Tuesday, March 31, 2009

AKLAT PARA SA KULTURANG POPULAR


Nakita ko sa bookstore ang series of books na ito na sinulat ni Rolando B. Tolentino. Nagkainteres agad ako dahil isa sa mga libro ay pinamagatang ‘Si Darna, ang Mahal na Birhen ng Peñafrancia, at si Pepsi Paloma’.

Sa isang aklat naman na pinamagatang ‘Ang Bago, Bawal, at Kasalukuyan’ ay mababasa sa likuran ang ganito:

‘Kahit pa ang kulturang popular ay dinadambana na para sa lahat, marami pa ring complex na usapin na kaakibat nito. Kailan nagiging bago ang bago? Ano ang ipinagbabawal sa baliw? Ano ang kasalukuyang sining sa espasyo ng mall at kasaysayan sa komiks?’

Masarap basahin ang laman ng dalawang librong ito. Lumampas pa ito kesa sa ini-expect ko. Mababasa sa loob ang mga talatang:

‘Si Narda ay nagiging si Darna dahil sa kolektibong ideal tungo sa pagbabago, sa paglaban para mabago ang mga kalakarang di umaayos sa interes ng nakararami. Ang pagsigawa ng “Darna” ay ang kolektibong impit na tinig ng mga historical na naisantabi. Ito ang tinig na hudyat ng pagbabago.

Kakaiba ang ganitong proseso dahil ang tanging nagpapaiba ng personalidad ni Superman kay Clark Kent o ni Wonder Woman sa kanyang totoong pagkatao ay ang makapal na grado ng salamin. Ang pagtanggal ng salamin ang hudyat ng ating suspension o disbelief. Muling idinidiin nito ang kapangyarihan ng bisyon para sa pag-unawa at suspension ng realidad.

Kung ganito, naiigpawan ang Kanluraning modelo ng pagbuo ng sabjek at identidad. Sa modelong ito, lumilikha ng hierarchy ng identidad at ang kawalan nito. Ako ay nagiging ako dahil kayo ay kaiba. Pananatilihin ko kayong kakaiba dahil kailangan kong panatilihin na ang ako ay ako.’

Marami ring mga palaisipan sa mga aklat na ito. Gaya ng:

· Ang basehan ng ating pag-asa ay ang ating kakulangan.


· Tunay ang sinabi ni St. Brad Pitt sa pelikula na “Things that you own eventually own you.” Ang pinaglilingkuran at nagmamay-ari sa ating komoditi ang nagdidikta kung ano ang dapat nating piliing libangan.


· Manonood tayo ng sine, at napapaisip tayo tungkol sa mundong isinisiwalat sa atin ng higanteng tabing. Napapaiyak at tumatawa tayo sa mga taong hindi naman natin kaanu-ano. Nakikita natin sa kanila ang ating buhay. Pinagtatrabaho tayo na matagpuan natin ang ating sarili sa kanila, mga taong kilala na natin pero hindi naman tayo kilala maliban sa masa ng manonood at fans. Kilala natin silang gumaganap sa pelikula bago pa man tayo nanonood, pinagtatrabahuhan na natin ito para maging kakilala natin sila. Sila na alam natin ang kasaysayan ng mga relasyon, paboritong awit at pagkain, memorable na anecdotes at iba pa—sila na mas kilala natin kaysa sa ating mga kaibigan at kapamilya—ay hindi man lamang tayo bibigyan ng limang segundo kung sakaling makita natin sa loob ng mall. Kilala natin sila pero hindi nila tayo kilala. Anong klaseng relasyon ito?


· Maganda. Ayaw ng lipunan ng pangit. Walang santo at birhen na pango, may peklat, maitim, mataba. Maganda ang nagmamaganda. Kahit pangit ang nagdarasal, maganda ang kanyang pinagdarasalan.


· Kung ang tao ay hind hayop, bakit maraming taong nag-aasal hayop? Kung ang tao ay tao, bakit mahirap magpakatao? Kung ang tao ay mas mataas sa hayop, ano ang giraffe?


· Hayop. Parang mura. Puwedeng para sa kahit ano. Hayop sa ganda! Hayop ka! Hayop ka man, ang galing mo! Hayop sa sarap. Masahol ka pa sa hayop! Hayop, kahayup-hayupan! Nasa paraan ng pagbigkas ang kahulugan ng salita. Kaya kailangang may social skills ka para makarinig di lamang ng salita, kundi pati tono ng pananalita at ng konteksto ng pagsasalita.

Ilan lamang iyan sa maaring mababasa sa mga aklat na ito. Highly recommended ito sa mga seryosong nag-aaral ng pop culture.


0 Comments:

Post a Comment

<< Home