Tuesday, February 19, 2008

CULTURAL IDENTITY O BUSINESS OPPORTUNITY?

Kailan lang ako nasabak sa animation industry pero marami rin akong natuklasan sa mundo nila. Gaya halimbawa, simula’t sapul pa ay naging tambakan nga tayo ng trabaho galing sa ibang bansa. Tama ang sinabi ng isang nag-comment dito, nangongontrata lang tayo ng trabaho galing sa Hanna Barbera o kaya ay sa Walt Disney, kaya nga nagsulputan dito ang mga animation studios gaya ng PASI, Toon City, TOEI at iba pa.

Pero dumating sa panahon na may mga tao na gumawa ng sariling animation studio na gawang Pilipino para sa Pilipino. Kung inyong matatandaan, nagkaroon noon ng Panday at Darna na ipinapalabas sa TV courtesy of Gery Garcia.

Mayroon ding mga pelikula na nai-produce na maipagmamalaking purong Pilipino, tulad ng Ibong Adarna noon.

Ngunit ang ganitong mga palabas ay hindi nagtatagal. Ang unang problema, pinansyal. Hindi kayang mag-produce ng local producer ng isang animated show/movie sa isang napakaliit na budget. Mas mahal pang gumawa ng animation kesa mag-produce ka ng isang pelikula na ang bida mo ay si Sharon Cuneta.

Hindi lang dito natatapos ang problema ng producer, hindi rin siya nakatitiyak kung kikita nga ang animated movie na kanyang ginawa. Kaya ang solusyon, gagawa na lang siya ng pitu-pito film, isang animation, katapat ng limang pelikulang bold. Mas kikita pa siya ng malaki. Iyan ang masakit na katotohanan kung bakit walang malakas ang loob na maglabas dito ng isang animated movie.

Kaya ang solusyon ng mga studios, kukuha na lang sila ng trabaho sa ibang bansa.

Late 80s, nagsulputan na parang kabute ang iba’t ibang animation studios. Inagaw nito ang karamihan ng mga komiks artists. Maging ako man ay nag-training ng ilang buwan bilang in-betweener at clean-up. Nakaapekto ito ng malaki sa komiks industry, halos lahat ng magagaling ay naglipatan na sa animation, mas convenient ang trabaho, mas malaki ang sweldo. Mahina ang singkuwenta mil noon bawat isang linggo sa isang animator.

Bigla ay nag-iba rin ang ihip ng hangin. Karamihan ng trabaho ngayon sa animation ay nasa India at China na. Kaya ang ginawa ng mga animators natin dito ay doon na rin nagtakbuhan.

Sa madramang takbo ng animation industry dito sa atin, sumulpot ang Animation Council of the Philippines (ACPI). Gusto nitong pag-isahin ang lahat ng mga animation studios dito para maging solido kung sakali mang may programa. Back-up din nito ang gobyerno. Kasabay nito, kumukuha rin ng trabaho ang ACPI sa ibang bansa para ipagawa sa mga local artists natin.

Ngunit maraming hindi sang-ayon sa ilang programa ng ACPI. Mayroon ding mga grupo na hindi pabor sa dito. Gaya halilmbawa na mas pinapaboran daw ng ACPI ang ‘outsourcing’ kesa I-develop ang local industry ng animation. Mas kinukumbinsi daw tayo na maging impleyado na lang kesa mag-produce ng sarili nating likha. Mas pinu-promote din daw ng ACPI ang mga mamahaling softwares tulad ng MAYA, 3DSMax at Photoshop at iniitsapuwera ang mga free softwares tulad ng GIMP at Blender.

Kamakailan ay nagkaroon ng programa ang ACPI, ang ANIMAHENASYON (animation festival), kung saan ipinakita dito ang gawa ng iba’t ibang animated works ng mga Pilipino.

Kasabay ng mga programang ito, nabuo na rin ang LIBINGAN ng Tuldok Animation na gawa rin ng mga Pilipino. Pinapatalastas na rin sa TV ang pelikulang URDUJA na ngayon ay nasa ilalim na ng GMA Films. Kasalukuyan na ring ginagawa ang DAYO galing sa Cutting Edge Productions kung saan ang ilan sa mga concept art at storyboards ay ako ang gumawa. Ang mga ito ay purong Pilipino, at tayo ang makikinabang.

Sa Cebu, itinayo ang Bigfoot Entertainment, ito ang pinakamalaking film production sa Asya na pag-aari ng foreigner. Nagdagsaan din dito ang mga artists pati na ang mga animators para sa isang malaking oportunidad. Kung magkakaroon ng maraming projects ang Bigfoot na sangkot ang animation, maraming nagsasabi na baka mag-migrate sa Cebu ang ilan nating animation workers.

Isang animation studio ang itinayo na nakabase sa Alabang area, hindi ko pa puwedeng sabihin kung ano ang pangalan ng studio nila. Ang kanilang project na ginagawa sa kasalukuyan, 3D animation na ipantatapat sa mga Pixar films, balak itong I-release sa international market sa mga susunod na taon. Kung magtatagumpay, ito ang kauna-unahang 3D animation na gawa sa Pilipinas na dadalhin sa Hollywood. Two years ago ay dito (sa Pilipinas) rin ginawa ang ‘Hoodwinked’ na all-Filipino ang gumawa pero foreigner ang may-ari).

Ang lahat ng ikinuwento ko sa inyo ay ilan lamang sa mga impormasyong nakuha ko sa animation industry. Malawak pa ito kung tutuusin, pero gusto ko lang iparating sa inyo na gaano man kadugo o kadrama ang pinagdadaanan ang isang industriya, isa lang ang hahangarin ng tao dito…may maibibigay ba itong trabaho?

Two years ago, ang stand ko sa blog na ito ay I-promote ang local komiks. Ipakilala sa marami ang makulay na mundo ng Filipino komiks. Hanggang ngayon ito ang prinsipyo ko. Kailangan natin ng isang cultural identity para kung haharap man tayo sa buong mundo, mayroon tayong pagkakakilanlan.

Sa kaso ng ‘art’, na isang subjective na bagay, ang cultural identity ay kusang lumalabas kahit pa mahaluan ka ng iba’t ibang impluwensya. Ito ay natural, kasama ito ng kaluluwa mo, dugo ito na dumadaloy sa ugat mo.

Kahit pa tumira ka ng ilang taon sa Amerika, kung dito ka ipinanganak sa Pilipinas at kinagisnan mo ang kultura dito, lalabas at lalabas ito kahit nakaikot ka na sa buong mundo.

Ang paggawa ng komiks ay hindi isang propaganda ng isang lahi na kailangan ay mala-Pilipino ang lahat sa isip sa salita at sa gawa, kusa itong lumabas dahil ikaw mismo ay Pilipino.

Walang masama kung binalak mong maglabas ng komiks na ang kini-cater mo lang ay ang mga Pilipino. Sarili mong desisyon iyan. At wala ring masama kung gumawa ka ng komiks na gawa ng mga Pilipino at gusto nilang bentahan ang MAS MARAMING tao sa ibang bansa. Business-wise, tatayo ako bilang isang kapitalista, iyan ay isang malaking bagay.

Nabasa ko ito sa isang comment sa blog ni KC Cordero:

‘sayang ang talents ng mga taga komiks. kahit na anong paraan na gawin kung wala na ang interes ng tao ay wala na rin magagawa .ang mga nagbabasa na lang talaga ay mga may passion sa komiks. masakit man sabihin pero talagang lipas na ang kainitan ng komiks at ang mga tao na rin ang humusga nito. nag iba na talaga ang libangan ng mga tao ngayon. di ba kayo nakakahalata?’

Masakit ito para sa ating gumagawa ng komiks. Pero totoo ito. Baka nga 1% na lang out of 100% na mga Pilipino ang talagang interesado pa sa komiks.

So, kung ganitong kagrabe ang problema natin sa ating ‘audience’, kailan darating ang hinihintay nating paglago at paglawak ulit ng komiks dito sa Pilipinas? Kung may apo na ang mga apo natin?

Kaya nga sabi ko, wala nang ibang panahon at wala nang ibang pagkakataon. Pakialaman na natin ang international market. At wala na rin naming pumipigil kung ang gusto ng iba ay manatili lang sa local market. Sarili nilang mga desisyon iyan.

Wala na tayong dapat pang hintayin. Marami nang nakikisimpatya sa atin pati gobyerno, tinatanggap na tayo ng akademya, inilalaban na tayo na maging lehitimong sining at literatura, marami nang nagbabalak na maglabas ng local publication, naglalabasan na ang mga mahuhusay at magagaling galing sa luma at bagong creators, nagsulputan na ang mga sugo at mga hari, ang mga greatest at mga most-loved. Wala nang makakaharang sa atin.

Isa na lang. Ang ating mga sarili.

12 Comments:

At Wednesday, February 20, 2008 12:05:00 AM, Blogger TheCoolCanadian said...

CULTURAL IDENTITY O BUSINESS OPPORTUNITY?

I'd say BOTH. Filipinos can do both, and I don't even doubt it for a second.

And you are absolutely right, Randy.

The FUTURE is NOW! Every creator of comics and animation should just keep going, in whatever way they feel about their creations.

No more restrictions as to what the book should entail. Those who want to make their komiks cheap-looking, fine. But those who want to make their komiks glitzy, fine.

The RP censorship have actually constricted our filmmakers and writers and illustrators to do what they feel is good for their artistic endeavors. This is one reason why our films and komiks have deterioted until nobody cares anymore.

And now, here are these new group of nincampoops trying to act as the holier-than-thou "GUARDIANS" of what artists must do and not do.

Never again. The Global market is just around the corner for Filipinos to take advantage of. Huwag na tayong lumusong sa putik ng hinagpis. Naunahan na tayo ng maliit na mga bansa sa Asya na kung ihahambing sa ating edukasyon ay di hamak na nakalalamang tayo.

Bakit tayo nasa kailaliman ng hanay ngayon?

Dahil siguro sa kakitiran ng pag-iisip ng marami sa atin.

 
At Wednesday, February 20, 2008 8:14:00 AM, Anonymous Anonymous said...

Sir Randy, I don't know if you'll agree with me, but I've noticed that advances in telecommunications have transformed the entertained into entertainers themselves. Where the power of mass media was once monopolized by a few, now anyone can wield that same power to express their views and opinions to as many people reached by media corporations. In a rough, simple way of putting it: everyone can show off (snicker). This, I think, has led even more people to abandon forms of entertainment that are not interactive, that merely places them at the receiving end, like comic-books. You may argue that the same folks still read periodicals, watch films and listen to recordings that are similarly not interactive, but then I would point out the difference in the degree of entertainment comic-books and these other forms offer (not to mention difference in costs). What do you think?

 
At Wednesday, February 20, 2008 11:09:00 AM, Anonymous John Becaro said...

("sayang ang talents ng mga taga komiks. kahit na anong paraan na gawin kung wala na ang interes ng tao ay wala na rin magagawa .ang mga nagbabasa na lang talaga ay mga may passion sa komiks. masakit man sabihin pero talagang lipas na ang kainitan ng komiks at ang mga tao na rin ang humusga nito. nag iba na talaga ang libangan ng mga tao ngayon. di ba kayo nakakahalata?’"

"Masakit ito para sa ating gumagawa ng komiks. Pero totoo ito. Baka nga 1% na lang out of 100% na mga Pilipino ang talagang interesado pa sa komiks.")
^^^^^quote

-----------------------------------

I guess we need solid proof, research/survey and evidence to justify this ASSUMPTIONS.

Lagi ako nagtatatanong sa mga retailer ng CJC Komiks at malakas pa rin daw ang benta nito sa mga nagtitinda, naglalako, tambay at sa palengke.Subukan niyo din magtanung tanung, may makikita kayung kasagutan.

I don't believe na laglag na talaga ang readership natin sa komiks.
CJC Komiks palang ang lumabas sa "mass market" na may nationwide distribution. Kung merung fallback o low sales man na nangyayari ngayun sa CJC/ Sterling Komiks, yan ay ma i i blame natin sa kanilang sariling method (wheter sa pre production, production, post production distributorship and selling), HINDI sa market.

Assuming mahina man ngayun ang readership that doesn't mean we are going to gave up na. Actually, kung tutuusin, nasa advantage ngayun ang
CJC/Sterling kasi pwede sila mag create muli ng Sariling Market lalo na at sila pa lang yung nasa market na accessible.Kung walang market dahil sa nawalan na daw ng gana ang tao at may ibang libangan at kung anu pang reason, E di gumawa ng Market.Paunti unti, hindi naman biglaan yun e.

Natural pag di maganda produkto mo, o mahina ang marketing mo, e sino ang papansin sayu? Yan ang hamon sa CJC/Sterling tandem at sa lahat na gusto mag venture sa komiks business.At marami pang ibang factors, lalo na ang production at distributorship.

Kung hindi man matagumpay ang inyong methods, wag nating gawing "scapegoat" agad na kesyo wala ng nagbabasa at nag iinteres sa komiks. Kaya nga may advertising at marketing e, to create strategies on this kind of problem.

Tama yung sinabi mo, sarili natin ang makakaharang sa ating sariling adhikain.

Hindi ang market ang may problem kundi ang kakulangan natin
ng pang unawa kung panu tayu makakuha at gumawa ng market.

Hindi mawawala sa tao ang pagbabasa
maliban nalang kung wala na tayung mga mata.Kaya habang may mata ang tao, may pag asa ang pagbabasa ng komiks. hehehehe

 
At Wednesday, February 20, 2008 11:41:00 AM, Blogger gladi said...

"Hindi mawawala sa tao ang pagbabasa
maliban nalang kung wala na tayung mga mata.Kaya habang may mata ang tao, may pag asa ang pagbabasa ng komiks."

Tama po ito, naniniwala ako dito. Ang mahalaga lang ay malaman ng mga komiks creator kung ano ang ihahaing komiks na magkakainteres na basahin ng mambabasang Filipino. Totoong malaki ang naging epekto ng teknolohiya sa komiks industry, ang problema kasi, hindi nakasabay ang komiks sa pagbabagong anyo ng kulturang Filipino na ugnay ang modernisasyon.

 
At Wednesday, February 20, 2008 6:59:00 PM, Blogger KLITORIKA said...

hmm korek! pero wala akong masabi hahaha. Seryoso masyado itoh!

 
At Wednesday, February 20, 2008 7:57:00 PM, Anonymous Anonymous said...

Agree ako ke John Becaro. Hindi readership ang problema. Its the distribution. Kung marami ang mambabasa, bakit nahihirapan kumolekta sa mga dealers? Bakit walang feedback mechanism? Totoo ba na me mafia/monopolies ngayon ng mga magazine dealers sa bansa? Kung meron, paano naman sila matitibag?

 
At Friday, February 22, 2008 8:19:00 AM, Blogger [ k r y k ] said...

hello po. padaan n.n

 
At Friday, February 22, 2008 10:19:00 AM, Anonymous rommel m. fabian said...

Laging ubos sa tatlong news stand dito sa lugar nanim ang komiks ng CJC. magkakadikit pa silang tindahan at maramihan pa kung kumuha. pati na ung nagtitinda ng dyaryo sa mga palengke dito ubos din. Ang masaklap...nauubusan din ako. Alin ba ang totoo? Bumebenta ba o hindi?

At hindi sayang ang talento ng mga artist sa komiks. Kung may mga sayang man ay iyong mga wala naman ginagawa. At puro critique lang. Ang isang publikasyon ay hindi nabubuhay sa mga taong malalawak ang isip. Dahil sa katunayang ang mga ito ay hindi naman bumibili bagkus ay puro pagpuna lang.
Nabubuhay ang isang publikasyon sa buyer at hindi sa mga kritiko! Eh, may buyer pa. kaya nga ubos diba? Ayus! hehe

 
At Friday, February 22, 2008 9:04:00 PM, Anonymous Robby Villalon said...

Right on, Mel! Matud nila!

 
At Tuesday, February 26, 2008 1:48:00 PM, Anonymous Dr. Evil said...

Bakit hindi mag-unity walk ang mga komikero at mga beterano para ipakita sa madla ang pagkakaisa ng kanilang hangaring WORLD DOMINATION?

 
At Saturday, March 01, 2008 1:38:00 PM, Anonymous Anonymous said...

Just for the record, The animated movie "Hoodwinked" was created by Digital EyeCandy Inc(in Makati) not in the alabang animation studio (GC4). D.E.C. was recently closed down (July 2007) because the american owner opted to finish the sequel in canada.

 
At Saturday, March 01, 2008 2:05:00 PM, Blogger Randy P. Valiente said...

Siguro mali ang use of words ko:

"Kung magtatagumpay, ito ang kauna-unahang 3D animation na gawa sa Pilipinas na dadalhin sa Hollywood (2 years ago ay dito rin ginawa ang ‘Hoodwinked’ na all-Filipino ang gumawa pero foreigner ang may-ari)."

What i mean 'dito' is not referring to Alabang studio but 'dito' means Philippines.

Thanks for clarification though.

 

Post a Comment

<< Home