Friday, September 05, 2008

KARAHASAN SA KOMIKS

Noong 1954, nagkaroon ng hearing sa US Senate tungkol sa komiks. Sinabi ng child psychologist na Fredrick Wertham ang kasamaang idinudulot ng babasahing ito sa mga mambabasa partikular na sa mga kabataan. Natalo sa kaso ang mga tagapagtanggol ng komiks at tuluyan na ngang naipasara ang karamihan ng mga publikasyon noong panahong iyon.

Isa sa ipinakitang ebidensya ay ang pahinang ito mula sa Crime SuspenStories ng EC Comics. Ipinapakita dito ang isang ulong pugot ng babae at kamay na may palakol na siyang ginamit sa pagpatay dito.

Sa Pilipinas, bagama't isa rin ito sa tinutuligsa ng mga moralista, ay nakapagtatakang hindi naman gaanong pinagbubuhusan ng pansin ang 'violence' sa loob ng komiks. Sa halip, nakasentro lang ang mata ng mga manunuri sa 'sexual content' nito.

Kaya naman kahit pinaghuhuli noon ang mga porno komiks na nagkalat sa bangketa ay nakakalusot naman ang mga eksenang ganito kung saan mas brutal pa kesa sa eksenang ipinakita sa US Senate hearing. Narito ang ilang halimbawa na nakita ko sa mga komiks noong late 70s, 80's hanggang 90s:



Pero alam ba ninyo na may pagkakataon na nakatulong ang komiks para mabawasan ang 'volience' ng isang medium. Sa pelikulang The Superhero, isang live action movie kung saan ang bidang lalake ay gumaganap bilang vigilante at pumapatay ng masasamang tao, ay ginamitan ng direktor ang ilang eksena ng mga komiks panels upang mabawasan ang karahasan ng pelikula.

Halimbawa, may isang eksena kung saan tinatadtad ng bala ng masasamang loob ang isang biktima, sa halip na ipakita ito ng live action ay ginawa lang itong drawing ng kamay na may hawak na baril at may mga sound effects na BANG! BANG!

Katulad ng panahon, nagbabago rin ang pananaw at paniniwala ng lipunang ating ginagalawan. Mas nagiging 'brutal' na ang media ngayon. Mas lumalapit tayo sa reyalidad na ang buhay ay punum-puno ng karahasan. Hindi nakapagtatakang karamihan ng kabataan ngayon ay mas nag-i-enjoy sa mga palabas at babasahing mas nakapagpapaangat ng kanilang dugo.

Hindi mo na puwedeng isaksak sa ulo ng Grade 1 ngayon ang kuwentong Cinderella at Mickey Mouse, hahanapan ka na nila ng Bart Simpson at Grand Theft Auto.

2 Comments:

At Saturday, September 06, 2008 3:57:00 AM, Blogger TheCoolCanadian said...

This is indeed true.

Paano naman ay likas sa lipunan ng Pilinas ang karahasan na nagsisimula pa man sa pamilya pa mismo.

May mga nakita akong mga magulang na kung magparusa sa kanilang mga anak ay animo'y wala nang umagang darating. Kung ano ang hawak nang magalit, ay walang habas na siyang ipapalo sa anak.

Minsan ay nagbibisikleta ako sa Jusmag area na malapit sa ABS-CBN (doon kami noon nakatira). May nadaanan akong maliit na bata (siguro mga 6 o pitong taon gulang), at ito'y nagbibikleta ng may tatlong gulong. Nakabuntot ang ama na bata pa rin. Natumba ang bata at nasugat ang tuhod sa espalto. Umiyak. Nagalit ang ama dahil napakaiyakin daw. Pinatigil sa pag-iyak. Nung hindi tumigil, kinuha ng ama ang bisikleta at iyon ang inihalibas sa katawan ng bata.

Sumulak ang dugo sa aking ulo sa labis na pagkamangha at poot sa isang lalaking grown up, ama, na makagawa ng ganitong karahasan sa sarili niyang anak. Dahil lumaki ako sa isang pamilya na kinakausap lamang kami ng masinsinan ng aming mga magulang kung kami'y nagkakasala, ang karahasang nasaksihan ko ay isang bagay na nakamumuhi at hindi ko natiis ang hindi makialam.

"Hindi tama ang ginawa mo sa iyong anak. Isang maliit na bata at walang lakas na ipagtanggol ang kanyang sarili ay nagawa mong hambalusin ng bisikleta? Alam mo bang isa kang duwag sa ginawa mong iyan? Alam mo bang puwede kitang ipakulong dahil sa ginawa mo? Mabuti pa'y mag-isip-isip ka na baguhin na ang pag-uugali mo at pakikitungo sa sarili mong anak. Ginawa mo ba iyan para mahalin o patayin?"

"Pakialamero kang putang ina ka, ah! Wala kang pakialam. Anak ko ito."

"Tao iyan. Hindi bato na puwede mong hambalusin na hindi masasaktan. Hindi porke't anak mo iyan ay puwede mo nang gawin ang kahi't na ano."

Nakikipag-diskusyon ako nang magdatingan ang mga amerikanong binatilyo na ka-edad ko at mga kalaro ko sa neighborhood. Pinaikutan kami ng mga ito at inusyoso kung ano ang nangyayari. Napahiya yata ang hinayupak na ama at hinawakan ang anak niya sa kamay at lumakad na palayo. Hindi pala ito nakatira sa Jusmag. Dumaan lang.

I hope ngayong panahon ay mga mga laws na diyan sa RP na magpo-protekta sa mga batang labis kung parusahan ng sarili nilang mga magulang.

Which leads us to the next question:

Kung hindi TULIRO ang ating mga censors diyan, bakit i-a-allow ang violence gayong nakamumuhi ito, at pinipigan ang sex, samantalang may pagmamahal pang involved dito?

Ano ba ang laman ng mga utak ng mga ito? Kabaliw ang kanilang mga ideyang wala talagang logic.

 
At Saturday, September 06, 2008 6:48:00 AM, Blogger KOMIXPAGE said...

Totoo ang sinabi mo Randy. Katunayan, ng mauso ang mga pelikulang massacre noon, sa komiks may inilabas ang GASI na True Massacre komiks kung saan sa cover pa lang ay brutal na. Hindi ako gaanong nagsulat dito dahil parang di ko masikmura. Totoo rin ang sinabi na ang mga kabataan ngayon ay mas enjoy na mga brutal ang nilalaro sa play station. Noong 2005-2006, nagbukas ako ng internet at PS 2 games sa lugar namin. Nagulat ako dahil mas maraming nagre-rent sa amin ng mas bayolenteng laro gaya nga nga Grand Theft Auto at Godfather na sa halip laruin ng matino at may misyon, ang ginagawa nila ay pinaglalaruan lang ang mga karakter nito at pinagpapapatay ang mga tao sa pamamagitan ng mga kung ano anong armas na pinipili nila. Sinasagasaan, binabaril, sinusunog at pinasasabog. Naobserbahan ko rin na nagkakatuwaan pa sila kapag ginagawa nila ito. One year lang akong nagpalaro ng ganito at itinigil ko na at ang internet na lang ang itinira ko. Kung sa komiks ay brutal na ang nakikita nating illustration, sa panahon ngayon, sobra na dahil sa paglalaro ng mga kabataan, sila na mismo ang gumagawa ng nakikita nila sa komiks. Idagdag pa diyan ang sobra na ring brutal na pagpapakita ngayon sa mga pelikula na napapanood natin ng mga eksenang patayan gaya ng Hostel, The Hills have Eyes, Texas Chainsaw massacre etc, etc. Ganito siguro ang ipinakikita at ipinalalabas ng mga terorista sa Mindanao sa mga batang recruit nila para turuang pumugot ng ulo. Grabe talaga.

 

Post a Comment

<< Home