ANG KASUNDUAN
Taong 1999.
Tinawagan ako ng editor. “Randy, gusto sana kitang bigyan ng column sa songhits. Kaso…kulang ang budget. Alam mo naman dito, lahat tinitipid ng publication.”
Masarap magsulat sa songhits. Bukod sa gusto ko ang music industry ay makakakuha ako ng ‘payola’ sa mga recording artists at companies. Wala itong pinagkaiba sa showbiz. Nalaman ko na kapag nagsulat ka sa entertainment industry ay hindi mo na gaanong papansinin ang ibabayad sa iyo ng publication sa article, o tsismis na isusulat mo. Mas malaki ang kikitain mo sa mga artista, manager at producer.
“Pero huwag kang mag-alala…” dugtong pa ng editor, “lahat ng script sa komiks na ipapasa mo ay tatanggapin ko. Wala akong iri-reject.” Kung hindi na ninyo itatanong, sa sobrang pagtitipid noon ng publication sa empleyado, dalawang komiks at tatlong songhits ang hawak ng editor na ito. Siya ang nagha-handle ng limang titles na lumalabas kada-linggo.
At doon pumasok sa isip ko na gawing pera-pera na lang ang pagsusulat sa komiks. Mamamatay na rin naman ito mga ilang panahon na lang, pagkakakitaan ko na ito ngayon na. Kaya gumawa ako ng mga script na halos labinlimang minuto ko lang yatang inupuan sa makinilya. Tinambakan ko ng mga walang kakuwenta-kuwentang kuwento ang editor. Kaya bilang isang dating kuwentista ay naging isa na lang akong kuwentutero.
Madalas akong kantyawan ng mga kasamahan, “Tol, ano ba naman ‘tong kuwento mo. Inisip mo ba ‘to?”
Tatawa-tawa lang ako. Alam naman ito ng editor. Wala lang magawa si loko, dahil hindi rin naman niya ako binabayaran sa songhits. Patas lang kami.
Walang quality control ang komiks. Wala nang mga letter senders na dumadating. Hindi na rin ito chini-check ng editor-in-chief.
Kaya habang gumagawa ako ng magagandang article sa songhits ay siya namang kabaligtaran nito ng mga trabaho ko sa komiks.
“Randy, magsusulat ako ng script ha. Sa iyo ko ipapangalan. Ikaw na rin sumingil, balatuhan na lang kita.” Sabi ulit ng editor. Nagkaroon kasi ng patakaran sa publication na bawal nang magsulat ang mga editor sa alinmang komiks, hayaan na lang daw ito sa mga ‘nagugutom’ na writers.
Pero matigas ang ulo ni editor. Hindi lang si editor, pati iyong iba pang mister, misis at miss editors. Sumisimple sa pagsusulat ng script sa komiks pero sa iba ipinapangalan at ipinapasingil.
Ayun! Nagkagutum-gutom lalo ang mga writers. Sobrang konti na nga komiks na pagpapasahan ng script, sinisingitan pa ito ng mga editor.
Ang pangyayaring ito ay nangyayari sa lahat ng bagay hindi lang sa komiks. Sa sandali ng kagutuman at kawalang pag-asa, kami-kami na lang ang nagkakainan. Dog eats dog. Survival of the fittest. Matira ang matibay. Kawalan ng delikadesa. Ito ang mga huling araw sa publication.
Kung gaano ninyo pinupuri ang gawa nina Mars Ravelo, Francisco Coching at Nestor Redondo noong araw, sa palagay ko ay hindi ninyo kayang sikmurain ang ang mga pangyayari noong mga taong 2000.
Nagulat ako isang hapon na pumunta ako sa publication. Nakita kong nagsasalitang mag-isa sa waiting area ang isang writer/artist. Nagtaka ako, sinong kinakausap nito. Mamaya-maya ay dumating ang isa pang kakilalang illustrator, napansin din niya. Nagkatinginan kami. Kaya sumimple siya ng bulong sa akin, “Hindi kaya nabaliw na ‘yan dahil wala nang masingil.” Sabay ngisi na parang aso.
Kaya may katibayan na ako, may literal na nabaliw na sa komiks. Hindi ko lang alam kung nasaan na siya ngayon.
6 Comments:
It's a sad, but a true story Randy. Nasa loob ka noon kaya alam ko na totoong lahat ang sinabi mo. Salamat na lang at noong panahong magsimula akong magsulat hanggang sa ito ay malagutan ng hininga, "sideline" ko lang at "outlet" bilang isang writer ang pagsusulat ko sa komiks. I had a decent job with fix income noon na pantawid gutom ko sa aking pamilya. Pero sa totoo lang, napakalaking tulong noon ang kinikita ko sa komiks dahil, I built my own house na sa "katas ng komiks" ko lang kinuha. May mga kilala rin akong writer/illustrator noon na mas malaki pa sa empleado ng bangko ang kinikita pero dahil hindi naging masinop sa pera, goodtime dito goodtime doon kapag may malaki silang nasingil. Nang magsimulang maghingalo ang komiks dito na sila nataranta lalo pa't ito lang ang kanilang "bread and butter." Hindi rin nila naisip na maghulog man lang ng kanilang SSS para sana pagdating ng panahon, meron silang aasahan kahit konti.Ngayon ay napagkukuwentuhan na lamang natin ang nagdaang panahon na iyon pero isa itong karanasang maaaring kapulutan ng aral at relevant pa rin sa kasalukuyang panahon, sa kahit anong propesyon nating ginagalawan
Nung lumipat na ang Funny Komiks noon sa loob ng GASI compound doon na rin ako naniningil ng pera ko sa Funny parang pahirapan na rin noon nakita ko pa nga si Mr. Baggy Florecio na nagmamaktol sa sa isang tabi di yata nakasingil ng maayos at nagkatabi pa kami noon sa basketball court ng Atlas Pub. nagmamaktol din sa Happy Komiks di rin yata nabayaran ng maayos.
nakaka awa naman yung nabaliw... anong pangalan nun? (tsismosa no?)haha
Tundra--
secret hehehe.
Kaibigang Valiente:
Dati na sigurong may TUPAC (SHAKUR) yung writer/artist na iyon. Kaya maski hindi nagiba ang komiks, magsasalita pa rin iyon sa sarili niya.
Pero hindi nga birong pighati ang inabot ng grupo ninyo sa komiks. Alam mo bang kapag ini-imagine ko ang mga eksenang binabanggit ninyo, lalo na yung mga isiniwalat ng Back street boys, namely: Arman Francisco, Galo Ador, Ron Mendoza & Jeffrey Ong – parang SURREAL work ito. Masahol pa sa surrealistic painting ni Bolivian artist Benjamin Mendoza y Amor, o mas nakakabaliw pa sa surrealistic writing ni Franz Kafka.
Kapuri-puri ang inyong mga tibay ng loob at determinasyon. Sa kabila ng animo'y wala nang hanggang kadiliman ng gabi, ay bumangon kayo sa nakasisilaw na sikat ng araw kinabukasan.
Diayata't pati pala itong mapagpatawang Romy Lizada ay naging bahagi rin ng pagkagunaw ng komiks!
Mga astig kayo! Saludo ako. Basta, wala silang laban dito.
Malamang, shocking sa maraming bumibisita sa iyong blog ang iyong isiniwalat. But let me tell you one very sad truth: early 1980's ay nangyayari na ang bagay na iyan.
So sad talaga, di ba?
Nag-stick ako sa pasulatan na may malinis na rekord, i.e. walang ganoong klaseng kabulukan, I mean kabalbalan, na nangyayari. Then, a few years later, napunta ako sa ibang genre ng sulatin although I made it a point to write a comics script or two in a month. I did not need the money, iyong kita sa komiks, I just wanted to keep in touch with the komiks people who were, still are, my friends.
Nitong nakalipas na ilang taon ko na lamang nalaman na noong mga panahong binanggit mo, maging ang pasulatan na napakalapit sa puso ko ay nagkaroon din pala ng isa-dalawang editors na gumawa ng hindi matitinong bagay.
So sad talaga.
Pero kung may isang gagawa (attention: Fermin and Randy) ng maituturing na definitive na kasaysayan ng komiks at mga taga-komiks sa Pilipinas, ang pananaw ko ay dapat na isama maging ang hindi magandang ginawa ng ilang editors sa industriya. Ito'y hindi para husgahan sila kung hindi para lang magkaroon ng kumpletong perspective ang mga tutunghay sa kasaysayan.
Post a Comment
<< Home