Thursday, April 03, 2008

ANG ATLAS AT GASI SA PANINGIN NG ISANG CONTRIBUTOR

Una akong nakatuntong sa bakuran ng GASI noong 1988 nang isama ako ni Joseph Christian Santiago. Nakipag-meeting siya noon sa editor ng Lovelife Komiks at nasa tabi lang ako nakikinig. Second year high school ako noon.

Magmula noon ay nagustuhan ko na ang eksena sa publication. Ang mga nakakalat na contributors tuwing may singilan at pasahan ng script, ang amoy ng imprenta, ang artists area (na nasa tabi ng CR) na paboritong tambayan ng writers at illustrators.

1989 nang una akong mabigyan ng trabaho sa Love Affair Komiks. Hindi na ito nasundan sa naturang komiks. Alam kong pinagbigyan lang ako ng editor, dahil makaraan ang maraming taon, nang muli kong makita ang drawing ko, talagang hindi pa ako puwede.

Ganun pa man ay ganado pa rin ako. Ang daming bata at baguhang contributors sa GASI. Marami riin akong nakilalang tulad ko ay ilang rejects na rin ang inabot—mapa-script man o drawing. Ang daming komiks ng GASI, at karamihan ng mga titles ay may espasyo para sa mga baguhang tulad ko. Pero nakailang pabalik-balik na ako sa mga editors pero talagang walang nagkakagusto ng drawing ko.

Sa GASI ako unang nasaktan, nagsumikap, nangarap, minsan pa nga ay nag-isip ng paghihiganti sa mga editors. Hindi na talaga ako makakuha ng trabaho.

Doon ko naisipang bumisita sa Atlas na noon ay nasa Roces Ave. pa lang. Pero na-discourage ako dahil ilang kaibigan ang nagpahina ng loob ko, “Ang hirap pumasok doon! Medyo traditional sila, sa drawing at sa istorya.” Binuklat ko nga ulit ang mga komiks ng Atlas, tama nga sila. Halos karamihan ng komiks ay puro beterano ang laman. Hindi ako puwedeng makipagsabayan, maraming-marami pa akong kakaining bigas.

Kaya nag-stick na lang ako sa GASI dahil mas malaki ang tsansa ko—bestseller noon ang Shocker at Space Horror Komiks (SciFi pa dati ang laman nito at hindi horror)—na karamihan ay puro baguhang creators ang laman. Pero talagang hindi pa rin ako makahanap ng trabaho dahil kulang pa talaga ang gawa ko. Kaya no choice ako kundi gumawa sa iba kung ayaw kong magutom.

Ang illustrator na si Boots Felizardo ang unang nagyaya sa akin sa Atlas. Gumagawa siya noon sa Ninja Komiks na hawak ni KC Cordero. Ang style ng drawing ni Boots ay pang-porno at bold komiks (hindi ako nagbibiro dahil halos lahat ng eksena niya ay puro nakakalibog), kaya nagtataka ako kung bakit nakakagawa siya sa Ninja. Lumakas tuloy ang loob ko, kung siya nga nakapasok, tiyak na kakayanin ko rin.

Una kong nakilala si KC Cordero, nararamdaman ko noon na alangan pa siyang bigyan ako ng trabaho dahil lahat ng samples na pinakita ko ay love story at horror galing sa GASI. Medyo kabado ako dahil alam ng mga contributors ng GASI na iba ang level ng mga tao sa Atlas, mas conservative at hindi gaanong nagpapapasok ng mga bagong estilo.

Binigyan ako ng script ni Kuya KC. Sabi niya, “Actual na script ‘yan ha. Pag nagustuhan ko, ilalabas natin, pag hindi, pasensya na lang.” Tuwang-tuwa ako. Sinong may sabing wala akong pag-asa sa Atlas? Ito at nakakuha ako ng script!

After ng isang linggo, ipinasa ko na ang trabaho. Kabado pa rin ako habang tinitingnan ni Kuya KC ang drawing ko. Ang lakas ng kutob ko noon, reject ito! Biglang sabi niya, “Baguhin mo itong page na ito. The rest, okay na.”

Pagkatapos kong marinig iyon ay para akong nakahinga ng maluwag. Ginawa ko ang page na ipinaulit at ipinasa ko after ng ilang araw. Hanggang ngayon ay hawak ko ang rejected page na iyon. Narito:


Iyon ang una at huling gawa ko sa Atlas (under Roces management) bago ako tumigil ng halos limang taon dahil sa hirap ng kita.

1995, bumalik ako sa komiks. Sa GASI ako unang tumakbo dahil dala ko pa rin ang lesson na mahirap pa rin pumasok sa Atlas kapag bago ang estilo mo.

Ilang script din ang nai-drawing ko noon sa GASI, pero ilang beses din akong nakaranas ng rejection. Isa ito sa hindi tinanggap sa akin noon sa Pantasya Komiks, akala ko noon ay nakagawa ako ng bagong estilo iyon pala ay hindi rin pala ako uubra.



Ang hirap ng buhay ng baguhang illustrator gaya ko, kaya nakapag-decide ako noon, hinding-hindi na ako hahawak ng lapis, magsusulat na lang ako. Iyon ang nag-trigger kung bakit ako naging writer (daw).

Pagkalipas ng napakaraming taon, na-realize ko, walang pumasok sa komiks na hindi na-reject-an. Walang instant genius sa komiks. Lahat ng bagay ay pinagsisikapan. Kasama dito ang pagtitiis. Experience ang malaking dahilan kung bakit malakas ang loob ko na gawing career habambuhay ang komiks. Ngayon ko lang nalaman, hindi pala training ground ang GASI at Atlas noon…ang mga ito ay mismong battlefield.

Kung hindi ako nasaktan noon sa mga publications na ito, malamang ay wala ako ngayon sa komiks. Dahil alam ko na hindi lang ako napadaan noon sa publication, talagang may mga peklat itong iniwan sa akin.

Araw noon ng Biyernes, kasama kong nakaupo ang isang illustrator. Dalawa lang kaming tao sa hallway. Maya-maya ay dumating ang isang editor, hindi ko alam kung lasing dahil susuray-suray. Sabi nu’ng kasama ko, “Sir, magri-release ba kayo ng script?”

Sabay tawa ng editor, “Walang release ngayon, hold ako!”

Hindi ko alam kung paano nangyari, basta bigla na lang kaming hinabol ng lasing na editor, tawa siya ng tawa. Takbo naman kami na tawa rin ng tawa. Paglabas namin sa gate, sabi ng kasama ko, “Hayup na ‘yun, pinag-tripan pa tayo. Lasing na lasing si loko!”

Tatawa-tawa lang kaming umuwi pero ang totoo ay pareho kaming nasaktan dahil hindi kami nabigyan ng trabaho.

21 Comments:

At Friday, April 04, 2008 6:25:00 AM, Blogger KOMIXPAGE said...

Dito mapapansin na halos lahat ng naging writer sa komiks ay nag-ambisyon munang mag-drawing sa komiks or vice versa. Kung saan sila nag-hit doon sila nag-stick. Bihira sa contributor noon ang di nakatikim ng frustrations, at kabiguan. Ang di makatiis, umalis, ganoon ang sistema pero kung ika'y makulit at may talent sa kalaunan, iyong gusto mo rin ang masusungkit. Tulad mo, nabasa ko rin ang mga istorya mo noon at isa ka sa mga writer na "may lalim at may mensahe ang sinusulat noon" Iyon ang trademark mo na aking naobserbahan.

 
At Friday, April 04, 2008 2:46:00 PM, Blogger JEFFREY MARCELINO ONG said...

Nag-umpisa rin ako sa GASI bilang illustrator, sa Komedi komiks, ilang beses ako nagpabalik-balik kay Rey Leoncito (editor) bago nabigyan ng script. Nang humawak siya ng isang horror komiks, sinubukan kong magbigay ng sample drawing na ako rin ang nag-script. Nagulat ako sa komento niya: “Naku, Jeff…magsulat ka na lang…mas may potensiyal ka!”

Ilang horror stories din ang nai-drawing ko hanggang sa tuluyan kong bitiwan ang pag-i-illustrate, nahalata ko kasi na ang bagal ng improvement ko, isa pa'y hindi ako kumikita ng maganda.

Nang subukan kong mag-focus sa pagsusulat, hindi na ako nakawala rito. The rest is history.

Kanya-kanyang kapalaran lang iyan, kung saan tayo nakatadhana, doon tayo ipapadpad ng agos ng buhay.

 
At Saturday, April 05, 2008 8:32:00 AM, Blogger Reno said...

Ang hirap talagang umuha ng script sa mga editors/ Lalo na ako laging late kung dumating at nauubusan. At hindi porke ayos ang style mo sa isang editor ay bibigyan ka na rin ng iba. Ao madalas kay Cely Barria o kay Ollie Samaniego (na parehong may horror komiks na hinahawakan) lang nakakapagtrabaho. At ginagawa ko, akin na rin ang kuwento at dibuho para siguradong may trabaho ako. Sumubok din akong gumawa ng love story para sa Precious, yung isa ay kuwento lang, yung isa dibuho din lang. Napansin ko na nasanay ako masyado sa horror, kaya't kailangan linis-linisin ko yung style ko. Nang gawin ko iyon, nakakuha din ako ng trabaho kay Ric Poblete, editor ng United SuperStories.

Mahirap nga sa Atlas. Sumubok din ako doon pero hindi nakapasa. Bukod pa doon, hindi accessible ang building nila tulad ng GASI.

Ang sarap mag-reminiscing, 'no? :)

 
At Saturday, April 05, 2008 3:57:00 PM, Blogger pamatayhomesick said...

pare na-alala ko nung sinama moko sa gasi at atlas,naramdaman ko yung paghihirap mo,sabi ko nga sa sarili ko nun,nung time na nasa college day pa tayo,mukhang masyado mong mahal ang komiks,naalala ko rin nun nung time din na sinama mo ako sa bahay ni sir hal santiago,nakita ko yung mga pagsisikap mo...kaya eto ka na ngayon,masasabi kong malayo na ang narating mo sa larangan ng komiks arts.

 
At Saturday, April 05, 2008 3:57:00 PM, Blogger pamatayhomesick said...

pare na-alala ko nung sinama moko sa gasi at atlas,naramdaman ko yung paghihirap mo,sabi ko nga sa sarili ko nun,nung time na nasa college day pa tayo,mukhang masyado mong mahal ang komiks,naalala ko rin nun nung time din na sinama mo ako sa bahay ni sir hal santiago,nakita ko yung mga pagsisikap mo...kaya eto ka na ngayon,masasabi kong malayo na ang narating mo sa larangan ng komiks arts.

 
At Sunday, April 06, 2008 2:39:00 AM, Blogger TheCoolCanadian said...

Naku, grabe pala ang naging experiences ninyo sa komiks. Kasi naman siguro dahil papalubog na noon ang industry kaya ganito ang naging sitwasyon.

Diyata't talaga palang TIGMAK SA DUGO AT LUHA ang naging karanasan ninyo. Mapalad pala kami nina Vincent Kua noon. Walang ganito akong nakita sa industry. Besides, kabi-kabila noon ang mga publishing houses. Ang dami mong pagpipiliang publications. At saka noon, hindi ang editor ang titingin sa sample drawing mo, kundi ang editor in chief mismo. Sa Atlas noon, si Tony Tenorio lang ang makapag-a-approve kung ang drawing mo ay okay o hindi. Well, ito ay ayon lang naman sa karanasan ko. So, in my time, kapag na-aaprove ni Tenorio ang drawing mo, ayos na. You don't have to deal with any editors. Centralized noong masyado ang patakaran sa Atlas. At wala nga akong kamalay-malay na kapag malapit ka pala sa editor in chief ay may mga naiinis sa iyo dahil akala nila, may favoritism - na tulad ng impression ng kung sinong Tunay na Pinoy na dati rin daw na nagkokomiks.

Pero sa panahon ninyo, yung mga eksenang hindi nababayaran ang mga talent ay wala iyan. Kaya nga ni sa guni-guni ay hindi ko inakalang nag-deteriorate nang husto ang situation.

And that's why let me congratulate you all for sticking to the medium you love – komiks. Dahil siguro, kung ako ang nasa lugar ninyo, baka mabilis pa ako sa alas-kuwatrong nag-scoot sa larangang ito – at siguro'y naupo na lamang ako sa gilid ng simbahan ng Quiapo at manghuhula sa mga taong gustong makarating sa SAUDI. At tiyak, lahat ng huhulaan ko'y MAKAKARATING LAHAT SA SAUDI. Pero may balakid: Puwede silang MAPUGUTAN NG ULO (sa itaas ito, ha? Hindi sa ibaba). Kaya sasabihin kong... matutupad ang pangarap mong makapag-SAUDI, pero.... dahil baka mapugutan ka ng ulo, magdadalawang isip kang makarating doon. Kaya ang bola ng volleyball ay ililipat ko sa kabilang court at sila na ang bahalang magbitbit nito sa Saudi.
E di lusot na ako sa hula ko.

Pero, nagtataka rin ako kung bakit noong mga panahon ding iyon ay parang walang gustong magsulat sa TV, gayong di-hamak na mas malaki ang bayad. I am still wondering up to now why very few komiks people decided to branch out to TV. It is evident that there was a shoirtage of TV writers in my time. Or else, why would Channel 2 sign me up for 7 weekly TV dramas? Para akong rice mill sa kasusulat noon. At aaminin kong kapag ako'y nagigipit sa oras na makapag-commit sa mga tv shows, nagiging episodes ang ibang komiks stories ko but adjusted to fit the medium of TV. May mangilan-ngilang nag-sulat ng ilang tv noon tulad ni CENEN RAMONES, ED LEANILLO at RUSTY SANGALANG, pero mga once ot twice, tapos wala ka nang makita pa. This goes to show that komiks was extremely strong in those day, plus siguro'y ito talaga ang love nila, like Vincent Kua. Ilang beses kong kinumbinsi na magsulat iyon sa TV pero ayaw talaga.

And then... when the komiks crashed... sa tvt sila nauwi lahat ... and it must have been really devastating for them.

Again, you guys are awesome for hanging in there and contuing to do komiks. Kundi'y tiyak na tuluyan nang mamamatay itong medium na ito sa ating bansa.

 
At Sunday, April 06, 2008 3:28:00 AM, Blogger monsanto said...

Talagang mahirap sa GASI noon. Nung nagsimula rin ako, di rin makapasa ang mga dibuho ko. Pero wala ring script na inaabot kaya ang samples ko may nakakabit na sulat kong script. Kadalasan, bagsak ang drawing pasado ang script. Kaya naman kahit na pamasahe man lang habang nangangarap ay nagkakaroon ako. Hanggang sa Pinagbigyan na ako ni Mike Tan at Tita Beth na gumawa para sa titles na hawak nila, alangan man sila kasi medyo bago nga ang style ko. Bata-Batuta ang nagpatagal sa akin sa GASI. Doon ako may gawa lagi pero dahil konti lang ay sadyang kakapusin sa pera. Buti na lang at Lumabas ang Kick Fighter at inialok sa akin ang Biotrog, yung time na iyon ay talagang suko na ako. Pero after that, mabilis na lumaki ang tiwala nila sa akin. Hanggang sa dumami na ang mga gawa ko sa Infinity at Sonic Triangle. Medyo Konti lang sa GASI pero ok na. Minsan weather weather nga talaga. After a while, ay nawala na rin ang mga gigs at balik sa bokya hehe, at ang naipon? Naubos din. Salamat na lang at napadpad ako kila Whilce at nabigyan ng pagkakataong makabawi ang maggrow personally and professionally.

Minsan, makukuha rin ang lahat sa tiyaga at pagmamahal sa profession na pipiliin mo, patuloy ang takbo ng buhay, alam kong marami pa ring beses na madadapa ako sa lupa. Pero lahat ito tulad ng pasakit sa buhay na dinanas ko na, isasangalang ko pa rin sa Diyos. Sa kanya di ako matatalo.

God Bless pare!

 
At Sunday, April 06, 2008 12:06:00 PM, Blogger JEFFREY MARCELINO ONG said...

Siguro iyong iba sa mga aktibo pang komikero ngayon ay hindi na nasaksihan ang mismong paghihingalo ng komiks, kami ng mga ka-batch ko na masasabi kong mga huling dugo sa komiks ay naranasan mismo ang delubyo. Unti-uinting namatay sa harapan namin ang industriyang minahal nating lahat.

Manong JM, baka magwala ka 'pag nalaman mong ultimo trenta pesos o baka nga may mas mababa pa roon ay itsineke pa ng isang publisher. Tumalbog pa ang mga tsekeng ito na nakakapagpakulo talaga ng dugo. Para kaming mga timawa noon na nakatanghod sa cashier, nakikiamot ng kapirasong tinapay para magkaroon pa ng lakas na maitulak ang aming mga tinta at pluma.

Mahal ko ang komiks, napasok ko na ang telebisyon pero binitiwan ko ito para balikan ang komiks ngayong mga panahon na nagsisikap tayong ibangon ito. Now i can say that comics is not really dead because of you, guys. We always share the same passion kaya sana makuha natin sa tiyaga...maybe, just maybe...magkaroon ng "second coming"!(mga komiks po sa bangketa ang tinutukoy ko)

Related Link:
http://sentimiyento.blogspot.com/2008/04/nostalgia.html

 
At Sunday, April 06, 2008 2:29:00 PM, Anonymous Anonymous said...

Randy, off-topic sa post mo pero you may want to check this video out:

http://www.expertvillage.com/video/19670_comics-novels-who-makes.htm

There's a short commercial at the beginning, but the rest is a short clip (part of a tutorial series) about this writer's experience collaborating with a Pinoy artist (unnamed).

-- regular blog reader

 
At Sunday, April 06, 2008 2:33:00 PM, Anonymous Anonymous said...

HA HA HA!

Check ko ulit yung title ng video. Tapos ginogle ko. Kaw pala.

$400!!! Pa kanton naman boss.

-- regular blog reader

 
At Sunday, April 06, 2008 3:05:00 PM, Blogger TheCoolCanadian said...

My God. Grabe naman iyan. Talagang terrible nga pala ang naging huling sandali ng lumang komiks industry.

Kaya nga hindi ako makapaniwala, kung bakit ang Sterling ay naglabas ng komiks na tig-aapat na nobela pa ang gawa ng mga nobelista, gayong maski tig-iisa lang sana muna para mas maraming writers ang makasulat uli. Sa halip na mas maraming points- of views ng manunulat ang magiging laman ng komiks, mas malawak pa ang appeal nito dahil iba-iba ang may gawa. It boggles my mind why they did it this way. Parang naging samahan ng mga MASON na mga miyembro lang ang puwedeng pumasok sa grupo.

At nauunawaan ko ang dahilan kung bakit umalis ka sa TV. Maski pala doon ay ibang-iba na ang set-up. Noong kapanahunan ko, sa akin lahat galing ang desisyon when it came to story, and even the casting. Walang POOL of writers noon na tulad ngayon. Hinati-hati pa nila ang income kaya mahihirapan talaga ang mga writers. Magulo pa. Dahil sala-salabat ang ideas, nawawalan ng unity ang script.

In the 70s, the set-up was very simple. Susulat ka ng script sa bahay mo. Dadalhin mo sa producer ang complete teleplay mo. Isasama mo ang breakdown ng scenes with list of props and costume for actors.

The producer will have the teleplay photocopied to be distributed to the actors, the set people, director, production assistants. You also give a list of actors that you feel are the right one for the roles. Kung may kaibigan kang gustong mag-artista at puwede naman, sabihin mo lang sa producer mo, tanggap agad ito. Ginawa ko ito kay Dennis Roldan at Fanny Serrano. Si Mitch ay friend ko, Si Fanny naman ay nakita kong nag-perform sa isang dinner show at kinausap ko kung interesado siyang gumanap sa TV. Pumayag naman at binigyan ko siya ng role na very challenging opposite the one and only, Rosa Rosal. Sumambulat ang picture tube sa mga eksena nila. In those days we were allowed to tape for 8 hours only. Kaya kailangang tapos ang lahat within that time. Kaya nga na-implement ko ang tinatawag kong BARBECUE scenes. Dahil puro tuhog ang mga ito. Kung minsan, 12 sequences lang ang isang script ko. Hindi naman kasi nadadala sa paramihan ng sequences ang isang tv show. Yung MAALA-ALA MO KAYA, sobrang dami sa sequences. Kaya ang bagal ng usad ng storya. Ang script ko noon, kaunti ang sequences, pero jampacked sa info at character build-up. Totoong mahirap para sa mga artista ito kasi mas marami silang kakabisahing lines at saka complicated blockings, pero pagdating sa telecast, tututukan ng viewer dahil walang information na inuulit sa mga eksena. Ika nga'y parang ilog itong rumaragasa paibaba ng bundok.

Dahil na rin sa Barbecue scenes, minsang guest si Gina Alajar ay pabirong sinabihan ako ng: "Napakasipag mo namang writer. Halos maubusan ako ng hininga sa two pages na sabog ng emotion. Akala ko'y hihimatayin na ako bago natapos ang scene." Mula noon, sa tuwing magkikita kami sa studio, sasabihin sa akin, "Hi, masipag na writer".

Si Alma Moreno naman, mahilig tumawad. Sasabihin sa akin "Boss, puwede bang tagalugin ko na lang yung napakaraming English dialogs? Nabubuhol ang dila ko, eh."

Sagot ko naman: "Actually, may nakahanda na akong translation. Pero yung madaling English dialogs, hindi na puwedeng palitan. Yung mahihirap lang, okay"

Ang problema ko kasi noon, masiyadong busy si Ness sa kaso-shooting. Kaya kung makuha man niya ang script ay sa araw na mismo ng taping.

Pero hindi puwede ang ganito kay Rosa Rosal. One week before the taping, kabisado na niya ang lahat ng lines.

Kaya nga malaki ang respeto ko sa mga luma nating artista. Sa halip na napakagagaling na, mga disiplinado pa.

Ngayong panahon siguro, wala nang ganito sa TV. Agawan na lahat ng eksena ang mga writers na pinagsama-sama sa isang project at may team lead na siyang mag-aaprove, eh wala namang alam sa scriptwriting.

Resulta: Disillusionment sa writers, at kadalasan ay disjointed ang mga eksena. Kaya nga nagsawa na ako sa panonood ng GMA at ABS-CBN dito. Ibang-iba kung ang sumulat ng script ay isang tao lang. Puwera na lang kung teleserye ito na naka-outline ang lahat ng characters at susundan ng bawa't writer sa pool ang characterization, at kahit ma- miss mo ng isang taon, pagpanood mo uli, ganon pa rin ang eksena at alam mo na uli. Kumbaga, hack writing talaga ang soap opera. Walang ka-appeal-appeal sa akin ito. Pero kung anthology ito na tulad ng MAGPAKAILANMAN at MAALA-ALA MO KAYA – artistic suicide ang kalalabasan ng pinagsama-samang manunulat sa iisang anthology. Gawin natin halimbawa sa komiks ito. Sa isang short story ay pasulatin natin ng first page si Carlo Caparas. Page 2 si Elena Patron. Page 3 si Pablo Gomes. Page 4 si Rico Bello Omagap.
Ewan lang kung ano ang resulta.
Counter-productive itong ginagawa ngayon ng mga TV networks. First, hindi na kikita ng tama ang mga writers at naka-gapos pa ang mga kamay nito. Ano pa ang kabuluhan para mamalagi ang mga ito sa ganitong klaseng impiyerno?
Ako man ang lumagay sa katayuan mo, iiwanan ko rin ang ganitong dagat-dagatang apoy.

I'm sure there will be other opportunities for young writers like you, Jeff. Don't be discouraged. There are other doors that will open for you.

 
At Sunday, April 06, 2008 6:10:00 PM, Blogger Randy P. Valiente said...

Regular Blog Reader--

Yup, ako ang gumawa ng Bronx Angel, mga 2 years ago pa yan. Isa mga naging friend ko sa internet si Dan Head. From time to time ay nagkakabalitaan pa rin kami.

Thanks sa link. Wala siyang nababanggit sa akin na ganito a hahaha.

 
At Sunday, April 06, 2008 6:14:00 PM, Blogger Randy P. Valiente said...

JM-

Nai-imagine ko talaga na maganda pa ang sitwasyon noon sa komiks at TV ayon sa kuwento mo. Malas lang talaga nung time namin, hindi namin natikman ang sarap na ito. Nag-try din akong magsulat sa TV, pero hindi ko rin kinaya ang sistema. At least sa publication (pocketbook), alam ko kaagad kung ano ang resulta, reject o tanggap, pero sa TV, para akong naka-hang noon sa ere, hindi ko alam kung ano na ba ako, pasok ba ako o wala lang.

 
At Sunday, April 06, 2008 7:58:00 PM, Blogger JEFFREY MARCELINO ONG said...

Manong JM

Thanks sa encouragements, palagi mong pinalalakas ang loob ko. Actually, ayaw ko sanang iwan ang TV kung hindi lang bastusan ang sistema. Gusto ko pa ring ipagpatuloy ang ang pagsusulat ng mga gumagalaw na characters, i'm planning to pursue indie film making, itutukoy-tuloy ko lang, sa ganitong field, walang mga Poncio Pilato na mangongontrol na parang mga puppet masters. Magagawa ko kung ano ang gusto ko, mailalabas ko ang totoong nararamdaman ko.

Randy,

Totoo 'yang sinabi mo, almost 50% ng inilagi ko sa ABS-CBN, para akong nakalutang sa ere, hindi dahil lasing ako sa tagumpay kundi dahil "floating" ako, literal na hindi ko alam kung ano ako, kung ano ang posisyon at kung ano ang magiging kapalaran.

Puro brainstorming, daldalan, okrayan, yabangan, kabaklaan at pagpatay ng oras.

Sa huli kong napasukang show, tatlong buwan akong nasa creative, kinse mil lang ang kinita ko all in all, pahirapan pa. May bonus pa 'yung pagkapahiya at sama ng loob.

In fairness, hindi naman lahat ng tao ngayon sa TV industry ay halang ang bituka, may mga nakasama rin naman ako na totoong tao, marunong lang silang sumayaw kung ano ang tugtog at mas matapang ang sikmura nila na lunukin ang nakangingilong sistema. Ultimo 'yung isa sa mga big bosses na naka-heart to heart talk ko minsan ay umamin na hindi siya masaya sa ginagawa niya, na kung tutuusin, mas gusto niyang magsulat ng paperback novels to be published internationaly. Gano'n talaga siguro ngayon, mahigpit ang kompitensiya dahil sa pahirap na pahirap na buhay sa Pilipinas.

 
At Monday, April 07, 2008 3:17:00 AM, Blogger TheCoolCanadian said...

Parang walang respeto ang mga networks ngayon sa mga writers. Kaya siguro ginawa nila ang ganitong kalakaran na pagsama-samahin ang marami para walang makapag-demand ng higher pay, kahi't pa maging hit ang series.

Pambabalasubas ito. Iyon nga, come and go ang mga writers at wala silang pakialam whether the writers live or die.

The question is: Is it worth LOSING your life working for such networks?

I don't think so.

Tama ang ginawa ninyo na kumawala sa pagkakagapos bago maging huli ang lahat.

The others however, were not so lucky. They paid such a big price for sticking to the stress and the emotional torture.

 
At Monday, April 07, 2008 10:53:00 AM, Anonymous Anonymous said...

JM,
Bakit naman nagkaganyan ? mag declare kaya ng Holiday ang mga writers ? tingnan natin kung uusad ang mga networks at telenobelas nila. Langit at Lupa ang agwat ng kinikita ng mga emplayado rito, samantalang namamasukan lang naman silang lahat para payamanin si Lopez di ba ? ang lalaki ng kita nila Kris, si Korina, et al di ba

Auggie

 
At Monday, April 07, 2008 5:37:00 PM, Anonymous Anonymous said...

agh! oo nga malas dahil inabutan natin ung bata bata system. at ang masaklap ung mga artists na tulad natin kahit okey namn ang trabaho di kana ulit mabibigyan kapag dika feel ng editor. tsk, pero marami rin naman sa batch natin ang kumita ng 10k pataas. malaki na iyon ng panahon natin tol. ung mga artist na alaga ng mga editor, kahit kasuka ang haribas na drawing. mga naglalakihang mata, kamay, at ulo. hehehe.

pero maswerte pa rin ako ng panahon na iyon at tayo ang nagkasama sa huling yugto ng komiks. dahil ikaw ang naging salvador ng pang-gatas ng anak-anakan ko. lagi pa tayong lasing kapag maghihiwalay. hehe.

alak pa. :)

 
At Tuesday, April 08, 2008 12:47:00 AM, Blogger JEFFREY MARCELINO ONG said...

Meng,

Kelan tayo iinom? Pag-usapan na natin 'yung tungkol sa sinasabi kong project. Sama ka sa pinupuntahan namin nina Ron, HAPPY ka du'n sigurado, maganda ang mga tanawin.

Nakarating na du'n si Randy, tanong mo sa kanya. Hehehe.

 
At Tuesday, April 08, 2008 11:23:00 AM, Anonymous Anonymous said...

Anong tanawin bro? hahaha! dina ako umiinom tol, pero pede ako sa ladies drink hahaha. tsige pag-usapan natin yan tol. paluluwagin ko lang ng konte commitment ko bro. maganda matapos na muna itong buwan ng abril, antay lang po! hehe:)

 
At Tuesday, April 08, 2008 11:57:00 AM, Blogger JEFFREY MARCELINO ONG said...

Sige, ite-table ka na lang namin. Hahaha! Hanggang dalawang ladies drink ka lang, ha? Hehe!

Tanawin. Hubog. Kurbada. Overlooking kasi iyon sa magubat na lugar, magaganda ang hubog ng mga punongkahoy, hanep ang kurbada ng mga kalsada. Punumpuno ng mga dangerous curves ang highway.

Tamang-tama sa month of May natin umpisahan 'yung project, binubuo ko pa 'yung concept. Pero nag-sign up na ako sa isang website, materials na lang ang kelangan.

Bisitahin mo blog ko, naka-link ka sa'kin, pare.

 
At Wednesday, April 09, 2008 9:42:00 AM, Blogger humawinghangin said...

hahhahaha! its nice to read about other people's war stories. nakakarelate din ako. i used to write for comics din sa sonic triangle so may mga latay din ako. every time i show drawing samples kay mon torres at kay joven tan, they keep saying magsulat ka na lang. funny thing, i made a vow na magiging comics illustrator din ako, then for awhile nag switch ako sa sculpting for props sa mga commercials, mas malaki pera dun that time, all the while i'm still thinking magiging comics illustrator din ako. hanggang sa mamatay nang tuluyan ang industriya! ayun, papaano pa ako magiging comics illustrator niyan?

 

Post a Comment

<< Home