Wednesday, January 13, 2010

ANG PANGUNGUSAP

Minumulto ba kayo ng isang pangungusap? Ang ibig kong sabihin, sa modernong pagpapaliwanag, may mga ‘sentence’ o ‘words’ ba na laging gumagambala sa inyo?

Aaminin ko, sa akin ay mayroon.

Nabili ko ang isang lumang aklat na pinamagatang ‘Karanasan’ noong mga unang taon ko sa pagsusulat, 1995 iyon. Lumabas ito noong 1977, at dahil luma na, P14.75 lang ang kuha ko dito.


Koleksyon ito ng mga salaysay at maikling kuwento galing sa mga mahuhusay na manunulat tulad nina B.S. Medina, Rogelio Ordoñez, Rolando Tinio, Genoveva Edroza, Simplicio Bisa, Fanny Garcia, Teodora Agoncillo at iba pa.

Isa maikling kuwentong hindi ko makakalimutan ay ang ‘Sa Ibabaw ng Kalabaw’ ni Rogelio Mangahas. Hindi dahil sa kuwento kundi sa unang pangungusap na ganito ang pagkakasulat: ‘Isa sa mga paaralang narating ko ay ang likod ng kalabaw.’


Hindi ako pinatahimik ng pangungusap na ito. Malakas ang impact sa akin na sa unang tirada pa lang ay gumana na agad ang analisa ko. Bakit naging paaralan ang likod ng kalabaw? Metapor kaya ito na ang bukid ay napagkukunan din ng karunungan? Ang sakahan kaya ang pinakadakilang lugar sa lahat dahil napapakain nito ang nagugutom?

Ganyang mga alalahain ang naglalaro sa utak ko noon.

Hindi maalis sa isip ko ang pangungusap na hanggang sa magsulat na ako kung saan-saan ay lagi ko itong kabuntot. May kuwento pa akong naisulat noon na ginamit ko ang pangungusap na: ‘Ang pinakamagandang paaralang narating ko ay ang ibabaw ng kalabaw.’ Romance story ito at malayung-malayo sa kuwento ni R. Mangahas. Mayroon din akong linyang naisulat sa isang short story na ganito: ‘Ang pinakadakilang paaralang nagturo sa akin ay aking sikmura.’ Tungkol naman ito sa dalawang nag-iibigan sa squatter’s area.

Ganito ka-powerful sa akin ang pangungusap na iyon ni R. Mangahas. Labinlimang taon na ang nakararaan, pero parang laging sariwa sa akin ang linya. Hanggang ngayon ay hinahanapan ko ito ng materyales, para itong balon na hindi ko pa rin mahukay-hukay. Napaka-misteryo nito sa akin na hindi ko pa rin ito magawan ng kuwento kahit sa komiks o prosa. Ipinapagamit lang ito sa akin bilang linya o sentence, pero hindi bilang isang buong kuwento.

Medyo weird nga dahil ang totoo ay marami nang naglalarong kuwento sa isip ko tungkol dito noon pa, pero agad ko ring niri-reject sa isip. Wala akong makitang katarungan.

Hanggang ngayon ay umaasa ako na magagawan ko ito ng materyales, sa kahit anong form, basta naroon ang salitang ‘paaralan’ at ‘ibabaw ng kalabaw’. Kung hindi ngayon, baka sa susunod pang fifteen years, o baka lampas pa.

Wala akong ideya kung buhay pa ngayon si Rogelio Mangahas. Pero gusto kong isang araw ay makilala ko siya ng personal, o kahit kaanak lang niya. Isa siya sa dahilan kung bakit hindi ako bumibitaw bilang isang manunulat na Pilipino.

6 Comments:

At Thursday, January 14, 2010 11:28:00 AM, Blogger TheCoolCanadian said...

Randy:

He-he. Napakaluma na nga ng librong iyan. Ang nakatatawa pa, TATLO sa mga authors diyan ay naging bahagi ng aking buhay.
• Buenaventura S. Medina
Naging English professor ko sa FEU. One of the best English teachers in the Philippines. Marami siyang tagalog literature na tri-nanslate sa English, isa na yung sinulat ni Liwayway Arceo na UHAW ANG TIGANG NA LUPA (THIRSTY IS THE ARID LAND). The Translation ws so beautiful, it carried its flowing tagalog language into English.
• ROLANDO S. TINIO
Naging isa sa mga Drama professors ko sa FEU, with Nick Agudo, Sarah Joaquin and Justo Montemayor.
• FANNY GARCIA
Dati itong taga review ng synopsis kapag nag-submit ka ng story for filming sa Board of Censors (noon kasi, kailangang may approval ng Board ang iyong synopsis bago ka makipag-deal sa producers. Matuk mo ito? Pero iong si Fanny ay napaka-galing. Pagbalik sa iyo ng approval ay may kasamang critique! Pupurihin niya kung kapuri-puri ang pagkasulat mo, at sasabihin din niya sa iyo kung palpakto ang sinulat mo. Kaya nga kahi't may fee ang censors noon for approval, sulit na rin dahil sa kagalingan ng mga komentaryo ni Bb. Fanny Garcia.

Itong sinulat ni Rogelio Mangahas ay typical na style nong kapanahunan nila. May isang sinulat si F. Sionil Jose na ganito naman ang opening sentence:

He first saw her in his brother's eye.

O, kitam? Laban ka diyan?
He-he.

 
At Thursday, January 14, 2010 12:01:00 PM, Blogger Noel said...

hmmm...ironic,,ayaw kung magcomment sa articulo mo kuya...gusto kulang ishare blog namen mga mga komikero d2 sa naga city---pls visit--(komixnotdead.blogspot.com)

 
At Thursday, January 14, 2010 5:20:00 PM, Blogger Randy P. Valiente said...

JM-
Sa nabanggit mo ay mukhang marami nang yumao sa mga writers na yan. Ang pagkakatanda ko ay namatay si Tino noon pang 90s. Si Fanny Garcia naman ay may nakikita pa akong libro sa mga bookstores. Ang iba ay hindi ko alam kung nasaan na.

Noel-
Salamat. Dalaw-dalaw lang.

 
At Sunday, January 17, 2010 5:28:00 AM, Blogger Jerome said...

haha...sobrang nkakatawa nman. Paano po ba mG Follow sa blog niyo?

 
At Sunday, January 17, 2010 1:42:00 PM, Blogger Randy P. Valiente said...

Hi Jerome,
Thanks sa paalala, wala pa akong button ng pag-fllow sa blog. Ayusin ko sa mga susunod na araw. Salamat sa bisita.

 
At Sunday, June 20, 2010 3:40:00 PM, Anonymous Anonymous said...

I am a niece of Roger Mangahas and for your info he's very much alive and active in writing a book. For your request to meet him you may visit his facebook account. Search his name. Thanks for the comment.

 

Post a Comment

<< Home