Friday, April 23, 2010

ELEKSYON NA

Ayon sa isang kanta ni Jess Santiago, may tatlo daw panahon sa Pilipinas: tag-araw, tag-ulan, at eleksyon. Paano nga namang hindi, alam na alam mo kapag malapit na ang eleksyon. Nagkalat na sa paligid ang banderitas, posters, tarpaulin ng mga kandidato. Puro pulitika na rin ang laman ng balita. Kumbaga, kung sakali mang may importante kang gagawin, ipagpaliban mo muna dahil tiyak na maaapektuhan ng eleksyon. Patapusin mo muna.

Wala ka na ring mababalitaan ngayon kundi pabanguhan at siraan ng mga kandidato. Ang masakit, mayroon pang patayan. Hindi ko makuha ang logic na: para ka lang makapagsilbi sa tao ay papatay ka ng tao. Alam na alam mo talaga na ang motibo ay hindi para magsilbi kundi kumuha lang ng kapangyarihan.

Pero isa sa pinaka-interesting para sa akin kapag dumadating ang ganitong panahon ay ang pagkolekta ko ng komiks ng mga kandidato. Kaunti pa lang ang nakukuha ko ngayon, mahirap kasi talagang tyempuhan. Kaya kung meron man kayong makuhang komiks ng pulitiko, pakibigyan na rin ninyo ako.

Pero bukod sa komiks ay mayroon pang mga nakatutuwang ipinamimigay ang mga kandidato. gaya nitong 'mani' na nakuha ko kagabi galing sa isang kaibigan.

Ito naman ay 'candy' ni GMA na hindi ko na lang kinain at idinagdag ko na lang sa koleksyon ko. Ipinamigay ito noong nakaraang eleksyon kung saan mahigpit niyang kalaban si FPJ.

Ilang linggo na lang at botohan na. At may aaminin ako sa inyo, hanggang ngayon ay hindi pa ako makapag-decide kung sino ang iboboto ko. Mahirap mamili, lalo na kung umaasa ka sa taong sana ay makapagdulot ng maganda sa Pilipinas.

Karapatan nating mamuhay ng maayos at tama. Pero kung ang naririnig lang natin sa mga pulitiko ngayon ay bangayan at siraan, at wala man lang mga malinaw na platapormang inilalatag, para na lang ulit tayong nagtapon ng boto.

1 Comments:

At Friday, April 23, 2010 8:31:00 PM, Anonymous ROMIWORKS® Studios said...

sa eleksyon diyan sila magaling mas gumagastos ng malaki pero sa bayan wala naman naitutulong malakas pa magnakaw.... PWE!

 

Post a Comment

<< Home