Saturday, September 05, 2009

FERNANDO AMORSOLO

Habang nasa waiting area ako ng isang kumpanya noong isang araw ay may napansin ako sa mga kuwadrong nakasabit sa dingding. Dalawang lumang kuwadro na may drawing ang hindi maalis sa paningin ko dahil ang ganda ng pagkakagawa. Rough sketches lang ang mga ito na parang preliminary studies para sa painting.

Alam ko agad na mahusay ang gumawa dahil halata sa hagod ng lapis. Hindi takot sa linya at alam na alam ang ginagawa. Sabi ko sa isip, "Lapis pa lang ang ganda nang tingnan. Pa'no pa kaya kung nalagyan na ito ng pintura."

Ilang minuto akong nakaupo sa harapan ng mga kuwadro at naghihintay para tawagin sa meeting. Hindi ako mapakali at gusto kong makita nang malapitan ang mga drawing. Nanlaki ang mga mata ko nang mabasa sa ilalim ng mga drawings ang gumawa: F. Amorsolo 1957.

Pamilyar ako sa mga paintings ni Amorsolo na ilang beses ko ring na-encounter noong mahilig pa akong magtitingin ng mga paintings sa mga Filipino books. Pero hindi ako gaanong nakakakita ang kanyang mga rough sketches, lalo pa't original.

Sabi nga ng mga batikang artist, makikilala mo ang mahusay na pintor (o illustrator) kung paano sila maglapis.

Si Amorsolo ang kauna-unahang National Artist sa Pilipinas, at ito ang mababasa sa kanyang website tungkol sa paglalapis: 'As with the traditional classicists, he believed that the foundation of the finished painting was built not upon the first brush strokes but the initial drawings that should precede them. He painstakingly drew multiple studies, repeatedly revising and correcting the previous output until he arrived at a satisfactory result. Amorsolo’s drawings remind us that painting is not just a reverberation of one’s soul but must involve the analytical structuring of one’s eye.'

Noong nasa college pa ako at 'social realism' pa ang gusto kong painting, hindi ko gaanong pinapansin ang mga trabaho ni Amorsolo dahil karamihan ng kanyang mga subject ay hindi katanggap-tanggap sa mga social realist painters. Karamihan ng kanyang mga paintings ay nagpapakita ng mga tanawin sa baryo, lalo na sa mga bukirin, na parang laging may fiesta- nagsasayawan ang mga tao, nagluluto ng lechon, nagkakainan- na para bang wala silang problema sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Hindi ka makakakita ng mga magsasakang pinapawisan o kaya nahihirapan sa trabaho. Para bang napakagaan at napakasagana ng buhay sa Pilipinas, lalo na sa mga baryo at sakahan, sa mga paintings niya.

Ngunit sa lahat ng mga ganitong uri ng kritisismo, nananatiling maestro si Amorsolo para sa akin sa paggamit ng lapis at ng kulay. Anuman ang ipinakita niya sa kanyang mga trabaho ay malinaw na isa siyang tunay na alagad ng sining sa mundo ng biswal.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home