Monday, April 07, 2008

ANG GRUPONG WINDANG

Ang dami palang nakaka-relate sa akin na mga 90s komiks creators ng mga hirap na dinanas ko sa publication. Akala ko kasi sa akin lang nangyari, marami pala kami. Pero huwag naman sanang ma-misinterpret na puro hirap na lang ang nararanasan namin noon sa publication. Mas marami kaming masasayang araw. At ang mga masasayang araw na iyon ang nami-miss ko hanggang ngayon.

1996 ay hindi na ako nagpupunta ng GASI at Atlas. Nag-stick na lang ako sa West Publications (nasa likod lang ito ng opisina ng Counterpoint Publishing sa Roces Ave.). Ang nagpapatakbo ng West ay si Alfred Guerrero Jr., anak ni Alfredo Guerrero Sr. na siya namang nagpapatakbo ng Counterpoint.

Ang lahat ng editorial people ng West ay galing sa GASI. At hindi lang sila basta hinugot dahil may experience na sila sa publication, sila ang new breed ng pinakamagagaling noon na nagpapatakbo ng komiks. Nangunguna dito sina Cely Barria-Santiago (editor ng Shocker Komiks ng GASI) at Aloy Tuazon Serrano.

Medyo weird ang oras ng pasok sa West, pag umaga, sarado ang opisina, nagdadatingan ang mga tao ay hapon na. Kaya kahit pumunta ka ng alas nuwebe ng gabi, siguradong maaabutan mo pa sila. Kaya karamihan ng writers at artists na pumupunta sa West ay medyo pagabi na kung magkita-kita.

Wala na akong masyadong nasasamahang illustrators ng time na ito dahil nag-fulltime na nga ako sa pagsusulat. Naging soloista na ako tuwing pupunta ng publication. Minsan ay inabot ako ng gabi sa West, ang naabutan ko lang ay ang writer na si Rosahlee Bautista. Hindi ko gaanong kilala si Rosahlee, pag pumupunta kasi ito ng West, deretso kaagad sa editor pagkatapos ay uuwi na. Hindi nakikipagkuwentuhan sa ibang contributors. Si Rosahlee ay produkto ng Atlas, ang pagkakaalam ko ay si Tita Ofelia Concepcion ang unang nagbigay ng break sa kanya.

Baby si Rosahlee ng West dahil halos lahat yata ng komiks nila ay naroon ang trabaho niya. Magaling magsulat si Rosahlee. First time ko siyang nakakuwentuhan ng time na ‘yun. Niyaya niya ako kung gusto kong sumama. Sabi niya ay may pupuntahan silang isang theater group sa Quezon City at naghahanap ng mga writers. Sabi ko, sige go ako. Para ma-try ko ring magsulat sa ibang medium.

Kaya pala ginabi rin si Rosahlee ay may hinihintay pa siyang iba pang writers na sasama din. Maya-maya ay dumating sina Alexis Macalinao at Michael Sacay. Si Alex, nakikita ko paminsan-minsan ang trabaho sa West, pero madalas ay sa GASI lang siya kasama si Michael. Hindi ko sila kilala, nababasa ko lang ang mga pangalan nila. Pagkatapos nga naming magkakila-kilala ay isa na lang daw ang hinihintay namin.

Ilang saglit pa ay dumating si Marife Necesito, siya ang kontak nina Rosahlee sa theater group na sinasabi nila. Dalawang beses ko pa lang nakikita si Marife sa West, katulad ni Rosahlee, hindi rin ito nakikipagkuwentuhan sa iba. Medyo suplada. Pero kapag dumarating na ay naglilingunan na ang mga ‘manyak’ na contributors. Maganda kasi si Marife.

Ang pinuntahan namin ay ang Balintataw theater na itinayo ni Cecil Guidote-Alvarez. Doon na-develop ang pagkakaibigan naming lima. Mayroon ‘common force’ na nagtulak sa amin para maging close sa isa’t isa, saka siguro pare-pareho kaming mga weird. Kaya ang unang project namin sa Balintataw, hindi ko alam kung paanong nangyari, bigla na lang kaming tinawag na Grupong Windang.

Ang salitang ‘windang’ ay isang Filipino word na ang pinakamalapit yatang ibig sabihin ay ‘walang direksyon’ o ‘pasaway’. Nag-fit sa amin ang word dahil tingin ko ay pasaway naman talaga kami noon sa Balintataw.

Nakilala ko ng husto si Alexis dahil magkasama kaming umuupa noon ng boarding house. Nalaman ko na ang tunay niyang pangalan ay Paul Cubos. Naglayas siya galing sa Camiguin dahil pinipilit siya ng tatay na maging pulis samantalang ang hilig niya ay magsulat. Lakas-loob siyang nagpunta noon sa Atlas para mag-apply na writer. Dahil walang matuluyan sa Maynila, kung saan-saan siya napatira noon—kina Pablo Gomez at Joemari Moncal. Kasa-kasama ko sa hirap at ginhawa si Alexis, naroong maghapon na ang kinakain lang namin ay tinapay dahil pareho kaming walang pera.

Sa hirap ng sitwasyon namin, nasaksihan ko ang paghihirap na dinanas ni Alexis, hanggang sa bigla na lang siyang naging Born-again Christian. Ang basa ko sa kanya noon, kapag wala ka nang ibang matatakbuhan, kapag feeling mo ay binagsakan ka na ng lahat, wala ka nang iba pang malalapitan kundi ang Diyos.

Noong humina na ang komiks ay nag-iba na rin ang takbo ng utak ni Alex, hindi na siya gaanong nakipagsapalaran sa pocketbook gaya ko. Nagpaalam siya sa akin, gusto na niyang umuwi sa Camiguin at hihingi na ng sorry sa mga magulang niya dahil sa paglalayas niya. After a year, nabalitaan ko na lang na nag-aaral pala siya para maging isang Pastor.

Si Rosahlee Bautista naman ay graduate ng Biology at isa nang teacher pero iniwan ang mga ito para magsulat sa komiks. Mataas ang pangarap ni Rosahlee pero hindi lang talaga mabigyan ng break na maayos-ayos. Pagktapos naming mabigo noon sa komiks, nagpatuloy pa siya sa Balintataw hanggang sa maging kanang-kamay ng director na si Seigfried Sepulveda. Then, nabalitaan ko na lang na umentra na pala siya sa showbiz, una ay nagging showbiz reporter hanggang sa mag-manage na ng artista. Naging scriptwriter at assistant director siya sa El Niño Films na ang lahat ng ipinapalabas noon ay puro ‘kalibugan’. Nang humina ang ‘bold films’ ay iniwan na rin ni Rosahlee ang showbiz, na-realize niya na hindi rin ito ang mundo niya. Ngayon ay naka-base siya sa Pangasinan at nagma-manage ng isang maliit na business, ilang beses ko siyang niyaya na magsulat ulit pero tingin ko ay hindi na siya interesado, o talagang gusto na niyang mag-iba ng linya.

Si Michael Sacay naman ay graduate ng Political Science na bigla na lang noon sumulpot sa GASI dahil feeling niya ay kaya rin niyang magsulat. Magaling magsulat si Mike, in fact, naging baby naman siya ng Sonic Triangle, naglabas pa ng special komiks ang Sonic noon na puro Michael Sacay ang laman ng istorya at iba-iba ang nag-drawing. Nang humina ang komiks, tumakbo sa songhits si Mike para maging reporter ng music industry. Hanggang sa mabarkada siya sa mga banda, sumama sa mga music events at maging booker ng mga musikero. Pumalaot siya sa mundo ng musika, hanggang ngayon. Noong isang taon ay naaksidente siya, nabangga ng isang van habang tumatawid sa kalsada, mabuti na lang at hindi malala, pero ilang buwan din siyang hindi umalis ng bahay dahil iba na ang porma ng kanyang balikat dahil sa aksidente.

Si Marife Necesito naman ay isang theater actress noon pa man bago siya mapadpad sa Atlas. Estudyante siya ng isang magaling na actress na si Angie Ferro. Isa rin siyang pintor at paborito niyang medium ang oil pastel. Artist-at-heart itong si Marife. Noong mauso ang bold films ay binalak rin yata niyang makipagsabayan pero dahil may prinsipyo, hindi rin natuloy. At isa pa, kung papalaot man siya sa mundo ng pelikula, ang gusto niya ay makilala sa pag-arte at hindi bilang isang ‘artista na showbiz’. Sa ngayon ay makikita pa rin si Marife sa mga TV commercials at indie films. Katatapos lang niyang gawin ang isang international film na nai-shoot sa New York.

Sa aming lima, sa palagay ko ay ako ang umuwi sa tunay kong ‘bahay’. Ang komiks. Siguro dahil wala na akong ibang pupuntahan kundi ito, kaya wala na akong choice kundi bumalik dito. Saka naintindihan ko ang kasabihang: ‘There’s no place like home’ sa tunay nitong esensya.

Hindi ko alam kung babalik pa sa komiks ang apat na ito. Sa palagay ko ay hindi na. Ano naman ang babalikan nila? Ang Sterling? Ang indies? Siguro kung babalik sila, for-the-love-of-komiks na lang at hindi bilang hanapbuhay gaya ko. Saka naisip ko, baka ayaw na nila ng sakit ng ulo dahil masaya na sila kung nasaan man sila ngayon.


ANG GRUPONG WINDANG. Michael Sacay, Alexis Macalinao (Paul Cubos), ako, Rosahlee Bautista at Marife Necesito.

9 Comments:

At Monday, April 07, 2008 5:22:00 PM, Anonymous Anonymous said...

ang pogi mo diyan tol panalo. hahaha. kinober pa ito sa pambatang komiks ng west ah. hehehe

 
At Monday, April 07, 2008 5:28:00 PM, Blogger Randy P. Valiente said...

Sa sobrang kakulitan ko e hindi ko nga alam kung bakit ko sinuot yang chaleko at bag ni Rosahlee hahaha. Mukha tuloy akong nagpapataya ng jueteng :)

 
At Monday, April 07, 2008 6:18:00 PM, Blogger kc cordero said...

randy,
medyo 'conservative' yata si marife sa picture na ito. :)

 
At Monday, April 07, 2008 7:12:00 PM, Blogger Randy P. Valiente said...

hindi pa siya dyan nakakatikim ng.......hirap ng buhay. heheheeh

 
At Monday, April 07, 2008 10:21:00 PM, Blogger TheCoolCanadian said...

So, Randolph:

Lumalabas pala na ang DIOSA HUBADERA ay SEMI-AUTOBIOGRAPHICAL. Ikaw yung lalaking lead sa story na napadpad sa iba't-ibang lupalop ng Maynila.

Nguni't, subali't, datapuwa't... ang akala ko, ang word na WINDANG ay nangangahulugan ng: BROKEN INTO PIECES. Kasi kung magbasa ka ng mga old tagalog stories ay madalas mong mabasa ito:

"Windang ang pusong natigmak sa luha ang mga mata ni Rosaleeh, ngayong mapagtanto niyang yumao na pala ang tangi niyang tagapagtangkakal sa mundong ito."

Pero, kahi't ba tinapay lang ang kinakain ninyo ni Alexis sa buong maghapon sa mga panahong iyon, hindi ba't kay sarap balik-balikan ang mga alala ng tnatawag nating TRIUMPH OF THE SPIRIT? Tulad din ng naging karanasan ng ating INGKONG KC noong makitira sa mga kamag-anak. Naging halos LAMPASO siya sa katatrabaho para lang makisama at walang masabi sa kanya ang mga kamag-anak.

Basta... hats off ako sa inyong dalawa. Kayo ang mga tunay na mandirigma sa larangan ng buhay. Nakakapagpayaman ang mga karanasang iyon sa pagkatao ng isang nilalang. At sa bandang huli'y kapuwa kayo nagtagumpay. Matamis pa sa honey ang tinamasa ninyo after success.

Hindi ako nakaranas ng ganito at masasabi kong naging MASIKIP ANG AKING DAIGDIG at naging MAPUTLA ang aking buhay. Nadama ninyo ang kahulugan ng NEO-REALISM sa tunay na buhay, samantalang ako'y nakita ko lang iyon sa mga pelikula nina Federico Fellini, Pier Paolo Pasolini, Vittorio de Sica & Roberto Rosssellini.

Kung nariyan lang ako, gagawan ko kayo ng PANINI with lots of veggies on the side to complete the rhyming sounds :-D

 
At Tuesday, April 08, 2008 9:54:00 AM, Blogger kc cordero said...

JM,
yep, trabahong kanin ako dati para lang may pansamantalang matirahan. pero masarap ang buhay ng isang api sapagkat dito lalong nagkakaroon ng damdamin ang mapangaraping puso para humabi ng tulay na hangin tungo sa tagumpay. ang mga matang natitigmak ng luha ay higit na nakakakita ng tunay na anyo ng buhay at liwanag ng sining.

now, what exactly is the meaning of this word: tagapagtangkakal? ala, eh... ngangay-on ko yata nasugagaan are...

 
At Tuesday, April 08, 2008 12:01:00 PM, Blogger JEFFREY MARCELINO ONG said...

Ngunit, subalit, datapuwa't hindi ko po yata maarok ang inyong mga katagang ibinubulalas.

 
At Tuesday, April 08, 2008 8:22:00 PM, Blogger TheCoolCanadian said...

Ha-ha. Tagapagtangkakal means PROTECTOR.
Ayan, laban kayo diyan? Hinalungkat ko pa iyan sa baul ng mga limot na kasaysayan.

Palagay ko'y lahat ng tao ay may kanya-kanyang naging batahin sa buhay, iba-iba nga alng ang degree ng mga ito.

At naturalmente, matapos kong malaman ang mga naging karanasan ninyo ay masasabi kong hindi ko pa pala nadama ang mga bagay na nadama ng ibang tao. Kung minsan nga'y kailangang naroon ka at the right time in the right place para maranasan mo ang mga pagsubok sa buhay.

At si Alexis, I'm happy for him. Talaga sigurong ang calling niya ay magsilbi sa Diyos. Ika nga'y many are called but few are chosen. But the irony was: he left home because he didn't want to be a cop, but a writer. However, in pursuing his dream he realized that that dream was just another door leading into his real calling.

 
At Friday, November 13, 2009 9:07:00 PM, Anonymous Anonymous said...

"windang," meaning, gulat, hindi makapaniwala that induce stress... ayon sa aklat na itim..

 

Post a Comment

<< Home