SAMPLE SCRIPT
Maingat akong magtago ng mga published works ko, pero mayroon pa ring mga nakakalampas at hindi ko na nasusubaybayan. Gaya nitong isang istorya ko na lumabas sa Liwayway Magasin noon pang February 2007, na kung hindi ko pa nakita sa blog ni Arman Francisco ay hindi ko alam na lumabas.
Hindi ko na masyadong maalala ang kuwento nito kaya nangalkal ako sa mga lumang scripts ko bago pa man ipadala sa akin ni Arman ang ilan pang pages. Naisip ko na ilagay na lang dito para magka-idea kayo kung paano ako magsulat ng script at kung paano ito na-execute ng artist na si Rod Lofamia.
Sangkatutak ang teksto nito dahil pinilit kong pagkasyahin sa tatlong pages ang isang mahaba-habang kuwento.
Salamat, Arman. Mabuhay ka!
NAKATULALA NA NAMAN SI MANDO
PAGE 1
1. caption : makailang ulit inisip ni mando kung bakit siya natanggal sa trabaho. Wala naman siyang nagawang masama. Ang pagkakaalam
niya, nagbawas ng mga tao ang kumpanya. Isa sa siya sa minalas na mapasama.
Ipakita si mando na nasa harap ng kanilang bahay,nakaupo sa isang upuang kahoy, nakatingin sa malayo habang nagsisigarilyo, malungkot ang mukha.
2. caption : siguro mahina ang kanyang performance, kaya nakapag-
desisyon ang management na isama siya sa listahan ng mga aalisin.
Lina : huwag ka nang malungkot, may natira pa naman tayong ipon.
Bukas e malalaman ko na kung pasado ako du’n sa inaplayan kong trabaho sa Singapore.
Lumapit sa kanya ang asawang si lina, pinaglubag ang kanyang loob.
3. caption : mag-a-abroad si lina. Para naman ito sa kanilang pamilya. Para sa mga batang malapit nang mag-aral. Ang tanong, kaya niya kaya ang pag-iisa?
Biglang susulpot sa kanilang harapan ang dalawang bata na naghahabulan, naglalaro.
PAGE 2
1. caption : napakaraming alalahanin.
Lina : ano na naman bang iniisip mo at nakatulala ka diyan?
Gabi na, magkatabi sa higaan ang dalawa. Nakatihaya si mando, nakatulala pa rin. Nag-aalala na si lina.
2. mando : kayanin kaya natin ang ganitong set-up?
Lina : ang alin?
Tiningnan ni mando ang asawa.
3.mando : ikaw ang babae, pero ikaw ang wala sa bahay. Dapat ikaw ang
naiiwan sa mga bata.
Lina : anong magagawa natin e wala ka namang trabaho? Ako ang mas
may oportunidad na makapagtrabaho sa ibang bansa. Palalampasin na lang ba natin ‘yun?
Same scene, change angle.
4. caption : tama si lina. Hindi na mahalaga kung sino ang maiiwan sa bahay,
kung sino ang nag-aalaga sa mga bata, ang mahalaga ay kung paano sila nabubuhay.
Kumpare : bakit hindi mo subukang maghanap ulit ng trabaho? Malay mo,
pag nakakuha ka, baka magdalawang-isip ang misis mo.
Mando : hindi ko na mapipigil ‘yun, pare. Pag ginusto nu’n, talagang
gagawin. Saka maghanap man ako ulit ng mapapasukan, gaano lang din naman ang suweldo ko dito.
Kausap ni mando ang isang kumpare, kumakain sila sa isang turo-turo sa tabi ng kalsada.
5. mando : ang kikitain niya sa Singapore, triple ng suweldo ko dito. Sa
susunod na pasukan, papasok na ang junior ko. Saka ang dami pa naming plano, pare. Gusto pa naming magkaroon ng sariling lupa at bahay.
Close up ni mando.
6. caption : pero minsan, mapapaisip ka sa mga nababalitaan mo.
Babae 1 : alam mo ba si marlyn, ‘yung kapitbahay namin. Nag-asawa na ng
tuluyan sa Taiwan, hindi na binalikan ‘yung mister at tatlong anak dito sa pilipinas. Napakapabayang babae!
Babae 2 : baka naman naging praktikal lang. Malay mo, nag-asawa lang ng
iba du’n para makuha ang mga pamilya dito.
Sa loob ng jeep, nakikinig si mando sa dalawang babaeng nag-uusap.
PAGE 3
1. caption : nag-asawa du’n, para lang makuha ang asawa dito? Magulo hindi
ba? Kung siya ang nasa posisyon nu’ng lalake, matatanggap kaya niya?
nakayuko si mando, malungkot.
2. caption : paano rin ‘yung mga nababalitaan niyang pagmamaltrato sa mga
overseas workers? Yung mga diskriminasyon? Mayayakap ba niya ang asawa kung sakaling malungkot ito kapag nasa ibang bansa na?
Naglalakad pauwi si mando, malungkot ang eksena. Nakapamulsa siya.
3. caption : napakarami talagang alalahanin. Pero kapag nandiyan na, wala na siyang magagawa.
Lina : dapat alas tres pa lang ng hapon ay nasa airport na tayo. Hindi ako
puwedeng mahuli. Sabi ng magiging amo ko, susunduin daw nila ako pagdating ko sa Singapore.
4. caption : hindi ako dapat malungkot sa araw na ito. Oo, mami-miss ko ang
yakap niya tuwing gabi, yung pagluluto niya ng almusal sa umaga. Pero mas dapat kong isipin na kaya niya ito gagawin ay para sa kinabukasan ng aming mga anak. Kahit hindi na para sa akin, kahit sa mga bata na lang.
Sa airport, magkayakap ang mag-anak. Umiiyak dahil sa lungkot si lina.
5. caption : kinabukasan, umaga pa lang, nagulat si mando nang datnan sa
pintuan ang umiiyak na asawa.
Lina : hinarang ako sa immigration. Tinignan nila ang papeles ko. Peke
daw yung working permit ko. Walang ibang choice kundi pabalikin ako dito sa atin.
Nagulat si mando nang makita ang asawa na nakatayo sa harap ng pintuan ng kanilang bahay, umiiyak ito habang bitbit ang malalaking bag na dala-dala.
6. caption : hindi niya maisip kung paano nangyari ito. Paano ang ginastos na
pera? Ang panahong ginugol? Ang mga pag-asang ilang beses niyang ipinagpalit sa mga alalahanin?
Lower caption: katabi ni mando ang kanyang asawa ngayong gabi, kayakap niya ito habang umiiyak. Pero bukas ng umaga, maraming alalahaning naghihintay sa kanila. Bukas,nakatulala na naman si mando.
Nakatayo sa harap ng pintuan si mando, nakatingin sa malayo, nakapasok na sa loob ng bahay ang kanyang asawa, hawak naman niya ang malaking bag para ipasok ito.
*****
Nabigyan ako ng pagkakataon na gawin ang cover illustration ng bagong libro ng international bestselling author na si Guy N. Smith. Ito ang kauna-unahan kong illustration for international market na walang relasyon sa komiks.
Narito ang listahan ng iba pang mga librong isinulat ni Guy N. Smith.
Hindi pa available sa market ang librong ito.
1 Comments:
Hi Randy.
This is off-topic. Just want to thank you for including my blog in your list.
Maaaring "off-topic" din sa komiks ang paksa ng aking online personal journal pero alam mo naman siguro kung saan o kung paano nahasa ang aking panulat.
Maraming salamat uli.
Mabuhay ka!
Post a Comment
<< Home