Sunday, October 09, 2005

JOLLIBEE EDITORS

‘Jollibee editors’ ang tawag ng mga matatandang manunulat at dibuhista sa mga editors noong mga unang taon ng 90’s hanggang sa tuluyan nang bumagsak ang GASI at maipagbili ang Atlas.

Para kasi sa kanila, ang mga editors na ito ay hindi naman alam ang pinaggagawa. Kumbaga ay pinabili lang ng suka, pagbalik ay humawak na ng komiks.

Ayon nga doon sa isang illustrator na nakausap ko, ang pinakahuling magagaling na batch daw ng mga editors ay iyong grupo nina Mike Tan, Cely Barria, Ollie Roble Samaniego, at mga kasabayan. Ang batch na ito (na pawang mga editors ng GASI) ay talagang ginamit ang creativity para lang mapalago ang komiks. Nangungunang komiks nang panahong iyon ang Shocker, Kilabot at Space Horror.

Sa Atlas, nagkaroon din ng bagong mga editors, tulad ni KC Cordero. Ngunit karamihan ay mga datihan na. Mayroon nga noong ‘separation of contents’ sa pagitan ng dalawang publication (ang dalawang ito ang maituturing kong magkalaban dahil ang mga ibang hindi naman kalakihang publishers—tulad ng Rex—ay nakikiangkas lang sa kung ano ang mayroon sa market). Ang mga ‘old school’ na tinatawag ay sa Atlas ang punta, samantalang karamihan ng mga baguhan at bagong tuklas na talents ay sa GASI ang tuloy.

Mas naging konserbatibo ang Atlas pagdating sa mga baguhan. Kaya kahit anong komiks ng Atlas ay halos wala kang makitang bagong illustrator. Hindi puwedeng sumingit kina Rico Rival, Nestor Malgapo, Steve Gan, Rod Santiago, etc. Sa GASI, kapag may potensyal ka, aalagaan ka ng editor. Totoong mahirap nang singitan sina Hal Santiago, Mar Santana, Noly Zamora, Al Cabral, Federico Javinal, etc., ngunit may mga komiks na nakalaan para talaga sa mga baguhan. At iyon ang gustong alagaan ng mga bagong sets of editors. Maraming bagong artist ang galing kina Barria at Samaniego. Na paglipas nga ng ilang taon ay bigla na ring nakilala sa komiks, tulad nina Rey Macutay, Ricky Espineda, Elmo Bondoc, Toti Cerda, Lucas Jimenez, etc.

Ngunit nang maramdaman nga ng mga new sets of editors na ito ang unti-unting pagkakaroon ng problema ng sales ng komiks, naghanap na kaagad sila ng mas stable na trabaho. Napunta si Barria sa Viva Television, si Tan ay nagsulat sa pelikula, si Samaniego ay nagtayo ng sariling publication.

Kaya ang nabakanteng puwesto noon ng mga editors na umalis ay napalitan ng ads sa mga babasahin na nangangailangan ng bagong editors ang GASI. Iyon na ang sinasabing pagsulpot ng mga ‘Jollibee editors’. Ang requirements, as usual, Mass Communication graduate, marunong magsulat (lalo na sa Filipino), at handang sumabak sa deadline linggu-linggo. Basic requirements ito, totoo naman, ngunit hindi lamang doon natatapos ang kailangan para maging editor ng komiks. Ang teknikalidad ng pagsusulat ay naituro na sa kanila sa eskuwelahan. Ang dapat nilang pag-aralan ngayon ay ang pagmamahal sa industriya, pag-aaral ng mabuti sa medium ng komiks, at marketing wise, kailangan ay bago ang idea na siguradong kakagatin ng mga mambabasa.

Dito nagkulang ang mga bagong sulpot na editors. Sabi pa nga ng karamihang contributors, mas mabuti pa sana kung galing na rin mismo sa mga contributors ang kinuhang editors. Ang daming magagaling na writers noon, ang daming mga ideas na nakasentro talaga sa komiks dahil iyon na mismo ang ginagawa nila. Kumpara naman sa isang MassCom graduate na sa tanang buhay ay hindi pa yata nakakabasa ng kahit isang komiks ng Pilipino dahil nababaduyan at nakokornihan. Sa dalawang ito, mas pipiliin ko na ang writer na sumasabak na sa komiks kesa sa isang sertipikadong MassCom na ngayon pa lang hahawak ng ganitong medyum.

Isa itong pagkakamali na hindi napagtuunan ng pansin noon ng management. At dahil nga walang bagong idea na sumusulpot sa publication, at patindi na ng patindi ang krisis na dinaranas ng komiks, naging ‘go-with-the-flow’ na lang ang mga editors na ito. Karamihan ng hakbang ng mga ito ay galing sa dikta ng mga nasa itaas.

Sa kabilang banda, sa panig naman ng mga bagong editors, naniniwala pa rin ako na mayroon kahit isa sa kanila na concern pa rin sa komiks. Ngunit dahil mas nangibabaw ang dikta ng may-ari, hindi na nila magawa ang gusto nila.

Ito kasi ang panahon na mahina na ang komiks sa market, kaya sinasarili na ng may-ari ang mga desisyon na ang tingin sa sarili ay siya lang at wala nang iba ang sasalba sa kanyang produkto.

Sa madaling salita, mismanaged sa industriya ang nangyari. Mula sa may-ari hanggang sa editor. Walang bagong idea na pumapasok, walang marketing strategy, walang goal.

At dahil pahirap ng pahirap na rin ang buhay sa Pilipinas, hindi na mapagbigyan ng publikasyon na magbigay ng increase sa mga editors na ito kaya’t napilitan na magsulat na rin ang mga ito sa komiks na kanilang hinahawakan. Ngunit nagreklamo ang mga writers dahil naghihirap na nga rin ang mga ito, inagawan pa ng trabaho ng mga editors. Nagbigay ng batas ang may-ari na hindi na puwedeng magsulat ang sinumang editor sa komiks na kanilang hinahawakan. Ngunit hindi rin naman maawat dahil kinontsaba ng mga editor ang mga kadikit na writers. Kaya ang nangyari, ang mga editor ang nagsusulat ng karamihan ng kuwento sa kanilang komiks, ipinangalan sa writer, at pagdating ng singilan, sa editor mapupunta ang bayad. Ang kapalit nito ay aaprubahan ng editor ang kahit anumang script (kahit saksakan ng pangit ang kuwento at plot) na ipasa ng writer. Ang nakatatawa pa, karamihan din naman ng kuwento ng mga editors na ito ay saksakan din naman ng pangit (medyo brutal ba ang deskripsyon ko?), idinamay pa ang reputasyon ng writer dahil nakapangalan dito ang script.

Nagkaroon tuloy noon ng tampuhan sa pagitan ng mga ilang writers at editors. Nagtataka kasi ang mga contributors, bakit ang script nitong isa ay maganda naman, bakit hindi inaprubahan. Samantalang itong isa naman na gasgas na at walang twist ang kuwento ay naaprubahan kaagad.

Isa pa sa pandarayang ginawa ng mga editors na ito ay ang paggawa ng voucher. Ang sistema kasi sa publikasyon, kapag nai-drawing na ng illustrator ang script at ipinasa na sa editor, gagawan na ito ng voucher para masingil na kaagad (tuwing Miyerkules at Biyernes ng hapon ang singilan). Ngunit dahil nga naghigpit na rin ang may-ari, nagkaroon ng limitasyon ang bawat voucher na ipapasa sa cashier. Hindi dapat lumampas ng sampung kuwento (nobela man o short story) ang dapat na ipasingil sa bawat komiks na hawak ng editor sa isang araw ng singilan. Halimbawang ang ipinasa mong materyales ay lumampas na sa ikasampu, sa susunod na linggo mo na ito masisingil. Ngunit dahil nga karamihan ng laman ng komiks ay editor ang may gawa, mas una niyang ginagawan ng voucher ang sarili kesa sa iba. Kaya may mga pagkakataon na iyong kawawang writer at illustrator, isang buwan nang nag-aabang ay hindi pa rin nababayaran. Samantalang iyong ginawang kuwento ng editor, kapapasa lang kaninang umaga, masisingil na kaagad kinahapunan.

Masakit ang mga huling araw sa komiks noon. Para kaming nilulunod sa isang baldeng tubig. Pero ang nakapagtataka, hindi namin iniiwan ang komiks. P75 per page ng drawing, P216 naman ang 4-page na script. Pagbali-baligtarin man ang mundo, hindi makakabuhay kahit ng aso ang ganito kaliit na kita. Pero nandoon pa rin kami sa GASI, sa Atlas, sa Counterpoint, nagtitiyaga. Kahit bayaran kami ng isandaang piso (nakatseke pa at post-dated ng isang buwan—maniwala kayo na totoong nangyari ito), ay tinatanggap pa rin namin. Walang nakakaalam ng tunay na kalagayan ng komiks nang panahong iyon kundi kaming mga nagtitiyaga pa rin doon. Kung may dapat hangaan sa komiks, hindi lang iyong mga nagsimula. Pati na iyong mga kinamatayan. Hindi sa sinasabi kong dapat ninyo akong hangaan dahil isa ako sa kinamatayan nito, kundi gusto ko lang ipakita na ang pagpapahalaga ng mga bagong gumagawa ng komiks ngayon (publishers at creators) ay hindi tulad noon. Walang blog, walang forum, walang usapan ng history ng komiks, walang mga artworks na hinahangaan. Ang madalas na usapan namin noon ay, “Nakasingil ka na ba?” “Nabigyan ka ba ng script?” “Pautang naman ng pamasahe.”

Masuwerte ang mga bagong gumagawa ngayon ng komiks. Maraming lugar na puwedeng puntahan, napakaraming independent publishers sa abroad na isang pindot mo lang sa internet ay makokontak mo kaagad, may mga agents na nagbibigay ng pagkakataon na makagawa sa mga major publications sa Amerika, at kahit paano ay mataas na ang bayad at tingin ng mga baguhang publishers sa mga writers at illustrators ng komiks ngayon, at higit sa lahat, wala na ang monopolyo na kumokontrol sa lahat ng gustong gumawa ng komiks. Kaya na ngayong i-distribute ng isang creator ang kanyang gawa sa mga bookstores at shops na hindi na siya dadaan sa butas ng karayom.

6 Comments:

At Monday, October 10, 2005 4:31:00 PM, Anonymous Anonymous said...

Ang mga editors na binanggit mo ang mga inabutan ko noong nagkokomiks din ako. Madalas ako kay Cely Barria (na crush ng bayan noon diyan sa GASI), paminsan minsan may nagagawa din ako para kay Ollie. Hindi ko alam kung bakit hindi ako makasingit noon kay Mike Tan. Marahil kasi ay yung mga ine-edit niya noong panahong nandoon ako ay pulos nobela ang nilalaman at kakaunti ang maikling kuwento.

Mas "open" nga sila sa mga bagong estilo ng panunulat at pagdidibuho, hindi tulad ng mga matatandang editor doon na ang hirap makapagpasok ng trabaho.

 
At Tuesday, October 11, 2005 10:01:00 AM, Blogger Randy P. Valiente said...

Lahat yata noon may crush kay Cely, magaling na maganda pa. hehe as in pwede talagang mag-artista.

 
At Friday, October 14, 2005 12:10:00 PM, Anonymous Anonymous said...

sa madaling salita, naging praktisan ng mga baguhan ang GASI at ang mga established illustrators ay sa na-maintain ng Atlas.

 
At Friday, October 14, 2005 12:34:00 PM, Blogger Randy P. Valiente said...

Hindi natin puwedeng sabihing naging praktisan, siguro mas naging realistic lang ang GASI. Darating at darating kasi ang panahon na mawawala ang matatandang illustrators at kailangang may pumalit na bagong batch. Saka hindi rin naman lahat ng baguhan ay tinatanggap, may basehan pa rin naman ang mga editor kung dapat ngang tanggapin ang illustrator na nag-aaply, pasado na ba ang drawing o kulang pa?

 
At Friday, April 28, 2006 7:12:00 AM, Anonymous Anonymous said...

Isa ako sa mga tinaguriang "Jollibee Editors". Ngayon ko lang nalaman na ganoon pala ang tawag sa batch namin. Anyway, hindi ko na rin masasabing baguhan ako sa industriya noong maging editor ako dahil "exposed" na rin ako sa Komiks. Komiks ang bumuhay sa akin at ang nagdala sa akin sa unibersidad. Dahil sa aking ina na si Elena Patron ay natuto akong magmahal at magmalasakit sa industriya. Nakakalungkot nga dahil ang mga araw ko sa GASI ang masasabi kong pinakamakulay at masaya. Sana ay mabuhay muli ang industriya. Mabuti nga at inilalabas ngayon ng ABS-CBN ang seryeng KOMIKS at hanggang dito sa Amerika ay aking napapanood sa pamamagitan ng TFC ang ilang mga serye at nobelang aking nakatuwaang basahin.

-Ardee

 
At Tuesday, March 18, 2008 8:28:00 PM, Anonymous Anonymous said...

bro, si ron sapinoso to. editor ko si cely barria sa shocker komiks at later sa darkzone komiks ng west publishing... tanong ko lang bro kung may email ka ni cely barria... ang alam ko nag asawa na sya at naging santiago na... eto email ko pre...

rmsgentlewind@yahoo.com

salamat bro... mabuhay ka

 

Post a Comment

<< Home