Sunday, August 24, 2008

ISANG GABI NG KATOTOHANAN

Isang kaibigan ang nag-imbita sa akin noong Biyernes ng gabi: “May event sa Baywalk. Punta ka.”

“Anong meron?”

“Truth Festival.”

Hindi ko na inalam pa kung ano itong Truth Festival na ito. Sa poster pa lang, alam ko na political event na naman ito. Ano pa nga ba ang bago sa Pilipinas kapag nalalaman mo na tumitindi na naman ang gera sa Mindanao, nagbababa na ang presyo ng pandaigdigang gasolina pero mataas pa rin dito sa atin, at kung anu-ano pang kinakaharap na isyu at problema ng bansa.

Wala akong balak pumunta dahil nahihilig ako ngayon sa dvd marathon sa bahay. Inaabot ako ng alas singko ng madaling araw sa kanonood lang ng iba’t ibang pelikula.


Alas onse ng gabi, hindi ako mapakali. Gusto kong lumabas. Namalayan ko na lang, nasa byahe na ako papuntang P. Faura. Tinext ko ‘yung kaibigang nag-imbita sa ‘kin. Kaso ang sagot: “Nakauwi na ‘ko, kanina pa akong hapon diyan.”

Okey lang. May mga banda naman. Malilibang naman ako kahit walang kasama.

Pagdating ko sa lugar, nakita kong nagkakantahan ang ilang kilalang tao na nasa stage. Natanaw ko sa gawing unahan si Jun Lozada (‘ZTE scandal superstar’) at ilan pang personalidad mula sa pulitika at pelikula. Nagkakantahan sila ng theme song ng event, di ko alam kung ano ang title, basta tungkol sa ‘Katotohanan’.

Natanaw ko ang ilang kaibigan na taga-Ukay Bookay Bookstore. Nakipag-usap ako ng kaunti. Sabay lakad na naman. Nakita ko rin si Ajreash, dating kaibigan na tindero rin ng mga libro sa bangketa. May dala siyang dalawang malaking bag, puno ng libro. Naglatag siya malapit sa stage. Tinulungan ko na hanggang sa maka-setup ng ititinda niya. Marami siyang dalang magagandang libro at iba pang for sale items, pero ang nabili ko ay ang video documentary ni Joe Strummer (bokalista ng bandang The Clash).

Tumambay na lang ako sa puwesto ni Ajreash habang nanonood ng mga Musikero—The Wudz, Noel Cabangon, Bayang Barrios, etc. Ilang saglit pa at nilapitan kami ng kaibigan niya na nagtitinda rin ng libro at organizer ng mga banda, si Jonathan. Kuwentuhan ng kaunti tungkol sa punk scene noong araw.

Ala una ng madaling araw, nawindang na kami. Puro punk band na ang tumutugtog. Nagbiro pa ako: “O bakit puro anarkista na ang mga nandito? Nasaan na ang mga komunista?”

Natawa si Jonathan. “Ang weird, ano? Paano mo nga naman iri-reconcile ang anarchy sa communism? Magkaiba ng prinsipyo.”

Biglang tumugtog ang old school punk band na Urban Bandit. Sabog yata ‘yung bokalista, panay ang pangungulit sa mic: “Fuck you! Nagpunta kami dito hindi para sa mga tao! Nagpunta kami dito para sa bayan!”

Natawa na naman si Jonathan. “Tingnan mo ‘yang siraulong ‘yan, e sino ba ‘yung bayan, e di mga tao!”

Sa paligid, nagkalat ang mga kabataang naka-‘emo look’, may mga magsyotang naglalaplapan sa gilid-gilid, mga basurerong nangangalkal sa trash cans, mga pokpok na pakalat-kalat, mga foreigners na pilit iniintindi ang event kahit hindi nila maintindihan.

Alas dos ng madaling araw, may isang Fil-Chinese lady na iniisa-isang tinitingnan ang mga libro ni Ajreash. Binili niya ang ‘Mythology’ ni Edith Hamilton. Mamaya-maya ay nakikipagkuwentuhan na ito sa amin. Hanggang sa nakilala namin, si Mao. Graduate ng La Salle, at kasalukuyang businesswoman.

“Anong pumasok sa isip mo at napunta ka dito?” medyo biro kong tanong. Sa tipo kasi ni Mao, parang hindi mapupunta sa ganoong event.

“Wala lang, napadaan lang ako. Tapos naisip ko lang manood.” Ipinarada lang niya ang kotse sa di-kalayuan at naglakad-lakad lang hanggang sa makita nga ang puwesto namin.

Alas tres ng madaling araw, wala na kaming pakialam sa mga tumutugtog sa stage. Nagkukuwentuhan na kaming apat tungkol sa buhay-buhay, ako, si Ajreash, si Jonathan, at si Mao.

Apat na tao na hindi magkakakilala (si Ajreash kilala ko lang sa pangalan pero hindi ko rin naman alam kung sino talaga siya), nagkataon lang na nandoon kami sa isang event tungkol sa ‘truth’.

Naikuwento ni Ajreash ang buhay ng painter na si Mark Rothko. Kung saan binabayaran ito ng $2.5 million para gumawa ng painting sa isang malaking building, na sa huling sandali ay bigla nitong tinanggihan ang kliyente dahil sa prinsipyo.

Doon na napunta ang usapan namin. Alam ni Ajreash na illustrator ako so tinanong niya ako kung gagawin ko rin iyon. Sabi ko, hindi ko tatanggihan ang $2.5 million. Sabi ko pa,”Kaming mga illustrators ay mga commercial artist, sabihin mo ang gusto mo at gagawin namin.”

Medyo iba naman ang stand ni Jonathan. “Ako siguro mag-iisip,” halata na medyo high-art ang prinsipyo nito.

“Ano ba ang mga pinipinta mo?” tanong ni Mao.

“Medyo abstract ako e.”

Maya-maya, napunta naman ang usapan tungkol sa kayamanan. Sabi ni Ajreash kay Mao, “Karamihan ng mga taga-La Salle parang nakakahon sa akin. Parang may boundary ang gusto nilang pag-aralan. Kagaya ng ganito, hindi sila masyadong nag-I-explore sa totoong mukha ng Pilipinas, ang kahirapan.”

“Hindi kaya ang tingin naman nila sa mga mahihirap ay nakakahon din?” tanong ko naman.

Biglang nagbiro si Mao, humarap siya kay Ajreash, “Actually kung nasa loob ka ng La Salle, weird ang tingin nila sa iyo. Sa mga friends ko kasi, hindi kami nagdi-discuss ng ganito.”

Maya-maya pa ulit, napunta naman ang usapan tungkol sa happiness. Nagpaliwanag si Jonathan, “Dalawa na ang anak ko. Hindi naman kami mayaman, pero masaya kaming mag-asawa. Saka pinapalaki ko ng maayos ang mga anak ko. Kapag naging bakla ‘yung isa kong anak, malamang na ituro ko kaagad ang gay rights.”

“Contenment naman talaga ang tunay na happiness,” singit ko naman. “Kahit ano ang estado mo sa buhay, kahit nasaan ka, kapag hindi ka naghahangad ng sobra sa pangangailangan mo, at masaya ka, iyon ang magandang buhay.”

Sumingit ulit si Jonathan. “Itong si Ajreash, ang galing-galing magsulat, ilalampaso nito si Jessica Zafra, pero mas gusto pang magtinda ng libro sa bangketa.”

“Andu’n ang happiness e,” sabay tawa ni Ajreash.

Bumili ako ng mineral water dahil uhaw na uhaw na ako sa kuwentuhan, nakadalawang lagok pa lang ako, nilapitan agad ako ng dalawang batang pulubi, “Kuya, akin na lang ‘yang tubig mo.” Kahit medyo uhaw pa ay ibinigay ko na lang sa kanila.

Alas kuwatro ng madaling araw, nagpaalam na si Mao. Nagpaalam na rin ako ilang minuto pa.

Hindi ko alam kung magkikita pa ulit kaming apat. Si Ajreash, malamang, dahil pag may mga event tulad ng ganoon ay nakikita ko na lang siya na nagtitinda ng libro, pero sina Jonathan, at lalo na si Mao, ay baka hindi na maulit ang malalim, makabuluhan, masaya, ngunit maikling kuwentuhan namin.

Sa Truth Festival, isang bagay ang nagbalik sa alaala ko, ‘yung nabasa ko sa librong Chicken Soup for the Soul. Nakokornihan ako sa librong ito, sa totoo lang, pero hindi ko makalimutan ang mga linyang ito:

Noong bata pa ako, pinilit kong baguhin ang mundo

Ngunit hindi ko nagawa

Noong lumaki na ako, pinilit kong baguhin ang bansa ko

Ngunit hindi ko rin nagawa

Noong lumaki pa ako, naisip kong baguhin ang pamilya ko

Ngunit hindi ko pa rin nagawa

Ngayong matanda na ako

Saka ko lang naisip na baguhin ang aking sarili

7 Comments:

At Sunday, August 24, 2008 6:49:00 PM, Blogger Unknown said...

Hayyyss
na miss ko ang ganyang events
na miss ko ang luneta
na miss ko kayo, sila
na miss ko ang manila
na miss ko ang mga libro ko!
wahhhhh......

 
At Sunday, August 24, 2008 8:06:00 PM, Anonymous Anonymous said...

Ano't...wala bang mga cosplay sa truth forum na 'yan?

 
At Monday, August 25, 2008 10:59:00 AM, Anonymous Anonymous said...

corny nga ito sa mga pinoys dahil maliban sa mahihirap ay mababaw pa sila. simple lang naman. nakalimutan nung tao na dapat unahin muna un sarili niya na baguhin bago ung iba.un lang.

 
At Monday, August 25, 2008 11:01:00 AM, Blogger kc cordero said...

randy,
iyan ang importante sa nasa linya ng arts, lumalabas at nakikipag-ugnayan sa iba. hindi mo ba kinuha ang e-mail address o number ni mao?

muntik na rin akong nagpunta riyan sa 'truth festival' na 'yan kasi malapit lang sa amin, but i'm uncomfortable with jun lozada.

 
At Monday, August 25, 2008 11:59:00 AM, Blogger Randy P. Valiente said...

kuya kc,
kinuha ko :)

 
At Monday, August 25, 2008 4:53:00 PM, Anonymous Anonymous said...

hmmmmmm...hehehehehe..lunok:)

 
At Monday, August 25, 2008 5:32:00 PM, Blogger kc cordero said...

ayos! :) diyan nagsisimula ang isang love story.

 

Post a Comment

<< Home