Wednesday, May 14, 2008

SOLONG TRABAHO

Kislap Publishing. 2003.

Biglang nagpatawag ng meeting si Mrs. Guerrero. “Kaya bumabagsak itong publication natin ay dahil malalayo kayo sa Diyos, hindi kayo nagpi-pray at hindi kayo nagbabasa ng Bible!”

Nawindang kaming lahat sa mensahe ng aming amo.

Mula nang araw na iyon, tuwing alas otso ng umaga, ay nagtitipun-tipon kami sa opisina ni Mrs. Guerrero para mag-Bible study. Lahat ng editorial people—mula editor, assistant, art director, layout artist, encoder, etc. Kung hindi na ninyo itatanong, Born-Again Christians sina Mr. Alfredo Guerrero at ang buo niyang pamilya. Kaya kahit anuman ang pananampalataya naming lahat, dahil sila ang nagpapasuweldo sa amin, kailangan ay magbasa kami ng Bibliya at mag-sharing ng talata tuwing umaga.

Noong una ay medyo may kantiyawan pa kami pagkatapos. Lalo na doon sa mga malokong editors na hindi sanay sa ganitong mga eksena. Nang tumagal, marami nang nagpapa-late sa pagpasok sa opisina para lang makaiwas sa Bible study. Kaya madalas din ang sermon ni Mrs. Guerrero sa mga umiiwas.

Lahat na yata ng ‘powers’ ay ginamit na para mag-survive ang Kislap Publications—mula material, universal hanggang spiritual power—pero talaga hindi na pumapalo sa market ang kumpanya.

Biglang isang araw na lang, halos sabay-sabay na nag-resign ang mga tao. Wala nang nag-handle sa komiks, songhits at puzzle books. Ang naiwan na lang na hindi nag-resign ay ang mga tao ng showbiz magazine.

Nagbalik ako sa pagiging freelance writer kahit gutom. Kailangan maka-survive pa rin. Isang araw ay bigla na lang akong tinawagan ako ni Andy Desuyo, editor ng showbiz mag. Ipinapatawag daw ako ni Mrs. Guerrero.

“Bakit daw?” medyo kabado pa ako. Baka may nagawa akong mali dati, o kung may naiwan akong obligasyon.

“Gustong ibigay sa ‘yo ang tatlong songhits. Ikaw daw ang mag-handle.”

Nagulat ako. “Tatlong songhits?”

Nang sumunod na araw ay nasa opisina na ulit ako ni Mrs. Guerrero. Nalaman ko na talagang halos wala nang tao sa Kislap Publications. Naiwang nakatengga ang mga materyales. Kaya bilang solusyon, naghanap sila ng mga freelancers na may experience na para mapabilis ang trabaho. At siguro, naisip nila na makakatipid sila sa akin. Dahil kaya ko nang mag-edit, magsulat ng balita at artikulo ay kaya ko pang I-layout ang buong songhits mula cover hanggang back cover.

Napakaliit ng alok na bayad sa akin para sa isang issue (tingnan niyo na lang ang kontrata namin kung magkano). Pero tinanggap ko pa rin. Una, minamani ko na lang ang paggawa ng songhits dahil ang dami naming materyales sa opisina, isa pa, hindi mahirap maghanap ng mga kanta dahil isang klik lang ito sa internet. Ikalawa, hindi mahirap I-layout ang songhits dahil may template na, irarambol-rambol ko lang ang mga kanta at sa isang iglap ay mayroon na akong bagong isyu. Sa isang bagong songhits ay mga 2 o 3 kanta lang naman ang idinagdag ko, minsan nga ay wala pa. At ikatlo, kahit paano ay may pera sa music industry, showbiz e, pag mga launching o presscon, o kaya nagpatawagng interview ang isang musikero, lusob ako dahil may ‘payola’.

Ang tatlong songhits na ito ay tinatapos ko sa loob ng dalawang araw. Guinnes World Record ito.

Maganda ang opisina ng Kislap, bawat cubicle ay may nakaharang na salamin na nagsisilbing kuwarto. Dahil kaunti na lang ang tao sa loob, lahat ng galaw sa Kislap ay napag-aaralan ko na.

Dito ko nasaksihan kung paano itapon sa basurahan ang lahat ng original illustrations sa komiks. Dito ko rin nakita kung paano itambak na lang sa bodega ang libu-libong compilations ng mga komiks mula noong 40s hanggang 90s at halos amagin na lang ito. Kung maibabalik ko lang ang panahon, sana ay hiniling ko na lang kay Mrs. Guerrero na huwag na akong bayaran ng pera. Bawat isyu na lang sana ng songhits na magawa ko ay kapalit ng isang compilation ng komiks.

Nakakapanghinayang dahil nang magsawa na rin ako sa kagagawa ng songhits ay nakikita ko pa rin ang mga bulto-bultong compilations na ito, ang ilan pa nga dito ay binabasa ko kapag nagpapahinga ako. Hindi ko alam kung ano na ang nagyari sa mga kopya ng komiks, nang isara na kasi ang opisina ng Kislap sa Roces Ave., nabalitaan ko na lang na karamihan ng mga nakatambak sa bodega ay sinunog kundi man ay itinapon.

6 Comments:

At Wednesday, May 14, 2008 12:41:00 PM, Anonymous Anonymous said...

sayang naman yung mga komiks! wala na pala yung Kislap publishing. akala ko nandyan pa. kung nandyan pa, mag aaply ako. hehehe...

 
At Wednesday, May 14, 2008 12:43:00 PM, Blogger Randy P. Valiente said...

Nez-

Buhay pa ang Kislap. Nasa Makati na ang opisina nila at puro showbiz mags na lang ang inilalabas nila.

 
At Wednesday, May 14, 2008 1:06:00 PM, Blogger Unknown said...

Oist, oo nga sayang kung pina auction nila yung mga lumang komiks malamang bibili ako hehehe.

 
At Wednesday, May 14, 2008 1:36:00 PM, Blogger TheCoolCanadian said...

Diyata't nagmistula kayong KULTO noon sa Kislap? He-he.

Pati ba si Carmen (Chitang) Guerrero Nakpil ay naging born again din?

Mahilig nga sila magtapon ng mga komiks illustrations noon. Parang gaya ng nangyari sa Ace Publications. After the strike, iniwan nila ang building sa Mandaluyong (cor. of Pioneer & Sheridan). When Chona & Hans Kasten bought the place, his secretary, ex-Sampaguita Pictures actress Nory Dalisay, showed me the komiks and the drawings. Tuwing lunch break, naroon ako kay Nory, reading the komiks. Ang mga hindi na magkasya sa mga drawers, ibinasura.

 
At Wednesday, May 14, 2008 6:40:00 PM, Blogger KOMIXPAGE said...

Nasaksihan ko rin ang mga naging kaganapan noon sa Kislap Randy at isa ako sa labis na nanghihinayang sa mga komiks file nila na naka-hardbound pa at tila ibinenta na lang sa junkshop.
Sayang, kung sininop nila ito ay baka may tsansa pa ang marami na makita ang mga komiks na publish nila.

 
At Thursday, May 15, 2008 3:42:00 PM, Blogger kc cordero said...

randy,
mas masuwerte ka pa sa akin dahil P1000/issue ang bayad sa 'yo. 'yung isang publication na tinulungan ko ay 23 TITLES ang hinawakan ko at ako lahat ang nag-isip ng titles at concept, abonado pa ako sa suweldo ng staff at gastos ng kumpanya.
kung 1993 'yang kontrata mo ay medyo may value pa ang P1000. 'yung company na tinulungan ko kailan lang, hehehe

 

Post a Comment

<< Home