REALITY CHECK
Siguro kung magtatanong ako sa inyo ng ganito: “Sino dito ang naniniwalang sisigla pa ulit ang komiks?” Malamang ay magtaasan ng kamay ang lahat.
Nakatutuwang isipin na ang dami-daming nangyari noong 2007 kung tungkol sa komiks lang din ang pag-uusapan. At mas nakatutuwa dahil ang dami na rin ngayon napapabalitang maglalabas ng sari-sariling nilang titles ng komiks. Dumarami na ang sugo.
Na tingin ko ay mapapasubo.
Sa paglibot ko sa mga probinsya—Cebu, Ormoc at Tacloban—nakita kong mahihirapan na ang komiks na pasukin ang kani-kanilang teritoryo. Ibig kong sabihin, kahit tambakan pa ng sangkatutak na komiks ang bangketa at mga bookstores ng mga lugar na ito, isa lang ang konklusyon ko, wala na ang readership ng mga Pilipino. Tamad na tayong magbasa, kahit ng komiks na itinuturing na pinakamagaan at pinakasimpleng basahin sa lahat ng reading materials.
Ito ang malaking problema ng print industry kaya ang karamihan ng print materials ngayon ay hindi na umaasa sa readership kundi sa sponsors.
Of course, hindi naman ako nag-conduct ng survey sa mga probinsyang pinuntahan ko, pero malakas ang pakiramdam ko….
NA MALABO NANG SUMIGLA ANG KOMIKS…gaya nang kinagisnan natin noong araw.
Nakikita ko na ang komiks ay magiging isa na lamang SPECIAL READING MATERIAL at ART REFERENCE sa malapit na hinaharap.
Nakapaligid sa atin ang mga dahilan kung bakit nasabi ko ito:
1. Readership (problema ito hindi lang ng komiks kundi lahat ng print sa buong mundo)
2. Pagdami ng entertainment (uubra pa ba tayo kung mas naaaliw na ang new generation sa idinudulot ng computer, internet, cellphone at iba pang gadgets?)
3. Mabilis, agresibo at modernong galaw at pag-iisip ng mga tao (kasama dito ang ‘international thinking’ at ‘worldwide approach to living’ ng mga bagong sibol na Pilipino.
May kani-kaniya nang galaw ang mga tao. At sa mga galaw na ito, mahirap nang isingit ang pagbabasa ng komiks.
Kaya nga nasabi kong magiging isa na itong ‘special reading material’, dahil kung espesyal ang ginawa mong komiks, tiyak na may babasa sa iyo. Pero kung walang espesyal sa ginawa mo, pasensya ka, hindi ka dadamputin ng tao. May pera man siya o wala. Mura man ang komiks mo o mahal.
Magiging ‘art reference’ ang ginawa mo kung may maiku-contribute ka sa visual world, maging ito man ay sa fine arts, illustrations, graphics at iba pa.
At dahil magiging espesyal na tayo sa paningin ng mga readers, panahon na para hainan natin sila ng espesyal na putahe.
Ituring natin silang espesyal, ituturing din nila tayong pareho.
Harapin na natin ang reyalidad na ang komiks ay para na sa mga espesyal na tao.
Simulan na nating hukayin ang highest potential na maabot ng komiks—artistically at literately. Wala na tayong iba pang pagpipilian kundi ito.
Sa malapit na hinaharap, ang magsu-survive sa industriyang ito ay ang mga mahuhusay at magagaling...at ang mga may bagong ihahain.
*****
Mukhang aabutin ng mahigit isang oras itong documentary na ginagawa ko dahil sa dami kong ginawa at dinaanan. Kaya naisip kong bigyan na lang muna kayo ng maikling teaser kung ano ang puwede ninyong makita sa video.
14 Comments:
mas trip ng mga tao na magbasa ng text messages sa cellphone at sumali sa mga tv shows hehhehehe
There are thousands of ways to create a strategy to bring back readership.But it takes a PASSION to drive that strategy to fulfill. It may seems impossible for you or for everyone to comprehend reality, But PASSION will overdrive what we seems impossible.And Reality is just what we call perception BUT for me, reality is but just another argument to immediately End a certain viewpoint and may become subjective or either objective.
Ang pagpapasigla ng komiks o ng readership ay hindi basta basta na aacomplished in just a single click, it will take a lot of time, and its a PROCESS. A process we are now undertaking and part of.
"To dream the impossible dream,but who knows?"
Kung reality ang pag-uusapan, totoo ang point of view mo Randy na mukhang mahirap ng ibalik ang sigla ng tao sa komiks at napatunayan ko ito. Sinadya kong mag-iwan ng komiks sa grupo ng mga kabataang naglalaro minsan pero walang pumansin nito kundi ang isang babae na ipinamaypay lang at hindi binasa. Isa itong realidad na masakit man, pero dapat nating tanggapin. Sabi ko nga, wala na ang lola'r lolo ko, wala na rin ang nanay at tatay ko na nagbabasa nito. Sa henerasyon ko na yata hihinto ito at sa darating na hinaharap, ito'y magiging subject na lang marahil ng mga research o pananaliksik tungkol sa kulturang ito.
Katotong Randy Valiente:
Makiki-salo ako sa inihain mong putahe. Hindi nga ba't sa bawa't NGAWA natin ay lagi nang sinasabi ni Dely Atay-atayan: MAGSUMIKAP kayo na itapon na ang mga lumang ideya dahil wala nang kahahantungan ang mga iyan. Yung mga istoryang pinaggagawa tatlong
dekada mahigit na ang nakalilipas ay passé na. Napaglipasan na ng panahon.
Tal como esta, kailangang i-re-program ang mga kaisipan ng mga manunulat na hanggang sa ngayon ay nakalambitin pa rin sa piñata ng lumang panahon.
Sa popularity ng komiks, tama rin iyang observation mo dahil maski sa north America ay nauuwi ang trend sa Graphic novels. Kaya lang, hanggang ngayon ay napakalakas pa rin ng prose dito, kaya ang napakaraming pagpipilian sa mga higanteng bookstores ay mga nobelang written in prose. Kita rin natin na ang nakakikilala dito kina Neil Gaiman, Allan Moore, et al - ay mga comics enthusiasts lamang. Hindi household names ang mga ito na tulad nina Stephen
King, Diana Gabaldon, JK Rowling, Norman Mailer, John Grisham, Nick Bantoc, etc.
Hindi kaya napapahon na rin na ang maging babasahin natin ay prose na rin, at gawing parang ilang libro ni Stephen King na may mga illustrations sa bawa't opening ng chapters?
Totoo ka... sa bawa't punta ko sa bookstores, paunti nang paunti ang komiks.
Ngayon ay isang aisle na lamang kadalasan sa bawa't tindahan.
At kalahati pa ng aisle na ito ay PURO MANGA na walang BAGOONG!
Datapuwa't ang nakapagtataka, diyan sa atin ay mahinang-mahina ang tagalog films ngayon, gayong dito ay saganang-sagana sa acceptance ng publiko ang mga sine.
Dapat nga sigurong ma-re-invent ang RP komiks. Itapon na ang mga cliché, at pag-isipang mabuti ang bawa't project. Well-written, interesting characters, well-thought of, and done with TLC. Lipas na ang panahon na puro HACK writing lang ang nangyayari sa ating komiks. Hindi na uubra ang daan-daang nobelang tumatakbo nang sabay-sabay, na kapag masusi mong uusisain ay kabi-kabila ang loopholes at illogicality.
Tapos na po ang MALILIGAYANG araw na ito ng kawalang kabuluhang panulat. Ibalik natin ang kaingatang ipinamalas sa atin ni Ginoong Clodualdo del Mundo sa kanyang mga isinulat na kasaysayang pang-komiks noong dekada 50 at 60. Hindi nangangahulugan ito na susulatin natin ang mga tema na sinukat niya, Nasa panahon niya iyon. Sa ting sariling panahon ngayon, tularan natin ang PAGPAPAHALAGANG ipinakita niya sa kanynag panulat. Marami na para sa kanya ang lima o anim na nobelang tumatakbo sa komiks nang sabay-sabay. Sa ganitong paraan ay makikita natin kung gaano kaingat at kahusay ang mga obrang naturingan: KANDELERONG PILAK, MALVAROSA, MAGNONG
MANDURUKOT. Tatlong halimbawang magpapakita ng mabusising paglalahad ng kasaysayan. Lipas na ang panahon ng paramihan (at papangitan) ng obra. Kung
50 nobela ang ginagawa mo noon nang sabay-sabay, ISA lang ang gawin mo ngayon, pero pagbutihin mo dahil hindi na ENGOT ang mga komiks readers ngayon. Ikaw na ang engot kung gagawa ka pa rin ng dating gawi at wala namang magbabasa nito kundi ikaw lang.
Ito lamang po ang maipapayo ng inyong... TIYO DELIO... na pansamantalang nagpapaalam sa iyo... sa iyo... at higit sa lahat... SA IYOOOOOOOOOO!
Music Comes in, the instrumental version of BELLA FILIPINA, segue in full, then followed by HATINGGABI
to FADE OUT.
Commercial Break.
oist kaya pala tuwang tuwa ka sa tacloban puro chicks kasama mo ha!
JM,
Right on ! noong peak ni Coching, tatlong nobela lang talaga ang ginagawa niya. Dalawa katha't guhit, yung pangatlo ( sa Liwayway, si FV Javinal ang pinapadrowing niya) kaya tender loving care talaga, saka hindi rushed ang trabaho. Kumpara mo ki CJC noong peak niya, parang xerox machine. Tungkol sa waning of interest sa Reading, eh pwede naman daanin sa brasuhan eh... paano kamo ? Madali lang, pero kailangan ang cooperation ng DECS dito. Magsubmit ang lahat ng estudyante ng HOME READING REPORTS based on local literature/fiction. Those who cannot submit will fail their subjects and will undergo unnecessary hassle just to graduate their courses. From Elementary up to College, and post graduate studies. Tingnan ko lang kung sino ang tatatamad-tamad magbasa ng local writings. But of course, dapat naman, worth reading ang output ng mga writers natin di ba ? Mi paraan , nasa diskarte lang.
Auggie
Bukod dun sa binanggit ni sir Auggie, siguro kelangan din magkaroon ng magbubuild up ng hype na in touch naman sa present generation... endorser na mas may appeal kesa kay CJC... Kasi malaki epekto ng may magsasabi "Shet nabasa niyo na ba yung "Inano ni Ano ang Ano ni Ano", galing ng kwento grabe". Ano pa epekto nun kung kunyari e mga sikat na artista ang nagsalita sa TV. Of course it must apply na hindi nga madidisappoint yung readers sa quality nung book; art and story and product quality. Kasi kung mas maganda pa ang kwentong barbero, dadami ang magpapagupit
Yun napapansin ko sa ibang bansa, pero di na nila ginagamit ang artista syempre kasi established na ang readership nila at madali ang access nila sa iba't ibang media... pero one thing, iba sila magbuild up ng hype.
Siguro sa masa pwedeng mag-spin ang mga artista, pero sa studentry dapat yung mi high credibilty lang.Kasi karamihan sa artista ( sorry for the generalization),mga hindi naman nakatapos ang mga iyan ng pagaaral, kaya very poor role model sa education. Saka ang mga writers natin ay dapat magimprove, at highly productive,para ma inspire ang mga kabataan sa reading.
Auggie
Maaring wala na nga ang ningning ng komiks sa panahon ngayon dahil karamihan sa mga tao ngayon ay mas gustong bumili na lamang ng fashion magazines o FHM kasi nga wala nang bagong istorya sa komiks na lumalabas ngayon at ang istoryang iyon ay maari mo nang mapanood sa teleserye
Kahit anong grupo pa sigurong lalabas na mag lalakas loob na bumuo pa ng komiks ay baliwala din dahil naghihingalo na talaga ang pinoy komiks at kahit anong oras ay mamatay na ito, ma paphase out ito sa kalye
yup mas focused sa masa pag artista... ang karamihan naman sa pinoy mahilig sa uso e... we all remember the jolina fad hehehe.
mas maraming taong nag uusap mas maraming macucurious...
nakakapagtaka na parang ang trato ng ibang writers sa mambabasa (or manonood kung sa TV) e hindi nakakapanood ng hollywood movies or nakakapagbasa mga magagandang nobela.
Mahirap na nga ibalik, naniniwala ako sa iyo dahil nagreresearch ka naman bago mo sabihin. Buti na lang at hindi base dito ang pag gawa ko ng komiks. Naniniwala pa rin ako na nagsisimula tayo sa wala. In time, sana ma-orient natin ulit silang magbasa ng komiks.
Kung hindi tayo, sino?
-Gilbert
Ito tanong lang na sana me sumagot ng matino. Ang mga MAKABAGONG English at Westernized komiks ba ng mga komikero dyan e may "audience appeal" sa mga taong na-interview sa video ni Randy?
ASSUMING karamihan ng mga Pilipino ay ganyan ngayon, tanong lang, me "audience appeal" ba?
ASSUMING walang "audience appeal" ang mga CJC komiks, yung sa mga mamahalin at mahirap hanaping English at Westernized komiks ba ng mga komikero e maron bang pangkalahatang "audience appeal"?
wala namang PANGKALAHATANG AUDIENCE APPEAL eh. Malabo ang pangkalahatan na salita kapag TASTE ang paguusapan.
Kung PANGKALAHATAN eh di wala nang WESTERN, MANGA o TRADITIONAL pinoy style.
Sorry, di naman lahat ng mahal na komiks ay in english e di ba? Yung sa akin tagalog siya. Yung Culture Crash tagalod din.
Sa tingin ko alam mo naman ng mga publishers kung para saan ang mga ginagawa nilang titles eh.
Kung anuman ang magugustuhan mo sa mga lumalabas na title eh nasa sayo na iyan.
Free will pare. Binigyan tayo ng diyos niyan di ba?
God bless na lang sa lahat :)
base sa sinabi ni carlo p. i think we do need to re establish the readership ng mga pinoy, sounds mahirap o wishful thinking pero i noticed how some komikeros are continually striving to achieve that.
as for anonymous' question, 1st paragraph: OO meron, bagamat sa kasalukuyan e "limited audience appeal" pa lang. it's still considered audience appeal however limited, right?
1st and 2nd paragraph, naniniwala ako na "maaaring" ma-appreciate ng "mga taong na-interview sa video ni Randy" ang mga uri ng komiks na nabanggit mo. kasi isa rin ako sa kanila, marami rin akong kilala at nakakasalamuhang tulad nila.
sa pagkakasulat mo sa iyong katanungan e napansin ko ang di mo maitagong pagpapahiwatig ukol sa kababaan ng pagestima mo sa "mga taong na-interview sa video ni Randy".
naniniwala ka ba ng ang mga tulad ng "mga taong na-interview sa video ni Randy" ay hindi marunong tumangkilik ng mga makabagong konsepto at matitinong obra?
marahil, marahil itong paniniwala na ito ay siya ring nasa loobin ng ibang nagpapalakad ng mga komiks ng CJC, kaya't patuloy tayong hinahainan ng mga konseptong napaglumaan na, kasi baka di natin maiintindihan at lalo lang mababawasan ang "readership" nila sakaling iangat nila ang antas ng kalidad ng kanilang mga obra.
Post a Comment
<< Home