PAULIT-ULIT NA TANONG
May nagpunta na naman kaninang mga estudyante dito sa bahay para sa research nila sa eskuwelahan. Marami-rami na rin ang dumadalaw sa akin dahil sa komiks. Isang tanong talaga ang hindi nawawala:
“Bakit po ba namatay ang industriya ng komiks?”
Naisip ko, dapat talaga magkaroon na ng isang reference material tungkol sa isyung ito ng pagkawala ng komiks. Nang sa ganun ay hindi na rin mahirapan ang mga magtatanong kung saan hahagilapin ang sagot.
Ang totoo nga niyan, lahat ng teorya at pag-aaral tungkol sa ng pagbagsak ng komiks ay tama—ekonomiya, kalidad, readership, pagsulpot ng ibang media, at monopolyo. Ang limang ito ang matibay na dahilan ng pagbagsak ng komiks, pero siyempre, para itong puno, aalamin mo ang ugat, katawan, sanga at dahon kung bakit nagkaganito. Hindi puwedeng sabay-sabay.
Halimbawa, kaya bumaba ang kalidad ay dahil mababa rin ang bayad sa mga creators dahil na rin sa ekonomiya. At dahil bumaba din naman ang readership ay dahil din sa ekonomiya. At kaya naman nagtitiyaga ang mga creators na gumawa kahit mababa ang sweldo ay dahil sa monopolyo, wala silang ibang tatakbuhang komiks publication.
Pero ito ang palaisipan, kumplikado ang daigidig ng komiks noong pumasok ang 90s. Ang totoong industriya ng komiks ay ang mass-based komiks na galing sa Atlas at GASI. Ang mga independent publishers noon ay hindi maituturing na industriya kundi MOVEMENT. Hanggang ngayon, malaking palaisipan pa rin sa akin kung meron pa bang industirya ng komiks, o lahat ngayon ay MOVEMENT na lang. Kabilang na diyan ang ‘back-to-mass-based komiks’ ni Carlo Caparas. Lahat kasi ngayon ay struggling.
Ang komiks world dito sa atin ay parang isang kuwento na narinig ko matagal na panahon na ang nakararaan:
May isang turistang Koreano ang pumasyal sa Pilipinas. Dinala siya ng tour guide sa mga nagtatataasang buildings sa Makati. Natuwa ang Koreano, dahil nakita niyang maunlad ang Pilipinas.
Pagkatapos ay dinala naman siya nito sa squatter’s area sa Tondo, sa bandang Parola, kung saan ang mga bahay ay gawa sa karton, sira-sirang yero na may gulong ng jeep, at mga pinagtagpi-tagping sako, plastik at kahoy. Sabi ng Koreano: Kanina ipinakita mo sa akin ang mga matataas na building, tapos ngayon ipinakita mo sa akin ang mga bahay na gawa sa karton. Anong klaseng bansa mayroon kayo? Ang layo ng agwat ng buhay ng mga tao sa Makati sa mga tao dito sa Tondo.
Sabi ng tourguide: Ito ang Pilipinas, may dalawang mukha.
Ganoon din ang komiks world dito sa atin, may dalawang mukha. Hindi ito gawa-gawa ko lang. Ito naman talaga ang reyalidad. At sana naman ay maunawaan ng lahat na ang ganitong mga bagay ang dapat i-resolba para sa kapakanan na rin ng mga bagong henerasyon at sa mga darating pang komiks creators.
Siguro naman ay nabalitaan na ninyo ang paparating na Manila Comic-Con ngayong Oktubre na gaganapin sa Glorietta. Sana naman ay magbigay ito ng ‘patas’ na pagkilala sa dalawang mukha ng komiks sa Pilipinas.
At sana, sa mga susunod pang komiks gatherings, conventions, forums, congress, etc. etc. ay maging isa na lang ang mukha ng komiks.
2 Comments:
ah kami pu ba to?n_n; hehe...maraming salamat pu sa pagpapainterbyu...maraming pacenxa na din po sa abala...n_n; malaking tulong po...maraming salamat po...n_n
No problem, Dorothy. Bigyan mo ko ng copy ng research niyo ha :)
Post a Comment
<< Home