon.

Yung bang maraming magtataka kung bakit nawalang bigla ang komiks ng ilang taon. Kaso nde mo rin naman maalis dun sa ibang artist ang hilig sa komiks, gagawa at gagawa parin ito syempre ahehehe.

Dapat lang talagang pag aralan para hulihin ang pang lasa ng madlang pipol.

 
At Friday, September 22, 2006 3:07:00 PM, Blogger Randy P. Valiente said...

Maraming salamat sa pagbisita, Alex.

Humihingi ako ng sorry sa salitang 'laborer' na binanggit ko. Hindi ko gustong saktan ang mga gumagawa ng komiks sa ibang bansa--kasama na rin ako. Ang point ko lang dito, dahil nga laborer lang tayong komiks ng ibang bansa, partikular na ng komiks, kailangan natin sundin kung anuman ang standard nila sa kanilang publication. Pag dumating ang time na hindi na tinatanggap ng drawing natin, at may mga bata nang dumating (lahat naman kasi dadaan sa ganito), doon natin mari-realize na kinuha nila tayo dahil capable sa trabaho.

Noong nabubuhay pa si Vic Catan, nag-try ulit siyang mag-sample sa comics abroad, although malaki na ang karanasan niya sa komiks, local man at international, pero hindi na siya tinanggap. Ang sabi, madilim daw ang drawing niya, hindi na yun ang hinahanap ng mga editors.

Hindi negatibo ang tingin ko sa salitang 'laborer'. Nagkataon lang na ginamit ko ito dahil ito naman talaga ang totoo.

Magagaling ng Pinoy, mahuhusay, malaki ang naku-contribute natin sa mundo ng komiks, local man o abroad. In fact, ang Filipino race ang isa sa tinitingala sa komiks sa buong mundo. Pero ganoon naman talaga ang takbo ng buhay, may may-ari at may tauhan, may boss at may manggagawa, kung hindi tayo babagsak doon sa pagiging boss, natural na sa pagiging manggagawa tayo babagsak. Laborer, in short. Paikut-ikutin man natin ang takbo ng mundo, pero dalawang klase lang talaga ng tao ang nag-i-exist sa mundo, isang nagpapasuweldo, at isang sinusuwelduhan.


Pero hindi negative ang tingin ko dito. Dahil laborer din ako. At malaki ang tiwala ko sa mangagawa. Dahil dati rin akong Marxist :)

Doon sa Heavy Metal type na komiks na binabanggit mo, maganda yan. Actully yan din ang hinihintay ko. Pero kailangan natin pag-aralan ang lahat, mula sa printing cost, bayad sa mga tao(writers at artists), saan natin ito ititinda, ilang copies ang ating ipi-print.

Suma-total, kukuwentahin natin ang lahat ng gastos sa unang issue, including ang bayad sa writers at artists. Then iisipin natin kung paano ito idi-distribute. Hindi ba tayo malulugi kung halimabawa e ibagsak natin ito sa bookstore na ang hinihingi ay 40% sa sales? So ang maiiwan sa yo ay yung 60 % na lang, ipagkakasya mo ulit ito para sa susunod na issue. Makakabawi ka pa, sa pera at sa pagod na na-spend mo dito? Mathematics ang bagsak nito.

Then kailangan mo ring isipin, na kapag tininda mo ito dito sa Pilipinas na mataas ang presyo, malamang na hindi naman ito ma-sold out. Kung ititinda mo naman ng mura, baka hindi ka rin naman makabawi. lalo pa mahal ang rates ng mga artists at writers na kinuha mo.

Ang kailangan sa business na ito ay maraming pag-aaral. Madaling mag-publish, kahit bukas kaya kong ipa-print ng 1000 copies ang Diosa Hubadera, pero ang tanong, saan ko ito ibabagsak? sino ang bibili? at ilang buwan ko makukuha ang bayad ng ahente para dito? E kung yung Culture Crash nga, nag-crash, e di mas lalo itong Diosa Hubadera.

Kasi kung magsasayang lang ako ng panahon at pera, mabuti pang bumili na lang ako ng tricycle at ipa-rent ko na lang. may kikitain pa ako sa boundary araw-araw.

got my point? kailangan nating maging praktikal sa panahon na ito. mahal ang bilihin, ang pamasahe,ang tuition fee ng mga bata. every week nagtataas ang gasolina.

 
At Sunday, October 25, 2009 8:24:00 AM, Blogger Unknown said...

hi,randy!!
just want you to know na isa akong dating manunulat. di naman ako sumikat, pero medyo nagtagal sa "larangan". Natatndaan kita pero i'm sure, ako ay hindi mo na mareremember.
gusto ko lang sabihin na, kung ano ang pinaniniwalaan mo, ipagpatuloy mo.
kung gusto mong dalhin sa bangketa, dalhin mo. kung sa bookstores, gawin mo.
kahit kasi matagal na akong wala sa sirkulasyon, nakasubaybay ako sa mga patuloy na nagsusulat.
i'm happy for you na "matapang" na sumusugal para dito.
Sana ay marami pang ibang tulad mo ang magkaroon ng lakas ng loob na buhayin ang komiks.
At kung kailangan mo ng manunulat, nagpiprisinta ako. Take note: kahit libre!!
Naniniwala lang kasi ako sa gusto mong patunayan (hiya!!)
Tulad ng paniniwala ko pa rin hanggang ngayon sa mga magkokomiks na pinoy!!

 

Post a Comment

<< Home