Sunday, February 08, 2009

SILANG MGA ALAMAT

Naikuwento ni Hannibal Ibarra kay Alex Niño na aktibo pa rin si Jess Jodloman kapag may gathering ang mga komiks people. Bigla daw natuwa si Mang Alex at buong pananabik na nagtanong kung kumusta na si Mang Jess, halata din daw sa mukha nito na gusto nitong makita ang beteranong artist.

Kung hindi na ninyo itatanong, si Alex Niño ay naging assistant ni Jess Jodloman, kung hindi man ay malaki ang naitulong sa pagiging ‘mature’ ng art ni Niño. Ibig sabihin, sa mundo ng isang matagumpay na tao (gaya ni Niño), ay may isang inspirasyon na nagmumula sa isang mentor at tagapagturo ng art.

Si Jess Jodloman ay isang pundasyon ng komiks ng Pilipino. Napatunayan ko rin ito nang magkaroon ng kauna-unahang meeting ng Konggreso ng Komiks dalawang taon na ang nakararaan. Laking tuwa ni Carlo Caparas nang makita si Jess Jodloman na naka-attend sa meeting. Hindi siya makapaniwala (si Caparas) na makikita pa niya ang beterano. Inamin niya sa lahat na isang malaking impluwensya sa kanya ang ‘Ramir’ ni Mang Jess sa kanyang mga trabaho.

At para na rin sa kaalaman ng marami, kung makikita ninyo ang trabaho ni Mang Jess noong kanyang kapanahunan ay ‘kakaiba’ ito kumpara sa ibang mga kasabayan (Coching, Caguintuan, etc.). ‘Kakaiba’ dahil may anyo ito ng Europian comics. Kumakawala ito sa nakasanayan nang ‘trend’ ng panahong iyon.

Magandang pag-aralan ang salitang ‘kumakawala’ dahil ito rin ang naging guide ni Alex Niño kaya ‘kumakawala’ din sa trend ang kanyang mga trabaho. Ito ang ‘art’ sa tunay nitong esensya. Kailangan mong ‘sirain’ at ‘basagin’ ang nakagawian na para mag-standout ka sa karamihan.

Ngunit hindi ito ang punto ng artikulo kong ito.

Narito ang dahilan kung bakit matagal ko na itong gustong isulat, last year pa, at ngayon lang ako nakakuha ng buwelo.

Komikon 2008 sa UP, Diliman. Alas tres ng hapon, nagkukuwentuhan kami ng mga kaibigan sa labas ng Bahay ng Alumni nang makita kong parating si Mang Jess at ang kanyang anak na si Grace. Dagli akong sumalubong para alalayan si Mang Jess na halata nang hirap sa paglalakad.

Sa entrance pa lang, iniisip ko na kung saan ko siya dadalhin, dahil maski si Grace ay hindi rin naman alam kung kaninong booth tutuloy. Sa dami ng tao, lalo ng mga fans ng komiks na abala sa kani-kanilang chikahan, naisip ko na dalhin na lang sina Mang Jess sa puwesto ng exhibit nina Coching at Alcala sa gilid dahil medyo tahimik at may mga beterano ring makakausap. Sinalubong ng ilang Guhit Pinoy members si Mang Jess para kumustahin, gayon na rin ang anak nina Coching at Alcala.

Habang nagbabalitaan kami, at nakatingin ako sa karamihan ng mga tao sa loob ng Komikon, naglalaro sa isip ko ang ilang alalahanin. Sa American comics convention ba, kapag nakita mong pagala-gala si Harold Foster (Prince Valiant) ay wala kang pakialam? O kaya sa French comics convention, kapag nakita mong parating si Moebius, wala ka bang pakialam? Sa palagay ko ay hindi. Baka pagkaguluhan ng mga attendees ang mga beteranong ito.

Dito sa Pilipinas, habang pagala-gala ang isang Jess Jodloman sa loob ng convention, na siyang pinaka-beterano at pinaka-senior na writer/artist sa komiks na nasa loob ng Bahay ng Alumni, ay hindi na pinag-iintindi ng mga attendees. Ang masakit pa, baka dinadaan-daanan lang.

Nalulungkot ako sa ganitong mga sitwasyon. Kulang pa talaga sa kaalaman ang karamihan ng fans ng komiks dito sa atin. Kulang pa tayong lahat sa edukasyon kung bakit ang ‘komiks world’ dito sa atin ay mahirap nang pantayan ang ‘maturity’ ng comics world ng Japan, America at France. Nakapanghihinayang dahil isa tayo sa lahing iginagalang pagdating sa comics illustrations saanmang panig ng mundo.

Nalulungkot na lang ako dahil mas kilala pa ng karamihan sa atin sina Jim Lee at Alex Ross. Mas pinapantasya pa natin na sana ay makapagpa-autograph tayo sa mga taong ito kesa makipagkuwentuhan sa mga taong nasa sarili nating bakuran.

Salamin ito ng ating lipunan. Hindi ko na pahahabain pa kung bakit.

Sana sa mga susunod na Komiks conventions dito sa atin, magkaroon ng isang sandali, kahit maikling-maikling sandali lang sa buong araw na event, kahit tatlong minuto lang, bigyan niyo ng pagpupugay ang mga tulad nina Jess Jodloman, at sangkatutak pang alamat ng Pilipino komiks, bago man lang sila isa-isang mawala sa mundong ito....Pakiusap.

5 Comments:

At Monday, February 09, 2009 9:28:00 AM, Blogger monsanto said...

Masyadong young ang mga pumupunta sa Komikon. Di ba nga, parang reset button tayo sa ngayon? Kung mapapansin di sa San Diego Comicon, nakalagay ang mga larawan ng artist sa booklets na binibigay nila. Nandun lahat ang mga special guests. At masasabi ko rin na kahit sila Philip Tan at Whilce nung kasama namin dun naglalakad, di rin naman nahaharang. Magsisilapitan lang sila pag nasa tamang lugar o table na ang artists. Naisip ko kasi, baka nakakahiyang lumapit ka tapos magkakamali ka pala ng nilapitan.

Sa tingin ko, maaayos ito kung sa entrance ng mga convention sa pinas ay may flyers informing kung sino ang maaari nilang makita sa loob, ganun kami noon ni misis. Alam na namin kung ano ang gusto namin puntahan dahil sa mga flyers.

We have to reintroduce the masters sa new audience. Sa tingin ko :)

 
At Monday, February 09, 2009 11:29:00 AM, Blogger Randy P. Valiente said...

'We have to reintroduce the masters sa new audience. Sa tingin ko :)'

Korek!

At bukod dito sa internet, isa sa pinakamagandang venue para ipakilala sila sa new audience ay ang Komikon. Dahil 'in the flesh' silang makikita.

Isang beses ko pa lang nakitang umakyat sa stage ang maybahay ni Tony Velasquez, sa tulong ni rin ni Dennis Villegas....sa TOYCON. Noon pang 2004.

 
At Monday, February 09, 2009 2:36:00 PM, Blogger Royale Admin said...

I AGREE, 100%!!!

Sa palagay ko ay kailangan ng isang committee/group for this Randy that can work hand in hand but separately from Komikon organizers. Alam mo sa akin lang naman ito, at hindi ko rin alam kung paano simulan. Kasi, since ang GuhitPinoy ang sa tingin ko ay pinakamalapit at sa katunayan ay may mga miyembro nga tayo gaya ng iyong tinutukoy... like Mang Rico Rival, Mang Dell Barras atbp., ay baka puwede tayo ang mag-initiate nito. Parang tayo ang source or agent bang matatawag? ng mga beteranong artists, that event organizers can contact to. Cause I believe GP is already known for being the veterans' Komiks artists group. So why not capitalize on that tag?

What do you think?

 
At Monday, February 09, 2009 8:30:00 PM, Blogger KOMIXPAGE said...

Kumporme ako sa sinabi mo Randy. Na bago isa-isang mawala ang mga maituturing na alamat sa komiks ng Pinoy ay mabigyan man lang sila ng pagpupugay. Bagamat hindi ko inabot at nakikilala ang ilang beteranong illustrator na nabubuhay pa, ang mga nilikhang obra nila ay nakita ko na.
Sa susunod na komikon at ako ay muling makabisita dito, ang mga sinasabi mong alamat na ito ang pagpupursigihan kong makita at makilala. Nakapag-pa-autograph sa kanila at magkaroon ako ng tsansa na kahit sa larawan man lang ay makasama sila. Hindi ko nagawa ito sa unang komikon event na nadaluhan ko last year (2008)pero next time, tiyak na mapaghahandaan ko na ito.

 
At Monday, February 09, 2009 9:51:00 PM, Anonymous Anonymous said...

Randy,

Hindi na aware ang kabataang artists ki Mang Jess, dahil hindi nila inabutan yung RAMIR, DURINDANA, KRUZ DIYABLO, etc...

Pero sa mga senior citizen na artist, kilala si Mang Jess. Siguro sa mga susunod na KOMIKON, dapat eh mi RECEPTION COMMITTEEE na ,para asikasuhin ang mga surviving old masters natin. Alalayan, bigyan ng upuan, drinks/coffee, tanungin kung comfortable sila,in short, make them feel at home at sabihin na malaking karangalan ang kaniyang pagdalo.

Isa pang makakatulong eh kung mabibilis-bilisan yung Ramir na gagawing graphic novel, para ma-re-introduce ang young generation sa mga masterpieces ni Mang Jess.
Ang advice ko sa iyo Randy, eh mag -volunteer ka na kila Grace para mailabas na yung RAMIR, the graphic novel ngayong taon, habang nandiyan pa si Mang Jess.



Auggie

 

Post a Comment

<< Home