Saturday, March 17, 2007

STYLE

Isa sa hindi ko malilimutang eksena sa pakikipag-meeting sa mga beterano ay ang pagtingin nila sa mga karamihang gumagawa ng komiks ngayon na..produkto ng manga (Japanese comics) generation.

Ako man, ay parang itinuring nila na kasama doon sa mga manga artists na makikita sa mga komiks na lumalabas ngayon sa market.

Nagulat na lang ang mga beterano nang pagdating ng exhibit ay wala ni katiting na impluwensya ng manga ang gawa ko. In fact, maraming nagtaas ng kilay at kumunot ang noo nang makita ang mga naka-exhibit kong drawings sa NCCA.

Sabi ng isang empleyado sa Komisyon sa Wikang Filipino, “Randy, parang iba yata ito sa mga ipinakita mo sa amin dati.” Pinakitaan ko kasi sila ng ilang pages ko ng Guardian Empires at iba pang mainstream comics drawing ko sa US.

Sabi naman ng isang beteranong artist nang makita ang gawa ko ng isang ‘java man’ na nasa itaas ng baliku-balikong building, “Gusto ko ang concept mo dito. Ang hindi ko lang gusto ay ang perspective nitong mga buildings. Hindi ko malaman kong nasaan ang vanishing point.”

Ang nakaintindi sa akin ay si Mang Ernie Patricio. “Gusto ko itong gawa mo dito, surreal,” itinuro niya ang drawing ko ng isang pamilya na nasa loob ng isang kahon, na iba-iba ang ground level. Sa palibot ng drawings ay nakasulatang kung anu-anong mga kabastusan jokes na lahat ay kinopya ko lang sa mga text na ipinadala sa akin ng akin mga kaibigang bastos ding tulad ko.

Ano bang style mo?

Tingin ko ay hindi na aplikable sa akin ang tanong na ito. Ayokong ma-identify sa isang style, o tatlo o kahit sampung style. Ang style para sa akin ay isang outer image na kayang pag-aralan ng kahit sino depende sa kanyang kapasidad.

Nang makatabi ko ulit si Mang Ernie nang magpunta kami sa Malakanyang, tinanong niya, “Gusto mo nang mag-painting ano? Mas masarap gumawa sa malaking kuwadro.” Siguro nababasa niya, iba ang takbo ng utak ko pagdating sa visual arts.

Tama siya.

Galing ako sa conservative traditional komiks art, at ito ang itinuro sa amin ni Hal Santiago. Ngunit habang lumalaki ako, na-expose ako sa iba’t ibang klase ng art disciplines—teatro, pelikula, literature, musika. Naging laman ako ng kalye at nakisama sa mga aktibistang ang lahat ng art na makita ko ay puro social realism—may brutal ay may malumanay. Napunta rin ako sa underground punk scene kung saan mas baliw ang mga artists na nakilala ko—isang kabigan ang nakasama ko sa exhibit, ang entry niya, gumawa siya ng pagkaganda-gandang canvass, pagkatapos ay sinalpakan ng patay na ipis ang gitna ng kuwadro. Nilagyan niya ng title, ‘Nukleyar’.

Noong una ay napamura ako, “Baliw yata itong mga hinayupak na ito! Saan ka naman nakakita na ang idi-displey mo ay ipis?”

Pero lumaon, natanggap ko ang ganitong mga oryentasyon. Siguro ibang level ang ganitong mga artist. O baka ibang dimension.

Dahil sa ganitong mga experiences sa art scenes, nadala ko sa komiks ang ganitong art appreciation. Kaya ngayon, hindi na ako naaaliw na pagbasahin mo ako ng mga mainstream comics—lalo na superheroes na mula simula hanggang matapos ay puro sapakan, tadyakan, barilan at bombahan. Binabasa ko na lang ang mga ito dahil kailangan. Kung makakapasok ako sa Marvel at matupad ang pangarap ko na makapag-drawing ng Iron Man, ay kailangan kong pag-aralan ang lahat ng ito.

Ang binabasa kong komiks ngayon ay galing lahat sa underground at independent scene ng Amerika at Europe. Mas nakaka-relate ako sa content nila. Hindi dahil sa napapangitan ako sa gawa ng mga Pinoy o dahil nagpapaka-‘deep’ ako pero, anong magagawa ko, ako ang taong gustong makakita lagi ng bago at makabasa na masa-satisfy ang gusto ko. Ang komiks sa akin ay parang ulam—kapag adobo ngayon, sana bukas ay menudo naman, o kaya sa susunod na araw ay sardinas naman. Ayoko nang buong linggo ay puro adobo na lang.

Bakit ko nasasabi ang lahat ng ito? Siguro dahil sawa na ako doon sa isyu ng style.

Sa tinagal-tagal kong nakipaglokohan dito sa mundong tinatawag na ‘demonyong art’, dumating ako sa puntong ang paghahanap ng style ay hindi na puwedeng hanapin sa labas. Kailangan mo nang puntahan kung ano nasa loob mo. Kailangan mo nang mag-explore ng sarili. Hindi na puwedeng habambuhay ay nakatali ka na lang doon sa mga reference na ilang taon mo ring dinilaan at sinamba. Kailangan mong dumating sa puntong ang pinakamagandang style ay iyong ‘maliit na tao’ na nasa loob mo mismo. Ang maliit na taong iyon ay ikaw na gustong kumawala para makita ng iba.

Hindi ko sinasabing walang kuwenta kapag nanggaya kayo ng ganito o ganoong style. Ang sinasabi ko lang ay it’s time to move on. Evolve. Gusto ninyong dalhin sa next level ang komiks. Simulan ninyong dalhin sa next level ang art appreciation ninyo.

Ang komiks ay isang ‘language’. Hindi ito isang medium na kailangan ay realistic ka mag-drawing ng mata, o macho ka kapag nag-drawing ng lalake. Ang komiks ay isang medium para iparating sa readers ang gusto mong iparating. May kani-kaniyang paraan ang bawat tao.

Isa sa pinakamagaling na American artist para sa akin na malaki ang impluwensya ng Japanese style na may halong graphic design ay si Aubrey Beardsley. Namatay siya sa edad na 26. Nakapag-produce siya ng mga drawings na halos I-ban sa buong art world. Pero habang nakikita mo ang kanyang mga trabaho, malalaman mo na ang taong ito ay genius sa art.

Si Beardsley ang isa sa ‘wild’ artist noon ng Art Nouveau era.





Siguro habang binabasa ninyo ito, naiisip ninyo na ibang dimension ang tingin ko sa komiks art. Na tingin ko ay hindi, kasing-normal lang natin ito lahat. Ang mensahe lang na gusto kong iparating ay ito…PANAHON NA PARA KUMAWALA SA WESTERN, JAPANESE O FILIPINO STYLE. PANAHON NA PARA IPAKITA SA MUNDO NA IKAW AY PRODUKTO NG SARILI MONG TALINO.

4 Comments:

At Sunday, March 18, 2007 3:17:00 AM, Blogger TheCoolCanadian said...

Randy:

I agree that an artist's work must EVOLVE. And for me, in order for an artit to be called original is by finding his own self. The influence of Manga, Pinoy, western, et al, will support one to his evolution years, but he can't forever stick with it and - ROT as an artist. I've seen some who stuck with their copycat style till they died. Hence, I can only call them RENDERERS, not true artists. Some may be extremely good technicians and artists as well, but they come like the snow in summer.

That's why I always mention the name ROSS MATIENZO in the local komiks. He's one brave soul who defies the traditional drawings of Rendondo and company by insisting his own way of illustrations - come hell or high water.

Not that I adore the guy's drawings, no. But heck, he 's a rara avis during his time. And this is what being an artist is all about: being one's self, being an invidual.

It is not a sin to be a manga or pinoy or western drawing enthusiast, but it is being your own is the BEST STYLE, if you will, because if we look closer, PICASSO can never be VAN GOGH , and Van Gogh, can never be a Picasso.

Therefore, to be a true artist, one must evolve himself into his own. Isn't that ironic?

It is like the old proverb in tagalog: GAANO MAN KAHABA ANG PRUSISYON, SA SIMBAHAN PA RIN ANG TULOY.

An artist might start as a Redondo, then evolved as Manga, then became a follower of WAYANG KULIT and WAYANG PURWA, but if he does not develop his own voice, he'll always be a renderer and/or technician to me.

This applies to the writer as well. Many of them thought that the only way they can write is by emulating O HENRY or DE MAUPASSANT, like many of the ones who worked in the old komiks industry.

And just like the example above, JAMES JOYCE can never be KAFKA, and Kafka can never be Joyce.

INDIVIDUALITY. this is what makes or breaks an artist.

- Rev. Father Taurus Warrior, CD, DVD, HDTV

 
At Monday, March 19, 2007 10:51:00 AM, Blogger ARTLINK STUDIOS said...

Very nice par, very well said. saludo ako sa points!As an artist, we must not stop from creating even to the point we will not stick into one style only. That is our essence as an artist-- to create.A style is but just a tool of an artist to express himself.:)

 
At Monday, March 19, 2007 1:06:00 PM, Blogger Randy P. Valiente said...

JM-
Very well said. Aprub.

John-
Kaya ako pag tinatanong kung ano ang style ko, sinasabi ko: DOG :)

 
At Tuesday, March 20, 2007 9:42:00 AM, Blogger ARTLINK STUDIOS said...

wahahahahahahahahaha! bilib talaga ako sa talas ng humor mo par.:)

 

Post a Comment

<< Home