Friday, August 21, 2009

RUDY NEBRES at iba pang BALITANG KOMIKS

Ilan lamang ito sa mga sample pages na gawa ni Rudy Nebres sa Maura na inilabas ng Comic Coffin. Nakatutuwang malaman na hanggang ngayon ay aktibo pa rin sa paggawa ng komiks itong isa beterano nating illustrator.

Kahit sa malayo pa lang ay alam mo na kaagad na si Nebres ang nag-drawing dahil kahit lapis lang itong mga pahina niya ay parang ni-render sa brush. Ipinagbibili ang mga original pages na ito at puwede kayong mag-inquire sa website ng Comic Coffin.

Inilabas din ng Heavy Metal Magazine ang Maura at nakabili ako sa Booksale kamakailan lamang.


*****

Nasa Singapore sana ako para umatend ng Singapore Toy, Game & Comics Convention kaso bigla kong iniruong ng last minute dahil sa takot sa A(H1N1). Balak ko pa naman ay bumili na ng tiket 6 months ago pa lang para makatipid sa pamasahe. Nakakatakot lumabas ng bansa ngayon dahil imbes na mag-enjoy ka ay baka magkaroon ka pa ng problema.

Nakapanghihinayang dahil ilang buwan ko na ring naiplano na pagkagaling ng Singapore ay dederetso ako sa Malaysia para umatend naman ng Comic Fiesta. Bus lang ang pagitan ng mga bansang ito kaya hindi gaanong magastos ang pamasahe. Para ka lang nagpunta ng Manila to Baguio ang layo.

Gusto ko kasing masubukan na umatend ng malalaking comics convention at kung anong klaseng comics culture meron sa labas ng bansa natin.

Inaasahan ko pa naman na mas malaki ang Metro Comic-con kesa sa Phil. Komikon, pero parang sa tingin ko ay may kulang sa nakaraang event. In fairness sa mga organizers, mahirap talagang magsagawa ng event na katulad nito.

Kasama nga sana ako sa signing at sketching pero pagdating ko sa signing area ay parang hindi ko alam kung ano ang gagawin. Hindi ko alam kung sino ang lalapitan ko, at hindi ko alam kung ia-announce ba nila sa stage, o lalapitan nila ako. Hindi ko alam kung dahil alanganin ba ang pwesto ng area para sa mga artist o talagang kulang lang sa plano para dito.

Napakaluwag nga rin ng buong Megatrade na halos puwede kayong mag-skating sa loob. Inaasahan ko pa naman na parang Toycon ito na siksikan sa tao, nagdala pa ako ng extrang damit dahil alam kong papawisan ako. Kung hindi nga lang dahil sa cosplay event ay baka hindi gaanong pinasok ang Metro Comic-con.

*****

May potensyal itong Philippine International Cartoons, Comics & Animation Festival na maging pinakamalaking event ng industirya natin. Ilang taon na rin kasi itong pinagplanuhan at mukhang maraming activities na magaganap.

Ito ay sa October 15-18 ng taong ito sa SM Megamall. Apat na araw ito na tuloy-tuloy ang kasiyahan ng mga tagakomiks at animation.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home