Thursday, March 19, 2009

DAHIL TAMBAK ANG TRABAHO

Masyado nang madugo ang trabaho noong mga huling buwan ko sa Kislap Publications noong early 2000. Wala nang masyadong writers sa komiks, magasin at songhits. Lumayas na ang mga contributors dahil hindi na nababayaran ng maayos. Ilang editors na rin ang nag-resign dahil madalas na ring huli ang sweldo.

Isa ako sa mga naiwang empleyedo bilang layout/graphic artist/assistant editor/writer/illustrator/colorist. Kabilaan ang ginagawa kong layout sa komiks, magasin at songhits, ganoon din ang mga editors na halos anim na titles ang hawak na lumalabas kada-isang linggo. Patayan talaga sa trabaho. Kung mahina-hina ang memorya mo ay malamang magrambol-rambol ang mga laman at deadlines ng bawat titulo.

Kahit hindi rin ako kolorista ay nakapagkulay din ako ng ilang Lan Medina covers sa mga horror komiks. At kahit hindi rin ako showbiz reporter ay madalas din ako sa mga presscon ng artista para may representative ang mga magasin, nakakatawa kasi para sa ilan na bawat isang editor ay may hawak na limang magasin. Makukuwestyon kaagad ang quality.

Kasagsagan ng trabaho sa opisina, biglang pumasok sa kuwarto namin ang janitor. Busy ako sa pag-layout, busy din ang editor sa paghahanap ng mga articles sa songhits at pagri-recycle ng mga kwento sa komiks. “Sir, pinatatawag kayong dalawa ni Ma’am,’ sabi ng janitor sa editor.

“Bakit daw?” halatang kinabahan ang editor.

“Hindi ko alam, e.”

May tension para sa amin kapag ipinatawag kami sa opisina ng may-ari. Kailanman ay hindi kami ipinatawag para purihin, lagi kaming ipinapatawag para sermunan. Kaya alam na namin na katakot-takot na sermunan na naman ito.

Pag-alis ng janitor ay tinabihan ako ng editor. “Ano kaya ‘yun, ‘tol? Mukhang may problema na naman a.”

Maya-maya ay pumasok ang stripper sa kuwarto, nag-alala ang mukha na nagsalita sa harap namin. “Nakausap niyo na ba si Ma’am?”

“Bakit daw?” mas lalong kinabahan ang editor.

“May mali sa layout ng songhits. Yung cover, napunta sa likod, yung back cover naman ay napunta sa harap,” direktang sinabi ng stripper.

Ako naman ang biglang kinabahan. Putragis! Ako ang nag-layout nu’n.

“Pwede pa naman sigurong baguhin. Isasalang na ba sa printing?” tanong ng editor.

“Hindi. Nai-print na lahat ng kopya!”

Anak ng….! Napunta yata sa leeg ang yagbols ko. Bigla ring namutla ang editor. Malaking disgrasya ito! Paano mong ikakalat sa buong Pilipinas ang isang songhits na ang cover ay nasa likod? Ano tayo, nasa Japan?

Pag-alis ng stripper ay matagal kaming tumahimik ng editor. “Anong gagawin natin, ‘tol?” Pinilit niyang maging kalmado. Kaso talagang hindi maalis ang tension, bigla na siyang nanisi. “Hayup ka kasi, tol, dapat tiningnan mo muna.”

“E hayup ka rin, tol,’ ganito lang talaga kami magbiruan, “dapat na-double check mo muna. Di ba lahat ng natatapos kong layout tinitingnan mo.”

“E hayup naman kasing stripper ‘yun, dapat tiningnan niya rin na mali ang cover. Dapat nakita rin niya yun!” susog naman ng editor.

“E hayup din naman kasing mga tao sa printing, dapat tinitingnan muna nila kung maayos yung film bago isalang sa imprenta.” Dagdag ko naman.

Kung sinu-sinong hayup na ang sinisi namin. Malamang lahat ng hayup sa arko ni Noah ay nasisi na namin. Pero ang suma-tutal, kami pa rin talaga ang may kasalanan.

Kaya habang papalapit kami sa opisina ng may-ari ay sobra na ang kaba naming dalawa ni editor. Pagpasok pa lang ng pinto, nanlilisik kaagad ang mata ni Ma’am sa amin. “O, anong ginawa niyo? Nakita niyo ba ‘yung songhits?”

Bigla e umiyak na lang ang editor. Putragis! First time kong nakita ang luha ni loko. Takot na takot siguro kaya hindi napigil. Naglalaro kasi sa isip namin, paano kung pabayaran sa amin ang lahat ng kopya? Lagi na ngang late ang sweldo, mag-aabono pa kami. Paano kung bigla kaming tanggalin sa trabaho, hindi kami nakapaghanda, saan kami lilipat?

For the first time, biglang lumambing ang boses ni Ma’am. “Sige okay lang, basta sa susunod ayusin niyo na ha.” Walang halong galit, at may pahabol pa, “...saka cute naman tingnan, di ba. Kakaiba. Nasa likod ang cover.”

Kaya habang tumutulo ang luha ni editor, ako naman ay panay ang halaklak sa loob. “Anak ng teteng…! Cute ba ‘yun? Nasa likod ang cover?”

Kaya habang pabalik kami sa kuwarto namin, panay ang kantyaw ko sa editor. “Ang laki mong tao, iyakin ka pala.” Sabay tawa.

“Hayup ka! Sa susunod na magkamali ka ulit, ikaw ang isasalang ko sa imprenta!” sagot naman ng editor.

Ilang araw din kaming nagkantyawan sa loob ng opisina. Dapat daw lahat ng title namin ay sa likod ang cover. Kasi cute.

10 Comments:

At Thursday, March 19, 2009 3:17:00 PM, Blogger humawinghangin said...

da best anecdote ive read re publication. natawa talaga ako. hayup talaga! LOLZ :D


jim

 
At Thursday, March 19, 2009 4:46:00 PM, Anonymous Anonymous said...

ito na yata ang pinakanakakaaliw na kwentong naipaskil mo dito, randy. :)

nakakatuwang nakakalungkot na nakakaawa... bagay na bagay sa topic.

 
At Friday, March 20, 2009 2:44:00 AM, Blogger Imelda Estrella said...

Hahaha! Baligtad din naman magbasa ang mga Pilipino.

 
At Friday, March 20, 2009 10:54:00 AM, Anonymous Anonymous said...

Collector's Item na yon! May naitago kayong kopya. benta nyo sa ebay :)

 
At Friday, March 20, 2009 11:05:00 AM, Blogger Randy P. Valiente said...

Yup, isang kopya na lang ang naiwan sa kin, yang nasa picture.

 
At Friday, March 20, 2009 11:21:00 AM, Blogger Mark Rosario said...

"Kung sinu-sinong hayup na ang sinisi namin. Malamang lahat ng hayup sa arko ni Noah ay nasisi na namin."

Nasa netshop ako. Napasabog mo ko rito sa linyang to. Napatingin tuloy bigla sa kin katabi ko. Hahahaha!!

 
At Sunday, March 22, 2009 1:29:00 PM, Blogger Royale Admin said...

Dito sa Mid East Randz ok lang yang nasa likod ang cover. From right to left kasi ang basa dito. Sigurado sold out yan! Hhhhhhh!

 
At Sunday, March 22, 2009 6:31:00 PM, Anonymous Anonymous said...

He he he. Ang galing ng kwento. Anong pangalan ng may-ari na pumuri sa cover concept 'nyo? He he. Ano kaya kung...sa loob naman, baligtad ang numbering ng pages: yung last page nasa first page at ang first page nasa huli? :D

 
At Thursday, March 26, 2009 2:27:00 PM, Blogger Unknown said...

hahahaha natawa ako hehehe....buhay na ulit me hehe.

 
At Monday, April 20, 2009 3:29:00 PM, Blogger Neil M. Pinar said...

Hahaha,,, galing ng post na ito, muntik na tumulo luha ko kagaya ni editor,,,, pero 'di sa takot, kun'di sa tuwa ;). Tama si mike sold out dito sa middle east yan! ;)

 

Post a Comment

<< Home