Thursday, July 02, 2009

ANG PAGTANGGI SA AWARD

Hindi ko alam kung ano ang iisipin ko nang mabalitaan kong pinagkalooban ng award si Edgardo Reyes ng Komisyon sa Wikang Filipino ngunit tinanggihan niya ito. Nangyari ito kasabay ng kaarawan ni Francisco Balagtas. Ang isa sa katwiran, wala namang siyang nakikitang pag-unlad sa sariling wika.

Kaya ang tumanggap na lang ng award ay si KWF Chairman Joelad Santos at sinabing, "Sa ngalan ng Komisyon sa Wikang Filipino, ang karangalang ito ay para kay Edgardo M. Reyes. Nagdesisyon po siyang hindi niya ito tatanggapin. Pero ang paggawad ng karangalan ay desisyon po ng komite. Naniniwala kami na si Edgardo Reyes ay isang magaling na manunulat at amin pong paninindigan na ipagkaloob ang award sa kanya at hindi po namin babaguhin. Ito ay para sa kanya at iingatan ng Komisyon sa Wikang Filipino para kay G. Edgardo Reyes isa sa pinakamagaling na manunulat sa wikang Filipino…”

Prinsipyo. Iyan ang malaking pinagkaiba ng tao sa hayup. Maraming palamuti sa buhay ng tao. Maraming mga palabas. At ang prinsipyo ang pumupuna nito.

Sa huling bahagi ng programa ng awarding ceremony, nagsalita si Edgardo Reyes, ito ang kanyang sinabi, "Literatura? Wala naman akong naiintindihan d'yan," sabi niya. "Ako nama'y pinabili lang ng suka. Kaya lang naman ako napasok sa pagsusulat, e, dahil ito ang mas magaan-gaang trabaho na nakita ko mula sa pagiging tubero. Kaya kung tatanggap man ako ng ganyan kalaking award, dapat, e, alam kong kumpleto na ako. Hindi pa ako kumpleto. Hanggang ngayon, e, tuluy-tuloy pa rin ako sa pag-aaral, sa pag-iisip ng mga bago, kung paano ko mas mapagbubuti ang mga sinusulat ko."

Ikinuwento rin niya na noong 1991 pa ay tinanggihan na niya ang Gawad Francisco Balagtas. Nagbilin din siya sa kanyang mga anak na hindi sila tatanggap ng anumang parangal kahit mamatay na siya. Ang tanong ng mga kabarkada niya, paano kung National Artist?

"Teka, sandali...National Artist? Mas malaki 'yon! Mas masarap tanggihan 'yon!"

Sabi pa niya, "Kung mapupunta kayo sa bahay ko, makikita n'yo, hindi tapos. Writer na writer talaga ang dating. Ang writer kasi, lalo na dito sa 'tin... sa Pilipinas, hindi naman masyadong umaangat ang buhay. Tulad ko, mas pinapahalagahan pa ako sa Japan kaysa rito. (Bestseller doon ang translation ng kanyang Sa Mga Kuko ng Liwanag.) May mga Japanese journalist na pumupunta sa bahay para lang interbyuhin ako. Pero 'pag pinagmamasdan ko ang bahay ko, naiisip ko, 'Ang suwerte naman ng bahay na 'to, laging may room for improvement."

Palakpakan ang mga tao sa malinaw na parallelism niya.

13 Comments:

At Thursday, July 02, 2009 3:10:00 PM, Blogger pamatayhomesick said...

may kanya kanyang prinsipyo ang tao..ang karangalan ay ang sarili.at paninindigan.

 
At Thursday, July 02, 2009 6:17:00 PM, Blogger KOMIXPAGE said...

Isa sa mga hinahangaan kong literary writer si Edgardo Reyes at ang kanyang ipinakitang prinsipyo dito ay nasasalamin ko mismo sa kanyang mga sinusulat. Maaaring magkaroon ng dalawang opinyon sa ginawa niyang ito pero lalo akong humanga sa kanya dahil pinatunayan niyang hindi siya uhaw sa karangalan. May mga writer na nangangarap na kahit kalahati man lang ng kanyang naabot ay magawa nila dahil sa tingin ng marami ay naroon na siya sa tuktok pero ano ang pinatunayan niya, nasa ibaba pa rin siya at patuloy na nag-aaral at nagnanais na matuto. Ang ganitong "humility" o pagpapakababa ang kailangan natin sa panahong ito and I respect him a lot sa kanyang gesture na ito.

 
At Thursday, July 02, 2009 9:10:00 PM, Anonymous Anonymous said...

Na remind tuloy ako sa isang fairly recent column ni Conrado de Quiroz, noong last month lang yata. Ang title eh : WRITER KA LANG PALA ! na encounter daw niya iyang mga katagang yun sa BIR minsan siya ay nagbabayad ng buwis. Sa kaso ni Reyes, writer nga lang pero malaki ang pride niya. Hindi siya nasisilaw sa salapi, karangalan, at katanyagan. Sa tingin mo Randy, kaya rin tanggihan ni CJC, ang National Artist award kung ma -nominate siya ?


Auggie

 
At Friday, July 03, 2009 3:04:00 AM, Blogger Randy P. Valiente said...

Malabong tanggihan ni CJC ang ganoon ka-prestihiyosong award. Mas magiging imortal ang artist sa ganitong klase ng award. Tungkol naman kay Reyes, iba lang talaga ang prinsipyo nu'ng tao kaya hindi siya natutuwa sa ganitong mga awards. Sa katunayan nga, ayon sa isa niyang aklat na 'Sa Aking Panahon', binanggit niya na ilang beses na rin siyang kinukuha na maging judge sa Palanca pero lagi niyang tinatanggihan. Katwiran niya, ayaw niyang maging hukom sa trabaho ng iba. Para sa iba, siguro ay hindi mauunawaan ang ganito, pero mas kahanga-hanga ang mga taong may ganitong klase ng paninindigan.

 
At Friday, July 03, 2009 8:56:00 AM, Blogger jzhunagev said...

Ang tagal ko nang hindi nakakarinig ng balita tungkol kay Edgardo Reyes tapos eto pa ang bumungad sa akin... Grabe iba talaga ang level of thinking ng magaling na writer na yan...
Nasaan na po ba siya ngayon?
Sa totoo lang po aaminin ko akala ko patay na siya dahil ito talaga ang problema sa atin... hindi talaga pansinin ang mga writers rito lalo na yung magagaling... wala ka man lang mahagilap na documentaries na ginagawa para sa kanila... Nalulungkot nga ko noon kasi gandang-gandang ako sa obra niyang Maynila sa Kuko ng Liwanag pati na rin yung Laro sa Baga na binili ko pa ang adaptation niya ng screenplay na hindi ko man lang nasilayan ang writer na 'to...
Naalala ko tuloy si Hemingway sa tinuran ni Edgar Reyes at hindi rin maitatanggi na isa si Hemingway sa mga idols niya...
Tama si Edgar Reyes hindi na nga umuunlad ang wika natin dahil hindi na rin gaanong pansinin ang mga obrang Filipino... sige magtanong ka nga sa High School at itanong sa mga estudyante roon kung sino si Amado V. Hernandez, Lope K. Santos, Rogelio R. Sicat tignan mo kung may nakakakilala pa sa mga ito... ang problema mismo ay nasa Komisyon ng Wikang Filipino... akala ko nga hindi na rin nag-eexist ang ahensiya ito ng gobyerno... nakatuon kasi ang lahat mag-aral ng English para makapagtrabaho sa call centers...
May wika nga tayo pero daig pa natin ang lagalag dahil hanggang ngayon hindi pa rin natin kilala ang mga sarili natin... estranghero pa rin tayo sa tingin ng bawat isa...

 
At Friday, July 03, 2009 10:15:00 AM, Blogger TheCoolCanadian said...

Siguro mas mabuti pa nga ang award giving body na ito na nagbigay ng award kay Reyes. Noong 1970s, siguro'y naiinis din siya sa mga award-giving bodies na kailangan ka munang mag-join sa group kapag nominated ka para igawad sa iyo ang award kung manalo ka. Pinag-pipiyesta kami ng tatlong araw sa Manila Hotel. Wala namang pinag-uusapan kundi puro sosyalan na talaga namang nakakabagot. Ito ang isa sa kinaiinisan ko noon diyan sa atin. Kung hindi lang ako hino-hostage ng network na umatend sa mga ganitong kalokohan ay hindi ako magsasayang ng panahon sa ganitong mga kabaliwan. Unang-una, ang mga nagbibigay ng award ay wala namang koneksiyon sa komiks o sa TV o sa pelikula. Kung mga kasamahan ko sa industria ang magbibigay nito, mas magaan sa loob na tanggapin dahil alam kong alam nila ang daigdig na ito. Pero kung mga kung sinong socialte na walang magawa ay na-tripan lang na magbigay ng award, kabaliwan lang ito, di ba?

Ang isang tinakasan kong "piyesta" sa Manila Hotel ay yung CATHOLIC MASS MEDIA AWARD noon. Nabuko ako ng netwrok at ako'y sinabon ng katakut-takot. GUTOM kasi sa awards ang mga networks na iyan. Akala siguro nila, poerke't nabigayn sila ng BEST GANITO AT BEST GANIYANG award ay prestigious na ang network nila. Puro paporma! Puro naman KAHUNGKAGAN ang mga awards. Meaningless.

Kaya saludo ako diyan kay Mr. Reyes. Tama iyang ginawa niya.
Sana marami ang gumaya sa kanya para mabawas-bawasan na ang ganitong mga kabaliwan. Bawa't KIBOT na lang diyan sa RP, may award. Ano ba iyan?

Nagiging tigsi-singko tuloy... este... MAMERA pala. Teka muna, may one centavo pa ba diyan? O baka naman SINGKO centimos na ang pinakamababang pera?

At saka RANDY, pasensiya na. May word kanbg sinabi doon sa komikero site na hindi ko maintindihan. Ano ba ang CHURVA? Kabaliw kong iniisip kung ano ito, talagang wala akong idea.

:(

 
At Friday, July 03, 2009 11:27:00 AM, Blogger Randy P. Valiente said...

Ahaha...gay lingo siya :D marami siyang ibig sabihin, walang particular na pinatutungkulan, tumutukoy lang siya sa kung anu-ano (hahaha pagagalitan ako nito ng Komisyon sa Wika). ito pa ang example ng ibang gay lingo http://www.pinoyexchange.com/forums/archive/index.php/t-367186.html

 
At Friday, July 03, 2009 1:50:00 PM, Blogger Komixrama said...

mabuhay si Edgardo Reyes...isa siyang manunulat na di uhaw sa parangal kahit ang katotohanan ay karapatdapat siyang parangalan. Dahil nakalulungkot nga namang isipin na kadalasan ang mga manunulat...madalas writer ka lang pala...kung tawagin. Wari bang balewala lang...iyon ang turing sa manunulat lalo na sa mga taong di nakauunawa ng tunay na pinagdadaanan ng isang writer bago makabuo ng isang obra.

 
At Friday, July 03, 2009 8:44:00 PM, Blogger Wordsmith said...

Thanks, Randy, for the post.

Natutuwa akong makabalita ng tungkol sa isa sa mga hinahangaan kong manunulat sa wikang Filipino. Walang alinlangan na si Edgar Reyes ang isa sa pinakamagaling sa bansa, at isa sa mga iginagalang ang panulat.

Huling okasyon na nakasama naming mga taga-Books for Pleasure si Edgar ay noong booklaunching ng Laro sa Baga (the screenplay) sa UP Alumni House. Ang tagal na noon.

Tungkol sa kanyang pagtanggi sa Gawad Francisco Balagtas: tulad mo, Randy, ay hindi ko rin alam kung ano ang iisipin.

Well...

 
At Sunday, July 05, 2009 2:27:00 PM, Blogger Royale Admin said...

Marahil ay kapuri-puri nga ang ginawang ito ni Edgardo Reyes at tayo ay saludo sa prinsipyong kanyang pinanghahawakan pero for the sake of discussion..., ano naman ang magiging pagtingin natin sa mga talagang mahuhusay na writer at artists na tumanggap ng mga ganitong klaseng parangal? Bababa ba ang pagtingin natin sa kanila?

Ano ba ang criteria ng award na ito? Bibigyan ka ba ng award kapag ikaw ay ganap at "kumpletong" manunulat na? Meron ba nun? Meron bang perfectong artist o writer? At kapag "kumpletong" writer ka na... pwede ka nang tumanggap ng award?

Sa totoo lang ano nga ba yang award giving bodies na 'yan? Gaya nga ng sabi ni Joe sa taas, kahungkagan lang yan. Tama yon! Pero hindi rin naman sa antas ng kalagayan sa buhay o pagyaman nasusukat ang isang magaling na writer kundi isa rito ay ang "kanyang mga kontribusyon sa ginagalawan niyang sociedad." At kung ayon sa pagtingin ng mga kasama mo sa industriya at komunidad na ikaw ay karadapat-dapat pahalagahan at parangalan, gaya ng pagpapahalaga ng mga Hapon sa iyo, sa isang paraan na gaya ng isang award, hindi mo ba tatanggapin ito?

Para sa akin, pwede mo ring tanggapin at pwede mo rin namang ipaliwanag ang dahilan ng pagtanggap mo rito. Ang pagtanggap ng isang award ay hindi dapat self-centered kundi dapat ay two-way recognition ito. Ni-recognize ka ng mga kasama mo at sa ganun ding paraan ay... "nire-recognize mo sila sa pamamagitan ng pagtanggap sa parangal na iyon bilang mga GANAP na KAPATID sa industriya."

 
At Tuesday, July 07, 2009 12:44:00 AM, Blogger DYNACOIL (Dynamic Concept-Illustrated) said...

Randy...kampi ako diyan sa pananaw ng batang si Michael.

Isa sa idolo kong writer si Edgar Reyes, mula pa noong mabasa ko sa liwayway ang ginawa niyang istorya tungkol sa isang mandurukot. Kung mababasa niya ito, alam niya kung aling istortya ang tinutukoy ko. Nabasa ko rin ang istorya niyang ipinanalo sa Palanca...tungkol sa isang magsasaka na nilapitan ng NPA para kotongan ng ani. Nagmatigas ang magsasaka, hindi nagbigay sa NPA. Minasaker silang lahat...May sundoty sa gobyerno 'yon dahil ano ang kanilang reaksiyon sa ganoong paninindigan ng isang hamak na magsasaka na inilaban ang kanyang prinsipyo. Niyugyugyog ni Edgar ang gobyerno dahil para makita ang sitwasyon ng mga maliliit na ginigipit.

Ganyan si Edgar...! Napakarami pa niyang sinulat na panggising at pangmulat ng mga mata ng mga kinauukulan na kailangang tampalin ng kanyang panulat para magising...o 'suntukin' na ng kanyang panulat ang mga nagtutulug-tulugan!

Pero ngayon...nakakadissapoint ang kanyang ginawa...hindi dahil sa hindi niya pagtanggap ng award...kundi dahil sa nagmistulang naghalukipkip na lamang siya ng mga kamay at lumingon sa kabila na parang sinabing...wala akong pakialam sa inyo!

Hindi ganitpo ang inaasahan ko sa dugong bayani ni Edgar...

Nang hindi tanggapin ni Marlon Brando ang kanyang Oscar ay mayroon siyang ipinaglalaban...(kung napanood ninyo ang Soldier Blue...minasaker ng mga sundalong kano ang mga Indian at brutal na pinaglalaplap ang mga suso ng mga babaeng Indian. Inilaban to ni Brando...kinonsiyensya niya ang mga amerikano sa mali.

Nang punitin ng mga Katipunan ang kanilang sedula bilang paghihimagsik sa umiiral na makahayop na gobyerno ng mga kastila...hindi sila nagtapos doon! Simula lamang iyon ng laban...at ang kasaysayan na ang sumunod na nangyari.

Kung talagang gusto ni Edgar ng reporma, sapat na ba ang ginawa niya na hindi tumanggap ng award? Bakit wala na yata siyang naging hakbang para baguhin ang sistemang kinaiinisan niya at pumupugto ng kanyang hininga?

Kung wala siyang binalak o ginawang hakbang para magrebolusyon sa maling sistemang umiiral ukol sa maliit na pagtingin sa mga manunulat...mawawala ang pagtingin ko sa kanya bilang idolo! Nasa kanyang lahat ang katangian at kakayahan upang maging champion ng mga manunulat upang ilaban ang madaling ipanalong karaparan!

Ito na ang pagkakataon na ilaban niya ang kanyang prinsipyo...nasa likuran niya tayo na inaalipusta sa taguring mga manunulat lamang.

Ayaw kong sabihing pinakiramdaman lamang niya ang kanyang sarili nang hindi niya tanggapin ang award!

"Pinuhunan ni Rizal ang buhay niya alang-alang sa kapakanan ng kanyang kadugo"

 
At Tuesday, July 07, 2009 11:14:00 AM, Blogger Randy P. Valiente said...

Ang personal na opinyon ko naman diyan, baka merong dahilan si Reyes na hindi natin alam, o kung anupaman kung bakit ayaw niyang tumanggap ng mga awards na ganito (lalo na kung galing sa gobyerno). O baka meron din siyang dahilan tungkol na mismo doon sa award giving body. Ito ang sinasabing 'kaya niyang ilaban ng patayan ang kanyang prinsipyo'.

 
At Monday, July 27, 2009 10:59:00 PM, Anonymous Anonymous said...

Randy, ang totoo jan, pinagbawalan ko talaga si Edgardo Reyes at nakinig naman siya sa akin haha

 

Post a Comment

<< Home