Wednesday, April 09, 2008

ANG AKING MAKINILYA

Nitong mga nakaraang linggo ay bigla na lang pumasok sa kukote ko na magkaroon ng documentation ng mga karanasan ko sa publication. Naisip ko kasi, hangga’t malinaw pa sa memorya ko ay kailangan ko nang isulat, baka kasi dumating ang time na makalimutan ko na. Napakarami ko pa namang makukulay na karanasan, na siguro, kahit isa o dalawang tao lang ang makabasa at maging inspirasyon ito, ay malaking kasiyahan na sa akin.

Ang pinakamahal ko sigurong gamit na nabili noong nasa publication pa ako ay ang makinilya (typewriter). Noon kasing illustrator pa lang ako, ang madalas ko lang bilhin ay cartolina, ink, pen at brush—na kahit pagsama-samahin pa ang presyo sa isang bilihan ay hindi pa yata aabot ng P300.

1993 noon, wala na sa isip ko ang publication. Nakapasok ako sa head office ng Mister Donut bilang in-house artist. Nagdi-design ako ng mga posters, streamers at banners tuwing may promo ang kumpanya. Huminto na ako sa pag-aaral nito dahil na-realize ko na hindi ko pala gustong maging Architect balang araw.

1995 nang ideklara ng Naquepo Food Corp. na ibenta ang Mister Donut sa RAMCAR (ito rin ang may-ari ngayon ng KFC). Na-retain ang ilang tao kasama sana ako, pero napagpasyahan ko na hindi ko na rin kaya ang mag-design ng poster araw-araw. Feeling ko ay hindi ako maggu-grow sa ganitong sistema.

Nag-resign ako sa kumpanya, at sa tatlong taon na itinagal ko sa trabaho, nakakuha ako ng separation pay na P12,000.

Pasilip-silip na ako sa mga bangketa noong 1995 kung anong komiks ang lumalabas kaya kahit paano ay naa-update ako sa mga titles. Kaya nang nakuha ko nga ang separation pay ko ay hindi na ako nag-aksya pa ng panahon na maghanap ng ibang trabaho, tumakbo na kaagad ako sa publication. Sinubukan ko ulit mag-drawing pero sandali lang at nagsulat na ako.

Ang natira sa perang nakuha ko ay ibinili ko ng second hand na typewriter na nakita ko sa isang lumang ukay-ukay sa Cubao. Nagkakahalaga ito ng P1,200. Medyo maliit ang sukat nito, magaan at puwedeng dalhin kahit saan ako abutin.

Ang makinilyang ito ang pinaka-importanteng bagay sa akin noon. Mawala na lahat ng brief ko, huwag lang itong makinilya. Kunsabagay, apat na piraso lang yata ang brief ko noon hehe. Ito ang bumuhay sa akin sa napakahabang panahon ng aking pagiging writer. Nakapag-produce na ito ng mahigit isandaang kuwento sa komiks, mahigit 50 pocketbooks, at hindi mabilang na articles sa dyaryo, songhits, magasin at iba pa. Ito rin ang naging dahilan kung bakit nakakuha ako ng awards sa Center for Arts Foundation at AIDS Society of the Phils. sa mga isinulat kong kuwento.


Taong 2000 nang bumigay itong makinilya ko. Ilang letra ang ayaw nang gumana, kapag pinipindot ay bigla na lang kumakapyos at ayaw nang bumalik. Isang kaibigan ang nakita kong may makinilya sa bahay pero hindi naman ginagamit. Sabi ko, hiramin ko muna kesa naman nakatambak lang, iiwan ko muna sa kanya itong luma ko, balikan ko na lang kapag naisipan ko nang ipagawa.

Lumipas ang marami pang taon at hindi ko na rin naisauli ang hiniram kong makinilya, at hindi ko na rin nakuha ang dati kong ginagamit.

Ang dami na ring nagbago sa aking trabaho, nagbalik na ulit ako sa pagdu-drawing, at hindi ko na ulit hinawakan ang makinilyang nahiram ko. Itinambak ko na lang ito sa itaas ng cabinet, hindi ko alam kung tinubuan na ito ng lumot o baka ginawa na itong boarding house ng mga ipis at daga.

Last year, nang maglipat ako ng bahay, hinanap ko ang makinilyang ito. Hindi ko makita sa itaas ng cabinet. Nahalungkat ko na ang lahat ng sulok ng bahay pero hindi ko talaga makita. Naisip ko, baka ibinenta ito ng dating katulong namin sa bahay, o baka iniuwi sa kanila, siguro naisip niya na hindi ko naman ginagamit.

Nakailang upgrade na ako ng desktop computer, at meron na rin akong laptop. Mas masarap mag-type dito, ang dali ring mag-edit, at napakadaling gamitin. Pero hanggang ngayon ay naaalala ko pa rin ang pakiramdam ng gumagamit ng makinilya—ang madiing tipa sa bawat letra, ang kalyo sa mga daliri sa kapipindot, ang dumi ng ribbon kapag pinapalitan ko ito, ang pagpahid ng liquid paper kapag nagkakamali, ang amoy ng alikabok sa loob ng makinilya, at higit sa lahat, ang ingay ng takatak tuwing gagawa ako ng kuwento sa gabi.

Siguro kapag ang isang bagay na nakasama mo sa hirap at ginhawa, sa lahat ng iyong pagtitiis at pagsisikap, hindi mo ito makakalimutan kahit ang dami-dami nang nagbago sa iyo. Nararamdaman mo pa rin ito hanggang ngayon.

Kung mayroon siguro akong idi-displey sa bahay ko na magiging proud ako ng husto, ito ang makinilya ko. Hindi ko alam kung nasaan na ito ngayon (iyong una kong ginamit) dahil naglipat na rin ang kaibigan ko at hindi na yata ito dinala. Pero madali itong makilala, pinirmahan ko ito ng pangalan ko (ginamitan ko ng pentel pen) sa itaas katabi ng shift button, nakalagay din doon ang petsa kung kailan ko ito binili. Iniisip ko nga minsan, sana matiyempuhan ko ito sa Ebay.

4 Comments:

At Wednesday, April 09, 2008 12:41:00 PM, Anonymous Anonymous said...

Oo tol tama ka. pero hindi lang sa mga bagay, pati na rin sa mga tao.
tulad mo. ang isang tulad mo ay mahirap kalimutan kahit ang dami ng nagbago sa iyo. napi-fell pa rin kita tol, lalo na kapag nakikita ko ang mga tulad na picture na naka-post dito. bwahaha! mahirap makalimutan ang mga itsurahan natin dati. nagbibigay ng guhit sa mga labi, pero kahit paano napipigilan ko ang paglobo ng sipon sa katatawa. bwahaha :)

picture pa! :)

 
At Thursday, April 10, 2008 10:02:00 AM, Blogger Video 48 said...

Priceless at collector's item na ang makinilya mo na yun lalo't na may vintage signature mo pa, hehehe! I enjoy reading your posts and i am a frequent visitor of your blog. Good luck in your chosen field!

 
At Thursday, April 10, 2008 10:38:00 AM, Blogger Randy P. Valiente said...

Thanks, man :) Regular visitor din ako ng blog mo.

 
At Sunday, April 13, 2008 12:56:00 PM, Blogger Unknown said...

hahaha ikaw ba yan? kahit kelan mukha ka talagang adik! heheheh joke! may papadala akong pics sayo lasengo!

 

Post a Comment

<< Home